Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Marso 4–10: “Nagagalak Tayo kay Cristo.” 2 Nephi 20–25


“Marso 4–10: ‘Nagagalak Tayo kay Cristo.’ 2 Nephi 20–25,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2024)

“Marso 4–10. 2 Nephi 20–25,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2024)

pamilyang nag-aaral

Marso 4–10: “Nagagalak Tayo kay Cristo”

2 Nephi 20–25

Ang mga isinulat ni Isaias ay kinabibilangan ng matitinding babala, pero nag-aalok din ang mga iyon ng pag-asa at kagalakan. Isang dahilan ito kaya isinama ni Nephi ang mga ito sa kanyang talaan: “Susulat ako ng ilan sa mga salita ni Isaias,” sabi niya, “upang kung sinuman … ang makababasa ng mga salitang ito ay magkaroon ng sigla sa kanilang mga puso at magsaya” (2 Nephi 11:8). Sa isang banda, ang paanyayang basahin ang mga isinulat ni Isaias ay isang paanyayang magsaya. Maaari kang malugod, tulad ni Nephi, sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa pagtitipon ng Israel, sa pagdating ng Mesiyas, at sa kapayapaang ipinangako sa mga matwid. Maaari kang magalak na mabuhay sa ipinropesiyang araw na ang Panginoon ay “[nagtaas] ng sagisag para sa mga bansa, at titipunin ang mga [itinakwil] ng Israel” (2 Nephi 21:12). Kapag nauuhaw ka sa kabutihan, maaaring “masaya kang [umigib] ng tubig mula sa mga balon ng kaligtasan” (2 Nephi 22:3). Sa madaling salita, maaari kang “magalak kay Cristo” (2 Nephi 25:26).

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan

2 Nephi 21–22

Maaari akong makasumpong ng kapayapaan kay Jesucristo.

Nagkaroon ng problema ang mga anak ni Lehi sa pagtatalo. Lumala ang problema sa sumunod na mga henerasyon, na humantong sa pagkakahati, pagkabihag, kalungkutan, at pagkawasak. At patuloy na nagiging problema ang pagtatalo ngayon.

Nasasaisip ang lahat ng iyon, pag-isipan ang mga propesiya sa 2 Nephi 21–22. Isipin kung paano tinutupad ng Tagapagligtas ang mga propesiyang ito. Ano ang ibig sabihin sa iyo ng propesiya na ang lobo ay “maninirahan … na kasama ang kordero”? (2 Nephi 21:6). Pagnilayan kung ano ang magagawa mo para maging tagapamayapa.

Tingnan sa Dale G. Renlund, “Winawakasan ng Kapayapaan ni Cristo ang Pagkapoot,” Liahona, Nob. 2021, 83–85.

2 Nephi 21:9–12

Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao.

Si Nephi at ang kanyang pamilya ay mga saksi sa pagkalat ng Israel (tingnan sa 2 Nephi 25:10). Maaari kang makibahagi ngayon sa pagtitipon ng Israel (tingnan sa 2 Nephi 21:12). Habang binabasa mo ang 2 Nephi 21:9–12, pag-isipan kung paano ka makakatulong na matupad ang mga propesiyang inilalarawan ng mga talatang ito.

Halimbawa, habang nagbabasa ka tungkol sa “sagisag” (pamantayan o bandila) na itataas para tipunin ang mga tao ng Diyos, pag-isipan kung paano mo nakita na tinitipon ng Diyos ang Kanyang mga tao, sa pisikal at sa espirituwal. Ano ang umaakit sa mga tao patungo sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan?

Ano ang nahihikayat kang gawin para tumulong na tipunin ang mga tao ng Diyos?

2 Nephi 23–24

Ang kamunduhan ng Babilonia ay babagsak.

Ang kaharian ng Babilonia ay isang malaking banta sa pulitika at militar sa sinaunang Israel. Pero para sa mga tao ni Nephi—at para sa atin ngayon—ang mas malaking banta ay ang isinasagisag ng Babilonia: kamunduhan at kasalanan. Isipin kung paano maaaring nakaapekto ang mga babala sa 2 Nephi 23–24 sa mga taong natakot o humanga o nagtiwala sa kayamanan at kapangyarihan ng Babilonia (tingnan, halimbawa, sa 23:6–9, 11, 19–22; 24:10–19). Ano ang ilang bagay na katulad nito na maaari nating katakutan o hangaan o pagkatiwalaan ngayon? Ano kaya sa palagay mo ang mensahe ng Tagapagligtas sa iyo sa mga kabanatang ito? Pag-isipan kung paano mo maipapakita na ikaw ay “nagsasaya sa [kamahalan ng Panginoon]” (2 Nephi 23:3).

icon ng seminary

2 Nephi 25:19–29

“Nangungusap tayo tungkol kay Cristo … nagagalak tayo kay Cristo.”

Tapat si Nephi tungkol sa pagbabahagi ng kanyang mga paniniwala—lalo na sa kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Sa buong pag-aaral mo ng 2 Nephi 25, pag-isipan ang hangarin ni Nephi na “hikayatin ang [kanyang] mga anak … na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos” (talata 23). Ano ang nais ni Nephi na malaman ng mga tao tungkol sa Tagapagligtas? (tingnan sa mga talata 12–13, 16). Paano sinubukan ni Nephi na hikayatin ang mga tao na maniwala sa Kanya? (tingnan sa mga talata 19–29). Pansinin ang mga sipi sa mga kabanatang ito na naghihikayat sa iyo na maniwala at sumunod kay Jesucristo.

Ang ilan sa atin ay maaaring hindi kasingtapang ni Nephi sa pagsasalita tungkol kay Cristo. Pero makakakita ka ng isang bagay sa mga turo ni Nephi sa 2 Nephi 25:23–26 na naghihikayat sa iyo na magsalita tungkol sa Kanya nang mas tapatan. Halimbawa, ang pahayag ni Nephi na “Nagagalak kami kay Cristo” ay maaaring magpahiwatig sa iyo na pag-isipan kung paano naghahatid ng kagalakan sa iyo ang Tagapagligtas—at kung paano mo maibabahagi ang kagalakang iyon sa iba.

Sa kanyang mensaheng “Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo” (Liahona, Nob. 2020, 88–91), iminumungkahi ni Elder Neil L. Andersen kung paano tayo mas tapatang makapagsasalita tungkol kay Cristo sa iba’t ibang sitwasyon. Alin sa mga mungkahi niya ang namumukod-tangi sa iyo? Ano ang mga pagkakataon mong kausapin ang iba tungkol kay Cristo?

Ano ang nahihikayat kang sabihin sa iba tungkol kay Jesucristo? Kung kailangan mo ng ilang ideya, maaari mong saliksikin ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Gospel Library). Ang isang himnong tulad ng “Ako’y Naniniwala kay Cristo” (Mga Himno, blg. 76) ay makapagbibigay sa iyo ng iba pang mga ideya.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

2 Nephi 21:1–5

Si Jesucristo ay hahatol nang may katuwiran.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na ilarawan sa isipan ang mga talatang ito, tingnan kung makakakita ka ng isang punong pinutol o isang sangang umuusbong mula sa isang puno (o gamitin ang larawang nasa ibaba). Kung ang “sanga” sa 2 Nephi 21:1 ay kumakatawan kay Jesucristo, ano ang itinuturo sa atin ng mga talata 2–5 tungkol sa Kanya?

maliit na halamang umuusbong mula sa tuod ng puno

2 Nephi 21:6–9

Si Jesucristo ay naghahatid ng kapayapaan at kagalakan.

  • Ano ang itinuturo ng 2 Nephi 21:6–9 tungkol sa maaaring mangyari kapag sumusunod ang lahat sa Tagapagligtas? (tingnan din sa 4 Nephi 1:15–18). Paano natin magagawang mas katulad nito ang ating tahanan? Maaaring masiyahan ang iyong mga anak sa pagtingin sa mga larawan ng mga hayop na binanggit sa mga talata 6–7—mga hayop na karaniwa’y magkaaway pero hindi mananakit sa isa’t isa kapag muling pumarito si Jesus (tingnan sa pahina ng aktibidad para sa linggong ito). Maaari ding idrowing ng iyong mga anak ang sarili nila at ang mga hayop na ito na namumuhay nang payapa kasama ni Jesus.

2 Nephi 21:11–1222

Tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga tao.

  • Sinabi ni Isaias na ang Panginoon ay magtataas ng isang “sagisag para sa mga bansa” para tulungan ang mga tao na magtipon sa Kanya (tingnan sa 2 Nephi 21:11–12). Ipaunawa sa iyong mga anak na ang isang sagisag ay parang watawat. Marahil ay masisiyahan silang magdrowing ng sarili nilang bandila. Maaari silang magsama ng mga larawan o salita na kumakatawan sa mga dahilan kaya sila lumalapit kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan. Hayaan silang magkuwento tungkol sa kanilang mga watawat, at tulungan silang mag-isip kung paano nila matutulungan ang iba na “magtipon” kay Jesucristo.

  • Matapos basahin ang 2 Nephi 22:4–5 nang sama-sama, maaari mong kausapin ang iyong mga anak tungkol sa ilan sa “magagandang bagay” na nagawa ng Panginoon. Ano ang ilan sa “[mga gawa ng Panginoon] sa [atin]” na maaari nating ipahayag? Para matulungan ang iyong mga anak na pag-isipan ang tanong na ito, maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa Tagapagligtas, tulad ng “Ako’y Naniniwala kay Cristo” (Mga Himno, blg. 76). Maaari kayong maghalinhinan sa pagkumpleto sa isang pangungusap na tulad nito: “Naniniwala ako kay Cristo; Kanyang .” Paano natin maipapaalam sa ibang tao ang nagawa ng Tagapagligtas para sa atin?

2 Nephi 25:26

“Nagagalak tayo kay Cristo.”

  • Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na “[magalak] kay Cristo”? Maaari ka sigurong magkuwento tungkol kay Jesucristo na naghahatid ng galak sa iba. Maaaring banggitin ng iyong mga anak ang masasayang sandali sa kuwento. Pagkatapos, habang sama-sama ninyong binabasa ang 2 Nephi 25:26, maaari nilang pag-usapan kung bakit sila “nagagalak kay Cristo.”

Magpatotoo tungkol kay Cristo. Huwag ipalagay na alam ng inyong pamilya ang nadarama mo tungkol sa Tagapagligtas. Sabihin sa kanila, at hayaang impluwensyahan ng iyong damdamin tungkol sa Tagapagligtas ang paraan ng pakikipag-ugnayan mo sa kanila.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan sa isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

mga missionary na nagtuturo sa isang pamilya

I’ll Go Where You Want Me to Go [Tutungo Ako Saan Mo man Naisin], ni Ramon Ely Garcia Rivas