“Ezra Thayer: Mula sa Pagiging Mapagduda ay Naging Mananampalataya,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ezra Thayer: Mula sa Pagiging Mapagduda ay Naging Mananampalataya,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ezra Thayer: Mula sa Pagiging Mapagduda ay Naging Mananampalataya
Noong taglagas ng 1830, nakatira si Ezra Thayer sa bayan ng Farmington, New York, kasama ang kanyang asawang si Elizabeth, at kanilang mga anak. Siya ay mahigit tatlumpung taong gulang na at gumugol ng ilang taon sa lugar na nagtatayo ng mga tulay, dam, at gilingan.
Ang Mapagduda
Sa unang bahagi ng taon na iyon, ilan sa mga trahabador niya ang nagkuwento tungkol sa mga bali-balitang kumakalat tungkol kay Joseph Smith at sa pagsasalin nito ng Aklat ni Mormon. Hindi pinaniwalaan ni Thayer ang kuwento at itinuring itong kalapastanganan at “nakadama ng galit tungkol dito.”
Ang kanyang hindi magandang tugon ay dahil sa katotohanang kilala niya ang mga Smith, dating nagtrabaho sa kanya si Joseph, ang ama nito, at mga kapatid nito sa mga proyekto malapit sa Palmyra. Ang isiping si Joseph ang nagsalin at naglathala ng isang aklat ng banal na kasulatan ay hindi talaga ayon sa nalalaman ni Thayer tungkol sa binatilyong hindi nakapag-aral.
Nabalisa si Thayer nang matuklasan na ang ilan sa mga miyembro ng kanyang pamilya ay nagsimulang maging interesado sa Aklat ni Mormon. Habang nasa malayo siya sa loob ng ilang araw, ang kanyang kapatid na lalaki [sa isang magulang] at pamangking babae ay sumakay sa kanyang mga kabayo upang makinig sa pangangaral ni Hyrum Smith. Nang bumalik si Thayer, pinagalitan niya sila, mahigpit na inutos sa kanila na “huwag na nilang dalhin muli ang [kanyang] mga kabayo upang pakinggan ang pangangaral ng mga lapastangan at masasamang taong iyon.” Tiniyak nila “na may kakaiba rito, at na [si Thayer] ay dapat pumunta at pakinggan siya.”
Hindi nakumbinsi si Thayer, ngunit hindi nagtagal ay bumisita ang kanyang kapatid mula Auburn, New York, mga 40 milya sa silangan. Gusto rin nitong malaman ang iba pa tungkol sa Aklat ni Mormon at hiniling na samahan siya ni Thayer upang mapakinggan ang pangangaral ng mga Smith. “Hindi ko pakikinggan ang gayong maling paniniwala,” tugon ni Thayer. Iginiit ng kanyang kapatid na walang masama kung makikinig siya—tutal, kilala ni Ezra ang pamilya Smith. Atubiling pumayag si Thayer.
Ang Mananampalataya
Sa isang araw ng Linggo sa unang bahagi ng Oktubre, ang magkapatid ay naglakbay ng mga 12 milya sa bukid ng mga Smith sa Manchester, sa dakong timog lamang ng Palmyra. Pagdating nila, nakakita sila ng “maraming tao na nagtitipon” nagsisiksikan sa bakuran sa paligid ng bahay na troso ni Joseph Smith Sr., at umabot hanggang sa kalsada.
Nagnais na marinig ang sinasabi, sumingit si Thayer sa mga tao upang makapunta sa lugar na malapit sa pulpito sa harapan. Nang magsimulang mangaral si Hyrum Smith, napawi ang pagmamatigas ni Thayer. Isinulat niya kalaunan ang kanyang karanasan noong araw na iyon: “Naantig ng bawat salita ang kaibuturan ng aking puso. Parang ako ang pinapatungkulan ng bawat salita. … Tumulo ang mga luha sa aking mga pisngi, puno ako ng kapalaluan at pagmamatigas. Marami roon ang nakakakilala sa akin. … Naupo ako roon hanggang sa makaya ko na ang aking sarili at saka lang ako nag-angat ng ulo.”
Pagkatapos ng sermon, ipinakita ni Hyrum kay Thayer ang isang kopya ng Aklat ni Mormon. Nang kunin at buksan niya ito, agad siyang napuspos ng “napakalaking kagalakan.” Pagkasara sa aklat, itinanong niya, “Magkano ito?” Nagbayad siya ng 14 na shilling at kinuha ang aklat. Nang si Martin Harris, na nakatayo sa malapit, ay nagpatunay na totoo ang aklat, sumagot si Thayer “na hindi niya kailangang sabihin sa akin iyan, sapagkat alam ko na ito ay totoo tulad ng alam niya.”
Pagdating sa bahay, natanto ni Thayer na bagama’t lubos siyang nakumbinsi, ang isa pang mahalaga ay tulungan ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at kapitbahay na makaunawa, pati na ang maniwala tulad niya. Kumalat ang balita sa kanyang mga kapitbahay na si Ezra Thayer, ang respetadong negosyante, ay si Ezra Thayer ngayon, na naniniwala kay Joseph Smith at sa “gintong Biblia” nito.
Hindi nagtagal ang bahay ni Thayer ay madalas bisitahin ng mga kapitbahay na masigasig na kumukumbinsi sa kanya na huwag maniwala. Kalaunan ay sinabi niya, “Maghapon silang nasa bahay, at pinaniwala ng mga kalalakihan ang aking asawa na baliw ako at mawawalan ako ng mga kaibigan at lahat ng ari-arian ko.” Nang sikapin ni Thayer na magpaliwanag sa isang mag-asawang Metodista tungkol sa kanyang bagong relihiyon, tahasan nilang binalewala ang kanyang sinabi, na nagdulot ng pighati sa asawa ni Thayer na si Elizabeth. “Nagsimulang umiyak ang aking asawa,” isinulat niya, “at sinabing baliw ako, at sisirain ako nito, at iiwan niya ako.” Napawi niya ang mga pangamba nito, ngunit hindi magtatagal makararanas ng pangungutya ang kanyang bagong relihiyon.
Dinala niya ang kanyang Aklat ni Mormon sa kalapit na bayan ng Canandaigua, kung saan ang kanyang mga kaibigan, na hindi naging interesado rito, ay naghalinhinan sa pagbibigay sa kanya ng kanilang mga opinyon. Nang tanungin nila kung naniniwala pa rin siya rito, sinabi niya, “Hindi ko masasabi na naniniwala ako rito, (sa halip, masasabi ko na) alam ko ito.” Isang lokal na patnugot ng pahayagan “ang nagsabi na masasabi niya sa akin na wala akong alam hinggil sa Diyos kung hindi ako tumanggap ng pormal na edukasyon.” Ipinakita ni Thayer ang kanyang simpleng pananampalataya at nagpatotoo tungkol sa Diyos at sa Aklat ni Mormon.
Ang Paghahayag
Pagkatapos ng mga pakikipag-usap na ito, nagkaroon siya ng isang pangitain kung saan “isang lalaki ang lumapit sa akin at may dalang nakarolyong papel at ibinigay ito sa akin, at may dala rin siyang isang pakakak [trumpeta] at sinabi sa akin na hipan ko iyon. Sinabi ko sa kanya na hindi pa ako nakakaihip ng kahit ano niyon. Sinabi niya na makakaihip ako, at subukan ko. Inilagay ko ito sa aking bibig at umihip, at iyon ang napakagandang tunog na narinig ko.” Ang kahulugan ng panaginip para kay Thayer ay magiging malinaw kalaunan.
Nang sumunod na Linggo, bumalik si Thayer sa Manchester upang makipagkita sa iba pang mga mananampalataya. Sa panahong ito, nagkita sila ni Joseph Smith at ikinuwento niya sa kanya ang karanasan niya tungkol sa Aklat ni Mormon. Tinanggap niya ang paanyaya ni Joseph na magpabinyag at maglakbay nang ilang milya papunta sa isang lawa malapit sa isang gilingan, kung saan bininyagan siya at ang iba pa ni Parley P. Pratt, kabilang na ang isang lalaking nagngangalang Northrop Sweet. Si Joseph Smith ang nagkumpirma sa kanila.
Hindi nagtagal matapos silang binyagan, sina Thayer at Sweet ay tinawag sa ministeryo sa isang paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 33) na idinikta ni Joseph Smith sa kalapit na Fayette, New York. Dito, iniutos sa kanila ng tinig ng Diyos, “Itaas ang [inyong] mga tinig tulad ng tunog ng Pakakak upang ipahayag ang aking Ebanghelyo sa Liko & at balakyot na salinlahi.” Ang talatang ito ay nagpaalala kay Thayer ng tungkol sa kanyang panaginip. Naunawaan niya na, “Ang nakarolyong papel ay ang paghahayag tungkol sa akin at kay Northrop Sweet. Si Oliver [Cowdery] ang lalaking nagdala ng nakarolyong papel at pakakak.”
Ang Misyonero
“Ibuka ang inyong mga bibig,” ang wika ng paghahayag, pinapayuhan ang mga bagong tawag na misyonero na “huwag mangimi.” Ngunit sina Ezra Thayer at Northrop Sweet ay tumugon sa naiibang paraan sa utos na ito. Kalaunan ay tinalikuran ni Sweet si Joseph Smith upang bumuo ng tinatawag niya na “ang Pure Church of Christ.” Siya at ang limang iba pa ay nagsimulang magdaos ng mga pulong, ngunit ang naunang paghiwalay na ito mula sa Simbahan ay hindi sumulong.
Si Thayer, sa kabilang banda, ay agad na nagsimulang tumulong sa pagpapalaganap ng kanyang bagong relihiyon. Hiniling niya kay Joseph Smith na pumunta sa kanila at mangaral sa kanyang kamalig at hinikayat ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at kapitbahay na dumalo. Sa araw na itinakda, ang kanyang kamalig na may sukat na 50-by-18-foot ay napuno ng mga tao, at napakinggan ng mga naroon ang mga sermon nina Joseph at Hyrum Smith at ng apat na bagong tawag na misyonero: sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Peter Whitmer Jr., at Ziba Peterson.
Noong Disyembre, si Thayer ay nag-organisa ng isa pang pulong, sa pagkakataong ito sa Canandaigua. Noong una ay sinubukan niyang humingi ng pahintulot na magdaos ng pulong sa isang meetinghouse ng Metodista ngunit siya ay tinanggihan, kaya humingi siya ng pahintulot na gamitin ang courthouse. Nang gabing iyon, nakipagkita si Sidney Rigdon at ang iba pa kay Thayer sa kanyang tahanan, at sinamahan sila ni Thayer sa Canandaigua at “tumayo sa may pintuan” habang nangangaral si Rigdon.
Dahil sa malalim na espirituwal na karanasan na humantong sa kanyang pagbabalik-loob, kumilos si Thayer ayon sa utos sa paghahayag na ibahagi ang kanyang paniniwala sa kabila ng mga panganib sa kanyang reputasyon at kabuhayan. Isinulat niya kalaunan, “Kapag ipinakita ng Diyos sa isang tao ang gayong bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo alam niya na ito ay totoo. Hindi niya mapag-aalinlanganan ito.”