“Hunyo 3–9: ‘Sila ay Naging Matatag at [Hindi] Natitinag.’ Mosias 29–Alma 4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)
“Hunyo 3–9. Mosias 29–Alma 4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)
Hunyo 3–9: “Sila ay Naging Matatag at [Hindi] Natitinag”
Mosias 29–Alma 4
Maaaring ang tingin ng ilan sa panukala ni Haring Mosias na palitan ng inihalal na mga hukom ang mga hari ay isa lamang matalinong reporma sa pulitika. Pero para sa mga Nephita, lalo na sa mga nabuhay sa ilalim ng pamumuno ng masamang si Haring Noe, ang pagbabagong ito ay mayroon ding espirituwal na kahalagahan. Nakita nila kung paano naimpluwensyahan ng isang masamang hari ang kanyang mga tao, at sila ay “labis na nanabik” na makalaya sa impluwensyang iyon. Dahil sa pagbabagong ito sila ay magiging responsable para sa sarili nilang kabutihan at “mananagot sa [kanilang] sariling mga kasalanan” (Mosias 29:38).
Mangyari pa, ang katapusan ng pamumuno ng mga hari ay hindi nangahulugan ng katapusan ng mga problema sa lipunan ng mga Nephita. Sinuportahan ng mga tusong tulad nina Nehor at Amlici ang mga maling ideya, inusig ng mga walang pananampalataya ang mga Banal, at naging mayabang at tumalikod sa Simbahan ang maraming miyembro ng Simbahan. Pero “ang mga mapagpakumbabang [alagad] ng Diyos” ay nanatiling “matatag at [hindi] natitinag” sa kabila ng nangyari sa paligid nila (Alma 4:15; 1:25).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
Maaari akong maging mabuting impluwensya sa aking komunidad.
Sa ikalimang taon pa lang ng panunungkulan ng mga hukom, nagkaroon na ng krisis na susubok sa pahayag ni Mosias na karaniwa’y pipiliin ng tinig ng mga tao ang tama (tingnan sa Mosias 29:26). Pag-aralan ang Alma 2:1–7 para malaman kung ano ang naging isyu at ano ang ginawa ng mga Nephita tungkol doon. Ano kaya ang nangyari kung hindi naiparinig ng “mga tao ng simbahan” ang kanilang tinig? Ano pa ang matututuhan mo mula sa salaysay na ito kung paano nais ng Panginoon na makibahagi ka sa iyong komunidad? (tingnan din sa Mosias 29:26–27).
Ano ang mahahalagang isyung kinakaharap ng inyong komunidad? Isipin kung paano mo matitiyak, tulad ng mga Nephita, na mapabilang ang tinig mo sa “tinig ng mga tao.” Sa anong iba pang mga paraan mo maiimpluwensyahan, bilang alagad ni Jesucristo, ang inyong komunidad para sa kabutihan?
Tingnan din sa Dallin H. Oaks, “Mahalin ang Inyong mga Kaaway,” Liahona, Nob. 2020, 26–29.
Matutulungan ako ng salita ng Diyos na makilala ang maling doktrina.
Bagama’t kalaunan ay inamin ni Nehor na mali ang itinuro niya, patuloy na nakaimpluwensya ang kanyang mga turo sa mga Nephita sa loob ng maraming taon. Sa palagay mo, bakit ginusto ng mga tao ang itinuro ni Nehor? Sa Alma 1:2–6, hanapin ang mga kasinungalingan sa mga turo ni Nehor—at ang mga katotohanang ginamit niya para itago ang mga kasinungalingang iyon.
Napangatwiranan ni Gedeon si Nehor “sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos” (Alma 1:7, 9). Narito ang ilang talata sa banal na kasulatan na nagsasabing bulaan ang mga maling turo ni Nehor: Mateo 7:21–23; 2 Nephi 26:29–31; Mosias 18:24–26; at Helaman 12:25–26. Subukang ibuod ang bawat sipi ng banal na kasulatan. Ano ang natutuhan mo mula sa mga buhay na propeta na nagsasabing bulaan ang mga maling turo sa ating panahon?
Ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo ay “mga mapagpakumbabang [alagad] ng Diyos.”
Ang mga kabanata 1 at 4 ng Alma ay naglalarawan sa mga panahon na umunlad ang Simbahan, pero iba ang pagtugon ng mga miyembro ng Simbahan sa pag-unlad na iyon. Halimbawa, ikumpara ang Alma 1:19–30 sa Alma 4:6–15 para makita kung paano nagbago ang mga miyembro ng Simbahan sa loob lamang ng ilang taon. Batay sa nabasa mo, ano ang pakiramdam ng mga tunay na alagad ni Jesucristo tungkol sa mga taong iba ang paniniwala? Ano ang saloobin ng tunay na mga alagad ni Cristo sa mga kayamanan at kasaganaan? Ano ang nahihikayat kang baguhin tungkol sa sarili mong saloobin?
Maaaring baguhin ng aking halimbawa at patotoo ang mga puso.
Makakaugnay ka siguro sa kalungkutang nadama ni Alma nang makita niya ang nangyayari sa kanyang mga tao. Hanapin ang mga problemang nakita niya sa Alma 4:6–15. May napansin ka na bang anumang mga problema na katulad nito? Marahil ay nag-aalala ka sa isang mahal sa buhay na nahihirapan sa mga problemang ito. Naisip mo na ba kung ano ang posible mong gawin para makatulong?
Maaaring sabihin ng ilan na si Alma, bilang punong hukom, ang pinakamainam na taong makakalutas sa mga problemang ito. Ngunit nadama ni Alma na may mas mainam na paraan. Habang binabasa mo ang mga talata 16–20, ano ang hinahangaan mo tungkol sa pamamaraan ng pagtulong niya sa kanyang mga tao?
Si Alma ay may malaking pananampalataya sa salita ng Diyos at “dalisay na patotoo” (talata 19). Ano ang nakita mong mga halimbawa ng bisa ng dalisay na patotoo? Habang pinagninilayan mo ang iba’t ibang paraan na maibabahagi mo ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, maaari mong basahing muli ang Alma 4:6–14. Ano ang inihahayag ng mga kilos ng mga miyembro ng Simbahan sa mga talatang ito tungkol sa kanilang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo? Ano ang napapansin mo tungkol sa epekto ng kanilang mga kilos—sa sarili nila at sa iba? Maaari ka ring mag-isip ng mga paraan na napagpala ka ng dalisay na patotoo ng ibang mga tao, ibinahagi man ito sa pamamagitan ng mga salita o kilos.
Mag-isip ng mga paraan na maibabahagi mo ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo—sa mga salita o gawa. Sino ang makikinabang sa iyong patotoo?
Tingnan din sa Gary E. Stevenson, “Pangalagaan at Ibahagi ang Inyong Patotoo,” Liahona, Nob. 2022, 111–14; “Patotoo,” Mga Himno, blg. 79; “Nagbitiw si [Nakababatang] Alma bilang Punong Hukom” (video), Gospel Library; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Paghahayag,” Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Matutulungan ako ng Panginoon na makilala ang mga maling turo.
-
Ang isang paraan para mapag-aralan ninyo ng iyong mga anak ang Alma 1:2–4 ay tulungan silang gumawa ng quiz na tama o mali gamit ang mga pahayag na itinuro ni Nehor, isang bulaang guro. Pagkatapos ay maaari mo silang kausapin kung bakit madalas haluan ni Satanas ng mga katotohanan ang mga kasinungalingan. Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng ilang halimbawa. Sa mga talata 7–9, paano napaglabanan ni Gedeon ang mga kasinungalingan ni Nehor? (Tingnan din sa “Kabanata 20: Sina Alma at Nehor,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 54–55.)
Bilang miyembro ng Simbahan, mahal at pinaglilingkuran ko ang ibang tao.
-
Ang ilang miyembro ng Simbahan ng Panginoon noong panahon ni Alma ay bukas-palad at mapagbigay, at ang iba pang mga miyembro ay masama at palalo. Para matulungan ang iyong mga anak na matuto mula sa mga karanasang ito, maaari ninyong sama-samang basahin ang Alma 1:27, 30 at ilista ang mga uri ng mga taong tinulungan ng mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon. Sino ang kilala natin na maaaring “nangangailangan” (Alma 1:30) ng ating pagmamahal at tulong? Maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagmamahal at paglilingkod, tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83), at tulungan ang mga bata na umisip ng mga galaw na maaaring bumagay sa awitin.
-
Ano ang dapat nating gawin kapag masungit sa atin ang mga tao? Isiping basahin na kasama ang iyong mga anak kung paano tinrato ang mga alagad ni Cristo sa Alma 1:19–20. Pag-usapan kung paano sila tumugon sa mga talata 22 at 25. Maaari mo sigurong praktisin ang mga paraan ng pagtugon kapag masungit ang iba.
Ang aking patotoo ay maaaring magpalakas sa iba.
-
Kadalasan ang “dalisay na patotoo” (Alma 4:19) ng isang bata ay maaaring magkaroon ng malakas na impluwensya sa iba. Para matulungan ang iyong mga anak na tuklasin ito, maaari mong basahin sa kanila ang Alma 4:8–12, 15, at tulungan silang matukoy ang mga problemang nangyayari sa Simbahan. Ano ang magagawa ni Alma para malutas ang mga problemang ito? Tulungan silang alamin kung ano ang ipinasiyang gawin ni Alma sa Alma 4:16–20. Maaari siguro ninyong ibahagi sa isa’t isa kung paano kayo napalakas ng patotoo ng ibang tao tungkol kay Cristo.
-
Kung kailangan ng iyong mga anak ng mga halimbawa kung ano ang patotoo, isiping magpalabas ng video clip ng isang tagapagsalita sa pangkalahatang kumperensya na nagpapatotoo. Maaari mo ring gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito o sama-sama ninyong kantahin ang isang awitin tulad ng “Patotoo” (Mga Himno, blg. 79). Ano ang matututuhan natin tungkol sa mga patotoo mula sa resources na ito? Hayaang magpraktis ang iyong mga anak sa pagbabahagi ng kanilang patotoo.