“Hunyo 24–30: ‘Pumasok sa Kapahingahan ng Panginoon.’ Alma 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Hunyo 24–30. Alma 13–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Hunyo 24–30: “Pumasok sa Kapahingahan ng Panginoon”
Alma 13–16
Sa maraming paraan, naging mabuti ang buhay sa Ammonihas kapwa para kina Amulek at Zisrom. Si Amulek ay “isang lalaking kilala,” na “maraming kaanak at mga kaibigan” at “maraming kayamanan” (Alma 10:4). Si Zisrom ay isang bihasang abugado na nasiyahan sa “maraming gawain” (Alma 10:31). Pagkatapos ay dumating si Alma na may paanyayang magsisi at “pumasok sa kapahingahan ng Panginoon” (Alma 13:16). Para kina Amulek, Zisrom, at iba pa, ang pagtanggap sa paanyayang ito ay nangailangan ng sakripisyo at humantong pa sa halos di-makayanang paghihirap.
Pero siyempre hindi doon nagtatapos ang kuwento. Sa Alma 13–16, malalaman natin ang mangyayari sa huli sa mga taong naniniwala “sa kapangyarihan ni Cristo tungo sa kaligtasan” (Alma 15:6). Kung minsa’y may kaligtasan, kung minsa’y paggaling—at kung minsa’y hindi nagiging madali ang buhay. Pero sa tuwina, “tinatanggap [ng] Panginoon [ang Kanyang mga tao] sa kanyang sarili, sa kaluwalhatian” (Alma 14:11). Sa tuwina, ang Panginoon ay nagkakaloob ng “kapangyarihan, alinsunod sa [ating] pananampalataya … kay Cristo” (Alma 14:28). At sa tuwina, ang gayong pananampalataya ay nagbibigay sa atin ng “pag-asa na [tayo] ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan” (Alma 13:29). Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, maaaliw ka sa mga pangakong ito, at mas mauunawaan mo ang ibig sabihin ni Alma nang banggitin niya ang pagpasok sa “kapahingahan ng Panginoon” (Alma 13:16).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Itinuturo ako ng mga ordenansa ng priesthood kay Jesucristo upang ako ay matubos.
Ang mga salita ni Alma sa Alma 13 ay naghahayag ng malalaking katotohanan tungkol sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos at sa layunin nito—para ihanda tayo sa pagpasok sa “kapahingahan ng Panginoon,” o sa buhay na walang hanggan (Alma 13:16). Marahil ay maaari mong isulat ang kahit isang katotohanan para sa bawat talata sa Alma 13:1–19. Narito ang ilang ideya para makapagsimula ka:
-
Talata 1.Ang priesthood ay tinatawag ding “orden ng Anak ng Diyos” (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:1–4).
-
Talata 2.Ang Diyos ay nag-oorden ng mga saserdote para tulungan ang mga tao na umasa sa Kanyang Anak para matubos.
Ano pa ang nakikita mo? Ano ang pakiramdam mo tungkol sa priesthood habang pinagninilayan mo ang mga katotohanang ito?
Naisip mo na ba ang tungkol sa mga ordenansa ng priesthood bilang kaloob mula sa Diyos para tulungan kang “asamin ang kanyang Anak para sa pagtubos”? (talata 2; tingnan din sa talata 16). Maaari mo sigurong ilista ang mga ordenansang natanggap mo na, tulad ng binyag, kumpirmasyon, sakramento, pagtatalaga sa isang calling, isang basbas ng kapanatagan o pagpapagaling, isang patriarchal blessing, at mga ordenansa sa templo. Pagnilayan ang mga karanasan mo sa mga ordenansang katulad nito. Isipin ang simbolismo nito at ang Espiritung nadama mo. Paano ka itinuturo ng bawat isa sa mga ordenansang ito kay Jesucristo para matubos?
May mga taong nagkakamali sa paniniwala na ang mga ordenansa—at ang awtoridad ng priesthood para isagawa ang mga iyon—ay hindi kailangan. Paano ka tutugon sa ideyang iyon? Narito ang dalawang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na maaaring magbigay-kaalaman sa iyong pag-iisip; pumili ng isa, at isulat ang anumang sagot na maiisip mo: Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 76–79; Dale G. Renlund, “Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2017, 64–67.
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22; Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Tipan,” Gospel Library.
Inaanyayahan ako ng Panginoon na pumasok sa Kanyang kapahingahan.
Ang paanyayang “pumasok sa kapahingahan ng Panginoon” (Alma 13:16) ay madalas ulitin sa Alma 13. Maaari mo sigurong hanapin ang bawat talata kung saan lumilitaw ang salitang “kapahingahan” at pagnilayan kung ano ang itinuturo sa iyo ng bawat talata tungkol sa maaaring kahulugan ng “kapahingahan ng Panginoon.” Paano ito naiiba sa pisikal na kapahingahan? Paano natin ito matatagpuan?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95–98; “Magsipaglapit kay Jesucristo,” Mga Himno, blg. 68.
Sa mga panahon ng pagdurusa, kailangan nating magtiwala sa Panginoon.
Maaari kang magtaka, tulad ng marami, kung bakit nangyayari ang mga kakila-kilabot na bagay sa mga taong nagsisikap na mamuhay nang matwid. Maaaring hindi mo matagpuan ang lahat ng sagot sa mahirap na tanong na ito sa Alma 14, pero maraming matututuhan sa paraan ng pagtugon nina Alma at Amulek sa trahedya. Ano ang itinuturo sa iyo ng kanilang mga salita at kilos kung bakit tinutulutan ng Panginoon kung minsan na magdusa ang mga taong matwid? Anong payo ang maaaring ibigay sa atin nina Alma at Amulek kapag dumaranas tayo ng mahihirap na pagsubok?
Tingnan din sa Roma 8:35–39; 1 Pedro 4:12–14; Doktrina at mga Tipan 122:5–9; Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 41–45.
Ang pagkadisipulo ay nangangailangan ng sakripisyo.
Maaaring nakakatuwang gumawa ng listahan ng mga bagay na tinalikuran ni Amulek para tanggapin ang ebanghelyo (tingnan sa Alma 10:4–5; 15:16) at ikumpara ito sa isang listahan ng kanyang natamo (tingnan sa Alma 15:18; 16:13–15; 34:8). Ano ang handa mong isakripisyo para maging mas matapat na disipulo ni Jesucristo?
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Dahil ang Linggong ito ang ikalimang Linggo ng buwan, hinihikayat ang mga guro sa Primary na gamitin ang mga aktibidad sa pag-aaral sa “Apendiks B: Paghahanda sa mga Bata para sa Habambuhay na Pagtahak sa Landas ng Tipan ng Diyos.”
Tinutulungan ako ng kapangyarihan ng priesthood na mas mapalapit kay Cristo.
-
Ang isang paraan para matulungan ang iyong mga anak na makita kung paano tayo itinutuon ng kapangyarihan ng priesthood kay Cristo ay ang ipakita sa kanila ang mga larawan ng mga paraan na ginagamit ang kapangyarihan ng priesthood (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103–110). Maaari kang tulungan ng iyong mga anak na mag-isip ng mga paraan na ginamit ni Jesus ang Kanyang kapangyarihan (tingnan, halimbawa, sa Mateo 26:26–28; Marcos 5:22–24, 35–43; Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 38–41). Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang Alma 13:2 nang sama-sama at pag-usapan kung paano tayo tinutulungan ng kapangyarihan ng priesthood na “asamin ang Anak ng Diyos” at maging higit na katulad Niya.
-
Bakit tayo binigyan ng Diyos ng mga ordenansa ng priesthood? Tulungan ang iyong mga anak na makahanap ng sagot sa Alma 13:16. Kung kailangan nila ng tulong na alamin kung ano ang ordenansa, may mga listahan sa Pangkalahatang Hanbuk, 18.1 at 18.2. Maaari siguro ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang inyong mga karanasan sa pagtanggap ng mga ordenansang ito. Paano tayo tinutulungan ng mga ito na “umasa [kay Jesucristo] para sa kapatawaran ng [ating] mga kasalanan”? Ang isang awiting tulad ng “Sa Aking Pagkabinyag” (Aklat ng mga Awit Pambata, 53) ay makakatulong sa iyong mga anak na mag-isip ng iba pang mga dahilan para magpasalamat para sa mga ordenansa ng priesthood.
Maaari akong linisin ni Jesucristo.
-
Matapos basahin nang sama-sama ang mga talatang ito, mag-isip ng mga paraan para matulungan ang iyong mga anak na ilarawan sa isipan ang itinuturo nila. Maaari siguro ninyong magkakasamang linisin ang isang bagay. Ano ang pakiramdam natin kapag marumi tayo? Ano ang pakiramdam natin kapag naging malinis tayong muli? Paano kapareho ang mga pakiramdam na ito ng pakiramdam natin kapag nagkakasala tayo at pagkatapos ay nagsisisi at nagiging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
Pinalalakas ako ng Ama sa Langit kapag nananampalataya ako kay Jesucristo.
-
Ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito ay maaaring makatulong sa iyo—o sa iyong mga anak—na isalaysay ang kuwento sa Alma 14:18–29 (tingnan din sa “Kabanata 22: Ang Misyon ni Alma sa Ammonihas,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 58–63). Bigyang-diin na sina Alma at Amulek ay binigyan ng lakas dahil sa kanilang “pananampalataya na [na kay Cristo]” (Alma 14:26). Maaari mo ring banggitin ang isang pagkakataon na binigyan ka ng Diyos ng lakas “alinsunod sa [iyong] pananampalataya.” Paano tayo maaaring maging tapat na tulad nina Alma at Amulek?
Maaaring baguhin ni Jesucristo ang mga puso.
-
Ang pagbabago ng puso ni Zisrom sa pamamagitan ni Jesucristo ay nagbibigay-inspirasyon. Isiping rebyuhin kasama ng iyong mga anak kung ano ang natutuhan nila noong nakaraang linggo tungkol kay Zisrom. Pagkatapos ay sama-sama ninyong basahin ang Alma 15:3–12 para tuklasin kung paano siya nagbago. Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Zisrom tungkol sa kapangyarihan ng Panginoon? (tingnan sa “Si Zisrom ay Gumaling at Nagpabinyag” [video], Gospel Library).