Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 6–12: “Makinig, O Kayong mga Tao”: Doktrina at mga Tipan 1


“Enero 6–12: ‘Makinig, O Kayong mga Tao’: Doktrina at mga Tipan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 1,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

pamilyang sama-samang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Enero 6–12: “Makinig, O Kayong mga Tao”

Doktrina at mga Tipan 1

Noong Nobyembre 1831, isa’t kalahating taon pa lamang ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Bagama’t lumalago, wala pa ring gaanong nakaaalam tungkol sa grupo ng mga mananampalatayang naninirahan sa maliliit na bayan, na pinamumunuan ng isang propeta na mga 25 taong gulang pa lamang. Ngunit itinuring ng Diyos ang mga mananampalatayang ito na Kanyang mga lingkod at Kanyang mga sugo, at nais Niyang ihayag sa mundo ang mga paghahayag na ibinigay Niya sa kanila.

Ang Doktrina at mga Tipan bahagi 1 ang paunang salita, o pambungad, ng Panginoon, sa mga paghahayag na ito. Malinaw na ipinapakita nito na kahit kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan, walang maliit tungkol sa mensaheng nais ng Diyos na ibahagi ng Kanyang mga Banal. Ito ay isang “tinig ng babala” para sa lahat ng “naninirahan sa mundo,” na nagtuturo sa kanilang magsisi at itatag ang “walang hanggang tipan” ng Diyos (mga talata 4, 8, 22). Ang mga lingkod na nagdadala ng mensaheng ito ay “[ang] mahihina at [ang] mga pangkaraniwan.” Ngunit ang mga mapagpakumbabang lingkod lamang ang tinatawag ng Diyos—noon at ngayon—para ilabas ang Kanyang Simbahan “mula sa pagkakatago at mula sa kadiliman” (mga talata 23, 30).

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 1

“Makinig, O kayong mga tao.”

Ang paunang salita ay nagpapakilala sa isang aklat. Tinutukoy nito ang mga tema at layunin ng aklat at tinutulungan ang mga mambabasa na maghandang basahin ito. Habang binabasa mo ang bahagi 1—ang “paunang salita” ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan (talata 6)—hanapin ang mga tema at layuning ibinigay ng Panginoon para sa Kanyang mga paghahayag. Ano ang natutuhan mo na tutulong sa iyo sa pag-aaral mo ng Doktrina at mga Tipan ngayong taon? Halimbawa, maaari mong pagnilayan ang ibig sabihin ng “[makinig] sa tinig ng Panginoon” sa mga paghahayag na ito (talata 14) o “saliksikin ang mga kautusang ito” (talata 37).

Tingnan din ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan.

Doktrina at mga Tipan 1:4–6; 23–24; 37–39

icon ng seminary
Nangungusap ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, kabilang na ang mga propeta sa mga huling araw.

Ang bahagi 1 ay nagsisimula at nagtatapos sa pahayag ng Diyos na Siya ay nangungusap sa pamamagitan ng Kanyang piniling mga lingkod (tingnan sa mga talata 4–6, 23–24, 38). Isulat ang natutuhan mo mula sa paghahayag na ito:

  • Tungkol sa Panginoon at sa Kanyang tinig.

  • Kung bakit kailangan ang mga propeta sa ating panahon.

Ano ang nahihikayat kang gawin bilang resulta ng natuklasan mo?

Kailan mo narinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng tinig ng Kanyang mga lingkod? (tingnan sa talata 38).

Maaari ka ring mag-imagine na magkasama ninyong binabasa ng isang kaibigang walang alam tungkol sa mga buhay na propeta ang bahagi 1. Ano kaya ang mga itatanong ng kaibigan mo? Aling mga talata ang gusto mong talakayin sa kaibigan mo para maipaunawa sa kanya kung ano ang nadarama mo tungkol sa pagkakaroon ng mga propeta sa ating panahon?

Maaaring nakasisiya sa iyong malaman na nang magpulong ang isang council ng mga elder noong 1831 para pag-usapan ang paglalathala ng mga paghahayag na natanggap ni Joseph Smith, tinutulan ng ilang tao ang ideya. Ikinahiya nila ang kahinaan ni Joseph sa pagsulat, at nag-alala sila na baka magsanhi ng iba pang mga problema para sa mga Banal ang paglalathala ng mga paghahayag (tingnan sa Mga Banal, 1:161–64). Kung naging miyembro ka ng council na ito, paano mo kaya sasagutin ang mga alalahaning ito? Anong mga kabatiran ang nakita mo sa bahagi 1 na maaaring makatulong? (tingnan, halimbawa, sa mga talata 6, 24, 38).

Isiping isama ang isang himnong tulad ng “Halina, Tinig ng Propeta’y Dinggin” (Mga Himno, blg. 14) sa iyong pag-aaral at pagsamba. Maghanap ng mga parirala sa himno na nagtuturo ng mga alituntuning katulad ng mga talata sa bahagi 1.

Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Mga Propeta,” Gospel Library.

Sinasang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang mga lider sa pangkalahatang kumperensya

Nangungusap ang Panginoon sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod, ang mga propeta.

Doktrina at mga Tipan 1:12–30, 34–36

Tinutulungan ako ng Pagpapanumbalik na harapin ang mga hamon ng mga huling araw.

Sa Doktrina at mga Tipan bahagi 1, ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit Niya ipinanumbalik ang Kanyang ebanghelyo. Tingnan kung ilang dahilan ang maililista mo habang binabasa mo ang mga talata 12–23. Sa iyong karanasan, paano isinasakatuparan ang mga layunin ng Panginoon para sa Pagpapanumbalik?

Alam ng Panginoon na magkakaroon ng mabibigat na hamon sa ating panahon (tingnan sa talata 17). Ano ang nakikita mo sa mga talata 17–30, 34–36 na nagpapadama sa iyo ng kapayapaan at tiwala sa kabila ng mga hamong ito?

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 73–76.

Doktrina at mga Tipan 1:19–28

Gumagamit ang Panginoon ng “mahihina at ng mga pangkaraniwan” para maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 1:19–28, maaari mong pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng maging lingkod ng Panginoon. Anong mga katangian ang nais ng Panginoon na taglayin ng Kanyang mga lingkod? Ano ang isinasakatuparan ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga lingkod? Paano natutupad ang mga propesiya sa mga talatang ito sa buong mundo at sa iyong buhay?

3:31

Ipinahayag ng Mahihina at mga Pangkaraniwang Tao

Hanapin si Jesucristo. Ang layunin ng mga banal na kasulatan ay para patotohanan ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 1, isiping markahan o isulat ang mga talatang may itinuturo sa iyo tungkol kay Jesucristo.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 02 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 1:4, 37–39

Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, binabalaan ako ng Panginoon tungkol sa espirituwal na panganib.

  • Para makapagsimula ng isang talakayan tungkol sa mga babala mula sa Panginoon, maaari ninyong pag-usapan ang mga babalang natatanggap natin mula sa ibang mga tao tungkol sa mga panganib na hindi natin nakikita. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang isang madulas na sahig, paparating na bagyo, o papalapit na kotse. Maaari siguro ninyong tingnan ng iyong mga anak ang mga halimbawa ng mga tanda ng babala at ikumpara ang mga babalang ito sa mga babalang ibinibigay sa atin ng Panginoon. Ayon sa Doktrina at mga Tipan 1:4, 37–39, paano tayo binabalaan ng Panginoon? Tungkol saan ang ibinabala Niya sa atin kamakailan? Marahil ay maaari ninyong panoorin o basahin ang mga bahagi ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan at maghanap kayo ng mga halimbawa ng “tinig ng babala” ng Diyos.

  • Sama-samang kumanta ng isang awitin tungkol sa mga propeta, tulad ng huling taludtod ng “Propeta’y Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 58). Magpatotoo na ipinapahayag ng propeta ang salita ng Diyos.

Doktrina at mga Tipan 1:17

Tinutulungan ako ng Pagpapanumbalik na harapin ang mga hamon ng mga huling araw.

  • Para makahikayat ng talakayan tungkol sa Doktrina at mga Tipan 1:17, maaari kayong mag-imagine ng iyong mga anak na naghahanda kayo para sa isang biyahe. Ano ang ieempake ninyo? Kung nalaman ninyo nang maaga na uulan o na mapa-flat ang gulong ng kotse o bus ninyo, paano iyon makakaapekto sa paraan ng paghahanda ninyo para sa biyahe? Sama-samang basahin ang talata 17, at pag-usapan kung ano ang alam ng Panginoon na mangyayari sa atin. Paano Siya naghanda para dito? (Kung kailangan, ipaliwanag na ang “kapahamakan” ay isang matinding sakuna o kakila-kilabot na bagay.) Paano tayo tinutulungan ng mga utos ng Diyos na harapin ang mga hamon ng ating panahon?

Doktrina at mga Tipan 1:17, 29

Tinawag ng Panginoon si Joseph Smith na maging propeta.

  • Para malaman ang papel ni Joseph Smith sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Tagapagligtas, maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang isang larawan ng Tagapagligtas at isang larawan ni Joseph Smith (tingnan ang mga larawan sa outline na ito) at pag-usapan kung ano ang ibinigay sa atin ng Tagapagligtas sa pamamagitan ni Joseph Smith. Maaaring maghanap ng mga halimbawa ang iyong mga anak sa Doktrina at mga Tipan 1:17, 29. Sabihin sa iyong mga anak kung paano mo nalaman na “tinawag [ng Diyos] ang [Kanyang] tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap [Siya] sa kanya mula sa langit” (talata 17).

ipinintang larawan ni Joseph Smith Jr.

© 1998 David Lindsley

Doktrina at mga Tipan 1:30

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang “tunay at buhay na simbahan” ng Panginoon.

  • Ano ang ibig sabihin ng ang Simbahan ay “tunay at buhay”? Para mapag-isipan ng iyong mga anak ang tanong na ito, marahil ay maaari kang magpakita sa kanila ng mga bagay na may buhay at mga bagay na walang buhay—tulad ng isang buhay na halaman at isang patay na halaman. Paano natin malalaman na buhay ang isang bagay? Pagkatapos ay maaari mong basahin ang Doktrina at mga Tipan 1:30 at talakayin kung ano ang maaaring ibig sabihin ng maging “tunay at buhay” ang Simbahan.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

ipinintang larawan ni Jesucristo

Beside Still Waters [Sa Tabi ng Payapang Tubig], ni Simon Dewey

pahina ng aktibidad para sa mga bata