“Hunyo 17–23: ‘Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao.’ Alma 8–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Hunyo 17–23. Alma 8–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Hunyo 17–23: Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao
Alma 8–12
Ang gawain ng Diyos ay hindi mabibigo. Ngunit ang mga pagsisikap nating tumulong sa Kanyang gawain kung minsan ay tila bigo—kahit paano, maaaring hindi natin kaagad makita ang mga resultang inaasam natin. Maaaring pakiramdam natin ay medyo katulad tayo ni Alma nang ipangaral niya ang ebanghelyo sa Ammonihas—tinanggihan, dinuraan, at itinaboy. Subalit nang sabihan siya ng isang anghel na bumalik at muling subukan, buong tapang na “mabilis [na] bumalik” si Alma (Alma 8:18), at naghanda ng daan ang Diyos para sa kanya. Hindi lamang Niya binigyan ng makakain at matitirhan si Alma, kundi inihanda rin Niya si Amulek, na naging kapwa manggagawa, isang matapang na tagapagtanggol ng ebanghelyo, at tapat na kaibigan. Kapag nahaharap tayo sa mga problema at kabiguan habang naglilingkod tayo sa kaharian ng Panginoon, maaari nating alalahanin kung paano sinuportahan at ginabayan ng Diyos si Alma, at maaari tayong magtiwala na susuportahan at gagabayan din tayo ng Diyos, maging sa mahihirap na sitwasyon.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Ang mga pagsisikap kong ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring mangailangan ng pagtitiyaga.
Nasubukan mo na bang ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa isang tao, pero hindi tinanggap ang iyong paanyaya? Naranasan din iyon ni Alma. Ano ang matututuhan mo mula sa kanya sa Alma 8:13–16 tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa kabila ng mga hamon at oposisyon? Patuloy na basahin ang mga talata 17–32, at maghanap ng mga parirala na naghihikayat sa iyo na patuloy na ibahagi ang ebanghelyo, kahit tila hindi ka nagtatagumpay.
Ang mga propeta at apostol ay mga natatanging saksi ni Cristo, kaya napakarami nilang maibabahaging inspiradong payo tungkol sa pagpapatotoo sa Kanya. Tingnan ang sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf sa “Pero Paano Kung Mahirap?” (isang bahagi sa “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 18) o ang ibinahagi ni Elder Gary E. Stevenson sa “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya” (Liahona, Mayo 2022, 84–87). Ano ang nakikita mo roon na makakatulong sa isang tao na nagsisimulang panghinaan-ng-loob tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo?
Paano mo ibubuod ang lahat ng napag-aralan mo rito sa isa o dalawang nakahihikayat na pahayag tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo? Isiping gumawa ng poster o meme na maaaring maghikayat sa iyo (at sa iba) na patuloy na magsikap.
Tingnan din sa “Tulungan Akong Magturo,” Mga Himno, blg. 159; “Iniutos ng Isang Anghel kay Alma na Bumalik sa Ammonihas” (video), Gospel Library; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Gawaing Misyonero,” Gospel Library.
Ang mga pagpapala ng Diyos ay may kaakibat na malaking responsibilidad.
Kapag binasa mo ang tungkol sa paraan ng pagtrato ng mga Nephita sa Ammonihas sa mga lingkod ng Panginoon, madaling malimutan na minsa’y ipinamuhay nila ang ebanghelyo at sila ay “labis na pinagpalang mga tao ng Panginoon” (Alma 9:20). Habang nagbabasa ka tungkol sa malalaking pagpapalang ibinigay ng Diyos sa mga tao ni Nephi (tingnan lalo na sa Alma 9:14–23), pagnilayan ang malalaking pagpapalang naibigay Niya sa iyo. Anong mga responsibilidad ang kaakibat ng mga pagpapalang ito? Ano ang ginagawa mo para manatiling tapat sa mga responsibilidad na ito?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 50:24; 82:3; 93:39.
Ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng pagtubos.
Sa Alma 11–12, tinukoy nina Alma at Amulek ang plano ng Diyos bilang plano ng pagtubos. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, pagnilayan kung bakit ginamit ang salitang pagtubos para ilarawan ang plano ng Diyos. Isiping sumulat ng isang maikling buod ng itinuro nina Alma at Amulek tungkol sa sumusunod na mga aspeto ng plano:
-
Ang Pagkahulog
-
Ang Manunubos
-
Pagsisisi
-
Kamatayan
-
Pagkabuhay na Mag-uli
-
Paghuhukom
Pansinin ang epekto ng mga salita ni Amulek sa mga tao (tingnan sa Alma 11:46). Paano nakakaapekto sa iyo ang kaalaman tungkol sa plano ng Diyos?
Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Ang Dakilang Plano,” Liahona, Mayo 2020, 93–96; “Nagpatotoo si Amulek tungkol kay Jesucristo” (video), Gospel Library.
Kung hindi ko patitigasin ang puso ko, mas marami pa akong matatanggap na salita ng Diyos.
Maaaring magtaka ang ilang tao kung bakit hindi ipinaaalam sa atin ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay. Sa Alma 12:9–14, ipinaliwanag ni Alma ang isang posibleng dahilan. Maaaring makatulong sa iyo ang mga tanong na ito na pagnilayan ang kanyang itinuro:
-
Ano ang ibig sabihin ng patigasin ang iyong puso? Ano ang mga resulta ng pagkakaroon ng matigas na puso? (tingnan din sa Alma 8:9–11; 9:5, 30–31; at 10:6, 25).
-
Ano ang magagawa mo para maibaling ang puso mo sa Diyos? (tingnan sa Jeremias 24:7; Alma 16:16; Helaman 3:35).
-
Ano ang magagawa mo upang matiyak na ang salita ng Diyos ay “[ma]tagpuan sa [iyo]”? (Alma 12:13). Kapag nasa iyo ang salita ng Diyos, ano ang epekto nito sa iyong “mga salita,” “mga gawa,” at “mga iniisip”? (Alma 12:14).
Ano ang itinuturo sa iyo ng karanasan ni Amulek tungkol sa mga pagpapala ng pagkakaroon ng malambot na puso? (tingnan sa Alma 10:1–11).
Tingnan din sa “Binalaan ni Alma si Zisrom” (video), Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Maaari kong ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay makakatulong sa iyo na ibuod ang mga pangyayari sa Alma 8–10 para sa iyong mga anak. Maaari mo silang tulungang makahanap ng mga alituntunin na naging dahilan para maging mabubuting missionary sina Alma at Amulek. Halimbawa, hindi sila sumuko (tingnan sa Alma 8:8–13), nagpatotoo sila tungkol kay Cristo (tingnan sa Alma 9:26–27), at magkasama silang gumawa (tingnan sa Alma 10:12).
-
Ang isang awitin tungkol sa gawaing misyonero, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 90) ay makapagbibigay sa iyong mga anak ng mga ideya tungkol sa mga paraan para maibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan. Anyayahan silang ilista ang mga ideyang mahahanap nila at ang mga taong mababahaginan nila ng ebanghelyo. Maaari mo pa nga silang hayaang isadula kung ano ang maaari nilang sabihin o gawin.
Ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng pagtubos.
-
Marahil ay maaaring magdrowing ang iyong mga anak ng isang larawan na kumakatawan sa mga alituntunin ng plano ng pagtubos, tulad ng Pagkahulog nina Adan at Eva, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, pagsisisi, kamatayan, pagkabuhay na mag-uli, at paghuhukom. Pagkatapos ay maaari mo silang tulungang itugma ang kanilang mga larawan sa mga talata sa Alma 11–12 na nagtuturo tungkol sa mga alituntuning ito.
Maaari akong maging mabuting kaibigan.
-
Anyayahan ang isang bata na magkunwaring si Amulek at ang isa pang bata na magkunwaring si Alma habang isinasalaysay mo ang kuwento sa Alma 8:18–22. Paano naging mabuting kaibigan ni Alma si Amulek? Pagkatapos ay maaaring ibahagi ng iyong mga anak kung paano sila kinaibigan ng isang tao at ano ang ipinadama sa kanila ng karanasang iyon.
-
Maaari ka sigurong gumawa ng isang puzzle ng pagkakaibigan: maghanap o magdrowing ng isang larawang kumakatawan sa pagkakaibigan at gupitin ito at gawing mga piraso ng puzzle. Sa likod ng bawat piraso, isulat ang isang bagay na magagawa natin para maging mabuting kaibigan, kabilang na ang mga bagay na ginawa nina Alma at Amulek. Maaaring maghalinhinan ang iyong mga anak sa pagpili ng isang piraso at pagdaragdag nito sa puzzle habang binabasa mo ang nakasulat sa likod nito. Sino ang nangangailangan ng ating pakikipagkaibigan?
Dahil kay Jesucristo, ako ay mabubuhay na mag-uli.
-
Isipin ang isang object lesson na tulad ng isang ito para magturo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli: ang kamay mo ay maaaring kumatawan sa iyong espiritu, at ang isang guwantes ay maaaring kumatawan sa iyong katawan. Ilabas ang kamay mo mula sa guwantes para ipakita na ang ating espiritu at katawan ay maghihiwalay sa kamatayan. Pagkatapos ay muling ipasok ang kamay mo sa guwantes para ipakita na ang ating espiritu at katawan ay magsasamang muli sa Pagkabuhay na Mag-uli. Hayaang maghalinhinan ang iyong mga anak sa pagsusuot at pagtatanggal ng guwantes habang binabasa mo ang Alma 11:43 sa kanila. Idispley ang isang larawan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59), at magpatotoo na ginawang posible ni Jesucristo na mabuhay na mag-uli ang lahat.