Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 10–16: “Inyo Bang Naranasan ang Malaking Pagbabagong Ito sa Inyong mga Puso?” Alma 5–7


“Hunyo 10–16: ‘Inyo bang Naranasan ang Malaking Pagbabagong Ito sa Inyong mga Puso?’ Alma 5–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Hunyo 10–16. Alma 5–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

si Nakababatang Alma na tinuturuan ang mga Zoramita

si Nakababatang Alma na tinuturuan ang mga Zoramita

Hunyo 10–16: “Inyo Bang Naranasan ang Malaking Pagbabagong Ito sa Inyong mga Puso?”

Alma 5–7

Walang alam si Alma tungkol sa mga heart transplant surgery na nakapagliligtas ng buhay ngayon, na pinapalitan ng malusog na puso ang pusong napinsala o nagkaroon ng sakit. Pero alam niya na may mas mahimalang “pagbabago ng puso” (Alma 5:26)—kung saan binibigyan tayo ng Tagapagligtas ng panibagong espirituwal na buhay, tulad ng “[ma]isilang na muli” (tingnan sa Alma 5:14, 49). Nakita ni Alma na ang pagbabagong ito ng puso ang mismong kinailangan ng marami sa mga Nephita. Ang ilan ay mayayaman at ang iba ay mga maralita, ang ilan ay mayayabang at ang iba ay mapagpakumbaba, ang ilan ay nang-uusig at ang iba ay inuusig (tingnan sa Alma 4:6–15). Ngunit kinailangan nilang lahat na lumapit kay Jesucristo upang mapagaling—tulad nating lahat. Hinahangad man nating daigin ang kayabangan o tiisin ang mga paghihirap, iisa ang mensahe ni Alma: “Halina at huwag matakot” (Alma 7:15). Hayaang baguhin ng Tagapagligtas ang isang matigas, makasalanan, o sugatang puso at gawin itong mapagpakumbaba, dalisay, at bago.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

Alma 5:14–33

Kailangan kong maranasan—at patuloy na madama—ang malaking pagbabago ng puso.

Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard: “Kailangan kong itanong palagi sa sarili ko, ‘Kumusta na ako?’ … Para magabayan ako sa pribado at personal na pagsusuring ito, gusto kong basahin at pagnilayan ang mga salita na sumusuri sa sarili nating buhay sa ikalimang kabanata ng Alma” (“Makabalik at Makatanggap,” Liahona, Mayo 2017, 64).

Isiping basahin ang Alma 5:14–33 na para bang iniinterbyu mo ang sarili mo at sinusuri ang puso mo. Maaari mong itala ang mga sagot mo sa mga tanong. Ano ang natututuhan mo tungkol sa iyong sarili? Ano ang nahihikayat kang gawin bilang resulta ng iyong interbyu?

Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Pagpepreserba ng Malaking Pagbabago ng Puso,” Liahona, Nob. 2009, 97–99.

babaeng nagdarasal sa tabi ng higaan

Kapag bumaling tayo sa Diyos, makadarama tayo ng “pagbabago ng puso.”

Alma 5:44–51

Maaari akong magtamo ng sarili kong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Sa Alma 5, nang ipaliwanag ni Alma kung paano niya natamo ang kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas, hindi niya binanggit ang kanyang karanasan na nakakita siya ng anghel (tingnan sa Mosias 27:10–17). Paano nalaman ni Alma ang katotohanan para sa kanyang sarili? Marahil ay maaari mong gamitin ang nalaman mo sa Alma 5:44–51 para sumulat ng isang “resipe” sa pagtatamo ng patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo. Anong “mga sangkap” (mga katotohanan ng ebanghelyo) at “mga tagubilin” (mga bagay na magagawa natin para maghanap ng katotohanan) ang isinama ni Alma? Anong “mga sangkap” at “mga tagubilin” ang maaari mong idagdag sa iyong resipe mula sa sarili mong mga karanasan o sa iba pang mga karanasan sa mga banal na kasulatan?

Alma 7

“Nahihiwatigan ko na kayo ay nasa mga landas ng kabutihan.”

Kung minsa’y katulad tayo ng mga tao sa Zarahemla, na kinailangang sabihang magsisi (tingnan sa Alma 5:32). Sa ibang mga pagkakataon, mas katulad tayo ng mga tao ng Gedeon, na nagsisikap na lumakad “sa mga landas ng kabutihan” (Alma 7:19). Ano ang nakikita mo sa mensahe ni Alma sa Gedeon (sa Alma 7) na kapareho ng sinabi niya sa Zarahemla (sa Alma 5)? Anong mga pagkakaiba ang napapansin mo? Hanapin ang mga bagay na itinuro ni Alma na magpapanatili sa iyo “sa landas na patungo sa kaharian ng Diyos” (Alma 7:19).

icon ng seminary

Alma 7:7–16

Dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan, pasakit, at paghihirap.

Nadama mo na ba na walang nakakaunawa sa iyong mga paghihirap o hamon? Kung gayon, makakatulong ang mga katotohanang itinuro ni Alma. Habang nagbabasa ka, pagnilayan kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga layunin ng sakripisyo ng Tagapagligtas. Maaari kang gumawa ng chart na may mga heading na Ang pinagdusahan ng Tagapagligtas at Bakit Siya nagdusa at ilista ang makikita mo sa Alma 7:7–16 (tingnan din sa Isaias 53:3–5). May maiisip ka bang mga partikular na pagkakataon na pinagdusahan Niya ang ilan sa mga bagay na ito? Narito ang ilang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan: Mateo 4:1–13; 26:55–56; 27:39–44; Marcos 14:43–46; Lucas 9:58. May maidaragdag ka ba sa listahan mo mula sa mga talatang ito?

Isang bagay ang maniwala na nagdusa ang Tagapagligtas para sa iyo. Pero paano nakakagawa ng kaibhan ang Kanyang pagdurusa sa iyong pang-araw-araw na buhay? Narito ang ilang talata sa banal na kasulatan na nagpapakita kung paano ka matutulungan o “tutulungan” ni Jesucristo: Enos 1:5–6; Mosias 16:7–8; 21:15; 24:14–15; 3 Nephi 17:6–7; Eter 12:27–29; Doktrina at mga Tipan 121:7–10. Ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito? Ano ang ilang iba pang mga paraan na nagsisikap Siyang tulungan ka? Kailan mo naranasan ang tulong Niya?

Ang isang himnong tulad ng “Kailangan Ko Kayo” o “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, mga blg. 54, 78) ay maaaring magpalalim sa pagpapahalaga mo sa tulong ng Tagapagligtas. Anong mga parirala sa mga himnong ito ang nagpapahayag ng damdamin mo sa Kanya?

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Gospel Library.

Magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Mag-isip ng mga paraan na maibabahagi mo ang iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang kabanalan, biyaya, at pagmamahal. Mahihikayat mo ang mga taong tinuturuan mo na magpatotoo tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga bagay na naghihikayat sa kanila na ibahagi ang kanilang nadarama tungkol sa Kanya.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Alma 5:44–48

Maaari akong magtamo ng sarili kong patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na matutong palaguin ang sarili nilang patotoo, maaari mong ipakita sa kanila ang larawan sa ibaba at tanungin sila kung paano natin tutulungan ang maliliit pang hayop na lumaki. Pagkatapos ay maaari mong iugnay ito sa pangangalaga sa ating patotoo. Anong pangangalaga ang kailangan ng ating patotoo? Paano natin masasabi kung lumalago ito?

    dalawang batang lalaki na may kasamang maliliit pang hayop

    Kapag tinanggap natin ang ebanghelyo, para itong pagsisimula ng panibagong buhay.

  • Paano nagkaroon ng malakas na patotoo si Alma tungkol kay Jesucristo? Maaari mong basahin ang Alma 5:44–46 kasama ang iyong mga anak para mahanap ang mga sagot sa tanong na ito. Marahil ay maaaring isulat ng iyong mga anak ang isang plano na gawin ang isang bagay sa linggong ito para mapalakas ang kanilang patotoo.

Alma 7:10–13

Dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan, pasakit, at paghihirap.

  • Paano mo maipauunawa sa iyong mga anak ang Alma 7:10–13 upang malaman nila na si Jesucristo ay nagmamalasakit sa kanila at matutulungan sila? Marahil ay maaari mong hilingin sa kanila na magbahagi ng isang karanasan nang magkasakit sila o masaktan o magkaroon ng iba pang problema na nagpalungkot sa kanila. Paano tumulong ang iba na mapaganda ang kanilang pakiramdam? Magpatotoo na napagdusahan din ng Tagapagligtas ang mga bagay na iyon, at pag-usapan ang isang pagkakataon na inaliw at tinulungan Ka Niya.

  • Habang binabasa ninyo ng iyong mga anak ang Alma 7:11–13, hanapin ang mga bagay na pinagdusahan ni Jesucristo para sa atin. Anyayahan ang iyong mga anak na gumamit ng mga salita at pariralang natagpuan nila para kumpletuhin ang pangungusap na ito: “Si Jesus ay nagtiis ng upang matulungan Niya ako.” Paano nakakatulong sa atin na malaman na nauunawaan ni Jesus ang ating mga paghihirap? Paano natin tinatanggap ang Kanyang tulong? Ibahagi ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo.

11:17

Mga Haligi at Sinag

Itinuro sa atin ni Elder Dushku na bibihira ang mga kagila-gilalas na espirituwal na karanasan at kadalasang nagbibigay ang Panginoon ng paisa-isang sinag ng liwanag.

Alma 5:14; 7:19–20

Ang pagsunod kay Jesucristo ay pinananatili ako sa tuwid na landas pabalik sa Ama sa Langit.

  • Hayaang tumingin sa salamin ang iyong mga anak habang binabasa mo ang Alma 5:14 (tingnan din sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Ano ang ibig sabihin ng taglayin ang larawan ng Tagapagligtas sa ating mukha?

  • Paano mo magagamit ang paglalarawan ni Alma sa landas na pabalik sa Ama sa Langit para tulungan ang iyong mga anak na matutong gumawa ng mabubuting pasiya? Maaari mong basahin ang Alma 7:19–20 sa kanila at hayaan silang isadula ang paglakad sa “mga liku-likong landas” at paglakad sa tuwid na landas. Tulungan silang mag-isip ng mga pagpapasiya na tutulong sa atin na manatili sa landas at iba pang mga pagpapasiya na naglalayo sa atin sa landas. Maaari din ninyong sama-samang tingnan ang mga larawan ni Jesus at pag-usapan ang mga bagay na ginawa Niya para ipakita sa atin ang landas pabalik sa Ama sa Langit. Ang isang awitin na tulad ng “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 40–41) ay makapagbibigay ng ilang ideya.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Jesus na nakasuot ng pulang bata

Our Advocate [Ang Ating Tagapamagitan], ni Jay Bryant Ward