“Nobyembre 4–10: ‘Ako ay Nangungusap sa Inyo na Parang Kayo ay Naririto.’ Mormon 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Nobyembre 4–10. Mormon 7–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Nobyembre 4–10: “Ako ay Nangungusap sa Inyo na Parang Kayo ay Naririto”
Mormon 7–9
Alam ni Moroni kung ano ang pakiramdam ng mapag-isa sa isang masamang mundo—lalo na matapos mamatay ang kanyang ama sa digmaan at malipol ang mga Nephita. “Ako lamang ang nalabing mag-isa,” pagsulat niya. “Wala akong [mga] kaibigan ni patutunguhan” (Mormon 8:3, 5). Maaaring tila wala nang pag-asa ang mga bagay-bagay, ngunit nakasumpong ng pag-asa si Moroni kay Jesucristo at sa kanyang patotoo na “ang mga walang hanggang layunin ng Panginoon ay magpapatuloy” (Mormon 8:22). At batid ni Moroni na magiging malaking bahagi ng mga walang-hanggang layuning iyon ang Aklat ni Mormon—ang talaang masigasig niyang tinatapos noon, ang talaan na balang-araw ay aakay sa maraming tao “sa kaalaman [tungkol] kay Cristo” (Mormon 8:16; 9:36). Ginawang posible ng pananampalataya ni Moroni sa mga pangakong ito na ipahayag sa mga mambabasa ng aklat na ito sa hinaharap na, “ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto” at “alam kong mapapasainyo ang aking mga salita” (Mormon 8:35; 9:30). Ngayon ay napasaatin nga ang kanyang mga salita, at ang gawain ng Panginoon ay lumalaganap, dahil nanatiling tapat sina Mormon at Moroni sa kanilang misyon, kahit nag-iisa sila.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at Simbahan
“Maniwala kay Jesucristo” at “panghawakan ang [Kanyang] ebanghelyo.”
Matapos paikliin ang talaan ng kanyang mga tao, ibinigay ni Mormon ang kanyang pangwakas na mensahe sa Mormon 7. Sa palagay mo, bakit kaya niya pinili ang mensaheng ito? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng “panghawakan ang ebanghelyo ni Cristo”? (Mormon 7:8).
Tingnan din sa “Ako’y Naniniwala kay Cristo,” Mga Himno, blg. 76.
Mormon 7:8–10; 8:12–16; 9:31–37
Malaki ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon.
Itinanong ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung aaluk[i]n kayo ng mga diyamante o mga rubi o ng Aklat ni Mormon, alin ang pipiliin ninyo? Ang totoo, alin ang mas mahalaga sa inyo?” (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 61).
Ano ang nakikita mo sa Mormon 7:8–10; 8:12–22; at 9:31–37 na nagpapaunawa sa iyo kung bakit mahalaga ang Aklat ni Mormon sa ating panahon? Bakit ito mahalaga sa iyo? Maaari kang makakita ng iba pang mga kabatiran sa 1 Nephi 13:38–41; 2 Nephi 3:11–12; at Doktrina at mga Tipan 33:16; 42:12–13.
Masusunod ko ang mga kautusan kahit hindi ito sinusunod ng iba.
Kung minsan maaaring pakiramdam mo ay nag-iisa ka sa mga pagsisikap mong sundin ang mga kautusan. Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Moroni na maaaring makatulong? (tingnan sa Mormon 8:1–11). Kung matatanong mo si Moroni kung paano siya nanatiling tapat, ano sa palagay mo ang sasabihin niya?
Tingnan din sa “Malalaman ng Lahat ng Tao ang Katotohanan: Pangako ni Moroni” (video), Gospel Library.
Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon.
Ipinakita ni Jesucristo kay Moroni ang mangyayari kapag lumabas ang Aklat ni Mormon (tingnan sa Mormon 8:34–35), na umakay sa kanya na magbigay ng mga diretsahang babala para sa ating panahon. Habang binabasa mo ang Mormon 8:26–41 at 9:1–30, pagnilayan kung paano maaaring umangkop sa iyo ang kanyang mga salita. Halimbawa, sa mga talatang ito, nagtanong si Moroni ng 24 na tanong. Anong katibayan ang nakikita mo sa mga tanong na ito na nakita ni Moroni ang ating panahon? Paano makakatulong ang Aklat ni Mormon sa mga hamong nakita ni Moroni?
Si Jesucristo ay Diyos ng mga himala.
Tinapos ni Moroni ang mga isinulat ng kanyang ama sa isang mabisang mensahe para sa mga tao sa ating panahon na hindi naniniwala sa mga himala (tingnan sa Mormon 8:26; 9:1, 10–11). Sa palagay mo, bakit kailangan ngayon ang paniniwala sa mga himala? Saliksikin ang Mormon 9:9–11, 15–27 at Moroni 7:27–29 at pagnilayan ang mga tanong na tulad ng:
-
Ano ang natututuhan ko tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito?
-
Ano ang natututuhan ko tungkol sa mga himala, noon at ngayon?
-
Ano ang mga pakinabang ng paniniwala na si Jesucristo ay Diyos ng mga himala? Ano ang mga kahihinatnan ng hindi paniniwala rito?
-
Anong mga himala—malaki at maliit—ang nagawa ng Tagapagligtas sa buhay ko? Ano ang itinuturo sa akin ng mga himalang ito tungkol sa Kanya?
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa Kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mga mahimalang palatandaan na ang Diyos Ama at ang Kanyang [Anak na si Jesucristo] ay [n]amumuno sa [Simbahang] ito sa karingalan at kaluwalhatian” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96). Ano sa tingin mo ang ilan sa mga himalang iyon? Ano ang magagawa mo para matulungan ang Tagapagligtas na matupad ang mga iyon?
Ano ang natututuhan mo tungkol sa pananampalataya at mga himala mula sa mga karanasan ng mga Banal sa Samoa, Tonga, Fiji, at Tahiti nang bisitahin sila nina Pangulo at Sister Nelson? (tingnan sa Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 101–4).
Tingnan din sa Ronald A. Rasband, “Masdan! Ako ay Diyos ng mga Himala,” Liahona, Mayo 2021, 109–12.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Ang Aklat ni Mormon at ang Biblia ay nagpapatotoo kay Jesucristo.
-
Para mabigyang-diin ang kaugnayan sa pagitan ng Biblia at ng Aklat ni Mormon, tulad ng ginawa ni Moroni, maaari kayong maglaro ng inyong mga anak ng katulad ng isang ito: Hilingin sa kanila na sabihing “Lumang Tipan, Bagong Tipan” kapag nagtaas ka ng isang kopya ng Biblia at “Isa pang Tipan” kapag nagtaas ka ng isang kopya ng Aklat ni Mormon. Maaari ka ring pumili ng ilang pangyayaring pinatototohanan kapwa ng Biblia at ng Aklat ni Mormon—tulad ng pagsilang, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus—at anyayahan ang iyong mga anak na maghanap ng mga larawan ng mga pangyayaring ito (halimbawa, sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo).
-
Para matutuhan ng iyong mga anak ang ikawalong saligan ng pananampalataya, maaari mong isulat ang bawat salita sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Anyayahan ang iyong mga anak na magtulungan para pagsunud-sunurin nang tama ang mga salita at ulitin ito nang ilang beses.
Maaari kong sundin ang mga kautusan kahit pakiramdam ko ay nag-iisa ako.
-
Ang halimbawa ni Moroni ay maaaring maghikayat sa iyong mga anak na sundin ang mga utos ng Diyos kahit pakiramdam nila ay nag-iisa sila. Matapos mong basahin ang Mormon 8:1–7 na kasama sila, maaari nilang ibahagi kung ano ang madarama nila kung sila si Moroni. Sa mga talata 1, 3, at 4, ano ang iniutos kay Moroni na gawin, at paano siya sumunod? Paano tayo maaaring maging higit na katulad ni Moroni?
-
Maaari siguro ninyong pag-usapan ng iyong mga anak ang mga sitwasyon kung saan kailangan nilang pumili sa pagitan ng tama at mali kapag walang nakamasid. Paano tayo tinutulungan ng pananampalataya kay Jesucristo sa mga sitwasyong ito? Ang isang awiting tulad ng “Ang Tama’y Ipaglaban” (Aklat ng mga Awit Pambata, 81) ay maaaring makaragdag sa talakayang ito.
Si Jesucristo ay “isang Diyos ng mga himala.”
-
Maaari mong ipaliwanag sa iyong mga anak na ang himala ay isang bagay na ginagawa ng Diyos para ipakita ang Kanyang kapangyarihan at pagpalain ang ating buhay. Pagkatapos ay maaari mong basahin ang mga parirala mula sa Mormon 9:11–13, 17 na naglalarawan ng ilan sa mga himala ng Diyos, at maaaring mag-isip ang iyong mga anak ng iba pang mga himala (makakatulong ang mga larawan mula sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, tulad ng blg. 26, 40, 41, at 83). Pag-usapan ang mga himalang nagawa ng Diyos sa buhay mo.
-
Magpakita sa iyong mga anak ng isang resipe, at pag-usapan kung ano ang mangyayari kung may nalimutan kang isang mahalagang sangkap. Sama-samang basahin ang Mormon 8:24 at 9:20–21 para mahanap ang “mga sangkap” na maaaring humantong sa mga himala ng Diyos.