“Pag-alaala sa Pagkamatay ng mga Martir,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Pag-alaala sa Pagkamatay ng mga Martir,” Konteksto ng mga Paghahayag
Pag-alaala sa Pagkamatay ng mga Martir
Nang umalis sina Joseph at Hyrum Smith patungo sa piitan sa Carthage, Illinois, upang hintayin ang isang legal na pagdinig, iilan lamang ang nakahinuha na tuluyan nang lilisanin ng dalawa ang kanilang mga tahanan. Naranasan na ni Joseph ang pagkabilanggo, karahasan ng mga mandurumog, at mga banta sa kanyang buhay, at palagi siyang bumabalik upang pamunuan sa pagsulong ang mga Banal. Naranasan na rin ni Hyrum sa ilang pagkakataon ang mausig kasama ng mga Banal at palaging bumabangon na handang magpakatatag at sumulong.
Ngunit noong dapit-hapon ng ika-27 ng Hunyo 1844, isang grupo ng mga mandurumog ang biglang sumugod sa Piitan ng Carthage at pinaslang silang dalawa.
Ang balita tungkol sa malupit na pagkamatay ng magkapatid ay ikinagulat ng mga Banal sa Nauvoo. Sa loob ng isang araw, nawala sa kanila ang kanilang propeta at kanilang patriyarka. Para sa marami, sina Joseph at Hyrum ay mga kaibigan at huwaran din, mga lalaking tumulong at nagbasbas sa kanila sa oras ng pangangailangan. Sa mga araw, linggo, at buwan matapos ang pagpaslang, hindi mailarawan ng mga Banal ang nadarama nila sa pagkamatay na iyon. Ang kanilang mga liham, journal, at mga isinulat sa publiko ay isinama sa mga parangal na inilathala para kina Joseph at Hyrum, tulad ng isang ito na kinilala at tinanggap bilang banal na kasulatan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 135, bilang mga saksi sa misyon ng dalawang lalaking naglingkod nang buong katapatan at pagkatapos ay tinatakan ang kanilang patotoo ng kanilang dugo.
Mga Liham
Maraming Banal sa mga Huling Araw sa Nauvoo ang may mga kaibigan at kapamilya na malayo sa lunsod noong panahon ng pagpaslang. Nahirapan silang ibalita ito sa kanilang mga mahal sa buhay.
“Hindi ako magtatangkang ilarawan ang sitwasyong dinanas namin,” pagsulat ni Vilate Kimball sa kanyang asawang si Heber, na nasa silangang Estados Unidos na kinakampanya ang pagtakbo ni Joseph bilang pangulo. “Huwag nawang hayaan ng Diyos na makasaksi akong muli ng isa pang tulad nito. … Bawat puso ay napuspos ng kalungkutan, at mismong mga kalye ng Nauvoo ay tila nagdalamhati.” Tulad ng marami, nagpahayag din siya ng pag-aalala tungkol sa banta ng patuloy na karahasan laban sa mga Banal. “Kung kailan ito matatapos,” sabi niya kay Heber, “ay tanging ang Panginoon lamang ang nakakaalam.”
Sumulat si Almira Mack Covey, pinsan ng magkapatid na Smith, sa kanyang pamilya tungkol sa pagkakita niya sa mga katawan nina Joseph at Hyrum na ibinalik sa Nauvoo. “Maaari ninyong masabi ang nadarama namin kaysa sa kaya kong mailarawan ito,” isinulat niya, “ngunit ito lamang ang masasabi ko, nakita ko na walang mata ang hindi napaluha nang araw na iyon sa napakaraming taong iyon na nagtipon. Maging ang mga taong may pusong-bato ay naantig sa pagkakita sa dalawang pinaslang na Propeta ng Panginoon.”
Si Sarah M. Kimball, na may mahalagang ginampanan sa pagtatatag ng Relief Society, ay kabilang din sa mga nakakita ng mga katawan na bumalik sa lunsod. “Ang tagpo sa pagsalubong sa mga bangkay na iyon sa nauvoo ay mas mabuting isalarawan sa isipan kaysa ilarawan sa sulat,” isinulat niya sa kanyang kaibigan, “dahil hindi kayang isulat ang tagpong iyon.” Bagama’t imposibleng ilarawan ang pagdadalamhati ng buong lunsod, sinikap ni Kimball na ilarawan ang pagdadalamhati ng isang babae: isang araw matapos ang pagpaslang, lumapit siya at umupo sa tabi ni Lucy Mack Smith. Naalala ni Sarah Kimball na hawak niya ang nanginginig na kamay ni Lucy Mack Smith at naririnig ang kanyang tanong sa pagitan ng mga hikbi, “Paano nila nagawang patayin ang kawawa kong mga anak, O paano nila sila nagawang patayin gayong napakahalaga nila?”
Mga Journal
Sinikap ng iba pang mga manunulat na itala ang mga detalye ng tungkol sa pagkamatay ng mga martir at ang kanilang mga tugon dito sa pamamagitan ng pagsulat sa kanilang journal ng mga bagay-bagay na kanilang pinagnilayan. Sa halip na magtuon sa kasalukuyang nangyari at alalahanin, tulad ng madalas na nakasaad sa mga liham, ang mga tala sa journal ay kadalasang naglalahad ng mahahalagang detalye para sa darating na mga henerasyon at ng espituwal na aspeto ng trahedya. Sa paghahangad ng paliwanag o katulad na sitwasyon para sa pagkamatay ng kanilang mga lider, madalas bumaling sa Biblia ang mga Banal. Marami ang naghambing sa pagpaslang sa mga pangyayari sa Biblia, mula sa pagpatay kay Abel hanggang sa Pagpapako kay Jesucristo sa Krus. Madalas nilang tukuyin sina Joseph at Hyrum na kabilang sa maraming martir na “mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos, at dahil sa patotoong taglay nila” na binanggit sa aklat ng Apocalipsis. Dahil dito, naniwala sila na ang magkapatid ay kabilang ngayon sa mga nagsusumamo sa langit, “Kailan pa, O Makapangyarihang Panginoon, banal at totoo, bago mo hatulan at ipaghiganti ang aming dugo sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa?”
Ang mga pangyayari sa Carthage ang nagtulak kay Joseph Fielding na punan ang ilang pahina ng kanyang journal ng komentaryo tungkol sa buhay, misyon, at pagkamatay ni Joseph Smith. Isinulat ni Fielding na ang pagdating ng katawan ng dalawang martir “ang pinakakapita-pitagang Tanawin na ngayon lang namasdan ng aking mga Mata.” Bagama’t “madalas siyang magbasa ng tungkol sa mga Martir noong unang panahon,” isinulat ni Fielding na ngayon ay nasaksihan niya mismo ang “2 sa pinakadakilang mga Kalalakihan na tinatakan ang Katotohanang kanilang taglay at itinuro ng kanilang Dugo.” Sa huli, naniwala siya na sina Joseph at Hyrum ay karapat-dapat na “ihanay kasama ng Mga Martir ni Jesucristo.”
Bukod pa sa pag-alam ng tungkol sa mga martir ng nakaraan para maunawaan ito, nakita ni Fielding ang hinaharap ng gawain ng Panginoon. “Ginawa nina Joseph at Hyrum ang lahat ng makakaya nilang gawin,” isinulat niya, “at ang Pundasyon ng dakilang Gawain ng mga huling Araw ay nailatag na.” Sa pagtatayo sa pundasyong iyon, nakatitiyak si Fielding, na ang gawaing iyon kaya nabuhay at namatay sina Joseph at Hyrum “ay matatapos ng 12 Apostol na tinagublinan sa lahat ng bagay na nauukol sa Kaharian ng Diyos sa Lupa.”
Itinala ni Zina Huntington Jacobs, na nabuklod kay Joseph Smith bilang isa sa maramihang asawang babae nito, ang kanyang pagkabigla nang makita niya “ang wala nang buhay na mga Katawan ng [dalawang] Martir,” at sinabing “hindi ko naisip kailanman na mamamasdan ng sarili kong mga mata ang kakila-kilabot na tanawing ito.” Sa kanyang journal, inilahad ni Jacobs ang negatibong epekto ng paspaslang para sa mga pamilya ng mga lalaking ito, sa komunidad, at sangkatauhan gayon din sa Simbahan, inilarawan niya sina Joseph at Hyrum hindi lamang bilang “ang Propeta at ang Patriyarka ng Simbahan ng mga Banal sa mga Banal sa mga Huling Araw,” kundi bilang “mabubuting asawa,” “mapagmahal na [mga] Ama,” “kagalang-galang na mga lider,” at “Mga Kaibigan ng sangkatauhan.”
Para kay Jacobs, ang pagpaslang kina Joseph at Hyrum ay katibayan ng kasamaan ng mundo. Sa kanyang journal, ipinagdasal niya na kilalanin ng Diyos “ang dugo ng mga walang sala na pinadanak” at nagtanong kung “gaano katagal magdadalamhati ang mga balo at ulila bago ninyo ipaghiganti ang Mundo at patigilin ang kasamaan”? Noong ika-4 ng Hulyo, mga isang linggo matapos ang pagpaslang, isinulat ni Jacob na iyon ay Araw ng Kalayaan para sa Estados Unidos, at ikinumpara niya ang pangako ng kalayaan sa mga Amerikano at katarungan sa malupit na pagpaslang sa magkapatid. “Ang dating maringal na bandila ng kalayaan ay lugmok na,” isinulat niya. “Ang ipinagmamalaking lupain ng kalayaan ay nadungisan ngayon ng dugo ng walang sala.”
Si William Clayton, isang British na nandayuhan at isa sa mga klerk ni Joseph Smith, ay sumulat sa kanyang journal ng isang masusing salaysay kung paano pinatay sina Joseph at Hyrum, isang salaysay na isinama mula sa mga interbyu kina Willard Richards, John Taylor, at iba pa na naroon. Matapos rebyuhin ang katibayan, mas sinisi ni Clayton ang nangyaring pagpaslang sa mga opisyal ng pamahalaan, kabilang ang gobernador ng Illinois na si Thomas Ford. “Ipinangako niya ang kanyang katapatan at ang katapatan ng Estado na dapat silang protektahan mula sa lahat ng kapahamakan,” isinulat ni Clayton. Subalit ang militia na dapat sanang magprotekta kina Joseph at Hyrum ay nakipagtulungan sa mga mandurumog. Tulad ni Zina Jacobs, nakita ni Clayton ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga pamantayan ng kalayaang pangrelihiyon ng Amerika at ng realidad na nararanasan ng mga Banal. “Naglaho na ang kalayaan,” isinulat niya. Mariin niyang idinagdag na “walang magaganap na pagdiriwang ng publiko sa Nauvoo” sa ika-4 ng Hulyo. Dahil nasira ang tiwala niya sa bansa, si Clayton ay bumaling sa Diyos. “Kami po ay nagtitiwala sa inyong katarungan,” isinulat niya.
Mga Tula
Ibinahagi ng ilang Banal sa mga Huling Araw ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng paglalathala ng mga tula sa Times and Seasons, isang pahayagan na pinangangasiwaan ng Simbahan. Isinama ng mga awtor ang mahuhusay na makata na tulad nina Eliza R. Snow, William W. Phelps, John Taylor, at Parley P. Pratt at ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw na hindi nagpakilala. Ang iba’t ibang manunulat ay nakatuon sa iba’t ibang damdamin. Ang likha ni William W. Phelps na “Purihin ang Propeta” ay naglarawan sa pamanang iniwan ni Joseph at umaasam sa kanyang gawain sa kabilang panig ng tabing. Ang likha ni John Taylor na “O Give Me Back My Prophet Dear” ay nangungusap ng pananabik sa pagpanaw ng dalawang minamahal na lider. Ang mga ito at ang iba pang mga tula ay inilathala bilang mga titik na may iminungkahing popular na mga himig. Ang ilan ay isinama kalaunan sa mga himnaryo ng mga Banal sa mga Huling Araw at patuloy na kinakanta ngayon.
Marami sa mga tula ang may halong pagdadalamhati at poot sa mga pagpaslang na tinutukoy ang mga martir noon, maging si Jesucristo. Sa kanyang tula na inilathala noong ika-1 ng Hulyo 1844, sa edisyon ng Times and Seasons, na nagbalita sa pagpaslang, isinulat ni Eliza R. Snow:
Sion ngayo’y namighati—para sa pinuno ay dalamhati:
Ang Propeta at ang Patriyarka’y nasawi!
Gawaing pinakamasama’y batid ng lahat
Simula sa Calvario, naghimlay sa magkapatid!
Sa buhay, at kamatayan—kanilang pinatunayan
Tibay ng pagkakaibigan—tunay na nagmahalan:
Tapat sa kanilang misyon, nanindigan hanggang kamatayan,
Mga Editoryal
Dahil marami sa mga Banal ang nagsulat at nagbahagi ng kanilang personal na mga tugon sa trahedya sa mga liham, journal, at tula, nadama ng mga lider at kinatawan ng Simbahan na obligasyon nila na mag-ulat at magbigay ng komento tungkol sa pagkamatay sa mga editoryal, na ang hangarin sa paggawa nito ay makapagbigay ng balita at kapanatagan sa mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang lugar. Noong ika-1 ng Hulyo, sina Apostol Willard Richards at Apostol John Taylor, na kasama ng magkapatid sa Piitan ng Carthage nang sumalakay ang mga mandurumog, ay inilakip ang kanilang mga pangalan sa isang pabatid sa Times and Seasons ng patnugot ng pahayagan na si William W. Phelps. Hinikayat ng kanilang editoryal ang mga Banal sa mga Huling Araw na “humawak nang mahigpit sa pananampalataya na ibinigay sa kanila sa mga huling araw” at inilagay sina Joseph at Hyrum sa mahabang hanay ng mga martir sa Biblia. Ipinaalala ng tatlong lalaki sa mga Banal sa mga Huling Araw na “ang pagpaslang kay Abel; ang pagpatay sa daan-daan; ang matwid na dugo ng lahat ng banal na propeta, mula kay Abel hanggang kay Joseph, na sinamahan ng pinakamainam na dugo ng Anak ng Diyos, bilang matingkad na palatandaan ng pagbawas ng kaparusahan, ay nahahatid lamang ng pananalig sa gawain at dibdib ng lahat ng laman, na ang layunin ay makatarungan at magpapatuloy; at mapalad sila na mananatiling matapat hanggang wakas.”
Sa kasunod na edisyon ng Times and Seasons, naglathala si Phelps ng mas mahabang editoryal tungkol sa mga pagpaslang na kinapalooban ng ulat ng mga salita ni Joseph nang umalis siya patungong Carthage. “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan,” wika ng Propeta, “subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw; ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao.” Iniulat din ni Phelps na “Ang huling nasabi ni Joseph ay ‘O Panginoon kong Diyos!’” Halos kasabay ng paglathala ni Phelps ng kanyang editoryal, isinulat ni Willard Richards ang kanyang sariling detalyadong salaysay tungkol sa mga pagpaslang, na kinapalooban sa unang pagkakataon ng ulat ng mga huling salita ni Hyrum: “Ako ay isa nang patay na tao.” Ang salaysay ni Richards ay inilathala noong ika-24 ng Hulyo 1844, sa lokal na pahayagan ng Nauvoo.
Ang Doktrina at mga Tipan
Bagama’t maraming tagalabas ang umasang babagsak ang Simbahan pagkatapos ng pagpaslang kina Joseph at Hyrum, ang gawain ng Simbahan ay nagpatuloy sa kabila ng kanilang kamatayan. Sa huling dalawang taon ng buhay ni Joseph, ginagawa ng mga lider ng Simbahan ang isang bagong edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Bago ang kamatayan nina Joseph at Hyrum, ibinalita nila ang inaasahang petsa ng paglalathala sa kalagitnaan ng Hulyo ng 1844.
Ang paglalathala ay naantala lamang nang bahagya dahil sa mga naunang kaguluhan at mga nangyari sa Piitan ng Carthage. Hindi nagtagal matapos ang pagpaslang, naipasiyang ituloy ang pagpapalimbag ngunit may idaragdag na huling bahagi para “isara” ang aklat sa pamamagitan ng pahayag hinggil sa kamatayan nila. Ang pahayag ay maaaring isinulat noong Hulyo o Agosto, dahil ang aklat ay nailathala at nagamit pagsapit ng Setyembre. Ang pahayag na ito, na may pamagat na “Pagpaslang kay Joseph Smith at kay Hyrum Smith,” ay kinilala at tinanggap bilang Doktrina at mga Tipan 135.
Mula noong mga unang bahagi ng ika-20 siglo, inakala ng mga komentarista at lider ng Simbahan na ang pahayag ay isinulat ni John Taylor, isang Apostol at namamahala sa palimbagan. Gayunman, ang bahaging ito ay hindi kailanman iniugnay kay Taylor noong nabubuhay pa siya, at maaaring akda ito nina Taylor, Richards, Phelps, o iba pang regular na nag-aambag sa opisina ng palimbagan sa Nauvoo. Sinuman ang may-akda nito, ang pahayag ay lubos na nakatuon sa mga patotoo ng mga saksi na sina Taylor at Richards at sinipi mula sa mga naunang editoryal ng pahayagan at mga pabatid na inilathala ng Simbahan na tinulungan nila sa pagsulat. Tulad ng mga naunang inilathalang salaysay, inulit ng pahayag na ito ang mga temang pagiging martir, kawalang-sala, at banal na paghuhukom—mga tema na nakita rin sa personal na mga sulat ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Dahil kailangang iakma ng printers ang pahayag sa tomo na na-typeset na (bagama’t hindi pa nalimbag), ang bahagi ay inilimbag sa mas maliit na font kaysa sa iba pang mga tomo at akma sa isa’t kalahating pahina ng blangkong espasyo sa pagitan ng naunang bahagi at ng index. Dahil sa pagkakaayos nito sa Doktrina at mga Tipan, ang pahayag na ito ay binasa at binanggit ng karamihan at naging opisyal na pahayag ng pag-alaala para kay Joseph Smith at sa kanyang kapatid na si Hyrum.