Kasaysayan ng Simbahan
Tungkol sa mga Pamahalaan at Batas


“Tungkol sa mga Pamahalaan at Batas,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Tungkol sa mga Pamahalaan at Batas,” Konteksto ng mga Paghahayag

Tungkol sa mga Pamahalaan at Batas

D&T 134

Lyman Wight

Si Lyman Wight ay tumingin nang may pagmamalaki sa serbisyo sa militar ng kanyang ama noong American Revolution. Para kay Wight, ang tagumpay ng mga Amerikano sa labanang iyon ay nakagawa nang higit pa sa pagtamo ng kalayaan para sa Estados Unidos; nakamtan nito ang mga karapatan sa buhay at kalayaan para sa mga tao ng Amerika. Naniwala si Wight na ang mga pinahahalagahang iyon ang walang hanggang pamana ng American Revolution at sumali para lumaban sa Digmaan noong 1812 upang protektahan ang mga ito.

Gayunman, ang magandang pananaw ni Wight sa mga prinsipyong ito ng mga Amerikano ay nasubok nang matindi sa kanyang mga karanasan bilang miyembro ng Simbahan na nakatira sa Missouri noong dekada ng 1830. Nang siya at ang mahigit isang libong iba pang Banal sa mga Huling Araw ay lumipat sa Jackson County, Missouri, sa pagitan ng 1831 at 1832, maraming residente sa bayang ito ang hindi nagustuhan ang mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw at nangamba sa maaaring maging impluwensya nila sa pamahalaang lokal. At sa halip na igalang ang mga karapatan ng mga miyembro ng Simbahan na sumamba at bumoto alinsunod sa dikta ng kanilang sariling konsensya, ang mga residente ng Jackson County ay gumamit ng karahasan na labag sa batas upang pwersahin ang mga Banal na talikuran ang kanilang relihiyon o lisanin ang bayan. Kumilos bilang mga vigilante, ang mga mamamayang ito ng Missouri ay pisikal na inabuso ang mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa bayan, sinira ang kanilang ari-arian, at kalaunan ay inutusan silang umalis.

Nadismaya si Wight na ang mga opisyal sa mga pamahalaan ng estado at pederal ay kukunsintihin at hihikayatin pa ang gayong mga gawain laban sa mga miyembro ng Simbahan. Sa isang petisyon sa Senado ng Estados Unidos makalipas ang ilang taon, ipapahayag niya na ang kanyang “ama ay isang rebolusyona[ryong] sundalo” at ang mga paglabag na ito sa mga karapatan sa pagkamamamayan ng mga miyembro ng Simbahan “ay hindi ang mga kalayaang [ibinigay] niya para sa akin at sa aking mga inapo.” Ang petisyon ni Wight ay naghayag ng marubdob na damdamin sa pagitan ng katapatang nadama niya sa kanyang bansa, paglait sa mga ginawa ng marami sa mga lalaking inihalal upang pamahalaan ang bansang iyon, at ng kanyang katapatan sa relihiyong pinaniniwalaan niya na magtatagal kaysa sa lahat ng mga pamahalaan sa lupa.

Bayad-pinsala

Tulad ni Lyman Wight, kapwa kumplikado ang ugnayan ng mga lider ng Simbahan sa mga pamahalaang lokal at pambansa. Nang palayasin ang mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County mula sa kanilang mga tahanan noong Nobyembre 1833, naniwala ang mga lider ng Simbahan na nabigo ang mga pamahalaan ng Missouri at ng Estados Unidos na protektahan ang mga karapatan sa pagkamamamayan ng mga Banal sa Missouri at napilitang magprotesta sa mga ginawa (at hindi ginawa) ng mga halal na opisyal na humantong sa pagpapalayas sa mga Banal. Kasabay nito, sila ay nagsimulang gumawa ng legal at pulitikal na pag-apela sa mga pamahalaan ding ito para maibalik ang kanilang ari-arian at mga karapatan sa pagkamamamayan sa Jackson County.

Ilang kilalang mamamayan ang nakisimpatiya sa kalagayan ng mga Banal, ngunit marami ang nagduda sa mga hangarin ng mga Banal. Ang katapatan ng Simbahan sa awtoridad ng paghahayag at ang mabilis na pagtitipon ng mga miyembro ng Simbahan sa Ohio at Missouri ay nagdulot ng pag-aalala sa ilang Amerikano na layunin ng Simbahan na itatag ang sariling lipunan nito na nagbabalewala sa mga batas at awtoridad ng Estados Unidos. Paano makakapagprotesta ang mga lider ng Simbahan para sa hindi pantay na pagtrato sa kanila ng pamahalaan habang ipinahahayag din ang kanilang suporta sa pamahalaan at paghingi ng tulong sa pamahalaan?

Ang Pahayag

Noong ika-17 ng Agosto 1835, sa gitna ng mga pagtatangka ng mga Banal na humingi ng tulong sa pamahalaan, sina Oliver Cowdery at Sidney Rigdon ay naglahad ng isang dokumento na pinamagatang “Declaration of Government and Law [Pahayag tungkol sa Pamahalaan at Batas]” sa mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio. Ang pahayag—ngayon ay Doktrina at mga Tipan 134—ay naghangad na tugunan ang lahat ng alalahanin ng mga Banal. Sa pagsasabi na “ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao;” at ang Diyos ay “pinananagot [ang mga indibiduwal] sa kanilang mga gawa” bilang mga opisyal ng pamahalaan, ang pahayag ay naglarawan ng mga pamahalaang sibil bilang mga sekular na institusyon na ang mga gawa ay may mga bungang espirituwal. Sa pagpapaliwanag na bawat opisyal ng pamahalaan ay “nararapat igalang sa kanyang katayuan,” at “sa mga batas ang lahat ng tao ay nararapat gumalang at magpitagan,” binibigyang-diin ng pahayag ang mga turo ng Simbahan na ang mga miyembro nito ay dapat maging mga mamamayan na sumusunod sa batas na nag-aambag ng “kapayapaan at pagkakaisa” sa mga lipunan kung saan sila naninirahan. Iginiit nito na dapat tiyakin ng pamahalaan ang karapatan ng mga mamamayan nito na sumamba alinsunod sa atas ng kanilang sariling konsiyensya at na ang mga pangkat ng relihiyon na dumaranas ng pang-aabuso dahil sa kanilang mga gawaing panrelihiyon ay makatwiran lamang na humingi ng bayad-pinsala sa pamahalaan. Hindi tuwirang tinukoy ang mga naranasan ng mga Banal kamakailan sa Jackson County, iginiit ng pahayag ang karapatan ng mga mamamayan na ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa pang-uusig sa relihiyon kung ang pamahalaan ay hindi kumikilos sa tulong na hinihingi nila.

Tinanggap ng mga miyembro ng Simbahan ang pahayag at isinama ito sa unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Hindi tulad ng iba pang mga bahagi ng aklat na iyon kung saan inihayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa mga Banal, ang bahaging ito ay binubuo ng mga Banal na nagpapaliwanag sa publiko ng kanilang pananaw at mga paniniwala. Marahil ang sumulat nito ay si Oliver Cowdery, yamang siya ang sumulat ng tungkol sa marami sa mga paksang tumalakay nito sa kamakailang mga editoryal ng pahayagan. Bagama’t si Joseph Smith ay nasa Teritoryo ng Michigan nang ilahad ang pahayag sa Simbahan, tinanggap niya ito at binanggit ito kalaunan sa kanyang mensahe at isinulat.

Paano Ginamit ang Pahayag

Lalo na noong pagkatapos ng 1838, nang palayasin ang mga Banal sa Missouri sa utos ng gobernador, ginamit ni Joseph at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang mga alituntunin ng pahayag habang nakikipaglaban sila sa karapatan sa pagkamamamayan ng mga miyembro ng Simbahan. Halimbawa, noong 1840 habang si Joseph ay nasa silangang Estados Unidos na humihingi sa pamahalaang pederal para sa bayad-pinsala matapos kumpiskahin ang mga ari-arian ng mga miyembro ng Simbahan sa Missouri, sumulat siya sa patnugot ng isang pahayagan sa Pennsylvania kung saan sinagot niya ang mga sinasabi ng ilan sa mga naninira sa Simbahan sa lugar na iyon. Gayunman, sa pagsulat ng liham, kinopya lamang ni Joseph ang teksto ng pahayag tungkol sa pamahalaan, na pinalitan ng “Ako ay naniniwala” ang lahat ng pariralang “Kami ay naniniwala” na nakapaloob sa pahayag.

Makalipas ang ilang buwan, sina Joseph, Sidney Rigdon, at Elias Higbee ay nabigyan ng pagkakataong humarap sa pagdinig ng isang komite ng mga senador ng Estados Unidos upang talakayin ang mga pag-uusig sa Missouri. Sa pagdinig na iyon, tinangka ni Congressman John Jameson ng Missouri na pangatwiranan ang nakaraang karahasan laban sa mga miyembro ng Simbahan sa pagsasabing pinahintulutan ni Joseph ang kanyang mga tagasunod na balewalain ang mga batas ng lupain. Matibay na pinabulaanan ni Elias Higbee ang pahayag na ito, nangatwiran na ang Simbahan ay “walang gayong doktrina ni naniniwala sa anumang gayong bagay,” at itinuon ang komite sa 1835 na “Declaration of Government and Law [Pahayag tungkol sa Pamahalaan at Batas]” sa Doktrina at mga Tipan bilang patunay na “inilathala [nila] noon pa ang [kanilang] paniniwala hinggil sa paksang iyon.” Ang komiteng ito ng Senado noong 1840 ay tumangging ipagkaloob sa Simbahan ang bayad-pinsala para sa mga pag-uusig na ginawa sa kanila, ngunit sinunod ng mga lider ng Simbahan ang mga pinahahalagahang inilarawan sa pahayag.

Makalipas ang dalawang taon, nang isulat ng mga lider ng Simbahan ang kilala ngayong “Wentworth Letter” bilang maikling paglalarawan ng kasaysayan at paniniwala ng Simbahan, ang mga alituntuning nakasaad sa pahayag tungkol sa pamahalaan ay tila nagbigay-inspirasyon sa nilalaman ng dalawang magkaibang pahayag. Ang mga pahayag na iyon, na kilala ngayon bilang ikalabing-isa at ikalabindalawa sa mga saligan ng pananampalataya, ay pinagtitibay ang pananaw ng Simbahan sa kalayaan ng lahat ng kalalakihan at kababaihan na sambahin ang Diyos alinsunod sa mga atas ng kanilang sariling konsensya at sa mga turo nito na ang mga miyembro ng Simbahan ay sasailalim sa mga opisyal ng pamahalaan at dapat sumunod sa mga batas ng lupain kung saan sila naninirahan.

Ibigay ninyo ang kay Cesar

Ang mga lider ng Simbahan noong dekada ng 1830 ay kinailangang makisalamuha sa isang kumplikadong sitwasyon sa pulitika, ngunit ang kanilang kalagayan ay halos hindi mapantayan. Ang mga grupong pangrelihiyon na naghahangad na magtatag ng kaharian ng Diyos sa lupa ay laging kailangang makipag-ugnayan nang mabuti sa sekular na “kapangyarihang umiiral.” Naranasan ni Jesucristo ang hamon ding iyon sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo. Nang akusahan Siya ng pagtatangkang agawin ang kapangyarihang pulitikal mula sa mga pinunong Judio at Romano, ipinahayag Niya na ang Kanyang “kaharian ay hindi mula sa sanlibutang ito” at iniutos sa Kanyang mga disipulo na “ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.” Sa diwang ito, binigyang-diin sa 1835 “Declaration of Government and Law [Pahayag tungkol sa Pamahalaan at Batas]” ang pamamaraan ni Jesus sa pagtatayo ng Kanyang Simbahan sa loob ng mga hangganan ng mga soberanong bansa.

“Nagboluntaryo akong ipagtanggol ang aking [ban]sa sa huling digmaan [ang Digmaan noong 1812],” pagsulat ni Lyman Wight sa isang petisyon noong 1839 sa Senado ng Estados Unidos, “subalit hindi ako [maaaring manirahan] sa Estado ng Missouri nang hindi ipinagkakaila ang [aking] relihiyon.” Kaya ang taong ito, na itinuring ang kanyang sarili na makabayan, ay labis na naghinagpis na hindi niya “nais mamuhay [sa] gayong pagkaalipin sa tinatawag na malayang pamahalaan.” Ang petisyon ni Wight ay halimbawa ng isa sa mga pangunahing alituntunin sa “Declaration of Government and Law [Pahayag tungkol sa Pamahalaan at Batas]”—na ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat maging tapat sa kanilang bansa at dapat ding magtulungan sa pagtatatag ng mga pamahalaan na tumitiyak sa kalayaan at mga karapatan ng lahat ng mamamayan nito.

  1. Tingnan sa John Whitmer, “Letter from John Whitmer, 29 July 1833,” sa Joseph Smith Letterbook 2, 52–56, josephsmithpapers.org.

  2. Lyman Wight, Petition to the United States Senate, 1839, pahina 3, Church History Library, Salt Lake City.

  3. “Declaration of Government and Law, 17 August 1835 [D&C 134],” sa Doctrine and Covenants (1835 ed.), 252–54, josephsmithpapers.org.

  4. “Declaration of Government and Law, 17 August 1835 [D&C 134],” 252.

  5. “Declaration of Government and Law, 17 August 1835 [D&C 134],” 252.

  6. “Declaration of Government and Law, 17 August 1835 [D&C 134],” 253.

  7. Oliver Cowdery, “Prospects of the Church,” Evening and Morning Star, tomo 1, blg. 10 (Mar. 1833), 151–53; Oliver Cowdery, “To the Patrons of the Evening and the Morning Star,” Evening and Morning Star, tomo 2, blg. 15 (Dis. 1833), 125–26.

  8. Historical Introduction for “Doctrine and Covenants, 1835,” josephsmithpapers.org.

  9. Joseph Smith, “Letter to Editor, 22 January 1840,” josephsmithpapers.org.

  10. Elias Higbee, “Letter from Elias Higbee, 21 February 1840,” sa Joseph Smith Letterbook 2, 100, josephsmithpapers.org.

  11. Joseph Smith, “Church History,” Times and Seasons, tomo 3, blg. 9 (Mar. 1, 1842), 710; josephsmithpapers.org.

  12. Roma 13:1.

  13. Juan 18:36.

  14. Mateo 22:21.

  15. Lyman Wight, Petition to the United States Senate, 4.