Kasaysayan ng Simbahan
Ang Sugo at ang Manipesto


“Ang Sugo at ang Manipesto,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ang Sugo at ang Manipesto,” Konteksto ng mga Paghahayag

Ang Sugo at ang Manipesto

Opisyal na Pahayag 1

larawan ni George Q. Cannon

Isang malamig na umaga ng taglagas, araw ng Lunes, ika-anim ng Oktubre 1890, pitong libong mga Banal ang nakaupo nang tahimik sa mahabang mga bangko sa malaking bilo-habang tabernakulo sa Temple Square. Ang kaganapan ay ang ikalawang taunang pangkalahatang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at nagtipon sila upang makinig sa mga tagubilin ng kalalakihan na iginagalang nila bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Sa panahong iyon, hindi pa ipinababatid nang maaga sa mga tagapagsalita sa kumperensya kung kailan sila magsasalita. Ang Pangulo ng Simbahan ang nag-aatas noong panahong iyon ayon sa inspirasyong natanggap niya. Walang naghanda ng mga mensahe [para sa kumperensya]. Ang ilan sa mga tagapagsalita ay dumalo sa kumperensya na may maikling tala na nakalagay sa kanilang mga banal na kasulatan, ngunit marami pang iba ang dumalo na walang anumang isinulat, umaasa na pupunuin ng Banal na Espiritu ang kanilang isipan kapag tinawag ng propeta ang kanilang pangalan.

Habang naghihintay ang mga tao sa unang mensahe ng sesyon, bumaling si Pangulong Wilford Woodruff sa kanyang kanan, tiningnan ang lalaking katabi niya, at hiniling na tumayo ito at magbigay ng mensahe sa mga taong naroon. Ang lalaking iyon ay si Pangulong George Q. Cannon, Unang Tagapayo ni Pangulong Woodruff sa Unang Panguluhan. Nabigla si Pangulong Cannon sa kahilingang iyon, dahil inakala niya na si Pangulong Woodruff ang mauunang magsalita sa makasaysayang sandaling iyon. Ilang minuto pa lang ang nakalipas bago iyon, binasa ni Orson F. Whitney, isang bishop sa Lunsod ng Salt Lake, ang Manipesto, ang mahalagang dokumento (kilala ngayon bilang Opisyal na Pahayag 1) kung saan ipinahayag ni Pangulong Woodruff ang kanyang intensyon na magpasakop sa mga batas na nagbabawal sa maramihang pag-aasawa. Inilabas ni Pangulong Woodruff ang dokumento sa media dalawang linggo na ang nakalipas, nang walang komento. Tumingin si Pangulong Cannon sa seryoso at sabik na maraming tao, na may iisang bagay sa kanilang isipan.

“Halos umayaw ako,” isinulat ni Pangulong Cannon, na tinutukoy ang kahilingan na magsalita. “Naisip ko na hindi pa ako kailanman naatasang gawin ang isang bagay na tila mas mahirap kaysa rito.”

Kalahating siglo nang ginagawa ng mga Banal ang maramihang pag-aasawa. Ang kababaihan at kalalakihan ay nahirapan sa desisyong gawin ang isang alituntunin na hindi ayon sa mga itinuro at nakalakhan nila sa relihiyon. Naranasan nila nang personal at bilang grupo ang maihiwalay, mausig, at mabilanggo para sa alituntuning iyon. Ngunit tinanggap din nila ang maramihang pag-aasawa bilang kautusan ng Diyos sa Simbahan. Naniwala sila na ang paggawa niyon ay nagpadalisay ng kanilang kaluluwa at lalong nagpatangi sa kanila sa paningin ng mundo. Ano ang pagkakakilanlan nila ngayon? Tiyak na alam ni Pangulong Cannon na hindi magiging madali ang malaking pagbabago hinggil sa kung paano sila makikilala. Ang pighati ng paglabas sa alituntunin ng maramihang pag-aasawa ay kapareho rin ng hirap sa pagpasok dito.

Matapos basahin ni Bishop Whitney ang dokumento, ang kumperensya ay bumoto sa pamamagitan ng pagtaas ng kamay upang sang-ayunan ito bilang “may kapangyarihan at may-bisa” sa Simbahan. Karamihan ay bumoto ng pagsang-ayon, ngunit ang ilan ay nanatiling nakababa ang mga kamay sa kanilang kandungan, hindi handang tanggapin ang Manipesto bilang kalooban ng Diyos. Mula sa pulpito, nakita ng mga lider ng Simbahan ang mga mag-asawa na umiiyak, balisa at walang katiyakan, hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng Manipesto para sa kanila sa hinaharap.

Itinaas ni Pangulong Cannon ang kanyang kamay bilang pagsang-ayon sa Manipesto kasama ang karamihan sa iba pa na mga dumalo. Ngunit ang pasanin na pagkaisahin ang isang nahating tagapakinig sa tinawag niyang “napakaselang paksa” ay tila halos napakahirap batahin. Ang mensahe ay maaaring magkaroon ng napakaraming iba’t ibang pakahulugan. Nang siya ay tumayo at lumakad papunta sa podium, naghagilap ng sasabihin ang kanyang isipan. “Walang anumang bagay na tila malinaw sa aking isipan ang masasabi ko hinggil sa paksang ito,” isinulat niya tungkol sa sandaling iyon. “Tumayo ako na hindi alam ang sasabihin.”

Ang Tagapayo

Si George Quayle Cannon ay bihirang hindi makaisip ng sasabihin. Likas na palakaibigan at mahilig makisalumuha, siya ay mahusay sa mga salita sa buong buhay niya. Noong siya ay tinedyer sa Nauvoo, nagtrabaho siya sa isang palimbagan ng pahayagan ng Simbahan. Nagpatuloy siya sa gawaing ito at itinatag niya ang isa sa pinakamaimpluwensyang publishing house sa buong Utah at ginugol ang halos buong buhay niya sa pagsusulat ng mga editoryal sa mga pahayagan at magasin ng Simbahan na inilathala niya.

Nahiwatigan ang mga kaloob ni Cannon at ang malakas na impluwensya nito, tinawag siya ni Pangulong Brigham Young sa pagkaapostol noong 1860 at kalaunan ay sa Unang Panguluhan bilang tagapayo. Si Pangulong Cannon ay maglilingkod bilang tagapayo sa apat na Pangulo ng Simbahan sa loob ng tatlong dekada.

Kilala si George Q. Cannon noong siya ay nabubuhay pa dahil sa kanyang matinding katalinuhan. Siya ay kinilala ng kapwa niya mga Apostol bilang isang lalaking walang kapantay sa pamumuno sa Simbahan. Siya ang Apostol na palaging hinihilingang magbigay ng sensitibong mensahe o sumulat ng sensitibong liham. Ang mga mamamahayag sa silangang Estados Unidos ay tinawag siyang “ang Mormon Richelieu” dahil inakala nila na siya ang henyo sa lahat ng gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ngunit ang reputasyong henyo ay nagpabalisa rin kay George Q. Cannon. Ikinabahala niya ang pagpuri sa kanya para sa mga ideyang hindi naman niya naisip at sa mga gawaing hindi naman niya pinasimulan. Ayaw niyang masabing siya ang nasa likod ng mga ideya at gawaing ito. Alam niya na ang kanyang tungkulin ay tagapayo. Hindi siya ang Pangulo ng Simbahan, hindi siya ang taong mayhawak ng mga susi ng priesthood na namumuno sa Simbahan. Siya ay mapagpakumbabang sumusunod sa awtoridad kahit hindi ito nakikita ng iba.

Ang Krusada

Ang krusadang pederal laban sa pag-aasawa ng higit sa isa ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isa sa malalaking pagsubok sa buhay ni George Q. Cannon. Matapos ang walong taon bilang nag-iisang delegado ng Teritoryo ng Utah Territory sa Kamara ng Estados Unidos, tinanggal si Cannon sa Kongreso matapos siyang ituring na lumabag sa pederal na batas na nagbabawal sa poligamya.

Si Cannon ay nag-asawa ng higit sa isa noong siya ay mahigit tatlumpung taong gulang na, naniniwala na iyon ay alituntuning nais ng Diyos na sundin niya. Sa kabuuan, siya ay may limang asawa at 43 anak. Mahal niya ang mga miyembrong ito ng kanyang pamilya. Nalungkot siya dahil, sa pagitan ng 1885 at 1888, madalas siyang malayo sa kanila, lumilipat sa iba’t ibang lugar, madalas na nakabalatkayo, sinisikap na iwasan ang mga federal marshal na gustong arestuhin siya dahil sa paglabag sa batas ng kasal ng pederal. Nangalaga siya sa abot ng kanyang makakaya sa pamamagitan ng pagsulat ng mahahaba at personal na mga liham at pagdaraos ng mga family council tuwing maaari niyang matipon sila. Kalaunan ay sumuko siya sa mga awtoridad at nabilanggo nang limang buwan sa piitan sa Utah sa pagitan ng Setyembre 1888 at Pebrero 1889.

Hinimok na noon pa man ng mga opisyal ng gobyerno ang mga lider ng Simbahan na maglabas ng pahayag na magwawakas sa pag-aasawa ng higit sa isa. Tinutulan ni Pangulong Cannon ang utos na iyon. Ang pinakamahusay na talumpati ng kanyang buhay, paggunita kalaunan ng kanyang mga kasamahan, ay naganap sa Kongreso ng Estados Unidos, kung saan tumayo siya sa harap ng kanyang mga kasamahan at ipinagtanggol ang pag-aasawa ng higit sa isa batay sa mga alituntuning pangrelihiyon. Nais niyang ipagtanggol ang alituntunin sa kabila ng lahat ng oposisyon. “Ako, rin, ay hindi pa handa” na magbigay ng anumang pahayag na nagpapatigil sa maramihang pag-aasawa, sabi niya noong panahong nililigalig ng pag-uusig ang Simbahan. “Ganito rin ang nadarama ni Pangulong Woodruff. Kailangan nating magtiwala sa Panginoon, tulad ng lagi nating ginagawa, upang tulungan Niya tayo.”

Isang lalaking mapagpakumbaba, simple, maginoo, na may kaunti sa nalalaman ni Pangulong Cannon, naisip na ni Pangulong Woodruff na kailangang may gawing pagbabago bago pa ito naisip ni Cannon. Noong taglagas ng 1889, isang stake president ang lumapit kay Pangulong Woodruff at nagtanong kung dapat siyang pumirma ng recommend para makapag-asawa ang isang lalaki ng higit sa isa, gayong ipinagbabawal na ng batas ang gawaing iyon. Si Pangulong Cannon, na nasa silid, ay nagulat sa narinig na tugon ni Pangulong Woodruff. “Hindi nararapat isagawa ang anumang pagpapakasal sa ganitong uri dito sa [Utah] Territory sa kasalukuyang panahon,” payo ni Woodruff.

Ipinaliwanag ni Pangulong Woodruff sa pamamagitan ng analohiya: nang pigilan ng mga mang-uusig ang mga Banal sa pagtatayo ng isang templo sa Jackson County, tinanggap ng Panginoon ang handog ng mga Banal at ipinagpaliban ang utos [na magtayo ng templo]. Sinabi niya na ganito rin ngayon sa pag-aasawa ng higit sa isa. Matapos ipaliwanag ito, bumaling si Pangulong Woodruff sa kanyang tagapayo para hingin ang komento nito. Palaging maingat at mahinahon, nag-atubili si Pangulong Cannon na magsimula sa isang bagong direksyon. Sa panahong iyon, ang Simbahan ay lubos na tutol sa mga pederal na batas na nagbabawal sa pag-aasawa ng higit sa isa. Iyon, isinulat ni Cannon sa kanyang journal, ang unang pagkakataon na narinig niya ang isang Pangulo ng Simbahan na malinaw na nagpahayag ng tungkol sa paksa ng pagpapatigil sa pag-aasawa ng higit sa isa. “Hindi ako tumugon,” isinulat ni Cannon, “hindi ako handa na lubos na sumang-ayon sa kanyang sinabi.”

Ang Manipesto

Noong umaga ng ika-23 ng Setyembre 1890, pumunta si Pangulong Cannon tulad ng dati sa opisina ng Unang Panguluhan sa Gardo House, isang malaking bahay na Victoria-style ang yari sa timog ng Beehive House sa Lunsod ng Salt Lake. “Nakita ko si Pangulong Woodruff na medyo naging emosyonal hinggil sa mga hakbang na ginagawa ng ating mga kaaway na siraan tayo sa harap ng mga tao at magbigay ng maling pahayag hinggil sa ating mga turo at gawain.” Ang Utah Commission, ang maliit na grupo na hinirang ng pederal na pamahalaan para pangasiwaan ang pagpapatupad ng batas laban sa poligamya sa Utah, ay naglabas ng ulat na nagsasabing patuloy na itinuturo ng mga lider ng Simbahan ang poligamya at pinahihintulutan ang pag-aasawa ng higit sa isa sa Utah. Nadama ni Cannon na dapat maglabas ng pahayag ang Simbahan na pinabubulaanan ito. May mas matinding bagay na naisip si Pangulong Woodruff.

Nakita ni Pangulong Woodruff ang kalihim ng Unang Panguluhan na si George Gibbs, at pumasok ang dalawa sa isang silid na katabi ng opisina ng Unang Panguluhan, kung saan inilahad ng Pangulo ng Simbahan ang kanyang mga naisip habang isinusulat ito ni Gibbs. Nang lumabas si Pangulong Woodruff mula sa silid, ang kanyang mukha ay “kakikitaan ng kasiyahan at siya ay tila lubos na nalulugod at natutuwa.” Hiniling niya na basahin kay Pangulong Cannon ang isinulat, na ginawa naman. “Bagama’t hindi pa iyon nakahandang ilathala,” nadama ni Cannon na “naglalaman ito ng mabubuting ideya at napakahusay. Sinabi ko sa kanya na sa palagay ko ay makatutulong ito.”

Sa kahilingan ni Pangulong Woodruff, ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na hindi naglakbay para sa isang gawain ay tinawag na pumunta kaagad sa Salt Lake para pakinggan ang nakasulat sa dokumento. Nagpulong ang tatlong Apostol, kasama sina George Q. Cannon at Joseph F. Smith ng Unang Panguluhan para sa pagpatnugot nito. Pagkatapos ay isinama ang mga rebisyong ito, at isinumite ang dokumento sa palimbagan upang agad na mailathala.

Sa kanyang tala sa journal noong araw na iyon, isinama ni Cannon ang orihinal na ipinasulat ni Woodruff kasama ang mga pagpapatnugot na siya mismo ang nagmungkahi. Ginawa niya ito, sabi niya, upang hayagang ipabatid sa mga susunod na henerasyon: “Madalas akong papurihan sa pagsasabi at paggawa ng mga bagay na hindi ko sinabi o ginawa.” Nais niyang ipabatid na ang Pangulo ng Simbahan, hindi ang kanyang tagapayo, ang gumawa ng Manipesto. “Ang lahat ng bagay na ito ay sa sariling kahilingan ni Pangulong Woodruff,” paliwanag ni Cannon. “Ipinahayag niya na nilinaw sa kanya ng Panginoon na ito ang kanyang tungkulin, at lubos niyang naunawaan na ito ang tama.”

Ang Mensahe

Isang bagay ang sigurado si George Q. Cannon nang tumayo siya sa podium ng Tabernacle para magsalita sa kumperensya noong araw ng Oktubre ng 1890. “Nadama ko na kahit ano pa ang sabihin ay dapat itong nakaayon sa dikta ng Espiritu ng Panginoon.”

Nang humarap si Pangulong Cannon sa mga tagapakinig, natuklasan niya ang kanyang blangkong isipan ay biglang napuno ng mga salita ng banal na kasulatan. Ito ay ang talata mula sa Doktrina at mga Tipan 124 na binanggit ni Pangulong Woodruff sa kanyang pakikipag-usap sa stake president noong nakaraang taon. Sinimulan ni Cannon ang kanyang mensahe sa pagbabasa ng talata 49: “Kapag ako ay nagbigay ng kautusan sa sinuman sa mga anak na lalaki ng tao na gumawa ng gawain sa aking pangalan, at yaong mga anak na lalaki ng tao ay gaganap nang buo nilang lakas at sa lahat ng mayroon sila upang magampanan ang gawaing yaon, … at ang kanilang mga kaaway ay sumapit sa kanila at hinadlangan silang magampanan ang gawaing yaon, masdan, mamarapatin ko na huwag nang hingin ang gawaing yaon sa mga kamay ng yaong mga anak na lalaki ng mga tao, kundi tatanggapin ang kanilang mga handog.”

Tila natanto ni George Q. Cannon na ang katiyakan ay dumating dahil sa kaalamang ang Manipesto ay nakabatay sa mga banal na kasulatan. Ang Pangulo ng Simbahan ay nabigyang-inspirasyon na gamitin ang salita ng Panginoon na ibinigay sa isang konteksto, sa isa pa, tulad ng ginawa ng mga propeta mula pa sa simula. “Sa batayang ito”—Doktrina at mga Tipan 124:49—sabi ni Cannon, “nadama ni Pangulong Woodruff na makatwiran ang paglabas niya sa manipestong ito.”

Nagsimulang makalag ang dila ni Cannon, at sa sumunod na kalahating oras, nakuha niya ang atensyon ng kanyang mga tagapakinig. “Nagkaroon ako ng malaking kalayaan at madaling nakapagsalita, at napawi ang lahat ng takot,” isinulat niya kalaunan sa kanyang journal.

Inamin niya sa simula ng kanyang mensahe sa Tabernacle na matindi niyang ipinagtatanggol ang pag-aasawa ng higit sa isa. “Sa publiko at sa pribado ay pinagtibay ko ang paniniwala ko rito. Ipinagtanggol ko ito saanmang lugar at sa lahat ng sitwasyon.” Ang paniniwalang ito, mangyari pa, ay nag-ugat sa paniniwala na nais ng Diyos na mag-asawa siya ng higit sa isa. “Itinuring ko na ang utos na iyon ay kinakailangan at dapat kong sundin,” sabi niya, na ang tinutukoy ay ang sarili niya.

Hindi rin personal na kagustuhan ni Cannon na ilabas ang Manipesto. “Masasabi ko para sa aking sarili, na maraming beses kong hinangad na iwasan ang bagay” na nagpapahinto sa gawain. “Ngunit kaagad na tila ipinahiwatig ng Espiritu na ito ang kinakailangang gawin. Naghintay kami sa pagkilos ng Panginoon hinggil sa bagay na ito.”

Ngunit iba ang diwang dala ng Manipesto. Positibo si Cannon na kumilos na ang Panginoon ngayon. Si Pangulong Woodruff ay “nagpasiya na susulat siya ng isang bagay, at siya ay nainspirasyunan. Ipinagdasal niya ito at paulit-ulit na nagsumamo sa Diyos na ipakita sa kanya ang dapat gawin.” Ang dokumento ay lubos na sinuportahan ni Cannon. “Alam ko na tama iyon, bagama’t ito ay salungat sa nadarama ko sa maraming paraan.”

Sinabi niya sa kanyang mga tagapakinig na dalawa ang nakita niyang reaksyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Manipesto. Ang isang reaksyon ay nagmula sa mga taong “nalungkot sa kaibuturan ng kanilang puso dahil sa pangangailangan gawin ang aksiyong ito na ginawa natin ngayon.” Ang isa pang reaksyon ay yaong may pagyayabang: “Hindi ba’t sinabi ko na sa inyo? Hindi ba’t sinabi ko na sa inyo na ito ang mangyayari?” Ang huling grupong ito ay pinagsabihan ang mga lider ng Simbahan dahil naghintay pa nang matagal bago kumilos. Kung naging mas mabilis sana ang pagkilos ng mga lider, sabi nila, naligtas sana ang mga miyembro ng Simbahan mula sa maraming taon ng pagdurusa at kapighatian.

Sinabi ni Cannon na ang kanyang sariling pananaw ay naiiba sa pangalawang grupong ito. “Naniniwala ako na kinakailangan nating magpatotoo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa langit at sa lupa, na ito ay talagang isang alituntuning mahalaga sa atin—mas mahalaga, maaaring masabi, sa ilang aspeto, kaysa sa buhay mismo. Hindi natin magagawa ito kung sumang-ayon tayo sa panahong ang mga yaong tinukoy ko ay nagmungkahi ng pagpapasakop.” Walang sinuman ang maaaring mag-alinlangan sa kahandaan ng mga Banal na suportahan ang mga alituntuning mahalaga sa kanila. Ang “hindi masambit” na mga pagdurusa ng kalalakihan, kababaihan, at mga bata ay ibinilang sa kanila sa kalangitan.

Katapusan

Pagkatapos maupo si Pangulong Cannon, muling ginulat ni Pangulong Woodruff ang kanyang tagapayo—sa pagtayo para magbigay ng kanyang sariling mensahe. “Ipinabatid na sa inyo ni Brother George Q. Cannon ang aming posisyon,” sabi ni Pangulong Woodruff, pinagtibay ang mga salita ng kanyang tagapayo, na parang sinabi niya rin ito. “Sinasabi ko sa Israel, ang Panginoon kailanman ay hindi ako pahihintulutan o sino pa mang tao na nagsisilbing Pangulo ng Simbahang ito na iligaw kayo. Hindi ito mangyayari.”

Naisip ni Cannon na ang saganang pagbuhos ng Banal na Espiritu sa kumperensya ay nagpatunay na sinang-ayunan ng Diyos ang Manipesto. “Ang Espiritu ng Panginoon ay ibinuhos nang sagana, at sa palagay ko ang bawat tapat na Banal ay nagkaroon ng patotoo mula sa Panginoon na Siya ang naghikayat nito, at ito ay ginawa nang may pagsang-ayon Niya.”

“Hindi ko masabi ang mga naiisip ko hinggil sa aming ginawa,” isinulat ni Cannon sa kanyang journal sa araw na iyon. “Alam ko, gayunpaman, na tama ito. Malinaw sa akin na tama ang hakbang na ito na ginawa ni Pangulong Woodruff.” Si Pangulong Woodruff ang sugo ng paghahayag, at ang tungkulin ni Cannon bilang tagapayo ay suportahan at ipagtanggol ang mga paghahayag ng Diyos, tulad ng ginawa niya sa buong buhay niya. “May patotoo ako mula sa Panginoon,” sabi ni Cannon, “na ang ating mga sakripisyo hinggil dito at ang ating katatagan hanggang sa kasalukuyang panahon sa paglaban sa bawat pagtatangkang pwersahin tayo na itigil ang gawain ay tinanggap ng Panginoon, at sinasabi Niya sa atin, ‘Sapat na iyan,’ at ipauubaya natin ang bagay na ito sa Kanyang mga kamay.”

  1. George Q. Cannon journal, Okt. 6, 1890, Church History Library, Salt Lake City.

  2. Marriner Wood Merrill journal, Okt. 6, 1890, Church History Library, Salt Lake City. Napansin ni Heber J. Grant, na nasa pulpito noong araw na iyon, na maraming “umiyak” sa mga tagapakinig nang hingin ang boto ng pagsang-ayon, ngunit kung ito man ay luha ng kagalakan o kalungkutan ay hindi niya sinabi (tingnan sa Heber J. Grant journal, Okt. 6, 1890, Church History Library, Salt Lake City).

  3. George Q. Cannon journal, Okt. 6, 1890.

  4. Hinggil sa pagbabalik-loob ni Cannon, tingnan sa Davis Bitton, George Q. Cannon: A Biography (Salt Lake City: Deseret Book, 1999), 33–34. Ang pamilya ni Cannon ay naging miyembro ng Simbahan dahil sa kanyang tiyo na si John Taylor, ang magiging Pangulo ng Simbahan. Si Taylor ang nagpatnugot ng mga pahayagan ng Simbahan sa Nauvoo, at natutuhan ni Cannon ang negosyo sa pag-imprenta sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa kanya.

  5. Kabilang sa mga pahayagan at magasin na ito ang Deseret News, ang Western Standard, ang Millennial Star, at ang Juvenile Instructor.

  6. Arthur I. Street, “The Mormon Richelieu,” Ainslee’s Magazine, tomo 4 (1899), 699–706.

  7. Ang mga asawa ni Cannon ay nagsilang ng 33 anak. Dalawang bata ang kanyang inampon. Ibinuklod niya sa kanyang sarili ang walong karagdagang bata, ang mga anak nina Caroline Young at Mark Croxall, matapos magdiborsyo sina Young at Croxall. Pinakasalan kalaunan ni Cannon si Caroline Young. Hinggil sa mga asawa at mga anak ni Cannon, tingnan sa Bitton, George Q. Cannon, 373–85, 463–64.

  8. Tingnan sa Bitton, George Q. Cannon, 373–90. Ang mga family council ay binanggit sa buong journal ni Cannon. Para sa isang halimbawa, tingnan sa George Q. Cannon journal, Mar. 17, 1891.

  9. Bitton, George Q. Cannon, 291–96.

  10. Journal History, Abr. 13, 1901, 3, Church History Library, Salt Lake City; George Q. Cannon journal, Nob. 24, 1889. Ang talumpati marahil ang pinakamahusay na nasalita niya sa House of Representatives. Para sa buod, tingnan sa Bitton, George Q. Cannon, 254–57.

  11. George Q. Cannon journal, Ago. 15, 1889.

  12. Inilarawan minsan ni Cannon si Pangulong Woodruff bilang “isang mapagpakumbaba, simple, maginoong tao, hindi mapagsamantala sa awtoridad tulad ng sinumang tao na nakilala ko” (George Q. Cannon journal, Mar. 3, 1889).

  13. George Q. Cannon journal, Set. 9, 1889.

  14. Doktrina at mga Tipan 124:49.

  15. George Q. Cannon journal, Set. 9, 1889.

  16. George Q. Cannon journal, Set. 23, 1890.

  17. George Q. Cannon journal, Set. 23, 1890.

  18. Elder Franklin D. Richards, tulad ng sinipi sa Heber J. Grant journal, Set. 30, 1890.

  19. George Q. Cannon journal, Set. 23, 1890.

  20. George Q. Cannon journal, Set. 24, 1890.

  21. Nagmungkahi si Cannon ng siyam na babaguhin, samantalang dalawa naman ang iminungkahi ng iba pang miyembro ng Labindalawa. Marahil ang pinakamahalagang pagpatnugot ni Cannon ay ang mungkahi niya na ang mga salitang “at gamitin ang aking impluwensya sa mga miyembro ng Simbahan kung saan ako ang namumuno na gawin nila ang gayon din” ay idagdag sa pang-apat na talata (tingnan sa George Q. Cannon journal, Set. 24, 1890).

  22. George Q. Cannon journal, Set. 24, 1890. Para sa karagdagang impormasyon sa mga pangyayaring naganap sa pagtanggap ng Manipesto, tingnan sa “The Manifesto and the End of Plural Marriage,” Gospel Topics, topics.churchofjesuschrist.org.

  23. George Q. Cannon journal, Okt. 6, 1890.

  24. Doktrina at mga Tipan 124:49. Ang mensahe ni Cannon ay inulit sa President Woodruff’s Manifesto: Proceedings at the Semi-Annual General Conference of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Monday Forenoon, October 6, 1890 (Salt Lake City: 1890).

  25. President Woodruff’s Manifesto, 3.

  26. George Q. Cannon journal, Okt. 6, 1890.

  27. President Woodruff’s Manifesto, 3. Sa ibang lugar, sinabi ni Cannon na “ang mga tao sa Utah ay hindi naniniwala na ang pag-aasawa ng higit sa isa ay dapat o maaaring maging pandaigdigan. Sa Utah mismo ay hindi ito posible, dahil mas marami ang bilang ng mga lalaki kaysa mga babae” (Bitton, George Q. Cannon, 256–57).

  28. President Woodruff’s Manifesto, 6.

  29. President Woodruff’s Manifesto, 6.

  30. President Woodruff’s Manifesto, 4–5.

  31. President Woodruff’s Manifesto, 4–5.

  32. President Woodruff’s Manifesto, 9–10.

  33. George Q. Cannon journal, Okt. 6, 1890. “Nagpapasalamat ako na ipinakita sa amin ng Panginoon ang Kanyang napakaraming pagsang-ayon at pagsuporta, sapagkat kung hindi ito nangyari, maaaring may mga magduda, na maaaring makadama na ipinagkait ng Panginoon ang Kanyang Espiritu dahil sa aming ginawa. Tulad ng nangyari, lahat ay nagpatotoo na ngayon lamang sila nakadalo ng mas mainam na Kumperensya” (George Q. Cannon journal, Okt. 6, 1890).

  34. George Q. Cannon journal, Okt. 6, 1890.