Kasaysayan ng Simbahan
Ang Pananampalataya at Pagbagsak ni Thomas Marsh


“Ang Pananampalataya at Pagbagsak ni Thomas Marsh,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ang Pananampalataya at Pagbagsak ni Thomas Marsh,” Konteksto ng mga Paghahayag

Ang Pananampalataya at Pagbagsak ni Thomas Marsh

D&T 31, 112

Iilan lamang sa mga kuwento mula sa kasaysayan ng Simbahan ang ginamit nang may babala tulad ng kuwento tungkol kay Thomas B. Marsh. Ang pinakaunang naglingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, nilisan ni Marsh ang Simbahan noong 1838 at kalaunan ay nagsisi, at bumalik sa Simbahan noong 1857. Ang kahalagahan niya sa unang mga araw ng Simbahan ay makikita sa dalawang paghahayag na para lamang sa kanya sa Doktrina at mga Tipan at partikular na tinagubilinan sa apat na iba pa.

“Nilisan” ni Marsh ang kanyang tahanan sa edad na 14 at tinustusan ang kanyang sarili sa iba’t ibang trabaho sa Vermont at New York hanggang noong siya ay mahigit 20 taong gulang na. Matapos siyang ikasal, nanirahan siya sa Boston at nakahanap ng trabaho sa isang pabrika ng tunawan ng metal sa loob ng ilang taon. Pinag-aralan niya ang Biblia at ang mga sekta ng relihiyon, ngunit nadama niya na “isang bagong simbahan ang lilitaw, na taglay ang dalisay na katotohanan.”

Noong 1829, sinabi ni Marsh na “naniwala ako na sinabi ng Espiritu ng Diyos na maglakbay ako pakanluran.” Kasama ang isang kaibigan, naglakbay siya sa kanlurang New York at nanatili roon nang tatlong buwan. Sa isang pagkakataon, isang babae ang nagtanong kay Thomas kung “nabalitaan na [niya] ang tungkol sa “Gintong Aklat na natagpuan ng isang binatilyong nagngangalang Joseph Smith.” Si Marsh ay “labis na naging interesado na malaman ang hinggil sa bagay” na iyon at pumunta sa Palmyra. Natagpuan niya si Martin Harris sa palimbagan ni E. B. Grandin, kung saan ang unang 16 na pahina ng Aklat ni Mormon ay katatapos lang ilimbag. Dahil nasa Harmony, Pennsylvania si Joseph Smith, isinama ni Harris si Marsh papunta kay Oliver Cowdery, “na siyang nagbigay sa akin ng lahat ng impormasyon tungkol sa aklat na nais ko.”

“Labis na nalugod” sa lahat ng kanyang natutuhan, umuwi si Marsh sa Boston at ibinahagi ang kanyang bagong natutuhan sa kanyang asawa, na naniwala rin na ito ay mula sa Diyos. “Mula sa panahong ito sa loob ng halos isang taon nakipag-ugnayan ako kina Oliver Cowdery at Joseph Smith, jun., at inihanda ang aking sarili na lumipat sa kanluran,” isinulat ni Marsh.

“Nang malaman sa pamamagitan ng liham na ang Simbahan ni Jesucristo ay itinatag noong ika-6 ng Abril, 1830,” patuloy niya, “lumipat ako sa Palmyra, Ontario co., noong sumunod na Setyembre, at pumunta sa bahay ni Joseph Smith, sen., kasama ang buong pamilya ko. Sa buwang ito ay bininyagan ako ni David Whitmer, sa lawa ng Cayuga, at makalipas ang ilang araw ay inorden ako bilang Elder ni Oliver Cowdery kasama ang anim na Elder, sa bahay ni Tatay Whitmer.”

Kalaunan sa buwan ding iyon, idinaos ang ikalawang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York. Sa mga kaganapan roon, tumanggap si Joseph Smith ng mga paghahayag para sa apat na indibiduwal, kabilang na ang isa para kay Thomas Marsh, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 31.

Mahalaga ang nilalaman ng paghahayag—ang ilang salita ay katulad ng iba pang mga paghahayag noong una, at ang ilang pangako at tagubilin ay personal para kay Marsh at sa kanyang pamilya. Sinabi kay Marsh na siya at ang kanyang pamilya, “oo, ang iyong mga maliliit,” ay pagpapalain. Sa panahong iyon, siya ay may tatlong anak na lalaki, ang panganay ay siyam na taong gulang. Si Marsh ay tinawag na maglingkod bilang missionary at sinabi sa kanya na pinatawad na ang kanyang mga kasalanan. Pinayuhan siya na maging matiyaga, huwag manlait, manalangin palagi, at makinig sa Mang-aaliw.

Ang paghahayag ay naglalaman ng isang interesanteng pangako: “Masdan, sinasabi ko sa iyo na ikaw ay magiging isang Manggagamot sa Simbahan, subalit hindi sa sangkatauhan, sapagkat hindi ka nila tatanggapin.” Ano ang ibig sabihin ng titulong iyon? Kinilala ba siya bilang isang doktor, upang tulungan ang mga miyembro na may mga pangangailangang medikal, o marahil ang kahulugan ay mas espirituwal, gaya ng isang taong tinawag na espirituwal na maglingkod o magpagaling? Dalawa lang ang nabanggit tungkol sa pagtulong ni Marsh sa mga miyembro na may pisikal na karamdaman, at wala siyang espesyal na pagsasanay sa medisina. Ang katagang “manggagamot ng kaluluwa” ay ginamit noon pang panahon ni Socrates, at ang ibang mga simbahan ay gumamit ng mga katagang “manggagamot sa simbahan” o “manggagamot ng simbahan” sa loob ng daan-daang taon. Ang huling bahagi ng talata na, “subalit hindi sa sangkatauhan, sapagkat hindi ka nila tatanggapin,” ay lalo pang nagpalabo sa ibig sabihin niyon.

Isang Tapat na Tagapaglingkod

May mga indikasyon sa bawat pagkakataon sa loob ng ilang taon na mapagpakumbabang sinunod ni Thomas Marsh ang payo na kanyang natanggap. Siya ay inorden bilang high priest noong 1831 at nagmisyon noong 1831 at 1832. Inilipat niya ang kanyang pamilya sa “Sion” (Jackson County, Missouri) noong 1832, nanirahan malapit sa Big Blue River, at naglingkod bilang branch president ng Big Blue branch. Kasama ang iba pang mga miyembro ng Simbahan, siya ay pinalayas sa Jackson County noong 1833 at lumipat sa Lafayette County para sa taglamig at pagkatapos ay sa Clay County. Siya ay tinawag sa high council sa Missouri noong 1834 at tinawag, kasama ang iba pa, na tumanggap ng pagkakaloob ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon sa Kirtland, Ohio, na noon ay kasalukuyang itinatayo.

“Bilang pagsunod sa paghahayag,” umalis si Marsh patungo sa Kirtland noong Enero 1835, nangaral habang nasa daan, at dumating noong Abril. Lingid sa kanyang kaalaman noong siya ay naglalakbay, siya ay tinawag sa bagong organisang Korum ng Labindalawang Apostol noong Pebrero. Hindi nagtagal matapos siyang dumating sa Kirtland, inorden siya sa Korum. Dahil sa seniority at sa pamamagitan ng paghahayag, siya ay hinirang na pangulo ng korum, kahit na medyo bata pa siya sa edad na mga 35 taon.

Sa sumunod na buwan, si Marsh at ang iba pang miyembro ng Labindalawang Apostol ay umalis para magmisyon sa mga estado sa silangan, at bumalik noong Setyembre. Noong taglagas at taglamig na iyon, nag-aral siya sa Elders’ School at Hebrew school sa Kirtland at nakibahagi sa espirituwal na paghahanda para sa pagkakaloob ng kapangyarihan na inaasahan sa paglalaan ng bahay ng Panginoon sa Kirtland. Dumalo si Marsh sa paglalaan noong ika-27 ng Marso 1836, gayundin sa banal na pagtitipon makalipas ang tatlong araw. Nang sumunod na buwan, nagsimula siyang maglakbay pabalik sa kanyang pamilya sa Missouri, na nangangaral habang siya ay naglalakbay. Mula Hulyo hanggang Setyembre, binisita niya ang mga branch ng Simbahan sa Illinois, Kentucky, at Tennessee.

Nagkaroon ng mga Problema

Nang sumunod na taon, lalo pang tumindi ang hindi pagkakaunawaan ng Labindalawang Apostol. Panahon ito ng matinding mga pagtatalo at kaguluhan sa loob ng Simbahan sa Kirtland. Sa kalipunan ng Labindalawang Apostol, na mga bata pa at walang karanasan, ang kawalan ng kaayusan, at hindi pagkakaunawaan tungkol sa kanilang tungkulin at layunin at mga hangganan ng kanilang awtoridad ay nagdulot ng hindi pagkakasundo. Ang mga problemang ito ay lalo pang tumindi dahil sa layo ng distansya nila sa isa’t isa at mahirap ang komunikasyon, dahil ang ilan ay nanirahan sa Kirtland at ang ilan ay sa Missouri, at ang mga miyembro ng korum mula sa dalawang lugar ay madalas tawagin na magmisyon sa ibang lugar.

Umaasang mapapalakas ang pagkakaisa ng korum, bumalik si Marsh sa Kirtland noong Hulyo, at nalaman na may ilang Apostol na umalis para magmisyon sa Great Britain at ang ilang iba pa ay nag-apostasiya na. Upang makahingi ng payo, dinalaw ni Marsh si Joseph Smith, na nagdikta ng paghahayag para sa kanya (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 112). Ang paghahayag ay nagbigay ng malaking patnubay at kapanatagan kay Marsh, gayundin ng mahigpit na payo. Sinabi kay Marsh na ang “lahat ng iyong kasalanan ay pinatawad na” at “ako, ang Panginoon, ay may mahalagang gawaing ipagagawa sa iyo.” Sinabi rin ng Panginoon kay Marsh, “Batid ko ang iyong puso, at narinig ko ang iyong mga panalangin. … Ikaw ang taong aking pinili na humawak ng mga susi ng aking kaharian (na nauukol sa Labindalawa)” at “napakahalaga ng [iyong] tungkulin.” Subalit sinabi rin kay Marsh na may ilang bagay sa kanyang buhay “kung saan ako, ang Panginoon, ay hindi lubos na nalulugod.” Pinayuhan si Marsh na “maging matapat ka sa harapan ko,” at para sa kanya at sa Labindalawa, “huwag dakilain ang [inyong] sarili; huwag maghimagsik laban sa aking tagapaglingkod na si Joseph” bagkus “padalisayin ang inyong mga puso” at “linisin ang inyong mga puso” sa paghahanda para ipangaral ang ebanghelyo. Kabilang din sa paghahayag ang pangako na madalas banggitin “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”

Ang ugnayan ng Labindalawa ay bumuti nang ilang panahon, at noong Hulyo, umalis sina Marsh, Joseph Smith, at iba pa para magmisyon sa Canada. Pagbalik sa Far West, Missouri, ipinagpatuloy ni Marsh ang kanyang mga pagsisikap na palakasin ang Simbahan at ipakita ang suporta kay Joseph Smith. Isang matinding dagok ang naranasan ng pamilya ni Marsh sa sumunod na Mayo, nang ang kanyang pangalawang anak na si James ay biglang namatay sa edad na 14 matapos ang maikling pagkakasakit. Nangaral si Joseph Smith sa kanyang libing.

Ang Pagtalikod

Sa loob ng ilang buwan, naimpluwensyahan si Marsh ng diwa ng apostasiya, tulad ng marami pang iba. Kabilang siya sa ilang Banal sa mga Huling Araw na nabagabag sa tumitinding karahasan na namamagitan sa mga miyembro ng Simbahan at ng kanilang mga kapitbahay sa Missouri. Nag-ambag din sa kanyang tumitinding pagkayamot ang nakakahiyang pangyayari tungkol sa “krema ng gatas,” na nangyari noong Agosto o Setyembre 1838, na kinasangkutan ng asawa ni Marsh na si Elizabeth, at ni Lucinda Harris, ang asawa ni George W. Harris. Ayon kay George A. Smith, napagkasunduan ng mga babae na magpalitan ng gatas mula sa kanilang mga baka para sa paggawa ng keso. Ngunit salungat sa kanilang kasunduan, itinago umano ni Elizabeth ang krema ng gatas—ang mas makremang bahagi ng gatas na lumulutang sa ibabaw—bago ipinadala ang natitirang gatas kay Lucinda. Ayon kay Smith, ang bagay na ito ay isinangguni sa teachers quorum, pagkatapos ay sa bishop, at pagkatapos sa high council, na lahat ay nagpasiya na si Elizabeth ang may kasalanan. Si Marsh, na hindi kumbinsido, ay umapela sa Unang Panguluhan, na sumang-ayon sa mga naunang desisyon. Nasaktan pa lalo dahil sa sunud-sunod na pangyayaring ito, ang nadismaya nang si Marsh ay nagsabi di umano “na susuportahan niya ang ginawa ng kanyang asawa, kahit mapunta pa siya sa impiyerno para dito.”

Isang araw noong taglagas ng 1838, umalis si Marsh sa Far West kasama ang kanyang pamilya at nagsimulang aktibong kalabanin ang mga Banal. Siya ay sumulat ng isang sinumpaang salaysay o affidavit noong Oktubre 1838 na nagdetalye ng kanyang mga alalahanin tungkol sa mga gawa ng karahasan at pagkawasak na pinaniniwalaan niyang pinlano o isinagawa ng mga miyembro ng Simbahan laban sa kanilang mga komunidad sa Caldwell County at Daviess County. Nakasaad din sa sinumpaang salaysay ang kanyang pangamba na “lahat ng mga Mormon na tumangging makipaglaban, kapag kinakailangan sa hidwaan sa mga mamamayan, ay dapat barilin o kaya’y patayin” at na “hindi makakaalis ng buhay sa Caldwell county ang mga tumilawag na Mormon.” Idinagdag ni Orson Hyde ang kanyang lagda bilang suporta sa mga pahayag ni Marsh.

Bagama’t ang sinumpaang salaysay ni Marsh ay isang katibayan lamang laban sa mga Banal na iniharap sa mga opisyal ng Missouri, kalaunan ay ipinahayag ni George A. Smith, “Ang sinumpaang salaysay na iyon ay naging dahilan para maglabas ang pamahalaan ng Missouri ng utos na pagpuksa, na nagtulak sa 15,000 Banal na lisanin ang kanilang mga tahanan at lupain, at ilang libo ang namatay dahil sa pagdurusa sa mga pangyayaring ito.” Tinalikuran ng kanyang dating kaibigan at tagasuporta, matinding inilarawan ni Joseph Smith ang dalawang-pahinang sinumpaang salaysay ni Marsh bilang naglalaman ng “lahat ng pinakamasamang maling paratang, pagbibintang, Kasinungalingan at paninirang-puri, sa aking sarili at sa Simbahan na maiimbento ng kanyang masamang puso.”

Ang pagkapoot ni Marsh sa Simbahan ay naging sanhi ng paglayo niya nang halos dalawang dekada. Noong kalagitnaan ng deakda ng 1850, dahil sa pagpanaw ng kanyang asawa at pagdurusa sa mga problema sa kalusugan, nagpasiya si Marsh na muling makiisa sa Simbahan. Ang kanyang kalungkutan at pagsisisi ay tila mapagkumbaba at totoo. Sa kanyang sulat kay Heber C. Kimbal sa Lunsod ng Salt Lake, malungkot na sinabi ni Marsh: “Ang Panginoon ay magtatagumpay pa rin kahit wala ako at walang nawala sa Kanya noong umalis ako sa Simbahan; Subalit ano itong nawala sa akin?!” Ipinaliwanag pa ni Marsh na “nagkita sila ni G W. Harris at nagkasundo na kami.”

Matapos dumating si Marsh sa Lunsod ng Salt Lake noong Setyembre 1857, pinayagan siya ni Brigham Young na magsalita sa mga Banal. Sa nanghihinang tinig, ipinaliwanag niya ang kanyang pag-aapostasiya at humingi ng kapatawaran:

“Madalas kong ninais na malaman kung paano nagsimula ang pag-aapostasiya ko, at sa huli ay naisip ko na talagang nawala sa aking puso ang Espiritu ng Panginoon.

“Ang kasunod na tanong ay, ‘Paano at kailan nawala sa iyo ang Espiritu?’ Nainggit ako sa Propeta, at pagkatapos ay nagbago ang pananaw ko at hindi pinansin ang lahat ng bagay na tama, at iniukol ang lahat ng aking panahon sa paghahanap ng masama, at nang tuksuhin ako ng diyablo naging madali para sa makamundong isipan na manaig, dahil sa galit, inggit at pagkapoot. Nadama ko ito sa aking kalooban; nakadama ako ng galit at poot; at sa paglayo ng Espiritu ng Panginoon, gaya ng sinasabi ng Banal na Kasulatan, ako’y nabulag, … nagalit ako, at gusto kong magalit din ang iba.”

Matapos magsalita si Marsh, humingi si Brigham Young ng boto ng pagsang-ayon sa pagtanggap kay Thomas B. Marsh sa lubos na pakikipagkapatiran bilang miyembro ng Simbahan, at walang nagtaas ng kamay para sumalungat.

  1. Tingnan sa “Revelation, September 1830–F [D&C 31]” at “Revelation, 23 July 1837 [D&C 112],” josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 31; 112; 56:5; 75:31; 118:2.

  2. Thomas B. Marsh, “History of Thos. Baldwin Marsh, Written by himself in Great Salt Lake City, November, 1857,” Deseret News, tomo 8, blg. 3 (Mar. 24, 1858), 18.

  3. Marsh, “History of Thos. Baldwin Marsh,” 18.

  4. Marsh, “History of Thos. Baldwin Marsh,” 18.

  5. “Revelation, September 1830–F [D&C 31],” sa Revelation Book 1, 43–44, josephsmithpapers.org.

  6. “Revelation, September 1830–F [D&C 31],” 44; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 31:10.

  7. Tingnan sa Marsh, “History of Thos. Baldwin Marsh,” 18; kasama sa mga reperensya “Ako ay pinapunta nila nang mga hating-gabi, para alagaan sila, … at kalaunan ay nakita si br. Blackslee, ngunit huli na ang lahat. Pumanaw siya kinabukasan. … Inanyayahan ako ni br. Joseph Knight, na matindi ang sakit na disinterya. Inasikaso ko siya nang mabuti at inalagaan siya ng asawa ko; nagtagumpay siya na mapaglababan ang sakit at di nagtagal ay gumaling siya.” Ang dalawang pangyayaring ito ay tila naganap noong 1832.

  8. Tingnan sa “Minute Book 2,” 42, josephsmithpapers.org.

  9. Marsh, “History of Thos. Baldwin Marsh,” 18.

  10. Tingnan sa “Record of the Twelve, 14 February–28 August 1835,” 1, josephsmithpapers.org.

  11. Tingnan sa “Record of the Twelve,” 5, josephsmithpapers.org.

  12. “Katotohanang sinasabi ko sa iyo aking tagapaglingkod na Thomas, ikaw ang taong aking pinili na humawak ng mga susi ng aking kaharian (na nauukol sa Labindalawa) sa ibang mga lugar sa lahat ng bansa” (“Revelation, 23 July 1837 [D&C 112],” 73, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 112:16).

  13. Ang hindi pagkakasundo at pagtatalo ay humantong sa paglisan ng siyam sa orihinal na Labindalawang Apostol sa Simbahan sa magkakaibang panahon, at ang ilan ay hindi na bumalik. Para sa talakayan para sa mga isyung ito, tingnan sa Ronald K. Esplin, The Emergence of Brigham Young and the Twelve to Mormon Leadership, 1830–1841 (Provo, Utah: Joseph Fielding Smith Institute for Latter-day Saint History and BYU Studies, 2006).

  14. “Revelation, 23 July 1837 [D&C 112],” sa Joseph Smith, Journal, March–September 1838, 72–74, josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabantas.

  15. Marsh, “History of Thos. Baldwin Marsh,” 18.

  16. Tingnan sa Esplin, The Emergence of Brigham Young and the Twelve to Mormon Leadership, 324, na mababasa na, “Bagama’t karamihan sa mga sumasalungat sa Missouri ay hindi pa hayagang nagsasabi na hindi na nila susundin si Smith, hindi lingid sa kaalaman ng mga lider sa Missouri na tapat sa Propeta ang gayong nakatagong saloobin. Sa pangunguna ni Thomas Marsh, determinado sila na pigilan ang paghihimagsik hanggang sa pagdating ni Joseph Smith.”

  17. Elders’ Journal, Hulyo 1838, 48, josephsmithpapers.org.

  18. Tingnan sa George A. Smith, sa Journal of Discourses, 3:283–84; ibinigay ni George A. Smith ang nag-iisang buong salaysay tungkol sa madalas banggiting kuwentong ito sa Lunsod ng Salt Lake noong ika-6 ng Abril 1856. Sinimulan niya ito sa pagsasabing: “Kung minsan ay nangyayari na nagmumula ang pinakamalaking bagay mula sa isang maliit na bagay.”

  19. Nakasaad pa sa sinumpaang salaysay ni Marsh, “Ang plano ng nasabing Smith, ang propeta, ay kunin ang Estadong ito, at sinabi niya sa kanyang mga tao na balak niyang sakupin ang Estados Unidos, at sa huli ang buong mundo” (Document Containing the Correspondence, Orders, &c. sa Relation to the Disturbances with the Mormons; and the Evidence Given before the Hon. Austin A. King, Judge of the Fifth Judicial Circuit of the State of Missouri, at the Court-House in Richmond, in a Criminal Court of Inquiry, Begun November 12, 1838, on the Trial of Joseph Smith, Jr., and Others, for High Treason and Other Crimes against the State [Fayette, Missouri: Boon’s Lick Democrat, 1841], 57–59).

  20. George A. Smith, sa Journal of Discourses, 3:284.

  21. “History, 1838–1856, volume B-1 [1 September 1834–2 November 1838],” 838, josephsmithpapers.org.

  22. Thomas B. Marsh letter to Heber C. Kimball, Mayo 5, 1857, Church History Library, Salt Lake City; tingnan din sa Lyndon W. Cook, “‘I Have Sinned Against Heaven, and Am Unworthy of Your Confidence, But I Cannot Live without a Reconciliation’: Thomas B. Marsh Returns to the Church,” BYU Studies, tomo 20, blg. 4 (Tag-init 1980), 389–400.

  23. Thomas B. Marsh, sa Journal of Discourses, 5:206–7.

  24. Brigham Young, sa Journal of Discourses, 5:209.