“Far West at Adan-ondi-Ahman,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Far West at Adan-ondi-Ahman,” Konteksto ng mga Paghahayag
Far West at Adan-ondi-Ahman
Sa mga huling buwan ng 1837, nagsimulang makaapekto ang apostasiya sa Simbahan sa Kirtland, Ohio. Maraming Banal sa mga Huling Araw ang nasiphayo dahil sa malaking pagkalugi na dulot ng pagbagsak ng Kirtland Safety Society at nagsimulang tanggihan ang temporal at espirituwal na pamumuno ng Propeta. Kabilang sa mga tumiwalag ang ilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng mga Pitumpu, gayon din ang Tatlong Saksi sa mga lamina ng Aklat ni Mormon. Noong Enero 1838, bunga ng laganap na apostasiya na ito at mga banta ng karahasan, sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay tumanggap ng banal na tagubilin na iwan ang kanilang mga gawain sa Kirtland at magtungo sa Far West, Missouri. Bagama’t ang paghahayag ay nagsabing ang mga gawain ni Joseph ay “natapos sa lugar na ito,” ang pag-alis sa Kirtland ay nangangahulugang paglisan hindi lamang mula sa kanilang mga tahanan, kundi mula sa pinakamalaking stake ng Simbahan at sa una at nag-iisang templo nito. Gayunpaman, pinayuhan sina Joseph at Sidney na “kumilos at magtungo sa isang lupain na aking ipakikita sa inyo maging ang isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot.”
Habang papalapit sila sa Far West pagkatapos ng “mahaba at & nakakapagod na paglalakbay,” sina Joseph at Sidney ay sinalubong ng mga Banal sa Missouri “nang bukas ang mga bisig at masayang puso ay tinanggap kami ng kanilang pamayanan.” Ngunit ang balita tungkol sa pagkakahati-hati na banta sa Simbahan sa Far West ay kaagad na pumawi sa masayang pagkikitang muli. Apat na araw bago dumating ang Propeta noong ika-14 ng Marso, itiniwalag ng Far West stake high council ang mga hindi nagsipagsisi na sina William W. Phelps at John Whitmer, kapwa mga counselor sa Missouri stake presidency. Ang dalawa ay pinaratangan na nakinabang sa pinagbentahan ng lupa para sa pagtitipon ng mga Banal sa Far West at sa pakikibahagi rin nila sa pagbebenta ng mga ari-arian ng panguluhan sa Jackson County na salungat sa naunang paghahayag. Walang ginawang aksiyon ang high council laban kay David Whitmer, pangulo ng Missouri stake presidency, o sa assistant president na si Oliver Cowdery tungkol sa karagdagang mga paratang. Sa halip, hinintay nila ang pagdating ni Joseph para talakayin ang hindi kanais-nais na bagay na ito ng gawain. Sina Whitmer at Cowdery ay kapwa itiniwalag sa unang bahagi ng Abril 1838.
Paghahanda ng Isang Lugar para sa mga Banal sa Kirtland
Ang Far West ay naging pangunahing pamayanan na tinirhan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri matapos lumipat ang mga Banal mula sa Clay at Ray County sa simula noong kalagitnaan ng 1836. Sa panahon ng pagdating ni Joseph noong 1838, ang Far West ay may populasyon na 4,900 at may “150 tahanan, apat na tindahan ng mga kasuotan at iba pang mga aytem, tatlong groseri, ilang pandayan, dalawang hotel, isang palimbagan, at isang malaking paaralan na ginamit bilang simbahan at hukuman.” Ang paghahanap ng mga murang lupain para panirahan ng inaasahang pagdagsa ng maraming maralitang Banal sa Kirtland sa Missouri ay naging agarang prayoridad. Noong ika-26 ng Abril 26, 1838, isang paghahayag—ngayon ay Doktrina at mga Tipan 115—ang nagbigay ng ilang tagubilin sa Unang Panguluhan, bishopric, at high council sa Far West. Bukod pa sa paghihikayat na ipagpatuloy ang pagpapaunlad sa Far West at pagtatayo ng isang templo roon, iniutos sa paghahayag na “ang ibang mga lugar ay ilaan para sa mga istaka sa mga pook sa paligid habang ang mga ito ay ipinakikita sa aking Tagapaglingkod na si Joseph sa pana-panahon.”
Dahil walang mabiling murang lupa, nahikayat ang mga lider ng Simbahan na maghanap ng “ibang mga lugar” upang makalikha ng mga bagong istaka [stake] sa rehiyon. Bagama’t ang malaking bahagi ng Caldwell County ay hindi pa napanirahanan, ang lupain ay na-survey na, kaya hindi na ito sasailalim pa sa mga preemption law. Ang mga batas na ito ay nagtulot sa mga nandayuhan na tirhan at paunlarin ang hindi pa na-survey na mga lupain nang walang paunang bayad. Sa ilalim ng preemption [isang opsiyon na bilhin ang ari-arian kung at kapag ang ari-arian ay ipagbibili], ang mga walang sapat na pera ay maaaring linangin ang mga lupain para kumita at pagkatapos ay bibigyan ng unang karapatan na bilhin ang lupain matapos itong ma-survey at ipagbibili ng pamahalaang pederal. Ang bagong tatag at hindi pa na-survey na Daviess County, na nasa hilaga ng Caldwell County, ay napagtuunan ng mga lider ng Simbahan bilang isang potensyal na lugar ng pagtitipon para sa maralitang mga Banal sa hilagang Missouri.
Noong ika-18 ng Mayo 1838, pinamunuan ni Joseph Smith ang isang grupo ng mga lider ng Simbahan kabilang sina Sidney Rigdon, Thomas B. Marsh, at David W. Patten (pawang kabilang sa Korum ng Labindalawang Apostol), Bishop Edward Partridge, at iba pa patungo sa “mga bansa sa hilaga para sa layunin ng Pagtatatag ng mga stake ng Sion, pagsasaayos ng mga Lokasyon & pagdudukomento ng mga pahayag para sa pagtitipon ng mga Banal para sa kapakanan ng mga maralita at para sa pagpapalago ng Simbahan ng Diyos.” Naglakbay ang grupo pahilaga patungo sa Daviess County nang ilang araw patungo sa rehiyon ng Ilog Grand, na inilarawan ng klerk ni Joseph Smith na si George W. Robinson na “malaki[,] maganda[,] malalim.” Sa kanilang paglalakbay, natagpuan ng grupo ang isang lupain na “maraming” hayop para sa pangangaso kabilang ang “mga Usa, Pabo, Manok, Elk, &bp.” at mga kaparangan na natatakpan ng makapal na damo. Ang lupain ay talagang “binubukalan ng gatas at pulot.”
Ang Lugar Kung Saan Darating si Adan
Bagama’t ang likas na kasaganaan ng lupain sa Daviess County ay naglaan para sa mga temporal na pangangailangan ng mga nagtitipong Banal, ang paghahayag ay nagtuon din sa mga Banal sa isang lugar na may malaking espirituwal na kahalagahan. Habang naghahanap sina Joseph, Sidney, at George W. Robinson ng isang lugar para sa pagtatatag ng isang komunidad na paninirahanan malapit sa Ilog Grand, nakarating sila sa isang kilalang burol na tinatawag na Spring Hill. Sa paglalakbay na ito, natanggap ni Joseph ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 116, na tinukoy ang rehiyon bilang Adan-ondi-Ahman, “dahil, wika niya, ito ang lugar na kung saan si Adan ay darating upang dalawin ang kanyang mga tao, o ang Matanda sa mga Araw ay uupo, gaya ng sinabi ni Daniel, ang Propeta.”
Alam ng mga Banal ang tungkol sa Adan-ondi-Ahman mula sa naunang mga paghahayag kay Joseph Smith, na nailathala ilang taon na ang nakaraan sa edisyong 1835 ng Doktrina at mga Tipan. Sa kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 107, ipinaliwanag ng Panginoon na sa huling mga taon ni Adan, tinawag niya ang kanyang mabubuting angkan sa “lambak ng Adan-ondi-Ahman,” kung saan kanyang “ipinagkaloob sa kanila ang kanyang huling basbas.” Ipinaliwanag pa ng paghahayag na ang Panginoon ay “nagpakita sa kanila” at “nagbigay ng aliw kay Adan.” Dahil “napupuspos ng Espiritu Santo,” nagpropesiya si Adan hinggil sa kanyang angkan “hanggang sa kahuli-hulihang salinlahi.” Bukod pa sa mga reperensya sa Doktrina at mga Tipan, ang parirala ay naging regular na bahagi ng mga serbisyo ng pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pamamagitan ng himnong isinulat ni William W. Phelps na may pamagat na “Adam-ondi-Ahman.” Ang himnong ito ay kasama sa unang himnaryo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na tinipon ni Emma Smith at inilathala noong mga unang buwan ng 1836, at inawit ng mga Banal ang himnong ito sa paglalaan ng Templo ng Kirtland.
Ang bagong paghahayag hinggil sa Adan-ondi-Ahman ay naglahad ng mahalagang papel na gagampanan ni Adan sa mga pangyayaring magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Hinggil sa pangitain ni Daniel tungkol sa Matanda sa mga Araw (tingnan sa Daniel 7:9, 13–14), ipinaliwanag kalaunan ni Joseph Smith na “lahat ng mayhawak ng mga Susi ay kailangang Tumayo sa kanyang harapan [si Adan] sa malaking Kapulungang ito. … Ang Anak ng Tao [si Cristo] ay Tatayo sa kanyang harapan & doon ay bibigyan siya ng kaluwalhatian & kapangyarihan.—Ibibigay ni Adan ang kanyang pangangasiwa kay Cristo, na ibinigay sa kanya bilang mayhawak ng mga Susi ng Sansinukob, subalit pananatilihin ang kanyang katayuan bilang pinuno ng sangkatauhan.”
Pagtitipon sa Adan-ondi-Ahman
Sa paghahayag sa lokasyon ng Adan-ondi-Ahman kay Joseph Smith, pinuno ng Panginoon ang lupain sa Daviess County ng espirituwal na kasaysayan gayundin ng espirituwal na hinaharap. Sa panahong ang paglago ng kaharian ng Diyos sa lupa ay tila babagsak na dahil sa apostasiya at paglipat ng ibang lugar, ipinaalala ng paghahayag na ito kay Joseph at sa mga Banal ang kanilang bahagi sa mangyayaring mga kaganapan sa sagradong kasaysayan. Ang mga lider ng Simbahan ay hindi lamang gumagawa upang maitatag ang isang lugar para sa mga lumikas na mga Banal mula sa Kirtland at sa iba pa na nagnanais na matipon, ngunit sila rin ay abala sa pagtitipon ng mabubuti sa lugar kung saan balang-araw ay ibibigay ni Adan ang kanyang pangangasiwa sa Panginoon bago ang Ikalawang Pagparito.
Nang bumalik si Joseph sa Far West noong ika-21 ng Mayo 1838, kaagad siyang nagdaos ng isang kapulungan “upang sumangguni sa mga kapatid tungkol sa paksa ng aming paglalakbay upang malaman kung karunungan bang pumunta kaagad sa hilagang bansa … upang makuha ang lupain sa tabi ng malaking ilog.” Matapos ipahayag ng mga kapatid ang kanilang saloobin tungkol sa paksa, “ang tanong ay inilahad ni Pangulong Smith at sinang-ayunan ng lahat na kunin ang lupain sa tabi ng ilog at sa pagitan ng lugar na ito at ng Far West.” Pagkaraan ng limang linggo, noong ika-28 ng Hunyo 1838, kasama si Joseph Smith bilang namumuno, ang stake ng Adan-ondi-Ahman ng Sion ay inorganisa at si John Smith ang tinawag bilang pangulo nito. Isinulat ng second counselor ni John Smith at isa sa mga unang Banal sa mga Huling Araw na nanirahan sa Daviess County, na si Lyman Wight: “Ang magandang bansang ito na may kaakit-akit na tanawin ay nakahikayat sa maraming nandarayuhan. Mahigit tatlumpu ang bumibisita sa buong maghapon sa loob ng tatlong buwan ng tag-init.” Pagsapit ng Oktubre, itinala ni Wight na “mahigit dalawang daang bahay” na ang naitayo sa Adan-ondi-Ahman at “apatnapung pamilya ang nakatira sa kanilang mga bagon.”
“Ang Mas Mabibigat na Bagay”
Sa kabila ng pagtatatag ng bagong stake ng Sion na ito at ang atas na manirahan sa hilagang Missouri, nahirapan ang ilan na lisanin ang kanilang mga tahanan sa Kirtland. Sa wakas, sa mga buwan ng tag-init ng 1838, karamihan sa matatapat na Banal na naroon pa sa Kirtland ay nagsimulang magtungo sa Missouri. Ang wala sa mga grupo ng paparating na mga Banal ay sina William Marks at Newel K. Whitney, isang bishop sa Kirtland at mayamang negosyante. Binalewala na noon pa man ng dalawang ito ang sumama sa malaking grupo ng Simbahan papunta sa Missouri upang ayusin ang kanilang mga negosyo sa Kirtland. Nahirapan ang dalawa na iwan ang temporal na kaginhawahan na dulot ng kanilang mga negosyo at ari-arian.
Noong ika-8 ng Hulyo 1838, si Joseph Smith ay tumanggap ng isang paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 117) para kina Marks at Whitney na nag-uutos sa kanila na “humayo, at huwag mamalagi.” Ang paghahayag ay nag-utos kay Mark na “mamumuno sa gitna ng aking mga tao sa lunsod ng Far West,” marahil bilang bagong pangulo ng stake presidency sa Missouri. Para kay Whitney, iniutos sa kanya ng paghahayag na “magtungo sa lupain ng Adan-ondi-Ahman, at maging isang obispo sa aking mga tao.” Gamit ang matalinghagang paglalarawan sa sinaunang tahanan ni Adan at ang walang hanggang mga pagpapala sa angkan ni Adan, tinanong ng paghahayag: “Wala bang sapat na lugar sa mga bundok ng Adan-ondi-Ahman, at sa mga kapatagan ng Olaha Shinehah, o sa lupain na kung saan nanirahan si Adan, na kayo ay magnasa ng yaong patak lamang, at pabayaan ang mas mabibigat na bagay?” Itinalaga si Oliver Granger na isaayos ang lahat ng bagay-bagay sa Simbahan sa Kirtland, at nagbigay siya ng liham kina Marks at Whitney na naglalaman ng paghahayag. Sa liham, nagpahayag ang Unang Panguluhan ng pagtitiwala sa kahandaan ng dalawa na sundin ang paghahayag at “kumilos nang naaayon.” Bilang pagsunod sa tagubilin, kapwa iniwan nina Marks at Whitney ang kanilang mga ari-arian sa Kirtland. Kalaunan ay kasama sila ng malaking pangkat ng mga Banal na isinagawa ang “mas mabibigat na bagay” ng pangangasiwa sa mga pangangailangan ng mga Banal.
Epilogo
Sa buong tag-init ng 1838, patuloy na nagtipon ang mga Banal sa Far West, Adan-ondi-Ahman, at sa iba pang mga pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Missouri. Alinsunod sa utos na itatag ang Far West, noong ika-4 ng Hulyo 1838, inilatag ang mga batong panulok para sa templo sa komunidad na iyon. Hindi nagtagal ay isang lugar din ang napili para sa isang templo sa Adan-ondi-Ahman. Gayunman, pansamatala lamang ang kapayapaan at kasaganaan na natamasa ng mga Banal sa hilagang Missouri. Ang tumitinding pagdududa at paghihinala sa pagitan ng mga taga-Missouri at ng mga Banal sa mga Huling Araw ay marahas na sumiklab noong Agosto 1838. Isang sunud-sunod na armadong labanan na kilala bilang Missouri-Mormon War ang humantong sa pagkabilanggo ni Joseph Smith at pagpapalayas sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri. Matapos palayasin ang mga Banal mula sa kanilang estado, kaagad na nagsitungo roon ang mga taga-Missouri at kinamkam ang mga lupain at ari-arian ng mga Banal. Bagama’t magpapatuloy sila sa pagtatatag ng isa pang komunidad ng mga pinagtipanang tao at magtatayo ng isang magandang templo sa Nauvoo, nanatiling umaasa ang mga banal na balang-araw ay babalik sila upang bawiin ang mga sagradong lupain sa Missouri bago ang Ikalawang Pagparito.