Kasaysayan ng Simbahan
Si Susa Young Gates at ang Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay


“Si Susa Young Gates at ang Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Si Susa Young Gates at ang Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay,” Konteksto ng mga Paghahayag

Si Susa Young Gates at ang Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay

D&T 138

larawan ni Susa A. Young Gates

Noong gabi ng Biyernes, ika-5 ng Nobyembre 1918, si Susa Young Gates at ang kanyang asawang si Jacob ay pumunta sa bahay ng ilang malapit na kaibigan para kunin ang isang kahon ng mga mansanas. Ang tahanang iyon ay ang Beehive House, sa kanto ng State Street at South Temple sa Lunsod ng Salt Lake, at ang mga kaibigang iyon ay sina Joseph F. Smith, Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at ang kanyang asawang si Julina Smith. Magkakilala na sina Susa at Joseph mula pa sa pagkabata ni Susa, noong dekada ng 1860, noong si Joseph ay madalas na bisita sa tahanan ng kanyang ama na si Brigham Young. Ang mga Gates at ang mga Smith ay magkasamang naglingkod bilang mga misyonero sa Hawaii noong dekada ng 1880 at nanatiling matalik na magkakaibigan mula noon. Naging malapit na magkaibigan sina Susa at Joseph. Tinawag niya [si Joseph] na “Aking Pinakamamahal at Marangal na Kaibigan at Kapatid”; tinawag naman siya [ni Joseph] na kanyang “pinakamamahal na Kapatid” at nagpahayag ng “tunay na pagmamahal ng kapatid” para sa kanya. Ang nangyari sa pagbisita niya noong gabing iyon ay magiging pinakadakilang pagpapahayag ng pagkakaibigang iyon at ng malalim na katibayan ng walang kapagurang pagsisikap ni Susa sa tinatawag niyang “gawain ng pagtubos sa mga patay.”

“Isang Dakilang Gawain”

Si Susa Young Gates ay isa sa mga pinakakilalang babaeng Banal sa mga Huling Araw noong kanyang panahon. Isang babaeng puno ng sigla at determinasyon, nagtrabaho siya nang ilang dekada bilang manunulat, patnugot, guro, at lider sa Young Ladies’ Mutual Improvement Association (YLMIA), sa Relief Society, at iba’t ibang organisasyon ng kababaihan sa bansa. Ngunit noong 1918, ang kanyang interes ay natuon sa genealogy [talaangakanan] at gawain sa templo, isang gawain kung saan siya ang nangungunang tagapagtaguyod na Banal sa mga Huling Araw sa loob ng mahigit isang dekada.

Nadama ni Susa na ang gawaing ito ang kanyang personal na misyon. Noong 1902, nang bumalik mula sa isang pulong ng International Council of Women sa Europe, nagkasakit nang malubha si Susa. Sa London, humingi siya ng basbas ng priesthood kay Elder Francis M. Lyman, na noon ay naglilingkod bilang pangulo ng European Mission, at sa basbas na iyon sinabi nito sa kanya, “Ikaw ay mabubuhay upang gumawa ng gawain sa templo, at gagawa ka ng mas dakilang gawain kaysa noon.” Ang atas na ito ay naging malaking motibasyon sa kanya. “Interesado na ako noon pa man sa gawain sa Templo,” sabi niya, “pero ngayon ay nadama ko na kailangan kong gumawa nang higit pa rito, isang bagay na tutulong sa lahat ng miyembro ng Simbahan.”

Halos wala nang iba pang ginawa si Susa kundi ang gumawa para sa adhikain ng family history at gawain sa templo. Siya ay nagsulat ng napakaraming artikulo sa pahayagan at magasin, nagturo ng mga klase, at nagpunta sa maraming stake at ward para dalhin ang mensahe. Bumisita siya sa mga genealogical library sa silangang Estados Unidos at England at lumiham siya sa mga genealogist mula sa maraming ibang bansa, na hinahangad na matutuhan ang maraming kaalaman at kasanayan. Naglingkod siya sa pangkalahatang lupon ng Relief Society, kung saan matagumpay niyang naisama sa kurikulum ang mga lesson tungkol sa genealogy (na karamihan sa mga ito ay isinulat niya). Naglathala siya ng isang aklat na may 600-pahina tungkol sa mga apelyido at siya ay madalas magsulat para sa isang bagong magasin na nakatuon sa pagsasaliksik ng genealogy. Sa lahat ng pagsisikap na ito, nakahanap din siya ng oras na maglingkod nang ilang dekada bilang temple ordinance worker. Ang gawain ni Susa ay isang mahalagang bahagi ng pagtatatag ng family history na pagtutuunan ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa mga pagsisikap na ito nakipagtulungan siyang mabuti kay Elder Joseph Fielding Smith—assistant Church historian, anak ng Pangulo ng Simbahan, at, pagkatapos ng 1910, naging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Si Elder Smith ay naglingkod din bilang kalihim ng Utah Genealogical Society, ang opisyal na organisasyon ng Simbahan sa genealogy. Inilarawan ni Susa si Elder Smith bilang “ang Apostol sa mga espiritung nasa bilangguan” at “isang taong mahusay magsalita” tungkol sa genealogy at gawain sa templo. Magkasamang nagsalita sina Susa at Elder Smith sa mga genealogical meeting—si Susa ay nagbigay ng praktikal na tagubilin sa methodology o kung paano gawin ang genealogy, at si Elder Smith ang nagpaliwanag ng batayang doktrina ng gawain. Salamat sa kanilang mga pagsisikap at sa ilang kasamahan na katulad rin nila ng mithiin, libu-libong Banal sa mga Huling Araw ang tumanggap ng training at panghihikayat sa pagsasagawa ng family history at gawain sa templo.

Sa kabila ng mga nagawang ito, madalas madama ni Susa na mahirap isagawa ang imposibleng gawaing ito. Nakita niya ang “kawalan ng interes” ng napakaraming Banal sa mga Huling Araw sa genealogy at gawain sa templo. “Maging ang isang anghel sa langit ay hindi mahihikayat ang ilan sa mga kababaihang ito na kabilang sa mga social club at ang matagumpay na mga lalaking negosyanteng ito na maglaan ng kaunting oras nila para sa gawain sa templo,” isinulat ni Susa sa isang kaibigan.

Nang bisitahin niya si Pangulong Smith noong gabing iyon ng Nobyembre 1918, naipaalala kamakailan kay Susa ang kawalan ng sigla ng halos lahat para sa gawain sa family history [kasaysayan ng pamilya]. Ang mga miyembro ng pangakalahatang lupon ng Relief Society ay halos sumang-ayon na hindi na ipagpatuloy ang mga genealogy lesson. “Kinailangan kong ipagtanggol ang kahalagahan ng gawain sa genealogy sa lahat ng iba pa,” isinulat niya sa isang liham. Muntik na siyang hindi magtagumpay na mapanatili ito bilang bahagi ng kurikulum. Sa kumperensya ng Relief Society noong Oktubre 1918, sinabi ng mga lider ng stake na napakahirap ng mga genealogy lesson. Iminungkahi nila na ang mga lesson ay “simplehan” at “bigyang-diin ang espirituwal na aspeto sa halip na ang pag-aaral nito.” Tiniyak sa kanila ni Susa na ang inilathala kamakailan na Surname Book and Racial History ay makatutulong para mas madaling mapag-aralan ang mga lesson. Ngunit noon pa man ay iginiit na niya na magkatugma ang espirituwal at praktikal na mga aspeto ng genealogy. “Lahat ng hinangad na inspirasyon sa mundo ay hindi magliligtas sa ating mga patay,” pahayag niya. “Kailangan din nating magkaroon ng impormasyon upang maisagawa ang marangal na gawaing iyon.” Nagpatuloy siya sa kanyang gawain, ginawa niya ang lahat para makapagbigay ng impormasyon at inspirasyon sa kanyang kapwa mga Banal.

“Ang mga Hukbo ng mga Patay”

Noong Nobyembre 1918, si Pangulong Smith ay maysakit—matanda na, mahina, at mabilis ang pagbagsak ng kalusugan. Nanatili siya nang halos isang taon sa kanyang tahanan, hindi na niya magawa ang dating ginagawa niya sa halos buong buhay niya. Ang kanyang mga karamdaman na dulot ng katandaan ay lumala pa dahil sa matinding pighati. Noong Enero ang kanyang pinakamamahal na panganay na anak, si Elder Hyrum M. Smith, ay biglang namatay dahil sa pumutok na apendiks. “Ang aking kaluluwa ay ginigiyagis ng dalamhati, nasasaktan ang puso ko! O Diyos, tulungan Ninyo ako!” Ibinulalas ni Pangulong Smith noong panahong iyon. Ngunit ang mga paghihirap ay patuloy na dumating. Noong Pebrero ang kanyang bata pang manugang na lalaki ay namatay nang aksidenteng mahulog. At noong Setyembre, ang asawa ni Hyrum, si Ida, ay namatay ilang araw matapos manganak, at inulila ang limang anak. Samantala, ang Malaking Digmaan (Ikalawang Digmaang Pandaigdig) ay matatapos na rin sa wakas, na nagdulot ng napakaraming kamatayan at pagkawasak, at laganap ang pandemya ng influenza na kumitil sa buhay ng milyun-milyong biktima. Para kay Pangulong Smith, panahon ito ng matinding personal na kapighatian habang napakaraming pagdurusa ang nagaganap sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang mga ibinunga ng mga delubyong ito ay nakita sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre. Kapansin-pansin na nabawasan ang dumalo, “dahil napakaraming maytaglay ng Priesthood ang nasa digmaan.” At marahil ay nanatili na lamang sa kanilang mga tahanan ang mga tao dahil sa epidemya ng influenza. Kahit nanghihina, nakakagulat na dumalo si Pangulong Smith at namuno sa apat na sesyon ng kumperensya. “Sunud-sunod ang pagkakasakit ko nang malubha sa nakalipas na limang buwan,” sabi niya sa kanyang pambungad na mensahe. “Bagama’t mahina ang aking katawan,” tiniyak niya, “malinaw kong nauunawaan ang aking tungkulin.” Pagkatapos ay ipinahiwatig ni Pangulong Smith ang isang mensahe na hindi niya mailarawan sa salita. “Hindi ko tatangkaing talakayin ang maraming bagay na nasa isip ko ngayong umaga,” sabi niya, “at ipagpapaliban ko para sa ibang araw, kung loobin ng Panginoon, ang pagtatangka kong sabihin sa inyo ang ilan sa mga bagay na nasa puso’t isipan ko.” Sinabi pa niya: “Hindi ako nabuhay nang nag-iisa sa limang buwan na ito. Palagi akong nagdarasal, sumasamo, sumasampalataya at may determinasyon; at patuloy na nakikipag-ugnayan sa Espiritu ng Panginoon.”

Walang duda na ang mga mensahe ni Pangulong Smith ay tumutukoy sa isang bahagi ng mga nangyari sa nagdaang araw, noong ika-3 ng Oktubre 1918, kung saan nakakita siya ng isang kamangha-manghang pangitain ng tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu (na ngayon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138). Sa pangitaing ito, nakita ni Pangulong Smith “ang mga hukbo ng mga patay” na naghihintay sa pagdating ng Tagapagligtas. Nagtataka kung paano naglingkod si Jesucristo sa napakaraming tao sa loob ng “maikling panahon sa pagitan ng panahong ipinako siya sa krus at ng kanyang pagkabuhay na mag-uli,” nakita ni Pangulong Smith na Kanyang “binuo ang kanyang lakas at nagtalaga ng mga sugo” mula sa mabubuting espiritu at “ginugol [ng Manunubos] ang kanyang oras sa kanyang pagtigil na pansamantala sa daigdig ng mga espiritu, nagtuturo at inihahanda ang matatapat na espiritu ng mga propeta na nagpatotoo sa kanya sa laman” upang ipangaral ang mensahe ng pagtubos sa mga hindi pa nakarinig o nakatanggap ng ebanghelyo sa kanilang mortal na buhay.

Ang pagnanais ni Pangulong Smith na sabihin nang personal sa mga Banal ang mga bagay na ito ay hindi natupad. Sampung araw pagkatapos g kumperensya, idinikta niya ang paghahayag sa kanyang anak na si Joseph Fielding Smith. Makalipas ang dalawang linggo, noong ika-31 ng Oktubre, binasa ni Joseph Fielding Smith ang teksto sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol sa kanilang regular na council meeting sa templo. Ito ay “lubos na sinang-ayunan ng lahat ng mga kapatid,” isinulat niya, at gumawa sila ng mga plano na ilathala ito sa Disyembre na isyu ng Improvement Era. Isang linggo pagkatapos ng mahalagang pulong na iyon, bumisita sina Susa at Jacob Gates sa tahanan ng mga Smith.

“Isang Matinding Kagalakan at Kapanatagan”

Nang bisitahin ng mga Gates ang mga miyembro ng pamilya Smith, inanyayahan ni Pangulong Smith si Susa na pumasok sa kanyang silid. “Ginawa ko ang lahat para maginhawahan siya sa kanyang karamdaman,” isinulat ni Susa. Sinabi [ni Pangulong Smith] sa kanya, “Gumagawa ka ng isang dakilang gawain, higit na dakila kaysa sa anumang nalalaman mo tungkol dito.” Pagkaraan ng ilang minuto, sina Pangulong Smith at Susa ay sinamahan na nina Jacob at Julina at iba pa (marahil ay mga miyembro ng pamilya Smith), at ibinigay ni Pangulong Smith kay Susa ang isang papel na babasahin. Ito ay isang kopya ng salaysay ng kanyang pangitain. “Kaypalad ko, O napakapalad ko na magkaroon ng pribilehiyong ito!” Nagsulat si Susa sa kanyang journal nang gabing iyon. “Ang mapahintulutang mabasa ang isang paghahayag bago pa man ito maihayag sa publiko, ang malaman na nagmula ito sa langit.”

Ang paglalarawan ni Susa sa pangitain ay nagbigay-diin sa mga aspetong nadama niya na napakahalaga para sa kanya: “Isinalaysay niya rito ang nakita niya sa Kawalang-hanggan; ang Tagapagligtas nang dumalaw Siya sa mga espiritung nasa bilangguan—kung paano nagministeryo sa kanila ang Kanyang mga tagapaglingkod; nakita niya ang Propeta at ang mga kasama nitong mga Kapatid na nangangaral sa Mga Bahay na Bilanguan; si Inang Eva & ang kanyang mararangal na anak na babae na gumagawa sa gayunding banal na adhikain!” Tagapagtanggol na noon pa man ng mga adhikain ng kababaihan, nagalak si Susa sa partikular na pagbanggit sa kababaihan sa paghahayag, nagpapasalamat “na naalaala si Eva at ang kanyang mga anak na babae.” At nagalak siya sa pagpapatibay ng paghahayag tungkol sa gawain para sa mga patay. “Higit sa lahat,” isinulat niya, “naibigay ito sa panahong kailangan sa ating gawain sa Templo & ng mga temple worker at genealogy ang gayong panghihikayat. Hindi ko maipahayag sa salita ang aking kagalakan at pasasalamat.” “Isipin ang maibibigay na inspirasyon ng paghahayag na ito sa gawain sa templo sa buong Simbahan!” isinulat niya kalaunan sa isang kaibigan.

Makalipas ang dalawang linggo, noong ika-19 ng Nobyembre 1918, pumanaw si Pangulong Joseph F. Smith. Ang pagpapabatid at paglalathala ng kanyang pangitain ay inilabas kasabay ng maraming parangal na inilathala sa panahon ng kanyang pagpanaw. Sa Relief Society Magazine, inilathala ng editor na si Susa Young Gates ang isang mahabang parangal kay Pangulong Smith at sa kanyang mga asawa, kasama ang mga parangal at papuri mula sa maraming kilalang kababaihan sa Simbahan. Pagkatapos ay isinama niya ang buong teksto ng “Pangitain tungkol sa Pagtubos sa mga Patay,” gaya ng tawag dito, ngunit hindi niya isinalaysay ang kanyang personal na karanasan dito. Dito ay dinagdagan niya ang kanyang mga pribadong komento tungkol sa pagbanggit kay Eva at sa kanyang mga anak na babae sa teksto: “Hindi ito pangkaraniwan—ang pagbanggit ng mga gawain ng kababaihan sa Kabilang Panig ng tabing.” Nadama ni Susa na “ang [kababaihang] nakita sa pangitain kasama ng mga sinauna at makabagong propeta at elder ay nagpapatibay sa marangal na pamantayan ng pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae na katangian noon pa man ng Simbahang ito.”

Sinabi pa niya: “Ang pangunahing mensahe ng Pangitain sa mga taong ito ay isang malakas at malinaw na panawagan na gumising at kumilos sa kagyat na pangangailangang pagmalasakitan ang kanilang mga patay.” Sa kabila ng mga kabiguan at hamon sa pagsasakatuparan ng gawaing ito, ang pangitain ni Pangulong Smith ay “napakalaking kagalakan at kapanatagan” sa kanya. Pitong dekada na ang nakakaraan, sumulat si Joseph Smith sa mga Banal tungkol sa gayon ding paksa, “Hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain?” Ngayon si Susa Young Gates, na may panibagong kaalaman at determinasyon, ay patuloy na nanawagan: Nawa’y gawin ng mga tao, at lalo na ng mga kababaihan ng Simbahan, ang lahat ng kanilang makakaya bilang tugon sa makalangit na pangitaing ito!”

  1. Susa Young Gates letter to Joseph F. Smith, Okt. 14, 1918, Church History Library, Salt Lake City, Utah; Joseph F. Smith Christmas card to Susa Young Gates, Dis. 26, 1914, Church History Library, Salt Lake City, Utah.

  2. Susa Young Gates, “A Friend of the Helpless Dead,” Relief Society Magazine, tomo 4, blg. 9 (Set. 1917), 486.

  3. Ang buod ng pamumuno ni Susa Young Gates sa mga gawain sa genealogy o talaangkanan ay matatagpuan sa James B. Allen, Jessie L. Embry, and Kahlile B. Mehr, Hearts Turned to the Fathers: A History of the Genealogical Society of Utah, 1894–1994 (BYU Studies, 1995), 59–90.

  4. “Susa Young Gates,” Utah Genealogical and Historical Magazine, tomo 24 (Hulyo 1933), 98–99.

  5. Tingnan sa Susa Young Gates, pat. at tagatipon, Surname Book and Racial History: A Compilation and Arrangement of Genealogical and Historical Data for Use by the Students and Members of the Relief Society of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: General Board of the Relief Society, 1918). Ang magasin ay ang Utah Genealogical and Historical Magazine, na inilalathala tuwing ikatlong buwan ng Utah Genealogical Society simula noong 1910.

  6. Susa Young Gates, remarks at the Relief Society genealogical convention, Okt. 7, 1918, sinipi sa Amy Brown Lyman, “General Conference of Relief Society,” Relief Society Magazine, tomo 5, blg. 12 (Dis. 1918), 676.

  7. Susa Young Gates, “Inspiration versus Information,” Utah Genealogical and Historical Magazine, tomo 9 (Hulyo 1918), 131.

  8. Susa Young Gates letter to Elizabeth C. McCune, Nob. 14, 1918, Church History Library, Salt Lake City.

  9. Susa Young Gates letter to Elizabeth C. McCune, Okt. 4, 1918, Church History Library, Salt Lake City.

  10. Amy Brown Lyman, “General Conference of Relief Society,” 661–62.

  11. Gates, “Inspiration versus Information,” 132.

  12. Joseph Fielding Smith, tagatipon, Life of Joseph F. Smith: Sixth President of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (Salt Lake City: Deseret News Press, 1938), 474.

  13. Para sa mainam na talakayan ng tungkol sa mga personal at pandaigdigang konteksto ng pangitain ni Joseph F. Smith, tingnan sa George S. Tate, “‘The Great World of the Spirits of the Dead’: Death, the Great War, and the 1918 Influenza Pandemic as Context for Doctrine and Covenants 138,” BYU Studies, tomo 46, blg. 1 (2007), 4–40.

  14. Editors’ Table, Improvement Era, tomo 22, blg. 1 (Nob. 1918), 80. Ang ulat ding ito ay nagsabing “mahigit labinlimang libong kalalakihan na mayhawak ng Priesthood ang nasa serbisyo sa militar.”

  15. Joseph F. Smith, sa Conference Report, Okt. 1918, 2. Ayon kay Susa Young Gates, maaari sanang sinabi ni Pangulong Smith ang kanyang pangitain sa pangkalahatang kumperensya “kung sapat ang kanyang lakas para magawa ito nang hindi nadaraig ng kanyang emosyon” (Susa Young Gates letter to Elizabeth C. McCune, Nob. 14, 1918).

  16. Joseph F. Smith, sa Conference Report, Okt. 1918, 2. Sinabi sa ulat na “sa pagtatapos ng mensahe ni Pangulong Smith, tumugtog ang organista para sa kantang ‘Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta.’ Sabay-sabay na nagtayuan ang kongregasyon nang hindi sinasabihan, at sa matinding emosyong nadarama ay kinanta ang sagradong awit na iyon na napakahalaga sa mga Banal” (Conference Report, Okt. 1918, 3).

  17. Doktrina at mga Tipan 138:11, 27, 30, 36.

  18. “Isinulat ko, sa dikta ng aking ama ang isang paghahayag o pangitain, na natanggap niya noong ika-3 [ng Oktubre],” isinulat ni Joseph Fielding Smith sa kanyang journal noong ika-17 ng Oktubre. Sa Life of Joseph F. Smith, isinulat ni Joseph Fielding Smith na ang kanyang ama ay ipinasulat “agad [ang pangitain] pagkatapos” ng pangkalahatang kumperensya na ginanap noong ika-4–6 ng Oktubre 1918 (466). Ang mga petsang ito ay naaayon sa mga ibinigay sa mga sumunod na talakayan tungkol sa pangitain at sa kasalukuyang section heading ng Doktrina at mga Tipan. Gayunpaman, nakasaad sa journal ni Joseph Fielding Smith na hindi niya itinala ang pangitain na idinikta ng kanyang ama hanggang halos dalawang linggo matapos ang pangkalahatang kumperensya (tingnan sa Joseph Fielding Smith journal, Okt. 17, 1918, Church History Library, Salt Lake City).

  19. Joseph Fielding Smith journal, Okt. 31, 1918, Church History Library, Salt Lake City, Utah. Tingnan sa “Vision of the Redemption of the Dead,” Improvement Era, tomo 22, blg. 2 (Dis. 1918), 166–70. Ang pangitain ay inilathala rin sa Deseret News, sa Relief Society Magazine, sa Young Woman’s Journal, at sa Millennial Star. Isinama ito sa Gospel Doctrine: Selections from the Sermons and Writings of Joseph F. Smith, Sixth President of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, pat. John A. Widtsoe (Salt Lake City: Deseret News, 1919), na karaniwang binabasa ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong ika-20 siglo. Ang pangitain ay isinama sa Mahalagang Perlas noong 1976 at pagkatapos ay idinagdag sa 1981 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Tingnan sa N. Eldon Tanner, “The Sustaining of Church Officers,” Ensign, Mayo 1976, 19.

  20. Ang salaysay na ito ay muling isinaayos mula sa dalawang source: Susa Young Gates diary, Nob. 5, 1918, Church History Library, Salt Lake City, Utah; at Susa Young Gates letter to Elizabeth C. McCune, Nob. 14, 1918.

  21. Susa Young Gates diary, Nob. 5, 1918.

  22. Susa Young Gates diary, Nob. 5, 1918; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:39.

  23. Susa Young Gates diary, Nob. 5, 1918.

  24. Susa Young Gates letter to Elizabeth C. McCune, Nob. 14, 1918.

  25. “In Memoriam: President Joseph F. Smith,” Relief Society Magazine, tomo 6, blg. 1 (Ene. 1919), 21.

  26. “In Memoriam,” 21.

  27. Susa Young Gates letter to Elizabeth C. McCune, Nob. 14, 1918.

  28. Doktrina at mga Tipan 128:22

  29. “In Memoriam,” 21.