“Mga Tinig ng Panunumbalik: Ang Pamilya ni Joseph Smith,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Ang Pamilya ni Joseph Smith,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Ang Pamilya ni Joseph Smith
Malaki ang epekto ng ating buhay-pamilya sa bawat isa sa atin, at totoo rin ito kay Joseph Smith. Ang mga paniniwala sa relihiyon at mga gawi ng kanyang mga magulang ay nagtanim ng mga binhi ng pananampalataya na naging dahilan para maging posible ang Pagpapanumbalik. Nakatala sa journal ni Joseph ang papuring ito: “Ang mga salita at wika ay hindi sapat para mapasalamatan ko ang Diyos sa pagbibigay sa akin ng napakabubuting magulang.”
Ang sumusunod na mga sipi mula sa kanyang inang si Lucy Mack Smith; sa kanyang kapatid na si William Smith; at sa Propeta mismo ay mas magpapaunawa sa atin sa impluwensya ng relihiyon sa tahanan ng mga Smith.
Lucy Mack Smith
“[Noong mga 1802], nagkasakit ako. … Sabi ko sa sarili ko, hindi pa ako handang mamatay dahil hindi ko alam ang mga landasin ni Cristo, at tila ba may isang madilim at mapanglaw na agwat sa pagitan ko at ni Cristo na hindi ko pangangahasang tawirin. …
“Umasa ako sa Panginoon at nagmakaawa at nagsumamo sa Panginoon na pahabain niya ang aking buhay upang mapalaki ko ang aking mga anak at maaliw ang puso ng aking asawa; gayon ako nahimlay sa buong magdamag. … Nakipagtipan ako sa Diyos [na] kung hahayaan niya akong mabuhay sisikapin kong mahanap ang relihiyong iyon na magbibigay-daan para mapaglingkuran ko siya nang tama, sa Biblia man o saanman iyon matatagpuan, kahit sa langit pa ito matamo sa pamamagitan ng panalangin at pananampalataya. Sa huli ay nangusap sa akin ang isang tinig at nagsabing, ‘Humanap kayo, at kayo ay makatatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan. Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.’ …
“Mula sa oras na iyon patuloy akong lumakas. Hindi ako gaanong bumanggit tungkol sa relihiyon bagama’t nasa isip ko iyon palagi, at naisip ko na magsusumigasig ako sa sandaling kayanin ko na makahanap ng isang relihiyosong tao na alam ang mga landasin ng Diyos para turuan ako sa mga bagay na nauukol sa Langit.”
William Smith
“Ang aking ina, na napakarelihiyosa at lubhang mapagmalasakit sa kapakanan ng kanyang mga anak, kapwa sa buhay na ito at sa kabilang buhay, ay ginawa ang lahat ng makakaya niya bilang isang mapagmahal na magulang, para hikayatin kaming hangarin ang kaligtasan ng aming kaluluwa, o (ang tawag doon noon ay) ‘maging relihiyoso.’ Hinikayat niya kaming dumalo sa mga pulong, at halos buong pamilya ay naging interesado roon, at naghanap ng katotohanan.”
“Naaalala ko na laging nagdarasal ang aming pamilya. Tandang-tanda ko na laging dala ng aking ama ang kanyang salamin sa mata sa bulsa ng kanyang tsaleko, … at kapag nakita naming mga anak na lalaki na kinakapa niya ang kanyang salamin, alam namin na hudyat na iyon para maghanda na kaming magdasal, at kung hindi namin napansin iyon sasabihin ng aking ina, ‘William,’ o kung sinuman ang nakalimot, ‘maghanda ka nang magdasal.’ Pagkatapos magdasal ay may kinakanta kami.”
Itinuro nina Joseph Sr. at Lucy Smith sa kanilang pamilya na pag-aralan ang mga banal na kasulatan.
Joseph Smith
“Sinasabi ko ngayon na walang ginawang masama kailanman [ang aking ama] na masasabing karamutan, sa kanyang buhay, sa pagkakaalam ko. Mahal ko ang aking ama at ang kanyang alaala; at ang alaala ng kanyang mararangal na gawain, ay malaki ang impluwensya sa aking isipan, at marami sa kanyang mabubuting salita at payo bilang magulang ang nakaukit sa aking puso. Sagrado sa akin ang mga alaala na itinatangi ko sa kasaysayan ng kanyang buhay, na sumasagi sa aking isipan at nakakintal doon, sa sarili kong pagmamasid, mula nang ako ay isilang. … Ang aking ina ay isa rin sa mga pinakadakila, at pinakamabait sa lahat ng babae.”