“Enero 20–26: ‘Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob sa Kanilang mga Ama’: Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Enero 20–26: “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob sa Kanilang mga Ama”
Doktrina at mga Tipan 2; Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–65
Tatlong taon na ang lumipas mula nang magpakita ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith sa kakahuyan, at wala nang natanggap na anumang karagdagang mga paghahayag si Joseph mula noon. Naisip niya na baka hindi nasiyahan ang Panginoon sa kanya. Tulad nating lahat, nakagawa siya ng mga pagkakamali, at nadama niya na hinatulan siya dahil doon. Subalit may gawain pa rin ang Diyos para sa kanya. At ang gawaing ipinagawa kay Joseph ay may kaugnayan sa iniuutos sa atin ng Diyos. Ilalabas ni Joseph ang Aklat ni Mormon; inaanyayahan tayong ibahagi ang mensahe nito. Tatanggap ng mga susi ng priesthood si Joseph para ibaling ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama; maaari na tayong tumanggap ngayon ng mga ordenansa para sa ating mga ninuno sa mga templo. Sinabi kay Joseph ang mga propesiya na malapit nang matupad; tinawag tayo para tumulong na matupad ang mga propesiyang ito. Habang nakikibahagi tayo sa gawain ng Diyos, maaasahan natin na mahaharap tayo sa oposisyon at maging sa pag-uusig, tulad ng nangyari sa Propeta. Ngunit maaari din tayong manampalataya na gagawin tayong mga kasangkapan ng Panginoon sa Kanyang mga kamay, tulad ng ginawa Niya kay Joseph.
Tingnan din sa Mga Banal, 1:23–61.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–33
May gawaing ipagagawa sa akin ang Diyos.
Isang bagay ang maniwala na may gawaing ipinagawa ang Diyos kay Joseph Smith—maaari nating gunitain ang kanyang buhay at malinaw na makita kung ano ang kanyang nagawa. Ngunit naisip mo na ba na may gawain din ang Diyos para sa iyo? Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–33, isipin kung ano kaya ang gawaing iyon. Paano ito nakakatulong sa patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Tagapagligtas?
Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson: “Habang lumalapit tayo kay Cristo at tinutulungan [natin] ang iba na gayon din ang gawin, nakikibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos, na nakatuon sa mga responsibilidad na ibinigay ng Diyos. … Ang mga responsibilidad na ito ay simple, nagbibigay-inspirasyon, nakahihikayat, at kayang gawin. Narito ang mga iyon:
-
Pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo
-
Pagbubuklod ng mga pamilya para sa [ka]walang-hanggan” (“Napakaganda—Napakasimple,” Liahona, Nob. 2021, 47).
Pagnilayan ang mga karanasan mo sa paglahok sa bawat isa sa mga responsibilidad na ito na ibinigay ng Diyos. Ano ang susunod na ipagagawa sa iyo ng Tagapagligtas? May webpage na Mga Paksa at Tanong para sa bawat isa sa mga responsibilidad na ito (tingnan sa “Our Role in God’s Work of Salvation and Exaltation [Ang Ating Papel sa Gawain ng Diyos Ukol sa Kaligtasan at Kadakilaan],” Gospel Library). Maaari mong suriin ang mga webpage na ito para masagot mo ang tanong na ito.
Maaaring pakiramdam mo kung minsan ay hindi ka maaaring kasangkapanin ng Panginoon dahil sa mga pagkakamaling nagawa mo. Ano ang natutuhan mo mula sa karanasan ni Joseph Smith sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:28–29? Paano mo malalaman ang iyong “katayuan sa harapan [ng Diyos]”?
Tingnan din sa “Youth Responsibility in the Work of Salvation” (video), ChurchofJesusChrist.org; “Ang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan,” Pangkalahatang Hanbuk, 1.2.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:34–47
Sa pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo, tinupad ng Tagapagligtas ang mga sinaunang propesiya.
Nang magpakita si Moroni kay Joseph Smith, binanggit niya ang ilang propesiya sa Luma at Bagong Tipan, tulad ng Isaias 11; Mga Gawa 3:22–23; at Joel 2:28–32. Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:34–47, isipin kung bakit maaaring mahalagang malaman ni Joseph ang mga propesiyang ito. Bakit mahalagang malaman mo ang mga ito?
Maaari mo ring basahin ang itinuro ni Elder David A. Bednar tungkol sa unang pagbisita ni Moroni kay Joseph Smith sa “Nasasandatahan ng Kapangyarihan ng Diyos sa Dakilang Kaluwalhatian” (Liahona, Nob. 2021, 28).
Tingnan din sa “Minsan May Isang Anghel,” Mga Himno, blg. 10.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:48–60
Ihahanda ako ng Diyos na gumawa sa Kanyang kaharian.
Si Joseph ay 17 taong gulang lamang nang una niyang makita ang mga laminang ginto. Gayunman, hindi ipinagkatiwala ang mga ito sa kanyang pangangalaga hanggang makalipas ang apat na taon. Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:48–60, na inaalam kung ano ang nangyari sa buhay ni Joseph noong panahong iyon. Sa palagay mo, paano siya inihanda ng mga kaganapang ito para sa gawaing ipinagagawa sa kanya ng Diyos? Ano ang mga naranasan mo na naghanda sa iyo na paglingkuran ang Diyos at ang iba? Ano ang kasalukuyan mong nararanasan na makakatulong sa iyo na maghandang maglingkod sa hinaharap?
Isinugo ng Panginoon si Elijah para ibaling ang puso ko sa aking mga ninuno.
Ano ang itinuturo sa iyo ng mga salitang tulad ng “itatanim,” “mga puso,” at “babaling” sa bahaging ito tungkol sa misyon ni Elijah at sa mga pagpapala ng mga susi ng priesthood na ipinanumbalik niya? Paano mo nadama na bumaling ang puso mo sa iyong mga ninuno? Mag-isip ng mga paraan na mararanasan mo ang damdaming ito nang mas madalas. Ang paghahanap sa iyong mga ninuno at pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanila sa templo ay isang paraan (tingnan sa FamilySearch.org). Ano ang iba pang naiisip mo?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16; Gerrit W. Gong, “Maligaya Magpakailanman,” Liahona, Nob. 2022, 83–86.
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Joseph Smith—Kasaysayan 1:28–29
Maaari akong magsisi at mapatawad.
-
Nadarama nating lahat kung minsan na “isinumpa [tayo] dahil sa [ating] mga kahinaan at mga kamalian,” tulad ng nadama ni Joseph Smith. Maaari ninyong pag-aralan ng iyong mga anak ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:29, at alamin kung ano ang ginawa ni Joseph nang madama niya iyon. Ano ang maaari nating matutuhan sa kanyang halimbawa na makakatulong sa atin kapag nagkakamali tayo? Bakit mahalagang malaman na tinawag ng Diyos si Joseph kahit hindi siya perpekto?
Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–54
Tinawag ng Ama sa Langit si Joseph Smith para tulungan Siyang gawin ang Kanyang gawain.
-
Maaaring masiyahan ang iyong mga anak na magkunwaring si Joseph Smith habang ikinukuwento mo ang mga pagdalaw ni Moroni sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–54 o sa “Kabanata 3: Si Anghel Moroni at ang mga Laminang Ginto” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 13–16, o sa katumbas na video nito sa Gospel Library). Halimbawa, maaari silang humalukipkip na parang nagdarasal sila o nagkukunwaring umaakyat sa Burol ng Cumorah, at iba pa. Pagkatapos ay maaari mong hilingin sa kanila na pag-usapan kung ano ang ipinagawa ng Diyos kay Joseph Smith at kung paano tayo pinagpapala dahil dito. Halimbawa, paano tayo napagpala dahil isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon? Paano nakatulong ang kanyang gawain para mas mapalapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Nais ng Ama sa Langit na mabuklod ang mga pamilya sa templo.
-
Marahil ay masisiyahan kayo ng iyong mga anak na tingnan ang ilang larawan ng inyong pamilya, kabilang na siguro ang isang larawan ng inyong pamilya sa templo (o tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 120). Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang Doktrina at mga Tipan 2 at ibahagi sa isa’t isa ang inyong mga iniisip kung bakit mayroon tayong mga templo at kung bakit nais ng Ama sa Langit na magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman. Isiping sama-samang kantahin ang “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98). Ano ang sinasabi sa awiting ito na magagawa natin para makapiling ang ating pamilya magpakailanman?
Ang pag-alam tungkol sa aking mga ninuno ay maaaring maghatid sa akin ng kagalakan.
-
Maaaring masabik at makadama ng kagalakan ang mga bata sa family history. Para matulungan sila, maaari kang magbahagi ng mga kuwento o larawan ng iyong mga ninuno. Kausapin ang iyong mga anak kung ano ang naging buhay ng kanilang mga ninuno noong mga bata pa sila. Maaari ding masiyahan ang iyong mga anak sa ilan sa mga aktibidad sa family history sa FamilySearch.org/discovery.