“Nobyembre 11–17: ‘Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-Paniniwala.’ Eter 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Aklat ni Mormon 2024 (2023)
“Nobyembre 11–17. Eter 1–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2024 (2023)
Nobyembre 11–17: “Punitin ang Tabing na Yaon ng Kawalang-Paniniwala”
Eter 1–5
Bagama’t totoo na ang mga paraan ng Diyos ay mas mataas kaysa sa atin at dapat tayong magpasakop palagi sa Kanyang kalooban, hinihikayat din Niya tayong mag-isip at kumilos para sa ating sarili. Iyan ay isang aral na natutuhan ni Jared at ng kanyang kapatid. Halimbawa, ang ideya ng paglalakbay sa isang bagong lupain na “piling lupain sa buong mundo” ay tila nagsimula kay Jared, at ipinagkaloob ng Panginoon ang kahilingan, na sinasabi sa kapatid ni Jared, “Gayon ang gagawin ko sa iyo dahil sa mahabang panahong ito ay nagsumamo ka sa akin” (tingnan sa Eter 1:38–43). At nang kailanganin ng kapatid ni Jared ng ilaw sa loob ng mga gabara na magdadala sa kanila sa kanilang lupang pangako, may itinanong ang Panginoon na karaniwang itinatanong natin sa Kanya: “Ano ang nais mong gawin ko?” (Eter 2:23). Nais Niyang marinig ang ating mga iniisip at ideya, at makikinig Siya at magbibigay ng Kanyang pagpapatibay o kaya’y papayuhan Niya tayo. Kung minsan ang tanging naghihiwalay sa atin mula sa mga pagpapalang hinahangad natin ay ang ating sariling “tabing … ng kawalang-paniniwala,” at kung ating “[pupunitin] ang tabing na yaon” (Eter 4:15), maaaring magulat tayo sa handang gawin ng Panginoon para sa atin.
Tingnan din sa “The Lord Appears to the Brother of Jared [Nagpakita ang Panginoon sa Kapatid ni Jared” (video), Gospel Library.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Kapag nagsusumamo ako sa Panginoon, mahahabag Siya sa akin.
Nakasaad sa Eter 1:33–43 ang tatlong panalangin ng kapatid ni Jared. Ano ang natututuhan mo mula sa tugon ng Tagapagligtas sa bawat panalangin? Isipin ang isang pagkakataon na naranasan mo ang habag ng Panginoon nang magsumamo ka sa Kanya sa panalangin. Maaari mong itala ang karanasang ito at ibahagi ito sa isang tao na maaaring kailangang marinig ang iyong patotoo.
Tingnan din sa “Dalanging Taimtim,” Mga Himno, blg. 86.
Maaari akong tumanggap ng paghahayag para sa aking buhay.
Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96).
Habang pinag-aaralan mo ang Eter 2; 3:1–6; 4:7–15, ano ang natututuhan mo tungkol sa “espirituwal na bagay” na binanggit ni Pangulong Nelson? Maaari mong markahan ng isang kulay ang naging mga tanong o alalahanin ng kapatid ni Jared at kung ano ang ginawa niya tungkol sa mga iyon, at maaari mong markahan ng ibang kulay kung paano siya tinulungan ng Panginoon at ipinaalam ang Kanyang kalooban.
Narito ang ilang tanong na pagninilayan habang nag-aaral ka:
-
Ano ang natanim sa iyong isipan tungkol sa paraan ng pagsagot ng Panginoon sa mga tanong ng kapatid ni Jared sa Eter 2:18–25?
-
Paano mo maaaring gamitin ang Eter 3:1–5 para matulungan ang isang taong nag-aaral kung paano manalangin?
-
Ano ang maaaring makahadlang sa iyo sa pagtanggap ng paghahayag mula sa Panginoon? (tingnan sa Eter 4:8–10). Paano ka maaaring tumanggap ng paghahayag mula sa Kanya nang mas madalas? (tingnan sa Eter 4:7, 11–15).
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “punitin ang tabing … ng kawalang-paniniwala” sa iyong buhay” (Eter 4:15).
Ano pa ang natututuhan mo mula sa kapatid ni Jared tungkol sa personal na paghahayag?
Nagturo si Elder Dale G. Renlund tungkol sa “Isang Framework para sa Personal na Paghahayag” (Liahona, Nob. 2022, 16–19). Isiping magdrowing ng isang kuwadro ng larawan at isulat ang apat na elemento ng framework sa bawat panig. Paano ka matutulungan ng framework na ito na “dagdagan ang kakayahan mong tumanggap ng paghahayag”?
Tingnan din ang Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Personal Revelation [Personal na Paghahayag],” Gospel Library.
Sa pamamagitan ng Kanyang pagpaparusa, inaanyayahan ako ng Panginoon na magsisi at lumapit sa Kanya.
Kahit ang isang propetang kasing dakila ng kapatid ni Jared ay kinailangang kastiguhin ng Panginoon. Ano ang natututuhan mo mula sa Eter 2:14–15 tungkol sa pagkastigo ng Panginoon? Pag-isipan kung paano maaaring nakatulong ang pagkastigo ng Panginoon at ang tugon ng kapatid ni Jared para ihanda siya sa kanyang mga karanasan sa Eter 3:1–20.
Ihahanda ako ng Panginoon na tawirin ang aking “malawak na kailaliman.”
Kung minsan, ang pagtawid sa “malawak na kailaliman” ang tanging paraan para matupad ang kalooban ng Diyos para sa atin. May nakikita ka bang mga pagkakatulad sa buhay mo sa Eter 2:16–25? Paano ka naihanda ng Panginoon para sa iyong mga hamon? Ano ang hinihiling Niyang gawin mo ngayon para makapaghanda sa kailangan Niyang ipagawa sa iyo sa hinaharap?
Tingnan din sa L. Todd Budge, “Patuloy at Matatag na Tiwala,” Liahona, Nob. 2019, 47–49.
Nagpapatotoo ang mga saksi sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.
Habang binabasa mo ang propesiya ni Moroni sa Eter 5, pagnilayan ang layunin ng Panginoon sa paghahanda ng maraming saksi ng Aklat ni Mormon. Anong mga patotoo ang nakahikayat sa iyo na maniwala na ang Aklat ni Mormon ang salita ng Diyos? Paano naipakita sa iyo ng Aklat ni Mormon “ang kapangyarihan ng Diyos at gayon din ang kanyang salita”? (Eter 5:4).
Mga Ideya sa Pagtuturo sa mga Bata
Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin.
-
Kung may alam kang wika na hindi alam ng iyong mga anak, bigyan sila ng ilang simpleng tagubilin sa wikang iyon (o i-play ang isang recording ng ibang wika). Maaari mong gamitin ito para ipaliwanag kung bakit humingi ng tulong sa panalangin ang kapatid ni Jared sa Eter 1:33–37. Bigyang-diin kung ano ang nadama ng Panginoon tungkol sa panalanging ito at kung paano Siya tumugon (tingnan din sa “Kabanata 50: Nilisan ng mga Jaredita ang Babel,” Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon, 143–44).
-
Maaaring magkunwari ang iyong mga anak na gumagawa ng isang gabara habang binabasa ninyo ang Eter 2:16–17. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ng iyong mga anak ang naging mga problema ng mga Jaredita sa kanilang mga gabara (tingnan sa Eter 2:19) at ang iba’t ibang paraan na sinagot ng Panginoon ang mga panalangin ng kapatid ni Jared (tingnan sa Eter 2:19–25; 3:1–6). Ang larawan at pahina ng aktibidad sa dulo ng outline na ito ay maaaring makatulong sa inyo ng iyong mga anak na isalaysay ang kuwento. Ano ang natututuhan natin mula sa kapatid ni Jared tungkol sa panalangin? Isiping magbahagi ng isang karanasan kung saan humingi ka ng tulong sa panalangin at tinulungan ka ng Ama sa Langit.
Ako ay nilikha sa wangis ng Diyos.
-
Habang lumalaki sila, mahaharap ang iyong mga anak sa maraming maling mensahe tungkol sa Diyos, sa kanilang sarili, at sa kanilang pisikal na katawan. Maaari mong hilingin sa kanila na tulungan kang mahanap ang mga katotohanan tungkol sa mga paksang ito sa Eter 3:6–16. Para mabigyang-diin ang katotohanang itinuro sa Eter 3:13, 15, maaari ninyong sama-samang tingnan ang larawan ng Tagapagligtas at anyayahan ang iyong mga anak na ituro ang iba’t ibang bahagi ng Kanyang katawan. Pagkatapos ay maaari nilang ituro ang bahagi ring iyon sa sarili nilang katawan. Maaari din kayong sama-samang kumanta ng isang awiting may kaugnayan sa ating katawan, tulad ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 73). Maaari ninyong pag-usapan ng iyong mga anak kung bakit kayo nagpapasalamat para sa inyong katawan.
Tatlong saksi ang nagpatotoo sa Aklat ni Mormon.
-
Ipinropesiya ni Moroni na tutulong ang Tatlong Saksi na itatag ang katotohanan ng Aklat ni Mormon. Para maituro kung ano ang isang saksi, maaari mong hilingin sa iyong mga anak na ilarawan ang isang bagay na nakita o naranasan nila na hindi pa naranasan ng iba. Pagkatapos habang binabasa ninyo ang Eter 5 nang sama-sama, maaari ninyong pag-usapan kung bakit gumagamit ng mga saksi ang Diyos sa Kanyang gawain. Maaari din ninyong ibahagi sa isa’t isa kung paano ninyo nalaman na ang Aklat ni Mormon ay totoo at paano ninyo maaaring ibahagi ang inyong patotoo sa iba.