Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 11–17: “Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain.” 2 Nephi 26–30


“Marso 11–17: ‘Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain.’ 2 Nephi 26–30,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Marso 11–17. 2 Nephi 26–30,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

si Jesus na inaabot ang kamay ng isang babae

He Will Lead Thee by the Hand [Aakayin Niya Kayo], ni Sandra Rast

Marso 11–17: “Isang Kagila-gilalas at Kamangha-manghang Gawain”

2 Nephi 26–30

“Magpopropesiya ako sa inyo hinggil sa mga huling araw,” pagsulat ni Nephi (2 Nephi 26:14). Sa madaling salita, sumusulat siya noon tungkol sa ating panahon. At may dahilan para mag-alala tungkol sa kanyang nakita: mga taong nagtatatwa sa kapangyarihan at mga himala ng Diyos; malawakang inggit at alitan. Pero bukod pa rito sa “mga gawain ng kadiliman” sa mga huling araw (2 Nephi 26:10, 22) na pinamumunuan ng kaaway, binanggit din ni Nephi ang “isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” na pinamumunuan ng Panginoon mismo (2 Nephi 27:26). Ang magiging pinakamahalaga sa gawaing iyon ay isang aklat—isang aklat na nagbubunyag sa mga kasinungalingan ni Satanas at nagtitipon sa mabubuti. Ang aklat na iyon ay ang Aklat ni Mormon, ang kagila-gilalas na gawain ay ang gawain ng Simbahan ng Panginoon sa mga huling araw, at ang kamangha-mangha—kahit paano—ay na inaanyayahan tayong lahat ng Diyos, sa kabila ng ating mga kahinaan, na makilahok sa pagtitipon.

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

2 Nephi 26–27; 29–30

Inihanda ng Diyos ang Aklat ni Mormon para sa ating panahon.

Sa 2 Nephi 26–27, sinipi ni Nephi ang isang naunang propesiya ni Isaias (tingnan sa Isaias 29) at inihalintulad ito sa kanyang mga tao at sa kanilang talaan—ang Aklat ni Mormon. Nalaman niya sa pamamagitan ng paghahayag, bago pa man naisulat nang buo ang Aklat ni Mormon, na darating ang araw na ito ay “magiging labis na mahalaga sa mga anak ng tao” (2 Nephi 28:2). Bakit napakahalaga ng Aklat ni Mormon sa iyo? Pag-isipan ang tanong na ito habang binabasa mo ang 2 Nephi 29–30. Anong “kagila-gilalas na gawain” (2 Nephi 27:26) ang isinasakatuparan ng Diyos sa mundo at sa buhay mo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon?

Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:62–65.

icon ng seminary

2 Nephi 26:23–33

Inaanyayahan tayong lahat ni Jesucristo na lumapit sa Kanya.

Maraming magagandang katotohanang dapat isaalang-alang sa 2 Nephi 26:23–24. Halimbawa, maaari mong pag-isipan kung ano ang nagawa ni Jesucristo “para sa kapakanan ng sanlibutan”—at para sa iyo. Paano Niya “[inilalapit] ang lahat ng tao”—at ikaw—“sa kanya”? Ano ang nahihikayat kang gawin bilang tugon sa Kanyang mga pagpapahayag ng pagmamahal?

Patuloy na basahin at alamin ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas sa mga talata 25–33. Pansinin lalo na ang Kanyang mga paanyaya. Paano mo ibubuod ang mensahe ni Jesucristo sa iyo sa isang pangungusap? Ang himnong tulad ng “Magsipaglapit kay Jesucristo” (Mga Himno, blg. 68) ay maaaring buksan ang iyong isipan sa mga karagdagang impresyon.

Isipin kung paano maaaring makaimpluwensya ang mga talatang ito sa paraan ng pakikipag-ugnayan mo sa iba at anyayahan silang lumapit kay Cristo. Maaari kang makakita ng ilang ideya sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Ang Doktrina ng Pagiging Kabilang” (Liahona, Nob. 2022, 53–56).

Tingnan din sa 3 Nephi 18:30–32; Dallin H. Oaks, “Ano ang Nagawa ng Ating Tagapagligtas para sa Atin?,” Liahona, Mayo 2021, 75–77.

Huwag matakot sa katahimikan. Ang magagandang tanong ay nangangailangan ng oras para masagot. Nangangailangan ito ng paghahanap, pag-iisip, at inspirasyon. Ang oras na ginugugol mo sa paghihintay ng mga sagot sa isang tanong ay maaaring maging isang sagradong panahon ng pagninilay. Iwasang matukso na tapusin kaagad ang oras na ito sa pamamagitan ng pagtuloy sa ibang paksa.

2 Nephi 28

Hangad ni Satanas na manlinlang.

Marami sa mga kasinungalingan at taktika ni Satanas ang inilantad sa 2 Nephi 28. Hanapin ang mga iyon sa mga talata 6, 8, 21–23, 29. Bakit mo kailangang malaman ang mga kasinungalingan ni Satanas? Ano ang gagawin mo kapag sinusubukan ng kaaway na linlangin ka?

Nakalista sa ibaba ang ilang talata sa banal na kasulatan na tumatanggi sa mga kasinungalingan ni Satanas. Tingnan kung maitutugma mo ang tunay na doktrina sa mga talatang ito sa maling doktrina na ibinababala sa atin ni Nephi sa 2 Nephi 28:

Tingnan din sa Gary E. Stevenson, “Huwag Mo Akong Linlangin,” Liahona, Nob. 2019, 93–96.

2 Nephi 28:27–3129

Ang Diyos ay patuloy na naghahayag para gabayan ang Kanyang mga anak.

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nabiyayaan tayo ng saganang salita ng Diyos. Gayunpaman, tulad ng babala ni Nephi, hindi natin dapat madama kailanman na “sapat na ang kaalaman [natin]!” Habang binabasa mo ang mga babala sa 2 Nephi 28:27–31 at 2 Nephi 29, pag-isipan ang mga tanong na tulad nito:

  • Ano ang nais ng Panginoon na madama at itugon ko sa Kanyang salita?

  • Bakit “nagagalit” ang mga tao kung minsan tungkol sa pagtanggap ng iba pang katotohanan mula sa Diyos? (2 Nephi 28:28). Nakakaramdam na ba ako nito? Kung gayon, paano ako magbabago?

  • Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang salita ng Diyos? Paano ko maipapakita sa Kanya na nais kong matanggap ang iba pa Niyang salita?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

2 Nephi 26:23–28, 33

Nais ni Jesucristo na lumapit ang lahat sa Kanya.

  • Para ituro sa iyong mga anak ang mga paanyaya ng Tagapagligtas sa mga talatang ito, maaari mo silang kausapin tungkol sa mga pagkakataon na nag-anyaya sila ng mga tao sa isang espesyal na kaganapan, tulad ng isang birthday party. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang 2 Nephi 26:23–28 at alamin kung ano ang ipinagagawa sa atin ni Jesus. Maaaring gusto ng iyong mga anak na gumawa ng isang card na nag-aanyaya sa isang tao na lumapit kay Jesucristo. Hikayatin silang gumamit ng parirala mula sa mga talatang ito sa kanilang paanyaya.

  • Ang ipinintang larawan sa dulo ng outline na ito ay nagpapakita ng mga tao na iba’t iba ang pinagmulan. Maaari sigurong tingnan ng iyong mga anak ang larawang ito habang binabasa mo ang 2 Nephi 26:33. Maaari mong ulitin ang pariralang “Inaanyayahan ni Jesus ang lahat na lumapit sa Kanya” habang itinuturo ng iyong mga anak ang bawat tao sa larawan—at pagkatapos ay sa sarili nila. Paano tayo lalapit kay Jesus?

  • Ang isang awitin tungkol sa pagmamahal sa lahat ng tao, tulad ng “Palaging Sasamahan Ka” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 78–79), ay maaaring makatulong sa iyo na ituro ang mensahe ng 2 Nephi 26:33.

2 Nephi 28:2; 29:7–11; 30:3–6

Ang Aklat ni Mormon ay isang pagpapala.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na madama na ang Aklat ni Mormon ay “napakahalaga” (2 Nephi 28:2), maaari mong ibalot ang isang kopya nito bilang regalo at hayaan silang hulaan kung ano ang nasa loob. Maaari silang maghanap ng mga clue sa 2 Nephi 30:3–6. Sabihin sa iyong mga anak kung bakit napakahalaga ng Aklat ni Mormon sa iyo, at hayaan silang ibahagi rin ang kanilang damdamin.

  • Isiping hilingin sa iyong mga anak na isipin na kunwari ay may isang kaibigang nagsabi sa kanila ng, “Hindi ko kailangang basahin ang Aklat ni Mormon. Nabasa ko na ang Biblia.” Ano ang maaari nating sabihin sa ating kaibigan? Sama-samang basahin ang 2 Nephi 29:7–11 para malaman kung bakit nais ng Diyos na magkaroon tayo ng dalawang aklat.

2 Nephi 28:30–31

Unti-unti akong tinuturuan ng Ama sa Langit.

  • Marahil ay maaari kang mag-isip ng isang object lesson na magpapaunawa sa iyong mga anak kung ano ang ibig sabihin ng matuto nang “taludtod sa taludtod.” Halimbawa, maaari silang bumuo ng isang puzzle o ng isang bagay gamit ang mga block, nang paisa-isa. O maaari mo silang turuan ng isang kasanayan sa paisa-isang hakbang, tulad ng pagtatali ng laso o pagdodrowing ng isang larawan. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang 2 Nephi 28:30 at talakayin kung paano tayo tinuturuan ng Ama sa Langit ng paisa-isang katotohanan.

  • Maaaring ang isa pang ideya ay pumili ng isang parirala mula sa 2 Nephi 28:30 at maghalinhinan sa pagsulat nito, nang paisa-isang salita. Paano ito katulad ng paraan ng pagbibigay sa atin ng Diyos ng katotohanan? Bakit inihahayag sa atin ng Diyos ang katotohanan nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” sa halip na gawin ito nang minsanan? Paano natin maipapakita sa Diyos na nais nating tumanggap ng iba pang katotohanan mula sa Kanya?

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

si Jesucristo sa gitna ng maraming tao

Christ in the Midst [Si Cristo sa Gitna ng mga Tao], ni Judith A. Mehr