“Mga Liham tungkol sa Binyag para sa mga Patay,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Mga Liham tungkol sa Binyag para sa mga Patay,” Konteksto ng mga Paghahayag
Mga Liham tungkol sa Binyag para sa mga Patay
Nang ipanumbalik ng Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith ang doktrina ng pagtubos sa mga patay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga proxy baptism, sinagot Niya ang napakahabang panahon nang mga katanungan at natugunan ang pinaka-inaasam ng puso. Sa loob ng maraming siglo, pinagtatalunan ng mga Kristiyano kung ano ang mangyayari pagkatapos ng buhay na ito sa hindi mabilang na mga tao na nabuhay sa mundong ito nang hindi nalalaman ang ebanghelyo ni Jesucristo. Nag-alala mismo si Joseph Smith sa mangyayari sa kanyang pinakamamahal na kapatid na si Alvin, isang tapat na tao ngunit hindi nabinyagang Kristiyano.
Noong Enero 1836, nakita ni Joseph Smith ang isang pangitain tungkol sa kahariang selestiyal kung saan nalaman niya na ang mga hindi nakatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo sa buhay na ito ngunit tatanggapin ito kung mabibigyan ng pagkakataon, tulad ng kanyang kapatid na si Alvin, ay hindi pagkakaitan ng pinakamataas na gantimpala sa buhay na darating. Sa pangitaing ito, unti-unting inihayag ng Panginoon kay Joseph Smith at sa mga humalili sa kanya sa nakalipas na ilang taon ang mga doktrina at gawain na nauukol sa pagbibinyag para sa mga patay.
Pinagtibay ng pangitain ni Joseph ang awa ng Diyos, ngunit hindi lubos na nilinaw dito kung ang mga hinihingi ng banal na kasulatan para sa binyag ay hihingin kay Alvin at sa iba pang katulad niya o kung isasakatuparan ito sa ibang paraan. Natanto ng ilang Banal sa mga Huling Araw na kulang pa ang kaalaman nila. Halimbawa, “pinag-isipan nang mabuti [ni Joseph Fielding] ang paksa tungkol sa katubusan ng mga yaong pumanaw sa ilalim ng nasirang tipan” at ipinalagay na “marahil yaong mga tumanggap ng priesthood sa mga huling araw ay bibinyagan sila sa pagparito ng Tagapagligtas.”
Ngunit sa libing ni Seymour Brunson noong ika-15 ng Agosto 1840, itinuro ni Joseph Smith ang alituntunin na maaaring isagawa ng kalalakihan at kababaihan sa mundo ang kinakailangang pagbibinyag para sa kanilang mga pumanaw na kamag-anak. Masayang tinanggap ng mga Banal ang pagkakataong ito at halos agad na nagsimulang magpabinyag para sa pumanaw na mga mahal sa buhay sa mga ilog at batis malapit sa Nauvoo.
Pagkatapos, noong Enero 1841, tumanggap si Joseph Smith ng isang mahalagang paghahayag na hindi lamang nag-uutos para sa pagtatayo ng templo sa Nauvoo kundi iniugnay nang walang hanggan ang ordenansa ng binyag para sa mga patay sa mga templo: “Dahil ang lugar na pinagbibinyagan ay wala sa mundo; na sila, aking mga banal, ay maaaring binyagan para sa yaong mga patay, sapagkat ang ordenansang ito ay nabibilang sa aking bahay.” Mabilis na isinagawa ng mga Banal sa Nauvoo ang pagtatayo ng templo, at pagsapit ng Nobyembre 1841, natakpan na ang silong, at isang angkop na bautismuhan ang inukit mula sa kahoy.
Mga Liham tungkol sa Binyag para sa mga Patay
Karagdagang mga tagubilin at paglilinaw tungkol sa bagong gawaing ito ang darating kalaunan. Noong Agosto 1842, si Joseph Smith ay inakusahan na kasabwat sa tangkang pagpatay kay Lilburn W. Boggs, ang dating gobernador ng Missouri. Upang hindi madakip, nanatiling halos nagtatago si Joseph nang mga tatlong buwan sa mga tahanan ng mapagkakatiwalaang mga kaibigan. Isinulat ni Wilford Woodruff sa kanyang journal na bagama’t “pinagkaitan si Joseph ng pribilehiyong magpakita sa publiko,” gayunpaman “kasama niya ang Panginoon tulad noong naroon siya sa Pulo ng Patmos kasama si Juan,” na ipinahihiwatig na nakaranas si Joseph ng mga espirituwal na manipestasyon sa panahong hindi siya nakikisalamuha sa mga tao.
Noong ika-31 ng Agosto, sandaling nagpakita si Joseph para magsalita sa isang maliit na pagtitipon ng mga miyembro ng Female Relief Society at ipinaalam sa unang pagkakataon ang natutuhan niya noong nakaraang mga linggo: “Lahat ng taong nabinyagan para sa mga patay ay kailangang magkaroon ng tagapagtala, upang siya ay maging saksi para maitala at mapatotohanan niya ang katotohanan at katibayan ng kanyang talaan. Kakailanganin, sa Malaking Kapulungan, na ang mga bagay na ito ay patotohanan.”
Nang sumunod na araw, nagsimula siyang sumulat ng isang liham sa Simbahan na kalaunan ay magiging Doktrina at mga Tipan 127. Sa liham na ito, ipinaliwanag ni Joseph ang kanyang pagkawala dahil sa mga paratang laban sa kanya at tiniyak sa mga Banal na kapag “ang bagyo ay ganap nang humupa, saka ako magbabalik sa inyong muli.” Sinabi niya na inihayag sa kanya ng Panginoon ang pangangailangan para sa isang tagapagtala para sa mga pagbibinyag para sa mga patay at ipinaliwanag ang dahilan kung bakit: “Upang sa lahat ng inyong pagtatala, ito ay maitala sa langit. … At muli, ang lahat ng tala ay isaayos, upang ang mga ito ay mailagay sa lugar ng talaan sa aking Banal na Templo, upang maalaala sa bawat sali’t salinlahi, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.”
Tinapos niya ang kanyang liham sa pagsasabi na nais niyang magsalita “mula sa Pulpito, tungkol sa paksa” ngunit masisiyahan na lamang na “ipadala ito sa inyo sa pamamagitan ng Koreo.” Sinabi niya na ipinadala niya kay Erastus Derby ang liham para ibigay kay William Clayton noong Linggong iyon, ika-4 ng Setyembre, “upang mabasa sa harapan ng mga banal kapag nagtipon sa Kakahuyan.” Kasiya-siya ang nakatala sa journal ni Joseph, “Nang basahin ang liham na ito sa harap ng mga kapatid napasigla ang kanilang puso at malinaw na nakahikayat ito sa kanila at nagbigay ng inspirasyon sa kanila nang may tapang, at katapatan.”
Noong ika-7 ng Setyembre, gumawa si Joseph Smith ng pangalawang liham tungkol sa parehong paksa, “na iniutos niyang basahin sa susunod na Sabbath,” ika-11 ng Setyembre. Ang pangalawang liham na ito ay matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 128. Dito ay nagbigay ang Propeta ng mas detalyadong tagublin tungkol sa pag-iingat ng talaan, pagtawag ng mga saksi, isang tagapagtala sa bawat isa sa 10 ward ng Nauvoo, at isang pangkalahatang tagapagtala na magtitipon ng lahat ng talaan ng ward sa isang “pangkalahatang Aklat ng Simbahan.”
Pagkatapos ay nagbigay si Joseph ng mahabang pangangatwiran mula sa mga banal na kasulatan para sa pagsasagawa ng mga pagbibinyag para sa mga patay at ang kahalagahan ng isang tagapagtala. Itinuro niya na ang mga ordenansa para sa mga patay ay lumilikha ng napakahalaga at walang hanggang bigkis sa pagitan ng mga henerasyon: “Ang mundo ay babagabagin ng isang sumpa maliban kung may isang pag-uugnay ng anumang uri o iba pa sa pagitan ng mga ama at ng mga anak, sa alinmang paksa o iba pa. At masdan! ano ang paksang yaon? Ito ang pagbibinyag para sa mga patay. Sapagkat tayo kung wala sila ay hindi magagawang ganap. Ni sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap.”
Tinapos niya ang liham sa nakahihikayat at pamilyar na panawagang ito na kumilos: “Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag … umurong. Lakas ng loob, mga kapatid! at humayo sa pananagumpay. Magsaya sa inyong mga puso, at labis na magalak. Bumulalas ang mundo sa pag-awit. Magsalita ang mga patay ng mga awit ng walang hanggang papuri sa Haring Immanuel, na nag-orden, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, sa yaong makatutulong sa atin upang matubos sila mula sa kanilang bilangguan; sapagkat ang mga bilanggo ay makalalaya. … Ating ialay sa kanyang banal na Templo, kapag ito ay natapos na, ang isang Aklat na naglalaman ng mga Talaan ng ating mga patay, na magiging karapat-dapat sa lahat ng pagtanggap.”
Ang dalawang liham na ito mula kay Joseph Smith ay kinilala at tinanggap bilang banal na kasulatan noong 1844 at naging bahagi ng Doktrina at mga Tipan mula noon. Lubos na sinunod ng mga Banal ang mga tagubiling ibinigay sa mga liham na ito, at tumawag ng mga tagapagtala para sa bawat ward. Ang mga tagapagtala ay gumamit ng isang karaniwang sertipiko o form para itala ang mga binyag: “Pinatutunayan ko na sa petsang ito, nakita at narinig ko ang mga sumusunod na Pagbibinyag na naganap sa Bautismuhan sa Bahay ng Panginoon sa Lunsod ng Nauvoo, Illinois; para kay [blangko] at na sina [blangko] at [blangko] ay naroon bilang mga Saksi sa naturang mga Pagbibinyag, at gayon din ang naturang Talaan ay ginawa ko at ito ay totoo.”
“Taludtod sa Taludtod”
Matapos ang kamatayan ni Joseph Smith noong 1844, si Brigham Young ang humalili upang pamunuan ang Simbahan bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Noong taglamig ng 1844–45, ipinabatid niya ang karagdagang paglilinaw sa pagbibinyag para sa mga patay at ipinaliwanag ang pagbabagong ito sa kumperensya noong Abril 1845.
Sa kanilang pagmamadali na isagawa ang ordenansang ito para sa kanilang mga mahal sa buhay, nagawa ng mga Banal ang mga pagbibinyag nang hindi isinasaalang-alang ang kasarian, mga lalaking bininyagan para sa mga babae at mga babae na bininyagan para sa mga lalaki. Simula noon, itinuro ni Young na “hindi kailanman makikita [ng mga Banal] ang isang lalaki na magpapabinyag para sa isang babae, ni ang babae para sa isang lalaki.” Kung gayon, bakit, tinulutan ang gawaing ito noon? “Kapag ang isang nilalang na walang hanggan ay nagbigay ng batas sa kanyang mga nilalang na may hangganan, kailangan niyang ipaunawa ito ayon sa kakayahang ng mga yaong tumanggap ng kanyang batas, nang unang ibinigay ang doktrina ng pagbibinyag para sa mga patay, nagsisimula pa lang ang simbahang ito … Pinamunuan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kaunti rito at kaunti roon, sa gayon ay dinagdagan niya ang kanilang karunungan, at siya na tumatanggap nang kaunti at nagpapasalamat sa yaon ay makatatanggap pa ng karagdagan.”
Tinutukoy ang mga liham ni Joseph Smith, ipinaliwanag ni Young, “Nang [ang doktrina ng binyag para sa mga patay] ay unang inihayag, ang lahat ng tuntunin nito ay hindi ipinaalam, ngunit ipinaalam din kalaunan, na ang mga talaan, klerk, at isa o dalawang saksi ay kinakailangan o kung hindi ay magiging walang halaga ito sa mga banal.” Pagtatapos niya, “Si Joseph sa kanyang buong buhay ay hindi tinanggap ang lahat ng bagay na nauugnay sa doktrina ng pagtubos, ngunit iniwan niya ang susi sa mga taong nakauunawa kung paano magkaroon at magturo sa maraming tao ng lahat ng kailangan para sa kanilang kaligtasan at kadakilaan sa kahariang selestiyal ng ating Diyos.”