Kasaysayan ng Simbahan
‘Ang Tao Rin sa Simula ay Kasama ng Diyos’


“‘Ang Tao Rin sa Simula ay Kasama ng Diyos’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ang Tao Rin sa Simula ay Kasama ng Diyos,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Ang Tao Rin sa Simula ay Kasama ng Diyos”

D&T 93

Tindahan ni Whitney sa Kirtland, Ohio

Mula sa huling bahagi ng Enero hanggang Abril 1833, si Joseph Smith at ang 15 hanggang 20 iba pang kalalakihan ay dumalo sa Paaralan ng mga Propeta sa tindahan ni Newel K. Whitney sa Kirtland, Ohio. Sa kanilang mga pulong, sila ay umawit, nagdasal, nag-aral ng iba’t ibang paksa kabilang ang tungkol sa mundo at sa mga sagradong bagay, at ginamit ang mga espirituwal na kaloob. Sa isa sa mga sesyong ito, na ginanap noong ika-27 ng Pebrero—ang araw na inihayag din ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom—si David W. Patten ay inantig ng Espiritu Santo na awitin ang isang himno sa isang di-kilalang wika. Isang taong naroon, marahil ay si Sidney Rigdon, ang nagbigay ng kahulugan sa himno ni Patten para maunawaan ng iba. Ang himno ay tungkol sa pangitain ni Enoc na matatagpuan sa rebisyon ni Joseph Smith sa Genesis.

Ang pangitain ni Enoc ay pamilyar marahil sa karamihan ng kalalakihan sa paaralan. Isinulat mga dalawang taon bago iyon at inilathala sa Evening and Morning Star (isang pahayagan noon ng Simbahan) noong Agosto 1832, ang pangitain ay nagbigay ng isang maringal na buod ng kasaysayan ng sangkatauhan—sa mga titik ng himnong inawit ni Patten, ipinakita kay Enoc “ang nakaraan at ang panahon noon at ngayon at ang hinaharap.” Ang pangitain ay nagbigay rin sa mga miyembro ng Simbahan ng isa sa mga pinakaunang kaalaman tungkol sa buhay bago tayo isinilang o premortal na buhay. “Ako ang lumikha ng daigdig, at ng mga tao bago pa sila napasalaman,” ang wika ng Panginoon sa sinaunang propeta (Moises 6:51). Ang interpretasyon ng himno na ibinigay sa silid-aralan ay inulit ang inihayag na teksto: “Nakita niya ang panahong likhain ang kanyang amang si Adan at nakita niya na siya ay nasa kawalang-hanggan bago pa man likhain ang isang butil ng alabok.”

Ang mga rebisyon ni Joseph Smith sa Biblia, kabilang na ang pangitain ni Enoc, ay kinapalooban ng malalalim na ideya tungkol sa buhay bago tayo isinilang at sa kaugnayan ng sangkatauhan sa Diyos. Ngunit ang mga ito ay ipinahiwatig lamang, hindi ipinaliwanag nang detalyado. Madarama natin sa himnong binigyan ng interpretasyon ang kagalakan ng mga naunang miyembrong ito nang pagnilayan nila kung ano ang maaaring ibig sabihin ng mga pahiwatig na ito. Ngunit ang mahuhulaan lamang natin ay kung anong mga tanong ang maaaring itinimo ng mga pahiwatig na ito sa isipan ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasama sa paaralan.

Noong ika-6 ng Mayo, ilang linggo matapos huminto pansamantala ang paaralan sa mainit na panahon, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nagbigay ng mga karagdagang detalye tungkol sa buhay bago tayo isinilang. Matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 93, ang paghahayag ay humiwalay sa nakagisnang mga ideya ng mga Kristiyano tungkol sa likas na katangian ng sangkatauhan, naghayag ng nakamamanghang bagong pananaw tungkol sa ating premortal na nakaraan, sa ating potensyal sa hinaharap, at sa ating kaugnayan sa Diyos.

Mula noong ikalimang siglo, iginiit ng ortodoksiya ng mga Kristiyano na may malaking agwat na halos imposibleng matawid sa pagitan ng Lumika at ng Kanyang mga nilikha. Ang mga Kristiyano ay naniwala na ang sangkatauhan ay nilikha mula sa wala. Ang Diyos ay hindi isang manggagawa na muling lumilikha ng mga materyal na umiiral na ngunit Siya ay lubos na naiiba at malayo mula sa Kanyang nilikha—mahiwaga at hindi kilala. Ang inilalarawan sa Biblia na magulang natin ang Diyos at tayo ay kanyang mga anak ay itinuring na isang metapora lamang sa halip na literal na ugnayan. Ang pagsasabi ng naiiba rito, ayon sa opinyon ng karamihan sa nag-iisip na mga Kristiyano, ay nagpapababa nang may kalapastangan sa Diyos o mapanganib na nagtataas sa tao.

Ang paghahayag noong ika-6 ng Mayo ay matapang at bago, subalit sinauna at pamilyar din. Tulad ng marami sa mga paghahayag ni Joseph Smith, ibinalik nito ang mga nawalang katotohanan na malinaw na alam ng mga tao sa Biblia, sa sitwasyong ito ay si Apostol Juan. Inihayag nito na tulad ni Cristo na “sa simula ay kasama ng Ama,” kaya “ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos.” Inalis nito ang matagal nang paniniwala na ang paglikha ay ginawa mula sa wala: “Ang Katalinuhan, o ang Liwanag ng katotohanan, ay hindi nilikha o ginawa, ni maaaring gawin.”

Ang paghahayag ay nagbigay ng karagdagang katotohanan tungkol sa Diyos at sa pagkatao ng tao. Inulit nito ang teksto sa Aklat ni Mormon at sa himno ni David Patten sa pagpapakahulugan sa katotohanan bilang “kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa.” Ang mga kaalamang ito sa nakaraan, kasalukuyan, at sa hinaharap ay ibinigay “upang maunawaan ninyo at malaman kung paano sumamba, at malaman kung ano ang sasambahin.” Ang paghahayag ay nakatuon lalo na sa nakaraan ng Diyos at sa maaaring matamo na maluwalhating hinaharap ng sangkatauhan. Si Jesucristo, ayon sa sinabi kay Joseph, ay umunlad upang maging tulad ng Kanyang Ama. “Hindi niya tinanggap ang kaganapan sa simula” subalit “nagpatuloy nang biyaya sa biyaya” hanggang sa tanggapin Niya ang kaganapan ng Ama. Gayon din, ang tao ay may potensyal na tulad ng sa Diyos. Ang kalalakihan at kababaihan na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos ay “makatatanggap nang biyaya sa biyaya” hanggang sa sila, rin, “ay [tatanggap] ng kanyang kaganapan, at maluluwalhati sa akin kagaya ko sa Ama.” Ang mga paunti-unting kaalamang ito sa “mga bagay [kung ano talaga ang mga ito]” ay nagpanumbalik sa sinaunang kaalaman tungkol sa kaugnayan ng Diyos at ng Kanyang mga anak at iniwasto ang paniniwala na likas na magkaiba ang Lumikha at nilikha na siyang namana ng mga Banal sa mga Huling Araw mula sa tradisyong Kristiyano.

Iniukol ni Joseph ang buong buhay niya na pinagninilayan ang mga implikasyon ng kamangha-manghang mga turong ito na inihayag. Makalipas ang ilang taon sa Nauvoo, ibinigay niya ang mga katotohanang ito nang lubusan sa kanyang huling mensahe sa kumperensya. Inulit ang mga salita ng paghahayag, itinuro niya na ang kalalakihan at kababaihan ay kasama ng Diyos sa kawalang-hanggan at maaaring maging katulad Niya sa pamamagitan ng “pag-unlad mula sa isang maliit na kakayahan patungo sa malaking kakayahan,” hanggang sa huli ay manahan sila sa “walang hanggang lagablab.” Patungkol sa inihayag na katiyakan, itinuro niya: “Ang kaluluwa, ang isip ng tao, saan nanggaling to? Sinasabi ng mga marunong na nilikha ito ng Diyos sa simula pa, ngunit hindi ito gayon. Mas nalalaman ko ito. Sinabi ito ng Diyos sa akin.”

  1. Isang broadside na inilathala pagkatapos ng pagpanaw ni Patten ang tumukoy kay Patten bilang mang-aawit at si Rigdon ang interpreter. “Mysteries of God, as revealed to Enoch, on the Mount Mehujah,” [After 1838], Church History Library, Salt Lake City. Ang himno ay iniugnay rin kay Frederick G. Williams (tingnan sa Frederick G. Williams, “Singing the Word of God: Five Hymns by President Frederick G. Williams,” BYU Studies, tomo 48, blg. 1 [2009], 6488).

  2. Robin Scott Jensen, Robert J. Woodford, at Steven C. Harper, mga pat., Revelations and Translations, Volume 1: Manuscript Revelation Books, tomo 1 ng serye na Revelations and Translations ng The Joseph Smith Papers, pinamatnugutan nina Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2011), 525–27; josephsmithpapers.org.

  3. Ang Alma 13:3–4 sa Aklat ni Mormon ay sinasabing tumutukoy sa premortal na buhay. Gayunpaman, walang katibayan na ipinahayag o itinuro ni Joseph Smith o ng kanyang mga kasama ang Alma 13 sa ganitong paraan (tingnan sa Terryl L. Givens, When Souls Had Wings: Premortal Existence in Western Thought [New York: Oxford University Press, 2010], 360, note 21).

  4. “Revelation Book 2,” 48, josephsmithpapers.org. Ang himno na binigyan ng interpretasyon ay ipinadala sa Independence, Missouri, kung saan inilathala ito ni W. W. Phelps sa pahayagan ng Simbahan. Bago ito ilimbag, ang teksto ay iniangkop sa isang awitin na may sukat at ritmo. Ang talatang ito ay inilathala: “With God [Enoch] saw his race began, / And from him emanated man, / And with him did in glory dwell, / Before there was an earth or hell” (“Songs of Zion,” Evening and Morning Star, tomo 1, blg. 12 [Mayo 1833], 192).

  5. Ang Council of Chalcedon noong A.D. 451 ay kinundena ang doktrina ng premortal na buhay at inilarawan ang likas na katangian ni Cristo bilang kapwa Diyos at tao, ang dalawang katangiang ito ay hindi mapaghihiwalay at hindi mababago (tingnan sa Historical Introduction to “Revelation, 6 May 1833 [D&C 93],” josephsmithpapers.org).

  6. “Revelation, 6 May 1833 [D&C 93],” 3, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:21, 29.

  7. “Revelation, 6 May 1833 [D&C 93],” 3, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:19, 24.

  8. “Revelation, 6 May 1833 [D&C 93],” 2–3, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:12–13, 20.

  9. “Discourse, 7 April 1844, as Reported by Wilford Woodruff,” 135, 137, josephsmithpapers.org; ginawang makabago ang pagbabantas.