Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 18–24: “Ito ang Daan.” 2 Nephi 31–33


“Marso 18–24: ‘Ito ang Daan.’ 2 Nephi 31–33,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Marso 18–24. 2 Nephi 31–33,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

si Jesus na tinuturuan ang Kanyang mga disipulo

Christ Teaching His Disciples [Si Cristo na Tinuturuan ang Kanyang mga Disipulo], ni Justin Kunz

Marso 18–24: “Ito ang Daan”

2 Nephi 31–33

Sa huling nakatalang mga salita ni Nephi, makikita natin ang pahayag na ito: “Iniutos ng Panginoon sa akin, at kinakailangan kong sumunod” (2 Nephi 33:15). Magandang buod ito ng buhay ni Nephi. Sinikap niyang unawain ang kalooban ng Panginoon at buong tapang na sinunod iyon—malagay man sa panganib ang kanyang buhay sa pagkuha ng mga laminang tanso mula kay Laban, paggawa ng sasakyang-dagat at pagtawid ng dagat, o matapat na pagtuturo ng doktrina ni Cristo nang may kalinawan at kapangyarihan. Nakakahikayat magsalita si Nephi tungkol sa pangangailangang “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo,” sa pagsunod sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20, 18), dahil iyan ang landas na sinunod niya. Nalaman niya mula sa karanasan na ang landas na ito, bagama’t mahirap kung minsan, ay masaya rin, at na “walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 31:21).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

2 Nephi 31

Si Jesucristo at ang Kanyang doktrina ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan.

Kung kailangan mong ibuod ang landas tungo sa buhay na walang hanggan sa iilang salita lamang, ano ang sasabihin mo? Pansinin kung paano ito inilarawan ni Nephi sa 2 Nephi 31. Isiping magdrowing ng isang landas at isulat sa landas ang ilan sa mga alituntunin o hakbang na matatagpuan mo sa mga kabanatang ito. Maaari mong idagdag sa iyong drowing ang sarili mong buod ng itinuro ni Nephi tungkol sa bawat alituntunin.

Habang binabasa mo ang 2 Nephi 31:18–20, suriin ang sarili mong mga pagsisikap na “mag[patuloy]” sa landas ng ebanghelyo.

Tingnan din sa “Magpunyagi, mga Banal,” Mga Himno, blg. 43.

5:10

Ipinaliwanag ni Nephi ang Doktrina ni Cristo | 2 Nephi 31–32

Ipinaliwanag ni Nephi ang Doktrina ni Cristo | 2 Nephi 31–32

isang pamilyang magkakasamang nagdarasal

Ang pagsunod sa mga turo ni Jesucristo ay umaakay sa atin patungo sa buhay na walang hanggan.

2 Nephi 31:4–13

Ipinakita ni Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pagsunod noong Siya ay bininyagan.

Nangyari man ang iyong binyag kahapon o 80 taon na ang nakararaan, mahalagang sandali iyon. Pumasok ka sa isang walang-hanggang tipan na sundin si Jesucristo. Pag-isipan ang iyong binyag habang nagbabasa ka tungkol sa binyag ng Tagapagligtas sa 2 Nephi 31:4–13. Ang pagsagot sa mga tanong na tulad nito ay maaaring makatulong:

  • Bakit bininyagan si Cristo? Bakit ako nagpasiyang magpabinyag?

  • Anong mga pangako ang ginawa ko nang binyagan ako? Ano ang ipinapangako ng Panginoon bilang kapalit? (tingnan sa mga talata 12–13; tingnan din sa Mosias 18:10, 13).

  • Paano ko maipapakita na nangangako pa rin akong sundin si Jesucristo?

2 Nephi 31:15–20

“Siya na makapagtitiis hanggang wakas, siya rin ay maliligtas.”

Habang binabasa mo ang 2 Nephi 31:15–20, tanungin ang iyong sarili, “Paano ko malalaman kung nagtitiis ako hanggang wakas?” Ano ang natututuhan mo mula kay Nephi na tumutulong sa iyo na masagot ang tanong na ito?

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund: “Ang pananatiling tapat hanggang wakas ay hindi isang hiwalay na hakbang sa doktrina ni Cristo—na para bang kinukumpleto natin ang unang apat na hakbang at pagkatapos ay nauupo tayo nang panatag, nagngangalit ang ating mga ngipin, at naghihintay tayong mamatay. Hindi, ang pananatiling tapat hanggang wakas ay aktibo at sadyang pag-ulit ng mga hakbang” (“Lifelong Conversion” [Brigham Young University devotional, Set. 14, 2021], 2, speeches.byu.edu). Paano mo maaaring ulitin ang mga hakbang sa doktrina ni Cristo (pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo)?

icon ng seminary

2 Nephi 32; 33:2

Sa pamamagitan ng mga salita ni Cristo at ng Espiritu Santo, ipapakita sa akin ng Diyos kung ano ang gagawin.

Nakaramdam ka na ba ng kawalang-katiyakan tungkol sa mga susunod na hakbang sa buhay mo? Gayon din ang ipinag-alala ng mga tao ni Nephi (tingnan sa 2 Nephi 32:1). Hanapin ang sagot ni Nephi sa 2 Nephi 32:2–9. Paano mo sasabihin sa sarili mong mga salita ang itinuro ni Nephi? Anong mga karanasan ang nagturo sa iyo na ang mga salita ni Nephi ay totoo?

Isiping gumawa ng listahan ng mga desisyon o sitwasyon (ngayon at sa hinaharap) kung saan kailangan mo ang patnubay ng Diyos. Ano ang matututuhan mo mula sa 2 Nephi 32 na tutulong sa iyo na magtagumpay sa pagtanggap ng inspirasyon mula sa Kanya? Ano ang maaaring umakay sa mga tao na “[patigasin] ang kanilang mga puso laban sa Banal na Espiritu”? (2 Nephi 33:2).

Habang pinagninilayan mo ang payo ni Nephi, pag-isipan kung paano mo pinag-aaralan ang mga salita ng Tagapagligtas. Ilalarawan mo ba ito bilang pagmemeryenda, pagkain, o pagpapakabusog? Ano ang pagkakaiba, sa opinyon mo? Isipin kung paano mo magagawang mas katulad ng isang piging ang iyong karanasan sa mga salita ng Tagapagligtas. Maaari ka sigurong makakuha ng mga ideya mula sa isang kaibigan o kapamilya.

Magpakabusog sa mga salita ni Cristo. Maraming paraan para magpakabusog sa mga salita ni Cristo, kabilang na ang pagdarasal para sa inspirasyon, pagtatanong bago at sa oras ng pag-aaral, pagbibigay-kahulugan sa mga salita, pagninilay, pag-cross-reference, pagtatala, paghahanap ng mga katotohanan ng ebanghelyo, at pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan (tingnan sa 1 Nephi 19:23).

Paano mo inaanyayahan ang Espiritu Santo para palagi mong makasama sa buhay mo, sa halip na maging isang bisita na paminsan-minsan mo lang nakakasama? Basahin ang tatlong mungkahi ni David A. Bednar para gawing “patuloy na katotohanan” ang patnubay ng Espiritu Santo sa “Tanggapin ang Espiritu Santo” (Liahona, Nob. 2010, 94–97). Paano mo susundin ang kanyang payo?

Tingnan din sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Paghahayag,” Gospel Library.

2 Nephi 33

Hinihikayat tayong lahat ng Aklat ni Mormon na maniwala kay Cristo.

Sa 2 Nephi 33, nang matapos ni Nephi ang kanyang mga isinulat, ipinaliwanag niya kung bakit nga ba siya nagsusulat. Anong mga dahilan ang nakikita mo sa kabanatang ito? Pagnilayan ang mga kuwento at turong nabasa mo na sa 1 Nephi at 2 Nephi. Alin ang lubos na nakaimpluwensya sa iyo at sa iyong pananampalataya kay Cristo?

Tingnan din sa “Itinala ni Nephi ang Kanyang Huling Patotoo” (video), Gospel Library.

2:13

Itinala ni Nephi ang Kanyang Huling Patotoo | 2 Nephi 33

2 Nephi 33 | Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga salita ni Cristo at nagtuturo sa atin na gumawa ng mabuti. Kung talagang naniniwala tayo kay Cristo, maniniwala tayo sa mga salita sa banal na kasulatan. 

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

2 Nephi 31:4–13

Kapag ako ay bininyagan, sinusunod ko si Jesus.

  • May larawan ni Jesus na binibinyagan sa dulo ng outline na ito. Maaari sigurong gamitin ito ng iyong mga anak para sabihin sa iyo ang nalalaman nila tungkol sa pangyayaring ito (tingnan din sa Mateo 3:13–17). Bakit nais ni Jesus na mabinyagan tayong katulad Niya? Maaaring pakinggan ng iyong mga anak ang mga dahilan habang sama-sama ninyong binabasa ang 2 Nephi 31:4–13. Maaaring makatulong kung maibabahagi ng isang taong nabinyagan kamakailan ang kanyang karanasan.

2 Nephi 31

Itinuro sa akin ni Jesucristo kung paano makabalik sa Ama sa Langit.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na ilarawan sa isipan ang mga turo sa 2 Nephi 31, maaari silang magdrowing ng isang landas na may larawan ni Cristo sa dulo. Maaari mo silang tulungang maghanap o magdrowing ng mga larawan na kumakatawan sa mga hakbang sa landas na iyon, tulad ng pananampalataya kay Cristo, pagsisisi, binyag, kaloob na Espiritu Santo, at pananatiling tapat hanggang wakas. Maaari nilang ituro ang mga larawan habang binabasa ninyo ang 2 Nephi 31:17–20 nang sama-sama.

2 Nephi 32:3–5

Maaari akong magpakabusog sa mga salita ni Cristo.

  • Para magturo tungkol sa “pagpapakabusog” sa mga salita ni Cristo, maaari mong hilingin sa iyong mga anak na isadula kung paano sila magpapakabusog sa paborito nilang pagkain. Sa 2 Nephi 32:3, ano ang sinabi ni Nephi kung saan tayo dapat magpakabusog? Paano naiiba ang pagpapakabusog sa salita ng Diyos sa pagbabasa lamang nito? Maaari sigurong isadula ng iyong mga anak ang mga pagkakaiba. Ibahagi sa kanila ang mga pagpapalang natanggap mo nang magpakabusog ka sa mga banal na kasulatan.

2 Nephi 32:8–9

Nais ng Ama sa Langit na palagi akong manalangin.

  • Matapos basahin ang 2 Nephi 32:8–9, kausapin ang iyong mga anak kung bakit ayaw ni Satanas na manalangin tayo. Bakit nais ng Diyos na “palagi tayong manalangin”? Maaaring gumawa ang iyong mga anak ng isang listahan o magdrowing ng mga larawan ng mga sitwasyon kung saan maaari silang manalangin. Pagkatapos ay maaari ninyong kantahin ang isang awiting nagtuturo tungkol sa panalangin, tulad ng “Naisip Bang Manalangin?” (Mga Himno, blg. 82). Maaari mong palitan ang ilan sa mga salita sa awitin ng mga salitang nasa listahan nila. Paano tayo pinagpapala ng Diyos kapag nagdarasal tayo palagi?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Juan Bautista na binibinyagan si Jesus

To Fulfill All Righteousness [Upang Tuparin ang Lahat ng Kabutihan], ni Liz Lemon Swindle