“Ang mga Kontribusyon ni Martin Harris,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ang mga Kontribusyon ni Martin Harris,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ang mga Kontribusyon ni Martin Harris
Noong 1827, mariwasa ang buhay ni Martin Harris sa Palmyra, New York. Sa nakaraang 14 na taon, nakabili siya ng 320 ektaryang lupang sakahan, at pinagkakitaan niya ang mga ito dahil sa kanyang kasipagan at makabagong mga ideya, at nakapagpatayo ng isang magandang bahay. Pinakasalan niya si Lucy Harris noong 1808, at nagkaroon sila ng limang anak, tatlo sa mga ito ay nabuhay hanggang sa pagtanda ng mga ito. Ang talento at kasaganaan ni Martin ay batid ng kanyang mga kapitbahay, na kinilala siya bilang “isang masigasig, masipag na magsasaka, mahusay sa pagnenegosyo, matipid, at … mayaman sa mga temporal na bagay sa mundo.”
Ngayong nasa edad na 45 at tinatamasa ang mga bunga ng kanyang pinaghirapan at respeto ng kanyang mga kaibigan, naisipan ni Martin na kumuha ng taong mangangalaga sa kanyang bukid sa loob ng ilang buwan upang makapaglakbay siya. Ngunit nang simulan niyang pag-isipan ang paglalakbay na ito, binisita siya ni Lucy Mack Smith, na nagdala ng ilang interesanteng balita.
Alam ni Martin Harris ang halos buong kuwento: Isang anghel na nagngangalang Moroni ang dumalaw kay Joseph Smith at sinabi sa kanya na may isang sinaunang talaang nakaukit sa mga lamina, na nakabaon sa isang burol malapit sa kanyang tahanan. Sa loob ng tatlong taon, nag-abang at naghintay si Joseph.
Ngayon ay dumating si Lucy Smith para sabihin kay Martin na natanggap na, sa wakas, ng kanyang anak ang mga lamina mula sa anghel at nais maisalin ito. Hindi kayang magbayad ni Joseph at ng kanyang pamilya para sa paglalathala ng pagsasalin, ngunit kaya itong bayaran ni Martin Harris. Tinanong ni Lucy Mack Smith si Martin kung bibisitahin nito si Joseph. Pumayag siya, at iginiit ng kanyang asawang si Lucy Harris na sasama rin ito.
Maaaring kaibigan ang turing ni Joseph Smith kay Martin Harris. Ipinagtapat niya noon kay Martin ang tungkol sa mga pagdalaw sa kanya ng mga anghel at ang pagkakaroon ng mga lamina. Tila kaibigan din ang turing ni Martin sa kanya; pinagtrabaho niya si Joseph Smith sa kanyang sakahan at nakitang maaasahan niya ito.
Ngunit marahil ay may ilang lihim na pagdududa si Martin. Kalaunan ay sinabi niya sa isang interbyu na noong una niyang marinig ang kuwento tungkol sa mga lamina, inakala niya na si Joseph at ang mga kaibigan nito na naghuhukay ng mga nakatagong kayamanan ay nakahanap lamang ng isang lumang kaldero na gawa sa tanso. Ngunit, si Martin ay isang relihiyosong tao. Itinuring pa ng ilan na siya ay mapamahiin sa kanyang mga pananaw, at mapanuyang tinawag siya na isang “panatikong naniniwala sa pangitain.” Marahil dahil sa paniniwalang maaaring maging bahagi ng buhay sa araw-araw ang mga di-pangkaraniwang karanasan, isinaalang-alang niya kahit paano ang ikinuwento ni Joseph. Agad na tinupad ni Lucy Harris ang kanyang pangako na dadalawin si Joseph, at nag-alok na tutulong ito sa pagsasalin ng mga lamina. Gayunman, nag-atubili pa rin si Martin, marahil ay kailangan niya ng ilang panahon para pag-isipan ito.
Noong taglagas at maagang taglamig, ilang masasamang tao ang nagtangkang nakawin ang mga lamina kay Joseph. Sa mapanganib na sitwasyong ito, siya ay nagpasiyang lumipat kasama ang kanyang asawang si Emma sa bahay ng mga magulang nito sa Harmony, Pennsylvania. Anuman ang dahilan ng pag-aatubili noon ni Martin, nagpasiya siya kalaunan na kailangan niyang tulungan si Joseph. Nakipagkita siya [kay Joseph] sa isang taberna sa Palmyra, binigyan ito ng $50 na barya, at sinabing, “Ibinibigay ko [ito] sa iyo para magawa ang gawain ng Panginoon.” Nang iginiit ni Joseph na ituring itong utang, muling binigyang-diin ni Martin ang kanyang hangaring mag-ambag sa gawain.
Samantala, nagsimula nang magduda si Lucy Harris sa kuwento ni Joseph, marahil ay dahil hindi ipinapakita ni Joseph ang mga lamina. Ang pagdududang ito ay naging dahilan para magalit siya sa pagiging lalo pang interesado ni Martin at sa pakikipag-ugnayan nito kay Joseph. Hindi na maayos ang relasyon ni Martin sa kanyang asawa, at ang pagsuporta niya kay Joseph Smith ay lalong pang nagpalalim sa kanilang hidwaan.
“Hindi ako makababasa ng isang aklat na mahigpit na nakasara.”
Ilang araw matapos dumating ang mga Smith sa Harmony, binisita sila ni Martin at ipinahayag ang kanyang hangaring tulungan si Joseph. Iminungkahi niya na maglalakbay siya sa silangan patungong Lunsod ng New York na dala ang transkripsyon ng ilan sa mga titik [characters] mula sa mga lamina upang ipakita ito sa mga iskolar. Marahil ay nais niya ng dagdag na katiyakan na tunay ang mga lamina, o maaaring naisip niya na matutulungan sila ng isang katibayan para maipangutang ang paglalathala ng pagsasalin. Sa anumang pagkakataon, iginiit niya na ang Panginoon ang naghikayat sa kanya na maglakbay.
Sa panahong iyon, hindi alam ni Joseph o ni Martin ang tungkol sa wikang nasa mga lamina. Ang alam lang nila ay ang sinabi ng anghel na si Moroni kay Joseph: na iyon ay talaan ng sinaunang Amerika. Sa gayon, sa halip na maghanap ng isang iskolar na may kaalaman tungkol sa wika ng taga-Egipto (kalaunan ay nalaman ni Joseph na ang wika sa mga lamina ay tinatawag na “binagong wikang Egipto” o reformed Egyptian), pinuntahan ni Martin ang ilang iskolar na interesado sa mga sinaunang bagay, lalo na sa mga sinaunang bagay sa Amerika.
Umalis siya noong Pebrero 1828, at noong papunta na sa Lunsod ng New York, tumigil siya sa Albany para bisitahin si Luther Bradish—isang dating residente ng Palmyra at kaibigan ng pamilya na marami nang napuntahan sa iba’t ibang dako ng Near East at Egipto. Hiningi ni Martin ang kanyang opinyon tungkol sa kung sino ang pupuntahan niya tungkol sa pagsasalin at pagkatapos ay nagpatuloy sa paglalakbay patungo sa New York upang puntahan si Samuel L. Mitchill, isang lingguwista at isa sa mga kilalang iskolar tungkol sa sinaunang kultura ng Amerika. Matapos suriin ang mga titik, marahil ay pinapunta ni Mitchill si Martin kay Charles Anthon, isang batang propesor ng gramatika at lingguwistika sa Columbia College. Matagal nang nangongolekta si Anthon ng mga kuwento at talumpating mailalathala tungkol sa mga Indian sa Amerika at sabik siyang masiyasat ang dokumentong dala ni Martin sa kanya.
Ayon kay Martin, sinabi ni Anthon na tunay ang mga titik hanggang sa malaman nito kung paano ito nakuha ni Joseph Smith. Iminungkahi nito na dalhin ni Martin sa kanya ang mga lamina. Tumanggi si Martin, at sumagot si Anthon, na sinabi sa ibang mga salita ang isang talata sa Isaias, “Hindi ako makababasa ng isang aklat na mahigpit na nakasara.” Bagama’t itinanggi ni Anthon kalaunan ang mga detalye ng salaysay ni Martin tungkol sa kanilang pagkikita, ito ang alam natin: tumigil si Martin sa pagpunta niya sa mga dalubhasa sa silangan na mas kumbinsido kaysa rati na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos at na ang mga lamina at ang mga titik nito ay sinauna. Itinuring niya at ni Joseph na ang pakikipagkita kay Anthon ay katuparan ng propesiya ni Isaias (na nabanggit din sa Aklat ni Mormon) tungkol sa isang “aklat na natatakan na ibibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito: at kanyang sasabihin, ‘Hindi ko mababasa, sapagkat natatatakan.”
“Para Pigilan ang Bibig ng mga Hangal”
Noong tagsibol at unang bahagi ng tag-init ng 1828, si Martin ang tagasulat habang idinidikta ng batang tagakita ang pagsasalin. Bagama’t tila mahimala ang proseso sa kanya, nag-iingat pa rin si Martin na hindi malinlang. Minsan ay pinalitan niya ang bato ng tagakita ni Joseph ng isa pang bato upang malaman kung mapapansin ni Joseph ang pagkakaiba. Nang hindi na makapagpatuloy sa pagsasalin si Joseph, ipinagtapat ni Martin ang kanyang panlilinlang at ibinalik ang bato ng tagakita. Nang tanungin siya ni Joseph kung bakit niya ito ginawa, ipinaliwanag ni Martin na gusto niyang “pigilan ang bibig ng mga hangal, na nagsabi sa kanya na natutuhan ng Propeta ang mga pangungusap na iyon at inuulit lamang ang mga ito.”
Bagama’t talagang tapat na naniwala si Martin, tumindi ang galit ng kanyang asawa. Si Lucy Harris ay nag-alala, na mauunawaan naman, na baka magbigay ng malaking halaga si Martin para tumulong sa paglalathala ng aklat, na baka kutyain ng kanyang mga kaibigan ang pakikibahagi ng kanyang asawa sa itinuring nilang panloloko, at na hindi isinaalang-alang ni Martin ang kanyang damdamin. Nainsulto rin siya sa pagtanggi ni Joseph sa bawat pagtatangka niyang makita ang mga lamina, at patuloy niyang pinipilit si Martin na magpakita sa kanya ng ilang katibayan ng kakayahan ni Joseph na magsalin.
Upang maibsan ang pagkabalisa ni Lucy, hiniling ni Martin kay Joseph na “itanong sa Panginoon sa pamamagitan ng Urim at Tummin” kung maaari niyang “iuwi ang mga naisulat at ipakita ang mga ito” sa kanyang asawa at sa iba pa. Gusto ni Joseph na matuwa si Martin dahil naging mabuti itong kaibigan “nang tila wala nang kaibigan sa mundo ang tutulong o dadamay.”
Nagtanong si Joseph para sa kanyang kaibigan. “Ang sagot,” sabi ni Joseph, “ay hindi [niya] dapat [ipauwi ito]. Gayunman, hindi nasiyahan [si Martin] sa sagot na ito, at muli niya itong ipinatanong sa akin. Nagtanong nga ako, at gayon din ang naging sagot. Subalit hindi pa rin siya nasiyahan, at sapilitang pinagtanong akong muli. Pagkaraan ng maraming pakiusap muli akong nagtanong sa Panginoon, at pinayagan na siyang maiuwi ang mga naisulat sa ilang kundisyon.” Ipapakita lamang ni Martin ang mga isinalin na pahina sa kanyang asawa, mga magulang, kapatid, at hipag.
Masayang-masaya, umuwi si Martin na dala ang mga pahina ng manuskrito at ipinakita ang mga ito sa kanyang asawa. Gayunman, hindi niya iningatan ang mahalagang manuskrito ayon sa iniutos sa kanya, at nawala ito kalaunan. Walang nakapagsabi kung paano ito nangyari. Ang isang karaniwan at paulit-ulit na usap-usapan ay kinuha ni Lucy ang mga pahina mula sa opisina ni Martin at sinunog ang mga ito, bagama’t itinanggi niya na responsable siya sa pagkawala ng mga ito. Ang ilan, kabilang na si Joseph Smith, ay naghinala na nakipagsabwatan si Lucy Harris o marahil ang iba pa.
Ginawa ni Martin ang lahat ng kanyang makakaya para mahanap ang manuskrito, nangangambang ipagtapat kay Joseph ang nangyari. “Nilaslas [niya rin] ang mga kama at mga unan” ngunit wala ang mga ito roon. Nang dumating si Joseph sa bahay ng kanyang mga magulang makalipas ang ilang linggo, na sabik na makabalita, atubili at mabagal na naglakad nang tatlong milya si Martin papunta sa tahanan ng mga Smith sa Manchester. Habang papalapit siya, naglakad siya “nang mabagal patungo sa bahay, ang kanyang mga mata ay nakatingin lang sa lupa. Pagdating niya sa tarangkahan, hindi niya ito binuksan bagkus ay nanatili roon at umupo sandali habang ang kanyang sumbrero ay nakatakip sa kanyang mga mata.”
Sa wakas ay pumasok siya, at dahil walang gaanong gana sa pagkaing inihanda nila para sa kanya, hindi nagtagal ay “inilagay niya ang kanyang mga kamay sa kanyang sentido at bumulalas nang may matinding pagdadalamhati, ‘Oh! Ipinahamak ko ang aking kaluluwa!’” Naunawaan agad ni Joseph ang nangyari. Iniutos niya kay Martin na bumalik at hanapin muli ang manuskrito, ngunit iginiit ni Martin na walang nang saysay pa ang paghahanap.
Dahil pagod at pinanghinaan ng loob, bumalik si Joseph sa Harmony at, sa paglakad sa di-kalayuan mula sa kanyang tahanan, ay nanalangin na siya ay kaawaan. Nagpakita ang anghel at muling ibinigay kay Joseph ang Urim at Tummim, o mga pansalin, na orihinal na tinanggap ni Joseph kasama ang mga lamina ngunit kinuha dahil “nanghinawa ang Panginoon sa pagtatanong kung maaaring dalhin ni Martin Harris ang mga manuskrito.” Gamit ang Urim at Tummim, natanggap ni Joseph ang pinakauna sa kanyang mga paghahayag kung saan naingatan ang teksto nito.
Kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 3, pinagsabihan sa paghahayag si Joseph: “Kaydalas mong nilabag ang mga kautusan at ang mga batas ng Diyos, at nagpadala sa mga panghihikayat ng mga Tao sapagkat, masdan, hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos.” Gayunman, nagbigay ito ng pag-asa: “Tandaan ang Diyos ay maawain. Samakatwid, magsisi sa yaong iyong nagawa na salungat sa kautusang ibinigay ko sa iyo at ikaw ay pinili pa rin at muling tinatawag sa gawain.”
“Ipagkakaloob Ko na Makita Niya”
Ilang buwang nanatili si Martin Harris sa kanyang tahanan sa Palmyra, na nagdadalamhati sa pagkawala ng manuskrito. Nagdalamhati rin siya nang matuklasan niya na hangad ng kanyang asawa at ng iba pa na siraan si Joseph Smith at palabasin na isa itong manloloko na ang habol lamang ay ang pera ni Martin. Nagnais na makipagkasundo at makabalita sa nakababahalang pangyayaring ito, binisita niya si Joseph Smith sa Harmony noong Marso 1829.
Napanatag si Martin nang malaman niya na napatawad na si Joseph at naghahanda na upang ipagpatuloy ang pagsasalin. Muling hiniling ni Martin kay Joseph ang pribilehiyong makita ang mga lamina. Nais niyang magkaroon ng matibay na patotoo na “natanggap ni Joseph ang mga bagay na pinatotohanan nito na natanggap niya,” marahil para maalis ang patuloy na pagdududa niya at makatulong sa kanya na makumbinsi si Lucy. Si Joseph ay nakatanggap ng isang paghahayag para kay Martin, matatagpuan ito ngayon sa Doktrina at mga Tipan 5. Dito, inihayag ng Panginoon na tatlong saksi ang tatawagin upang makita at magpatotoo tungkol sa mga lamina. Pagkatapos, sa kasiyahan ni Martin Harris, nangako ang Panginoon na “kung siya ay luluhod sa harapan ko, & magpapakumbaba ng kanyang sarili sa taimtim na panalangin & pananampalataya, sa katapatan ng kanyang puso, kung gayon ay ipagkakaloob ko sa kanya na masilayan ang mga bagay na nais niyang makita.” Ipinahiwatig din ng paghahayag na ang pagiging totoo ng aklat ay mapagtitibay sa pamamagitan ng mensahe nito sa halip na sa pamamagitan ng mismong mga lamina, at na marami ang hindi maniniwala kahit “ipakita [ni Joseph] sa kanila ang lahat ng bagay.”
Ang gawain ng pagsasalin ay muling sinimulan noong ika-5 ng Abril 1829, nang ang bagong dating na si Oliver Cowdery ang naging tagasulat. Sinimulan nina Joseph at Oliver kung saan nahinto noon sina Joseph at Martin, malapit sa pagsisimula ng aklat ni Mosias. Ngunit noong Mayo, nang malapit na nilang matapos ang Aklat ni Mormon tulad ng mayroon tayo ngayon, inisip nila kung dapat nilang isalin muli ang nawalang bahagi. Upang masagot ang tanong na ito, ang Panginoon ay nagbigay ng isa pang paghahayag kay Joseph Smith, na nakapaloob ngayon sa Doktrina at mga Tipan 10. Pinagtibay ng paghahayag ang pangamba ni Joseph tungkol sa pagsasabwatan: “Masdan, inilagay ni Satanas sa kanilang mga puso na baguhin ang mga salita na iyong pinapangyaring maisulat.” Gayunman, tiniyak ng Panginoon kay Joseph na noon pa man ay may nakahanda na Siyang solusyon. Iniutos kay Joseph na huwag nang isalin muli ang nawalang bahagi kundi palitan ito ng pagsasalin ng “mga lamina ni Nephi,” na sumasaklaw sa gayon ding panahon. Kaya nga, hahadlangan ng Panginoon ang mga plano ng mga magkakasabwat at tutuparin ang mga panalangin ng mga sinaunang Nephita na tagapag-ingat ng talaan, na nagnais na ang mga talaang ito ay “maiparating sa mga taong ito.”
“Namasdan ng Aking mga Mata”
Nang malapit nang matapos ang pagsasalin, nagsumamo si Martin, kasama sina Oliver Cowdery at David Whitmer, kay Joseph para sa pribilehiyong maging mga ipinangakong saksi ng mga lamina. Muling nagtanong si Joseph at natanggap ang paghahayag na nakapaloob ngayon sa Doktrina at mga Tipan 17, nangangako sa bawat isa sa mga lalaki na makikita nila ang mga lamina kung “mag[ti]tiwala [sila] sa aking salita,” nang may “buong layunin ng puso.”
Walang duda na masayang-masaya si Martin na pahihintulutan siyang makita ang mga lamina, ngunit noong Hunyo 1829, nang ang tatlong lalaki ay nagsikap na manalangin at makita ang mga lamina mula sa anghel, sa una ay nabigo sila. Natakot si Martin na “ang kanyang presensya ang dahilan kung bakit hindi namin makamtan ang nais namin.” Umalis siya, at di-nagtagal ay nagpakita ang anghel at ipinakita kina Whitmer at Cowdery ang mga lamina. Hinanap ni Joseph si Martin at natagpuan niya ito sa malayo. Siya ay nagdarasal nang mag-isa, at sinamahan siya ni Joseph. Hindi nagtagal ay nakita niya ang matagal na niyang hinahangad na makita. Matapos makita ang mga lamina, bumulalas siya, “Sapat na, namasdan na ng aking mga mata namasdan na ng aking mga mata.”
“Huwag Kang Mag-imbot sa Sarili Mong Ari-arian”
Napakalakas ng kamangha-mangha at nagpapatibay ng pananampalataya na karanasang ito, muling nangako si Martin na magbibigay ng suportang pinansyal para sa paglalathala ng Aklat ni Mormon. Kinausap ni Joseph Smith ang ilang tagalimbag sa Palmyra at Rochester, New York. Umasa siya na makukumbinsi si Egbert B. Grandin ng Palmyra na ilimbag ang aklat, at si Martin ang nakipag-usap. Ang halagang ibabayad kay Grandin ay $3,000 para sa di-pangkaraniwang laki ng pag-imprenta ng 5,000 kopya, ngunit hindi niya bibilhin ang type para sa pag-imprenta o sisimulan ang trabaho hangga’t hindi “nangangako [sina Joseph o Martin] na titiyakin ang bayad sa pag-imprenta.” Kinailangang ipangako ni Martin ang lahat ng ari-arian na legal niyang pag-aari.
Ang pasiyang ito ay susubok sa lalim ng pagtitiwala ni Martin Harris kay Joseph Smith at sa kanyang paniniwala sa Aklat ni Mormon. Sa paghahangad ng patnubay, kinausap niya si Joseph, na tumanggap ng isa pang paghahayag. Kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 19, pinayuhan si Martin sa paghahayag, “Huwag kang mag-imbot sa sarili mong ari-arian, kundi malaya itong ibahagi sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon.” Noong ika-25 ng Agosto 1829, isinangla niya ang kanyang ari-arian kay Grandin bilang kabayaran sa pag-imprenta. Nagulat ang kanyang mga kapitbahay na ang kanilang masinop na kaibigan ay “isasangla ang isa sa mga pinakamatabang sakahan sa komunidad” upang ipambayad sa imprenta.
Sa una, umasa si Martin na matutubos niya ang isinanglang sakahan sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga kopya ng Aklat ni Mormon. Noong Enero, nilagdaan ni Joseph Smith ang isang kasunduan kay Martin, na nagbigay rito ng “pantay na karapatan” na magbenta ng mga kopya ng Aklat ni Mormon hanggang sa lubos niyang mabawi ang gastos sa paglilimbag. Kaagad niyang sinimulan ang pagbebenta nito nang mailimbag ito noong Marso 1830. Sa kasamaang palad, hindi malaki ang benta tulad ng kanyang inaasahan.
Iniulat na nakita ni Joseph Smith si Martin Harris, na balisa, noong Marso 1830 malapit sa Palmyra. Ayon kay Joseph Knight, may dalang ilang kopya ng Aklat ni Mormon si Martin. Sinabi niya, “Hindi mabebenta ang mga Aklat dahil walang Sinuman ang may nais ng mga ito,” at sinabi kay Joseph, “Gusto Kong tumanggap ng Utos mula sa Panginoon.” Ang sagot ni Joseph ay nagpaalala kay Martin sa nakaraang paghahayag: “Sundin mo ang utos na ibinigay sa iyo.” “Pero kailangang makatanggap ako ng utos,” pag-ulit ni Martin.
Wala siyang natanggap na anumang utos. Gayunpaman, bilang pagsunod sa mas naunang paghahayag, sa huli ay ipinagbili ni Martin ang ilan sa kanyang ari arian para ipambayad sa utang. Sa paggawa nito, siya ang may pinakamalaking naibigay na suportang pinansyal sa Aklat ni Mormon at gayon din sa Simbahan noon. Wala sa mga nakababata at mahihirap na kaibigan ni Joseph Smith ang makapagbibigay ng mahalagang kontribusyong ito.