“Misyon sa mga Lamanita,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Misyon sa mga Lamanita,” Konteksto ng mga Paghahayag
Misyon sa mga Lamanita
Sa isang paghahayag na ibinigay bago makumpleto ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, sinabi ng Panginoon na ang mga lamina ay pinangalagaan “upang ang mga Lamanita ay magkaroon ng kaalaman tungkol sa kanilang mga ama & upang kanilang malaman ang mga pangako ng Panginoon, at upang paniwalaan nila ang ebanghelyo & magtiwala sa kabutihan ni Jesucristo.” Bilang pangunahing tagasulat sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, alam ni Oliver Cowdery na ang aklat ay isinulat lalo na “sa mga Lamanita,” na “mga labi ng sambahayan ni Israel.” Kung gayon, angkop lamang na noong Setyembre 1830, anim na buwan matapos ilathala ang Aklat ni Mormon, si Oliver Cowdery ang unang taong tinagubilinan sa pamamagitan ng paghahayag na “magtungo sa mga Lamanita & Mangaral ng aking Ebanghelyo sa kanila.”
Nagpahayag din ang iba pang mga naunang miyembro ng “matinding hangarin” tungkol sa “mga labi ng sambahayan ni Jose—ang mga Lamanita na nakatira sa kanluran, batid na ang mga layunin ng Diyos ay dakila hinggil sa mga taong yaon.” Bilang tugon sa mga hangaring iyon, tumanggap si Joseph Smith ng isa pang paghahayag, kung saan tinawag si Peter Whitmer Jr. na samahan ang kanyang bayaw na si Oliver Cowdery. Iniutos sa kanya ng Panginoon na “magbukas ng iyong bibig upang ipahayag ang aking Ebanghelyo” at “tumalima sa mga salita & payo ng iyong Kapatid” na binigyan ng kapangyarihan na “itatag ang aking Simbahan sa kalipunan ng iyong mga Kapatid na mga Lamanita.”
Nang sumunod na buwan, Oktubre 1830, sina Parley P. Pratt at Ziba Peterson ay tinawag ding magtungo “sa ilang sa mga Lamanita.” Upang matulungan sila sa mahirap na gawaing ito, nangako ang Panginoon na Siya ay “sasama sa kanila at pasasagitna nila.”
Dahil sa Indian Removal Act noong Mayo 1830, ang bagong teritoryo para sa paglipat ng mga Amerikanong Indian ay sa lugar na sa kasalukuyan ay tinatawag na Kansas at Oklahoma. Kaya, ang mga misyonero na ito sa mga Lamanita ay nagplano na magtungo sa kanluran mula sa Independence, Missouri, patungo sa Indian Territory.
Bago umalis sa misyong ito, nilagdaan ni Oliver Cowdery ang isang tipan na lumakad nang mapagkumbaba sa harapan ng Diyos at gawin “ang maluwalhating gawaing ito alinsunod sa iuutos niya sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” Nilagdaan din ng kanyang tatlong kasama ang isang tipan na tutulungan nila si Oliver Cowdery “nang tapat sa bagay na ito.” Sa paglisan nila, nagdala sila ng maraming kopya ng Aklat ni Mormon upang ibigay sa mga makikinig sa kanila.
Sa kanyang talambuhay, isinulat ni Parley P. Pratt na, habang nasa New York, pinuntahan ng apat na misyonero ang “isang bayan ng Indian [Seneca] sa o malapit sa Buffalo; at ginugol ang ilang oras na kasama nila, tinuturuan sila sa kaalaman tungkol sa talaan ng kanilang mga ninuno.” Sa paggunita sa pangyayaring iyon, ang pinakamalaking epekto ng kanilang misyon ay naganap sa kanilang mga paglalakbay. Ikinuwento ni Pratt kung paano sila nagpatuloy sa kanilang paglalakbay hanggang sa tumigil sila sa Mentor, Ohio, upang dalawin si Sidney Rigdon, “dating kaibigan at guro [ni Pratt], sa Reformed Baptists Society.” Nagbigay sila sa kanya ng isang kopya ng Aklat ni Mormon, na ipinangako nito na babasahin niya, at pagkatapos ay nagturo sila ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa maraming tahanan sa lugar na iyon. Ang bunga nito ay “si Mr. Rigdon at maraming iba pa kalaunan … ay nagsilapit at bininyagan namin, at tinanggap ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.” Ikinuwento ni Pratt kung paanong “ang balita tungkol sa pagkatuklas sa Aklat ni Mormon at sa mga kamangha-manghang pangyayaring may kaugnayan dito” ay lumikha ng “interes at pananabik [sa lahat] … sa Kirtland, at sa lahat ng lugar sa paligid. Pinuntahan kami ng maraming tao araw at gabi, kung kaya nga’t wala kaming oras para magpahinga at mapag-isa. Ang mga pulong ay isinagawa sa iba’t ibang komunidad, at maraming tao ang sama-samang dumarating na humihiling sa amin na punatahan sila. … Sa dalawa o tatlong linggo mula noong dumating kami sa komunidad dala ang balita [tungkol sa Aklat ni Mormon], nabinyagan namin ang isandaan at dalawampu’t pitong katao.” Kabilang sa mga tinuruan ng ebanghelyo roon ay sina Isaac Morley, John Murdock, Lyman Wight, at Edward Partridge.
Ang hindi inaasahang tagumpay na ito sa Kirtland ay may napakalaking ibinunga para sa hinaharap ng Simbahan. Hindi nagtagal, ang Kirtland ay naging unang mahalagang lugar ng pagtitipon para sa mga miyembro ng Simbahan at kalaunan ay magiging lugar ng unang templo ng Simbahan. Nagmula rin sa grupo ng mga nabinyagan sa Kirtland ang maraming naunang lider ng Simbahan. Mangyari pa, ang pinakakilala sa mga ito ay si Rigdon mismo, na kalaunan ay maglilingkod bilang counselor kay Joseph Smith. Isang bagong binyag mula sa Kirtland, si Frederick G. Williams, ang sumama sa apat na misyonero sa paglalakbay ng mga ito.
Bagama’t ang pangunahin nilang layunin ay mangaral sa mga katutubong lipi, patuloy na tinuruan ni Cowdery at ng kanyang mga kapwa misyonero ang iba pa na nakilala nila habang naglalakbay. Kabilang sa unang mga nakilala nila ay ang komunidad ng mga Shaker sa North Union, Ohio. Ang pangalawang pagkakataon na nakatagpo nila ang mga Shaker ay nangyari sa Union Village ilang milya sa hilaga ng Cincinnati. Sa bawat pagkakataon, ang mga misyonero ay nag-iwan ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa mga Shaker, bagama’t ang paraang ito ay tila hindi gaanong nagtagumpay: si Richard McNemar, isang residente ng Union Village, ay nagbasa ng isa sa mga aklat na iyon at sinabing, “Anumang kapakinabangan ang matanggap ng mga Indian mula sa aklat na ito ni Mormon, tiyak na wala tayong mapapakinabangan dito.”
Ang kanilang paglalakbay noong huling bahagi ng Disyembre hanggang sa buwan ng Enero ay mahirap dahil sa tinatawag na “taglamig na dulot ng pagbagyo ng niyebe.” Inilarawan ni Parley P. Pratt kung paano kinailangang tumigil ang mga misyonero nang ilang araw sa Illinois “sa panahong iyon na ang pag-ulan ng niyebe sa ilang lugar ay umabot nang hanggang tatlong talampakan ang lalim.” Dahil hindi natuloy ang kanilang orihinal na mga plano dahil sa pagyelo ng ilog, ipinasiya nilang maglakbay nang naglalakad, tulad ng isinulat ni Pratt, “[naglakad kami] nang tatlong daang milya sa gitna ng malawak na mga parang at ilang na natatakpan ng niyebe—walang kalsadang malalakaran; ang mga kabahayan ay kakaunti at magkakalayo at ang napakalamig na hangin mula sa hilagang-kanluran ay palaging humahampas nang matindi sa amin na halos lumapnos sa balat ng aming mukha. … Matapos ang matinding pagod at ilang pagdurusa nakarating kaming lahat sa Independence, sa Jackson county, sa pinakadulo ng kanlurang hangganan ng Missouri, at ng Estados Unidos.”
Nang dumating ang grupo sa Independence, sina Peter Whitmer Jr. at Ziba Peterson ay nanatili roon upang kumita ng pera habang sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, at Frederick G. Williams ay nagtungo sa Indian Territory. Una silang nangaral sa Shawnees at pagkatapos sa Delawares. Nagsalita sa pamamagitan ng isang tagasalin, ibinahagi ni Oliver Cowdery ang mahalagang mensahe ng Aklat ni Mormon. Bahagi ng kanyang mensahe, na itinala ni Parley P. Pratt, ay “iniutos ng Panginoon kina Mormon at Moroni, ang kanilang huling pantas na kalalakihan at mga propeta, na ibaon sa lupa ang Aklat, upang ito ay maingatan nang ligtas, at matagpuan at maipabatid sa mga huling araw sa puting kalalakihan na aangkin sa lupain; upang muli nilang maipabatid ito sa pulang kalalakihan; upang ipanumbalik sila sa kaalaman ng kalooban ng Dakilang Espiritu at sa Kanyang pagpapala.”
Ang mga Delaware Indian ay nakinig, at hiniling ng pinuno na bumalik ang mga misyonero sa tagsibol kung saan “babasahin ninyo sa amin at ituturo ninyo sa amin ang marami pa hinggil sa Aklat ng aming mga ama, at ang kalooban ng Dakilang Espiritu.” Gayunman, dahil sa utos ng kinatawan ng pederal, pinaalis ang mga misyonero sa Indian Territory. Dahil hindi nakakuha ng awtorisasyon mula kay William Clark, ang superintendente ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa mga Indian sa lugar, ang mga misyonero ay hindi na makakapagturo sa Indian Territory.
Bagama’t sa gayon nagwakas ang misyon sa mga Lamanita, nakatulong ito na maitatag ang landas na tatahakin ng bata pang Simbahan sa susunod na dekada. Nakapagtatag ang mga misyonero ng Simbahan sa Kirtland, at naghanda sila ng paraan upang makapunta si Joseph Smith sa Ohio noong unang bahagi ng 1831 at pagkatapos ay inanyayahan ang mga Banal sa silangan na lumipat din doon. Kalaunan noong 1831, si Joseph mismo ay naglakbay patungong Jackson County, kung saan niya tinukoy ang lokasyon ng Bagong Jerusalem at, noong ika-3 ng Agosto 1831, malapit sa hukuman ng Independence, inilagay niya ang batong panulok para sa templo.