Kasaysayan ng Simbahan
Si Leman Copley at ang Mga Shaker


“Si Leman Copley at ang Mga Shaker,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Si Leman Copley at ang Mga Shaker,” Konteksto ng mga Paghahayag

Si Leman Copley at ang Mga Shaker

D&T 49

Mga Shaker malapit sa Lebanon, New York

Noong tagsibol ng 1831, isang mayamang magsasaka na nagngangalang Leman Copley ang sumapi sa bagong tatag na Simbahan ni Cristo (kilala ang Simbahan sa pangalang ito noon). Ang kanyang bukid sa Thompson, Ohio, ay ilang milya lamang sa hilagang-silangan ng nayon ng Kirtland, na kamakailan lamang noon ay itinatag bilang bagong punong-tanggapan ng Simbahan.

Si Copley ay maraming taon nang miyembro ng United Society of Believers in Christ’s Second Appearance [Nagkakaisang Samahan ng mga Naniniwala sa Ikalawang Pagpapakita ni Cristo] bago siya sumapi sa Simbahan. Ang mga miyembro ng sektang ito ay karaniwang kilala bilang Mga Shaker dahil ang kanilang pagsamba ay kinabibilangan ng isang uri ng magaslaw na sayaw. Ang maraming pagkakatulad sa mga doktrina ng Mga Shaker at ng mga Banal sa mga Huling Araw ay walang pag-aalinlangan na nakahikayat kay Copley: Ang dalawang relihiyon ay parehong naniniwala sa isang malawakang apostasiya, makabagong propesiya, kalayaan ng tao, at ulirang pamumuhay. Gayunman, malaki ang pagkakaiba ng mga ito sa iba pang mahahalagang bagay.

Hindi itinuturing ng mga Shaker ang binyag—o iba pang ordenansa—na kinakailangan sa kaligtasan. Naniniwala sila na ginawa na ni Jesucristo ang Kanyang Ikalawang Pagparito sa katauhan ni Mother Ann Lee (1736–84), isang naunang pinuno ng mga Shaker. Ang ilan sa kanila ay hindi kumakain ng karne. Magkaiba rin ang mga Banal sa mga Huling Araw at mga Shaker sa kanilang mga pananaw tungkol sa kasal at seksuwal na relasyon; iginigiit ng matatapat na Mananampalataya (tulad ng itinatawag ng mga Shaker sa kanilang sarili) ang hindi pag-aasawa, na tinukoy nila bilang “pagpasan ng krus.”

Nagkrus ang landas ng dalawang grupong ito ng relihiyon noong nakaraang taglamig, nang ang isang grupo ng mga misyonero na Banal sa mga Huling Araw, na kinabibilangan nina Oliver Cowdery at Parley P. Pratt, ay tumigil sandali sa pamayanan ng mga Shaker sa North Union, Ohio, habang naglalakbay patungong Missouri. Ang komunidad ng North Union ay matatagpuan sa halos 15 milya ng timog-kanluran ng Kirtland.

Ipinakilala ni Cowdery ang kanyang sarili sa pinuno ng mga Shaker na si Ashbel Kitchell, bilang “katuwang sa pagsasalin ng gintong Biblia” at bilang isa sa tatlo na nakasaksi sa pagpapatotoo ng isang anghel tungkol sa katotohanan nito. Tinulutan ni Kitchell si Cowdery na ibahagi ang kanyang mensahe sa isa sa mga pagtitipon ng komunidad.

Pagkaraan ng dalawang gabi sa North Union, si Cowdery at ang kanyang mga kasama ay nagpatuloy na sa paglalakbay, ngunit bago umalis ay nag-iwan siya ng pitong kopya ng Aklat ni Mormon kay Kitchell. Lubos ang tiwala ng mga misyonero “sa kapangyarihan ng kanilang mga Aklat, na kung sino man ang magbabasa ng mga ito, ay lubos na makukumbinsi sa katotohanang nilalaman ng mga ito.” Pagkatapos ng unang pagkikitang ito, ang mga Shakers at mga Banal sa mga Huling Araw sa Ohio ay nanatiling mabuting magkaibigan, “nakikipagkalakan at nakikipag-ugnayan nang mabuti sa isa’t isa,” ayon kay Kitchell. Gayunpaman, ang kanilang mabuting ugnayan ay susubukin kalaunan.

Isang Paghahayag para sa mga Shaker

Bago sumapi sa Simbahan, si Leman Copley na naugnay sa North Union Shakers, marahil dahil dumadalo siya sa kanilang mga pulong, bagama’t hindi niya lubos na sinusunod ang kanilang mahigpit na komunal na pamumuhay. Ang katotohanan na nakatira siya nang 35 milya mula sa komunidad at may-asawa ay nagbigay ng ilang pahiwatig sa antas ng kanyang katapatan sa mga alituntunin ng mga Shaker. Bagama’t malinaw na nahikayat siya ng ilan sa kanilang mga turo at marahil sa paraan ng kanilang pagsamba, siya ay hindi lubos na kalahok. Katunayan, pinagsabihan ni Kitchell si Copley dahil tinanggihan nito ang isang buhay na walang asawa at “nakipag-ugnayan sa Mormonismo bilang mas madaling plano.”

Tulad ng lahat ng mga naunang miyembro sa Simbahan, dala ni Copley ang mga tradisyon at pag-uugali na itinimo ng kanyang dating relihiyon. Kinausap ni Joseph Smith si Copley hindi nagtagal matapos itong mabinyagan at napansin niya na ito ay “tila may tapat na puso, ngunit patuloy pa ring naniniwala na tama ang mga Shakers sa ilang partikular na bahagi ng kanilang pananampalataya.” Sinabi pa ni John Whitmer na “labis na ninanais [ni Copley] na magtungo ang ilan sa mga elder sa kanyang dating mga kapatid at ipangaral ang ebanghelyo.” Siya pa nga ay “nagbiro na iorden siya para siya mismo ang mangaral [doon].”

Nagpasiya si Copley na bisitahin si Joseph Smith—na noon ay nakatira sa tahanan ng kanyang kaibigan na si Isaac Morley malapit sa Kirtland—noong Sabado, ika-7 ng Mayo 1831. Bagama’t wala tayong tala ng kanilang pag-uusap, maaaring umasa si Copley ng kaliwanagan tungkol sa ilang paniniwala ng mga Shaker at marahil ay iminungkahi ang isang misyon sa North Union. Bunga ng pag-uusap na ito, natanggap ni Joseph ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 49. Ang paghahayag na ito ay tinalakay nang may awtoridad ang mga pagkakaiba ng doktrina ng dalawang relihiyon. Nagsimula ito sa pagsasalita sa mga Shaker: “Sila ay nagnanais na malaman ang Bahagi ng katotohanan,” mababasa rito, “subalit hindi lahat sapagkat sila ay hindi matwid sa harapan ko & talagang kinakailangang magsisi.”

Pinagtibay ang kahalagahan ng binyag, nagpatuloy ang paghahayag sa pagkundena ng ilan sa pinahahalagahang paniniwala ng mga Shakers, nagpapahayag na ang kasal ay inorden ng Diyos, na ang mga hayop ay ibinigay sa tao para sa pagkain at kasuotan, at na “ang Anak ng Tao ay hindi paparito sa anyo ng isang babae, ni sa anyo ng isang lalaking naglalakbay sa lupa.”

Sa paghahayag, tinawag ng Panginoon si Copley—kasama sina Sidney Rigdon at Parley P. Pratt—na mangaral sa kanyang mga kapatid sa North Union. Bagama’t alam nilang tatlo ang mga alituntunin ng mga Shaker, si Copley ay walang gaanong karanasan bilang mangangaral at misyonero kaysa sa kanyang mga kompanyon. Ang kanyang tila hangarin na mangaral sa kanyang mga kaibigang Shaker ay mangangahulugang mananawagan siya ng pagsisisi sa mismong mga taong nangutya sa kanya dahil hindi siya tapat sa kanilang relihiyon. Marahil ay umaasa siya na maipakita niya ang tunay na diwa ng kanyang bagong relihiyon. Sa anumang kadahilanan, pumayag si Copley na sundin nang tapat ang utos ng paghahayag na “[mag]paliwanag sa” mga Shaker.

Ang Misyon sa North Union

Kaya, dala ang paghahayag, sina Rigdon at Copley ay kaagad na umalis patungong North Union. Dumating sila sa North Union kalaunan nang araw na iyon at magiliw silang tinanggap ni Kitchell at ng mga kasamahan nito. Magkasama nilang ginugol ang gabi, pinagdebatehan ang mga kabutihan dulot ng kani-kanyang relihiyon, na sa pakiwari ng bawat isa ay mas nakalamang sila sa debate.

Sa sumunod na araw, iminungkahi ni Kitchell kina Rigdon at Copley na hindi nila dapat “ipilit sa isa’t isa ang kani-kanyang doktrina sa pagkakataong ito.” Binalak ni Rigdon na basahin ang paghahayag sa mga Shaker sa kanilang pulong sa Sabbath ng araw na iyon ngunit nagpasiyang tumahimik muna at “sumunod sa kaayusan ng lugar.”

Bago nagsimula ang pulong, dumating si Parley P. Pratt sa North Union sakay ng kabayo. Nang marinig ang mapagpakumbabang tugon ni Rigdon sa mungkahi ni Kitchell, iginiit ng matapang na si Pratt na “huwag [nilang] pansinin [siya], sapagkat sila ay dumating nang may awtoridad ng Panginoong Jesucristo, at kailangang marinig ito ng mga tao.”

Tahimik na umupo ang mga misyonero hanggang sa matapos ang pulong. Nang tumayo ang mga tao para umalis, si Rigdon ay “tumayo at nagsabi na siya ay may mensahe mula sa Panginoong Jesucristo sa mga taong ito; magkakaroon ba siya ng pribilehiyong ipahayag ito?” Sa pahintulot ni Kitchell, binasa niya ang paghahayag sa kabuuan nito at itinanong kung maaari ba silang pahintulutang patuloy na mangaral tulad ng inutos sa paghahayag.

Si Kitchell, na nagtitimpi ng kanyang galit, ay tumugon na hindi niya tinanggap ang mensahe at “aalisin sa kanila & sa kanilang Cristo ang anumang responsibilidad tungkol sa amin, at aakuin ang lahat ng responsibilidad sa aking sarili.” Tumugon si Rigdon, “Hindi mo ito maaaring gawin; nais kong marinig ang sasabihin ng mga tao.” Ngunit nang pahintulutan ni Kitchell ang iba na ipahayag ang naiisip at nadarama nila, sinabi rin nila “na lubos na silang nasisiyahan sa kung ano ang mayroon sila.”

Hindi na binanggit pa ni Rigdon ang paghahayag, at sinabing hindi sila nagtagumpay sa misyon. Gayunpaman, si Pratt ay hindi agad sumuko. Tumayo siya, pagsalaysay ni Kitchell, at ipinagpag ang alabok mula sa kanyang coattail o amerikana “bilang patotoo laban sa amin, na hindi namin tinanggap ang salita ng Panginoong Jesus.” Sa paggawa nito, sinunod ni Pratt ang utos ni Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Mga Ebanghelyo.

Ngunit hindi ito pinagpasensyahan ni Kitchell. Ang kanyang pagtitimpi ay may hangganan, kinutya ng pinuno ng mga Shaker si Pratt sa harap ng kanyang buong kongregasyon: “Ikaw na maruming Hayop, ang tapang mong pumarito, at tinangkang gayahin ang tao ng Diyos sa pamamagitan ng pagpagpag ng iyong maruming amerikana; aminin mo ang iyong mga kasalanan at linisin ang iyong kaluluwa mula sa iyong mga pagnanasa, at ang iba pa mo pang mga karumal-dumal na kasalanan bago mo isiping gawin muli ang bagay na iyon.”

Pagkatapos ay ibinaling ni Kitchell ang kanyang poot kay Copley, na nagsimulang tumangis, at sinabi ang masakit na pananalitang ito: “Ikaw na mapagkunwari, alam mo ang tama;—alam mo kung nasaan ang buhay na gawain ng Diyos; ngunit para sa kalayawan, pumayag kang malinlang ang iyong sarili.”

Ang Resulta

Kaagad na pinauwi ni Kitchell ang kongregasyon. Ang nadismayang si Pratt ay sumakay sa kanyang kabayo at kaagad bumalik sa Kirtland. Kalaunan ay ibinuod niya ang kanilang pangangaral: “Isinakatuparan namin ang misyong ito, tulad ng iniutos sa amin, sa isang pamayanan ng mga kakatwang taong ito, malapit sa Cleveland, Ohio; subalit sila ay lubusang tumangging makinig o sumunod sa ebanghelyo.” Kasunod ng pangyayaring ito, ang ugnayan sa pagitan ng Simbahan at ng mga Shaker ay bihira na lang at kadalasang may tensiyon.

Nanatili si Rigdon para maghapunan bago bumalik sa Kirtland nang gabing iyon, at nag-iwan ng kopya ng paghahayag kay Kitchell. Samantala, si Copley ay nanatili sa North Union nang gabing iyon at nagtungo sa kanyang bukid kinaumagahan, gumuho ang pag-asa niya mapabalik-loob ang ilan sa kanyang mga dating kapatid. Sumama ang loob niya sa pangyayari iyon kaya sa pagbalik niya sa Thompson, hindi niya tinupad ang kasunduang ginawa niya na pahintulutan ang mga miyembro ng Simbahan mula sa Colesville, New York, na manirahan sa kanyang bukid.

Ang nag-aalinlangang si Copley ay patuloy na humina sa kanyang katapatan sa ipinanumbalik na Simbahan sa loob ng maraming taon matapos ang kanyang misyon sa mga Shaker. Sa huli ay lubusan niyang nilisan ang Simbahan noong mga 1838 at nanatili sa Ohio sa buong buhay niya.

  1. Lawrence R. Flake, “A Shaker View of a Mormon Mission,” BYU Studies, tomo 20, blg. 1 (Taglagas 1979), 95. Maliban kung iba ang nakasaad, ang mga sipi sa salaysay na ito ay matatagpuan mula sa diary ni Ashbel Kitchell, tulad ng isinulat sa artikulo ni Lawrence R. Flake.

  2. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 112, josephsmithpapers.org.

  3. “John Whitmer, History, 1831–circa 1847,” 26, josephsmithpapers.org.

  4. Ang petsang ito para sa paghahayag ay batay sa pagsasaliksik ni Gerrit Dirkmaat para sa tomo, Michael Hubbard MacKay, Gerrit J. Dirkmaat, Grant Underwood, Robert J. Woodford, at William G. Hartley, mga pat., Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, tomo 1 ng serye na Documents ng The Joseph Smith Papers, mga pat. Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, Richard Lyman Bushman, at Matthew J. Grow (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2013).

  5. “Revelation, 7 May 1831 [D&C 49],” sa Revelation Book 1, 80–81, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 49:2, 15, 19, 22.

  6. “Revelation, 7 May 1831 [D&C 49],” 80, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 49:4.

  7. The Autobiography of Parley Parker Pratt; One of the Twelve Apostles of The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, pat. Parley P. Pratt Jr. (Chicago: Law, King, and Law, 1888), 65.