“‘Magtungo sa Ohio’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Magtungo sa Ohio,” Konteksto ng mga Paghahayag
“Magtungo sa Ohio”
Hindi nagtagal matapos ang ikalawang kumperensya ng bagong tatag na Simbahan ni Cristo noong huling bahagi ng Setyembre 1830, apat na misyonero—sina Oliver Cowdery, Peter Whitmer Jr., Parley P. Pratt, at Ziba Peterson—ay umalis sa New York upang mangaral sa mga Amerikanong Indian sa Missouri. Matapos ang maikling pagbisita sa mga Seneca Indian malapit sa Buffalo, New York, sinunod ng grupo ang nadama ni Pratt na maglakbay sila malapit sa Lake Erie patungong Mentor, Ohio, sa tahanan ng kanyang dating espirituwal na lider na si Sidney Rigdon.
Pagbabalik-loob ni Sidney Rigdon
Isang mangangaral na may dalawang kongregasyon ng Reformed Baptist, malaki ang impluwensya ni Rigdon kaya’t ang mga kabilang sa kanyang kongregasyon ay kilala ng marami bilang Rigdonites. Kinikilala ang kanyang impluwensya, binisita nina Pratt at Cowdery si Rigdon noong ika-28 ng Oktubre, ngunit ang tugon niya sa kanilang mensahe ay hindi positibo. May pag-aalinlangag tinanggap niya ang Aklat ni Mormon, at naalala ng isa sa mga naroon na “bahagya [niya] itong kinutya.” Gayunpaman, pumayag siyang basahin ito.
Ang mga misyonero ay nangaral ng isang sermon sa Mentor na nagdulot lamang ng kaunting epekto at kaagad na nagtungo sa Kirtland at sa bukid ni Isaac Morley, at nakarating doon ng ika-2 ng Nobyembre. Isa ring Reformed Baptist, si Isaac Morley ang “espirituwal na ama ng isang malaking komunal na pamilya”—na karamihan ay binubuo ng mga miyembro ng kongregasyon ni Rigdon—na nakatira sa kanyang bukid. Bilang isang grupo, ang “pamilya” ay naghangad na muling itatag ang ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng inilarawan sa Biblia. Malugod na tinanggap ng mga miyembro ng “pamilya” na nasa bukid ni Morley ang mensahe ng mga misyonero at nabinyagan ang marami sa kanila.
Nang sumunod na araw, ika-4 ng Nobyembre, dumating si Rigdon sa Kirtland upang magkasal at pagkatapos ay sumama sa mga misyonero habang naglalakbay ang mga ito sa lugar na nangangaral ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Labimpitong katao pa ang nabinyagan kinabukasan, at bagama’t hindi kabilang dito si Rigdon, sa loob ng isa pang araw ay sumama siya sa pangangaral at, ayon sa isang nagmamasid, ay “labis na naantig at napaluha” sa pulong.
Pagsapit ng Linggo, ika-7 ng Nobyembre, napakaraming dumalo sa pangangaral kaya ang iba ay nagtipon sa labas at isang tao ang nagtanggal ng mga dingding sa gusali para makarinig ang napakaraming tao. Nagturo si Parley P. Pratt mula sa Aklat ni Mormon at pagkatapos ay inanyayahan ang iba na magsalita—isang paanyayang mabilis na tinanggap ni Sidney Rigdon. Tumayo si Rigdon at sinabi na matapos marinig ang mensahe ng mga misyonero, ay “hindi na [siya] magtatangkang mangaral muli” at hinikayat ang mga tagapakinig na huwag makipagtalo sa kanilang mga narinig.
Nakumbinsi si Rigdon na ang mga misyonero ay tunay na may awtoridad na hindi natagpuan noon sa mundo. Ninais niyang magpabinyag at kinausap ang kanyang asawang si Phebe tungkol sa bagay na ito, na nagbabala kung paano maaaring magbago ang kanilang buhay kung susundin nila ang ebanghelyo:
“‘Mahal ko, sinamahan mo ako noon sa kahirapan; handa ka bang muling gawin iyon?’ Sagot niya, ‘Pinag-isipan ko na ang mga bagay-bagay; Pinagnilayan ko na … ang lahat ng maaaring hingin sa atin; Napagtanto ko na ang magiging kapalit nito, at lubos akong masaya na sumunod sa iyo. Oo, nais kong gawin ang kalooban ng Diyos, sa buhay man o sa kamatayan.’”
Paglalakbay patungo sa New York para Bisitahin si Joseph
Batid na ang kapalit ng kanilang pagbabalik-loob ay maaaring kapalooban ng pagkawala ng kanilang tahanan at kanilang kabuhayan, kapwa nabinyagan sina Sidney at Phebe Rigdon noong Nobyembre 1830. Hindi na nangaral si Rigdon at sandaling nagtrabaho sa bukid ni Morley at hindi nagtagal ay umalis patungong New York nang may “labis na pananabik na makita si Joseph Smith Jr. ang Tagakita na ibinangon ng Panginoon sa mga huling araw na ito.” Sinamahan si Rigdon sa kanyang paglalakbay ng isa sa kanyang mga kasamahan sa dating niyang relihiyon na si Edward Partridge, na ang asawang si Lydia ay naniwala sa mensahe ng mga misyonero. Nag-aalinlangan pa rin, ninais ni Partridge na makilala si Joseph bago siya mabinyagan.
Nakilala ng dalawang lalaki si Joseph sa New York noong unang bahagi ng Disyembre 1830, at hindi nagtagal ay “nagnais [si Rigdon] na tanungin ng Tagakita ang Panginoon, upang malaman kung ano ang kalooban ng Panginoon hinggil sa kanya.” Bilang tugon, inihayag ni Joseph ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 35. Si Rigdon ay pinuri dahil sa kanyang gawain sa kanyang ministeryo sa Ohio at inatasang maging kasama at tagasulat ni Joseph para sa patuloy na pagsasalin ng Biblia. Sinabi sa kanya na kapag ginawa niya ito, “ang mga banal na kasulatan ay ibibigay, maging ang mga ito ay mula sa sariling dibdib, para sa kaligtasan ng sarili kong hinirang.” Dahil dito, nanatili si Rigdon sa Fayette kasama si Joseph at nagsimulang maglingkod bilang tagasulat.
Pagdating niya sa New York, kinausap ni Partridge ang mga kapitbahay ng mga Smith tungkol sa pagkatao ng pamilya. Lubos na nasiyahan sa nalaman, humiling siya na mabinyagan, at nangako si Joseph na bibinyagan si Partridge matapos itong makapagpahinga mula sa kanyang paglalakbay. Kalaunan ay nakatanggap din Joseph Smith ng isang paghahayag para kay Partridge, kung saan inatasan si Partridge na “ipangaral ang walang hanggang ebanghelyo sa Bansa.” Pagkatapos ng kanyang binyag, naglakbay si Partridge pasilangan upang ibahagi ang kanyang bagong relihiyon sa kanyang pamilya.
Ang Atas na Magtipon
Ang pagdating nina Rigdon at Partridge sa New York ay nagdala ng balita kung gaano kalalim na naitatag ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa Ohio. At bagama’t mabilis na dumami ang bilang ng mga nabinyagan sa Ohio, ang Simbahan sa New York ay nakaranas ng matinding pag-uusig. Ilang buwan na ang nakaraan, nakatanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag na nagsasabi na ang Simbahan ay dapat na matipon sa isang lugar, bagama’t hindi pa naipahayag ang lugar na iyon (tingnan sa D&T 29:7–8).
Naalala kalaunan ng ina ni Joseph na si Lucy na nakatanggap si Joseph ng balita na ang mga bagong kongregasyon sa Ohio ay lubhang nangangailangan ng patnubay, dahil umabot ang bilang mga nabinyagan nang hanggang 300. Pagkatapos, habang naglalakbay sina Joseph at Sidney Rigdon mula Fayette patungong Canandaigua, New York, noong huling bahagi ng Disyembre, nakatanggap sila ng paghahayag na nag-uutos sa Simbahan na “magtungo sa Ohio.” Sa paghahayag, iniutos din sa mga lalaki na pansamantalang itigil ang paggawa ng rebisyon sa Biblia upang palakasin ang mga kongregasyon sa New York bilang paghahanda para sa paglipat.
Makalipas ang tatlong araw, ang ikatlong pagpupulong ng Simbahan ay idinaos sa Fayette, at inihayag ni Joseph sa mga miyembro ang utos ng Panginoon na lisanin ang kanilang mga tahanan at magtipon sa Ohio. Kaugnay ng pahayag na ito, inilahad ni Joseph ang isa pang paghahayag na nagbigay ng karagdagan detalye sa utos na magtipon at nangako sa mga miyembro na sa Ohio tatanggapin nila ang “batas [ng Diyos] & doon ikaw ay papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”
Kalaunan ay isinulat ni Newel Knight na ang mga miyembrong naroon ay “tinagubilinan bilang isang pangkat ng mga tao, na simulan ang pagtitipon ng Israel, at isang paghahayag ang ibinigay sa Propeta tungkol sa paksang ito.” Bagama’t nag-atubili ang ilang miyembro ng Simbahan sa utos na iwan ang kanilang mga tahanan at magtipon sa isang bagong lugar, matapos ang isang gabi ng pag-aayuno at panalangin, naging determinado ang bagong tatag na Simbahan na sundin ang utos.