“Ang Paglalakbay ng Colesville Branch,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ang Paglalakbay ng Colesville Branch,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ang Paglalakbay ng Colesville Branch
Maaaring nag-iisa si Joseph Smith nang maranasan niya ang kanyang Unang Pangitain at kalaunan ay nakausap niya ang anghel na si Moroni, ngunit sinuportahan siya ng kanyang pamilya. Ang kanyang ina, ama, at mga kapatid ang naging suporta niya. Maaari niyang pagkatiwalaan ang kanyang mga magulang. Maaaring niyang asahan ang kanyang mga kapatid. Ang asawa ni Joseph na si Emma ay nagtiis kasama ni Joseph sa mga gawin at hirap sa pamumuno, oposisyon, at pag-uusig. Ang iba pang mga kaibigan, tulad nina Martin Harris, Oliver Cowdery, at David at John Whitmer, ay sumuporta kay Joseph nang ilabas niya ang Aklat ni Mormon, itatag ang Simbahan, at simulan ang kanyang hangaring magtayo ng isang lipunan ng Sion.
Kahanga-hanga rin sa mga yaon na nagpalakas at sumuporta kay Joseph sa kanyang maraming mga pagsubok at paghihirap ay ang magkakamag-anak na Knight at ang kanilang mga kapit-bahay sa Colesville, New York. Pumanig sa batang si Joseph Smith, sila ay sumunod sa kanya sa bagong tatag na Simbahan, nagtanggol sa kanya, at nabuo bilang isa sa mga unang branch ng Simbahan. Ang kuwento tungkol sa mga Knight at Colesville Branch ay nagpapatotoo sa lakas ng pagkakamag-anak at pagkakaibigan sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo at pagtatayo ng kaharian ng Panginoon.
Ang kuwento tungkol sa mga Banal sa Colesville ay nagsimula sa pagbisita ni Joseph sa rehiyon noong kalagitnaan ng dekada ng 1820, nang magsimula siyang magtrabaho para kay Josiah Stowell ng kalapit na South Bainbridge, New York, sa isang nabigong paghahanap ng kayamanan. Bagama’t hindi nagtagumpay ang paghahanap na iyon ng kayamanan, naging malapit na kaibigan ni Joseph Smith si Joseph Knight Sr. at ang kanyang anak na si Newel Knight. Kalaunan, tinulungan ni Joseph Knight Sr. si Joseph sa panliligaw niya kay Emma Hale. Naroon siya sa tahanan ng mga Smith noong gabing kinuha ni Joseph Smith, sa tulong ni Emma, ang mga laminang ginto mula sa Burol ng Cumorah, at nagbigay siya kay Joseph Smith ng pagkain at mga gamit sa pagsulat sa panahong isinasalin ang Aklat ni Mormon.
Kabilang sa unang sumapi sa Simbahan noong 1830 ang mga miyembro ng pamilya Knight at ang ilan sa kanilang mga kapit-bahay. Kalaunan ng taong iyon, sa kanila nagsimula ang isa sa una (kung hindi man ang una) na mga branch na inorganisa sa Simbahan. Noong Hulyo 1830, si Joseph ay pinayuhan sa dalawang paghahayag, matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 24 at 26, na puntahan ang mga miyembro sa Colesville, kabilang ang mga Knight, ilaan ang kanyang panahon sa “pag-aaral ng mga banal na kasulatan, & sa pangangaral, & sa pagpapatibay ng simbahan sa Colesville.” Si Hyrum Smith ay nanatili sa lugar noong mga huling taon ng 1830 at pinamunuan ang branch nang ilang buwan. Humalili sa kanya ang anak ni Joseph Knight Sr. na si Newel.
Ang Paglipat sa Ohio
Nang magbigay ng mga tagubilin noong Disyembre 1830 at Enero 1831 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 37 at 38) na lumipat ang mga miyembro ng New York sa rehiyon ng Lambak ng Ohio, malaki ang isinakripisyo sa pinansiyal ng mga miyembro ng Colesville Branch at inihanda ang kanilang sarili para sa paglalakbay pakanluran. Kabilang sa mga pamilyang nauugnay sa Colesville Branch, bukod sa iba pa, ang mga Knight, Peck, DeMille, Stringham, Culver, Slade, Badger, Hinese, at Carter. Ang lahat ay inaasahang magtipon sa Ohio, at ang mga maralita ay hindi dapat iwanan. Iniwan ang kanilang mga dating buhay at tahanan, ang branch, sa ilalim ng pamumuno ni Newel Knight, ay nagsimulang maglakbay patungo sa Kirtland noong Abril 1831. Nang dumating sila noong Mayo, pinayuhan sila na “manatiling magkakasama, at pumunta sa isang kalapit na bayan na tinatawag na Thompson, dahil may lalaking nagngangalang [Leman] Copley ang may malaking lupain doon at nag-alok na patirahin doon ang mga miyembro.”
Inalok ni Copley ang kanyang lupain marahil bilang tugon sa naunang ibinigay na paghahayag (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 48) upang sagutin ang isang mahalagang tanong ng mga Banal sa Ohio noong unang bahagi ng 1831: “Anong mga paghahanda ang gagawin namin para sa aming mga Kapatid mula sa Silangan & kailan & paano?” Ang sagot ng paghahayag, “Yayamang kayo ay [may] mga lupain kayo ay magbabahagi sa mga Kapatid mula sa Silangan.” Malugod na tinanggap ni Copley ang mga miyembro ng Colesville Branch, at hindi nagtagal matapos nilang dumating sa Thompson, nagsimula silang magtanim at magtayo sa kanyang malaking bukid na may sukat na 307 hektarya.
Noong ika-20 ng Mayo, tumanggap si Joseph Smith ng isa pang paghahayag, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 51, na nag-uutos sa mga naninirahan sa Thompson na maging kabilang sa mga unang magsasagawa ng mga bagong inihayag na alituntunin ng paglalaan at pangangasiwa. Ang bagong hirang na si Bishop Edward Partridge ang “tatanggap ng mga ari-arian ng mga Taong ito na nakipagtipan sa akin” at “magtatakda sa mga taong ito ng kanilang mga bahagi, bawat tao ayon sa kanyang mag-anak, ayon sa kanyang kalagayan at sa kanyang mga kakulangan & pangangailangan.” Bagama’t nilinaw ng paghahayag na ang Ohio ay pansamantalang lugar ng pagtitipon, ipinaalala sa kanila na ang “ang oras & ang araw ay hindi ibinigay sa kanila” para sa inaasahang paglipat nila sa magiging lunsod ng Sion. Sila ay “kikilos … sa lupaing ito sa loob ng ilang taon.”
Gayunpaman, ang mga miyembro ng Colesville Branch ay hindi nagkaroon ng maraming panahon na sundin ang utos na isakatuparan ang batas ng paglalaan. Ang desisyon ni Leman Copley na ibahagi ang kanyang lupain ay nasubok noong unang bahagi ng Mayo nang sumama siya sa isang misyon sa kanyang dating kongregasyon ng Shaker. Ang karanasan ay tila nagdulot ng mga pag-aalinlangan na nagpahina ng kanyang patotoo, at hindi nagtagal pagkabalik niya sa Thompson ay sinira niya ang kanyang kasunduan at pinaalis ang mga Banal sa kanyang lupain. Noong Hunyo 1831, dahil walang katiyakan ang kanilang sitwasyon at magulo ang kanilang buhay, ang mga Knight at iba pang mga miyembro ng Colesville Branch ay humingi ng payo at patnubay kay Joseph Smith kung ano ang susunod nilang gagawin.
Ang tagubilin ay dumating sa paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 54: “Kayo ay Maglalakbay sa mga lupaing pakanluran, patungo sa lupain ng Missorie, [sic] patungo sa mga hangganan ng mga Lamanita & matapos ang inyong Paglalakbay Masdan, sinasabi ko sa inyo, maghanap kayo ng ikabubuhay gaya ng mga tao hanggang sa makapaghanda ako ng lugar para sa inyo & muli maging mapagtiis sa pagdurusa.” Kalaunan ay inilarawan ni Newel Knight ang sitwasyon: “Naunawaan namin ngayon na hindi [Ohio] ang lupain ng aming mana—ang lupang pangako, sapagkat ipinaalam sa isang paghahayag na ang Missouri ang piniling lugar para sa pagtitipon ng simbahan, at ang ilan ay tinawag na mamuno patungo sa estadong iyon.” Muling nagkasama-sama, ang mga miyembro ng Colesville ay naghanda para sa kanilang paglalakbay. Pinili nila si Newel Knight na patuloy na mamuno sa kanila sa kabila ng kanyang tungkulin noon, sa pamamagitan ng paghahayag, na mangaral habang naglalakbay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52). Sa isang paghahayag na kinikilala at tinatanggap ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 56, inatasan si Knight na isantabi ang kanyang misyon at sa halip ay maglakbay patungo sa Missouri bilang pinuno ng Colesville Branch.
Ang Paglalakbay Patungo sa Missouri
Sa paglisan sa Thompson noong mga unang araw ng Hunyo 1831, animnapung miyembro ng branch ang nakarating sa Kaw Township sa Jackson County, Missouri, noong ika-26 ng Hulyo matapos maglakbay ng mga isang libong milya. Bagama’t dumating si Joseph Smith bago pa man dumating ang mga Banal ng Colesville, nakilala sila bilang unang branch ng Simbahan na nanirahan sa lupaing inilaan ni Sidney Rigdon bilang Sion noong ika-2 ng Agosto 1831. Ang nakakalungkot, pumanaw ang asawa ni Joseph Knight Sr. na si Polly ilang araw matapos ang kanilang pagdating. Ayon sa kanyang kasaysayan, na isinulat kalaunan, si Joseph Smith ay “dumalo sa libing ng kapatid na si Polly [Peck] Knight. … Ito ang unang kamatayan sa simbahan sa lupaing ito, at masasabi ko na isang mabuting miyembro ang natutulog kay Jesus hanggang sa muling pagkabuhay.”
Nang araw ring iyon, natanggap ni Joseph ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 59, na naglalahad kung paano dapat panatilihing banal ng Simbahan ang araw ng Panginoon. Sa paghahayag na iyon, inilakip ng Panginoon ang mga salita ng kapanatagan para sa pamilya at mga kaibigan ni Polly Knight: “Pinagpala … sila na nagtungo sa lupaing ito na ang mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, alinsunod sa aking mga Kautusan sa mga yaong nabubuhay ay mamanahin ang lupa, at yaong mga namamatay ay mamamahinga mula sa lahat ng kanilang gawain, & ang kanilang mga gawa ay susunod sa kanila at sila ay makatatanggap ng putong sa mga mansiyon ng aking Ama, na aking inihanda para sa kanila.”
Muling binisita ni Joseph Smith ang kanyang mga kaibigan sa Colesville Branch sa Missouri noong Abril 1832. Sa pagkakataong iyon, ibinuklod ni Joseph ang mga miyembro ng branch hanggang sa buhay na walang hanggan. Sa panggugulo ng mga mandurumog sa Jackson County noong 1833, tumakas ang Colesville Branch kasama ang marami pang Banal papunta sa kalapit na Clay County. Nanirahan sila roon nang ilang panahon, at nagtayo rin sila ng isang chapel. Gayunpaman, nang lumipat ang Simbahan sa Caldwell County noong 1836, nahiwalay sa isa’t isa ang mga miyembro ng branch, at nagwakas ang panahon na magkakasama sila bilang isa sa mga unang organisadong unit sa Simbahan.
Ang mga Knight at iba pa mula sa dating branch ay sumama sa maraming Banal sa pagtakas papunta sa Illinois pagkatapos ng digmaan sa pagitan ng mga Banal at ng ilan sa kanilang mga kapitbahay sa Missouri noong 1838. Ang mga Knight ay nanirahan sa lugar ng Nauvoo at nanatiling matatapat na miyembro ng Simbahan at kaibigan ni Joseph Smith. Matapos ang pagpaslang kay Joseph noong 1844, sinunod ng pamilya Knight ang pamumuno ng Korum ng Labindalawang Apostol. Si Joseph Knight Sr. at ang kanyang anak na si Newel ay namatay noong 1847 sa paglalakbay mula sa Nauvoo patungo sa Lambak ng Salt Lake.