“Enero 27–Pebrero 2: ‘Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy’: Doktrina at mga Tipan 3–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 3–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Enero 27–Pebrero 2: “Ang Aking Gawain ay Magpapatuloy”
Doktrina at mga Tipan 3–5
Sa unang ilang taon niya bilang propeta ng Panginoon, hindi pa alam ni Joseph Smith ang lahat tungkol sa “kagila-gilalas na gawain” na ipinagagawa sa kanya. Ngunit ang isang bagay na itinuro sa kanya ng mga nauna niyang karanasan ay na para magawa ang gawain ng Diyos, kailangang “nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos” ang kanyang mata (Doktrina at mga Tipan 4:1, 5). Halimbawa, kung pinayuhan siya ng Panginoon na gawin ang isang bagay na hindi niya tiyak na gusto niyang gawin, kailangan niyang sundin ang payo ng Panginoon. At kahit tumanggap siya ng “maraming paghahayag, at … kapangyarihang makagawa ng maraming makapangyarihang gawa,” kung nadama niya na mas mahalaga ang gusto niya kaysa sa kalooban ng Diyos, siya ay “tiyak na babagsak” (Doktrina at mga Tipan 3:4). Ngunit may iba pang natutuhan si Joseph na kasinghalaga ng paggawa ng gawain ng Diyos: “Ang Diyos ay maawain,” at kung taos-pusong nagsisi si Joseph, siya ay “pinili pa rin” (talata 10). Tutal, ang gawain ng Diyos ay gawain ng pagtubos. At ang gawaing iyan ay “hindi mabibigo” (talata 1).
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Maaari akong magtiwala sa Diyos.
Noong mga unang araw ng ministeryo ni Joseph Smith, mahirap makahanap ng mabubuting kaibigan—lalo na ng mga kaibigang tulad ni Martin Harris, isang respetado at mayamang tao, na gumawa ng malalaking sakripisyo para suportahan ang gawain ni Joseph. Kaya nang humingi ng pahintulot si Martin na ipakita ang unang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon sa kanyang asawa, natural lang na ginusto ni Joseph na sundin ang kanyang kahilingan, kahit nagbabala pa ang Panginoon laban dito. Ang malungkot, nawala ang mga pahina habang nasa pag-iingat ito ni Martin, at sina Joseph at Martin ay mahigpit na pinangaralan ng Panginoon (tingnan sa Mga Banal, 1:59–61).
Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 3:1–15, pagnilayan kung ano ang nais ng Panginoon na matutuhan mo mula sa kanilang karanasan. Halimbawa, ano ang natututuhan mo tungkol sa:
-
Gawain ng Diyos? (tingnan sa mga talata 1–3, 16).
-
Mga bunga ng pagkatakot sa tao sa halip na magtiwala sa Diyos? (tingnan sa mga talata 4–8).
-
Mga pagpapalang nagmumula sa pananatiling tapat? (tingnan sa talata 8).
-
Paraan ng Panginoon na kapwa nagwasto at nakahikayat kay Joseph? (tingnan sa mga talata 9–16).
Sa kanyang mensaheng “Saan Kayo Nakatuon?,” nagbigay si Elder Lynn G. Robbins ng maraming halimbawa sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga taong may takot sa Diyos at mga taong nagpatangay sa pamimilit ng iba (Liahona, Nob. 2014, 9–11). Isiping basahin ang mga halimbawang ito sa mga banal na kasulatan na tinutukoy niya. Ano ang natutuhan mo mula sa mga salaysay na ito? Anong mga karanasan ang nagkaroon ka kung saan ay nagtiwala ka sa Panginoon nang maharap ka sa pamimilit na gawin ang isang bagay na naiiba? Ano ang mga naging resulta ng mga ginawa mo?
Tingnan din sa Dale G. Renlund, “Isang Framework para sa Personal na Paghahayag,” Liahona, Nob. 2022, 16–19; “The Contributions of Martin Harris,” sa Revelations in Context (2016), 1–9; Mga Paksa at Tanong, “Seeking Truth and Avoiding Deception [Paghanap sa Katotohanan at Pag-iwas sa Panlilinlang],” Gospel Library; “Banayad ang Utos ng Diyos,” Mga Himno, blg. 73.
Mapaglilingkuran ko ang Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.
Madalas na gamitin ang bahagi 4 sa mga full-time missionary. Gayunman, kawili-wiling pansinin na ang paghahayag na ito ay ibinigay kay Joseph Smith Sr., na hindi tinawag na magmisyon ngunit may “mga naising maglingkod sa Diyos” (talata 3).
Ang isang paraan ng pagbasa sa bahaging ito ay ang pag-imagine na isa itong job description para sa isang taong gustong tumulong sa gawain ng Panginoon. Ano ang hinahanap ng Panginoon? Anong mga pakinabang ang iniaalok Niya?
Ano ang natutuhan mo tungkol sa paglilingkod sa Panginoon mula sa mga paghahayag na ito?
Tinawag ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagtitipon ng Israel na “[a]ng pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo” (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], Gospel Library). Ano ang nakita mo sa kanyang mensahe na naghihikayat sa iyo na makilahok sa gawaing ito?
Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, maaari akong magkaroon ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Noong Marso 1829, nagsampa ng reklamo sa korte ang asawa ni Martin Harris na si Lucy na nililinlang ni Joseph Smith ang mga tao sa pagkukunwaring siya ang nagsalin ng mga laminang ginto (tingnan sa Mga Banal, 1:65–67). Kaya humingi si Martin kay Joseph ng iba pang katibayan na totoo ang mga laminang ginto. Ang Doktrina at mga Tipan 5 ay isang paghahayag bilang tugon sa hiling ni Martin. Ano ang natutuhan mo mula sa bahaging ito tungkol sa mga sumusunod:
-
Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung ipinakita sa mundo ang mga laminang ginto (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:7). Sa palagay mo, bakit ganoon?
-
Ang papel ng mga saksi sa gawain ng Panginoon (tingnan sa mga talata 11–15; tingnan din sa 2 Corinto 13:1).
-
Paano magtamo ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon para sa sarili mo (tingnan sa mga talata 16, 24; tingnan din sa Moroni 10:3–5).
Ibinigay sa atin ni Jesucristo ang Kanyang salita sa pamamagitan ni Joseph Smith.
Ano ang itinuturo sa iyo ng Doktrina at mga Tipan 5:1–10 tungkol sa papel ni Joseph Smith sa ating panahon—at sa iyong buhay? (Tingnan din sa 2 Nephi 3:6–24.)
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Doktrina at mga Tipan 3:5–10; 5:21–22
Maaari kong piliin ang tama kapag sinusubukan ng iba na pagawin ako ng mali.
-
Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa pagkatutong magtiwala sa Ama sa Langit, maaari mong rebyuhin ang kuwento tungkol sa nawalang mga pahina ng manuskrito (tingnan sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 17–21). Maaari ninyong isadula ng iyong mga anak ang mga sitwasyon kung kailan maaari silang matuksong gumawa ng isang bagay na alam nilang hindi tama. Anong mga salita o parirala sa Doktrina at mga Tipan 3:5–8; 5:21–22 ang maaaring makatulong sa kanila sa mga sitwasyong ito?
Inaanyayahan ako ng Panginoon na tumulong sa Kanyang gawain.
-
Bawat talata sa Doktrina at mga Tipan 4 ay naglalaman ng mahahalagang katotohanan na maaaring makatulong sa iyong mga anak na matuto tungkol sa paglilingkod sa Diyos. Narito ang ilang ideya para matulungan silang matuklasan ang mga katotohanang ito:
-
Maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 4:1 at ipakita ang mga larawan na nagpapakita ng “kagila-gilalas” na gawain ng Diyos sa mga huling araw (tulad ng mga missionary, templo, at Aklat ni Mormon).
-
Maaaring mag-isip ng mga galaw o magdrowing ang iyong mga anak ng mga bagay na naglalarawan sa pariralang “[paglingkuran] mo siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas” (Doktrina at mga Tipan 4:2).
-
Maaari ninyong sama-samang tingnan ang mga kagamitang ginagamit sa pagtatrabaho sa bukid. Paano tayo natutulungan ng mga kagamitang ito? Pagkatapos ay maaaring maghanap ang iyong mga anak ng mga bagay sa Doktrina at mga Tipan 4:5–6 na parang mga kagamitan sa paggawa ng gawain ng Diyos.
-
Maaaring saliksiking mag-isa ng nakatatandang mga bata ang Doktrina at mga Tipan 4 at ilista ang mga bagay na natutuhan nila kung ano ang ibig sabihin ng maglingkod sa Diyos.
-
Maaari ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa gawaing misyonero, tulad ng “Nais Ko nang Maging Misyonero” (Aklat ng mga Awit Pambata, 90).
-
Doktrina at mga Tipan 5:1–7, 11, 16, 23–24
Maaari akong maging saksi na ang Aklat ni Mormon ay totoo.
-
Para maturuan ang iyong mga anak tungkol sa mga saksi, maaari mong hilingin sa kanila na isipin na kunwari’y sinabi sa kanila ng isang kaibigan na nakakita siya ng isang pusang naglalakad gamit ang mga paa nito sa harapan. Paniniwalaan ba nila ito? Paano kung gayon din ang sinabi ng isa pang kaibigan? Pag-usapan kung ano ang isang “saksi” at kung bakit mahalaga ang mga saksi. Pagkatapos ay maaari mong tulungan ang iyong mga anak na saliksikin ang Doktrina at mga Tipan 5:1–3, 7, 11 para sa mga sagot sa mga tanong na katulad nito:
-
Ano ang gustong malaman ni Martin Harris?
-
Kanino maaaring ipakita ni Joseph Smith ang mga laminang ginto?
-
Bakit malamang na hindi makumbinsi ang isang tao na totoo ang Aklat ni Mormon sa pagkakita lamang sa mga lamina?
-
Ano ang maaari nating gawin para maging mga saksi ng Aklat ni Mormon? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:16; Moroni 10:3–5).
-