“Ang Batas,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ang Batas,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ang Batas
“Natanggap na natin ang mga batas ng Kaharian mula nang dumating tayo rito,” isinulat ni Joseph Smith kay Martin Harris noong Pebrero 1831, “at ang mga Disipulo sa bahaging ito ay masayang tinanggap ang mga ito.”
Wala pang isang buwan si Joseph sa Ohio nang isulat niya ang mga salitang iyon kay Martin Harris, na naroon pa rin sa Palmyra, New York. Bago lumipat si Joseph mula sa New York, binigyan siya ng Panginoon ng kautusan na tipunin ang mga miyembro ng Simbahan sa Ohio at nangakong: “Doon bibigyan kita ng aking batas.” Hindi nagtagal matapos dumating si Joseph sa Kirtland, natanggap niya ang ipinangakong paghahayag, na sa mga unang manuskrito ay pinamagatang “Ang mga Batas ng Simbahan ni Cristo.” Ito ay kinilala at tinanggap bilang Doktrina at mga Tipan 42:1–73.
Kailangang-kailangan ng Simbahan sa panahong ito ang paghahayag. Nang dumating siya sa Ohio, nalaman ni Joseph na ang mga Banal doon ay matatapat ngunit nalilito tungkol sa turo ng Biblia na ang mga unang Kristiyano “ay [dapat] may pagkakaisa sa puso at kaluluwa; sinuma’y walang nagsabing kanya ang anuman sa kanyang mga ari-arian, kundi lahat nilang pag-aari ay para sa lahat” (Mga Gawa 4:32).
Marami sa mga nagbalik-loob sa Simbahan sa Ohio ay mga miyembro ng “ang Pamilya,” isang grupo ng komunidad na nakibahagi sa tahanan at bukid nina Lucy at Isaac Morley sa pagsisikap na maging tunay na mga Kristiyano. Bagama’t ang kanilang mga hangarin ay naaayon sa salaysay na natanggap mismo ni Joseph kamakailan tungkol sa Sion ni Enoc, kung saan nakamit ng mga tao ang huwarang “may isang puso at isang isipan” at walang maralita sa kanila (Moises 7:18), nalaman ng Propeta na ang mga nagbalik-loob sa Ohio ay gumagawa ng mga gawaing nagpapahina ng personal na kalayaan, pangangasiwa, at pananagutan—bagama’t sila ay “nagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos, ayon sa nalalaman nila.” Dahil dito, ang mga nagbalik-loob ay, ayon sa mga salita ng kasaysayan ni Joseph Smith, “mabilis silang nalilihis sa mga bagay na may kinalaman sa temporal: dahil inakala nila mula sa nabasa nila sa mga banal na kasulatan na anumang pag-aari ng isang miyembro ay pagmamay-ari na rin ng sinuman sa mga miyembro.”
Hindi nagtagal matapos dumating si Joseph sa Ohio, inihayag ng Panginoon na “sa pamamagitan ng panalangin [ninyo nang may] pananampalataya kayo ay makatatanggap ng aking batas, upang inyong malaman kung paano pamamahalaan ang aking Simbahan.” Makalipas ang ilang araw, tinipon ni Joseph ang ilang elder at sa “makapangyarihang panalangin” ay hiniling niya sa Panginoon na ihayag ang Kanyang batas tulad ng ipinangako.
“Ilaan ang Inyong mga Ari-arian”
Ang paghahayag na natanggap ni Joseph bilang tugon ay sumusuporta sa unang dakilang utos, na buong pusong mahalin ang Diyos, bilang motibasyon sa pagsunod sa lahat ng iba pa, kabilang ang batas ng paglalaan, na nagpapahiwatig na ang pagmamahal sa Diyos ang dahilan ng pagsasagawa nito. Ang ibig sabihin ng ilaan, itinuro sa mga Banal noon, ay gawing sagrado ang kanilang ari-arian sa pamamagitan ng paggamit nito sa gawain ng Panginoon, kabilang na ang pagbili ng lupain kung saan itatayo ang Bagong Jerusalem at ang templo ang sentro nito. Inihayag ng batas na ang paglalaan ay tungkol sa pagtanggap tulad ng pagbibigay, yamang nangako ang Panginoon na ang bawat tapat na Banal ay tatanggap ng “sapat na para sa kanyang sarili at mag-anak” sa buhay na ito at kaligtasan sa kabilang-buhay.
Nilinaw ng batas na ang paglalaan ay hindi komunal na pagmamay-ari ng mga ari-arian. Sa halip, hinihingi nito ang kahandaang kilalanin na ang Panginoon ang nagmamay-ari ng lahat at na ang bawat isa sa mga Banal ay dapat maging masipag na “Katiwala sa kanyang sariling ari-arian” at sa gayon ay mananagot sa tunay na nagmamay-ari, ang Panginoon, na nag-uutos na buong pusong ibigay ng mga Banal ang labis sa kanilang ari-arian sa Kanyang kamalig o storehouse para magamit upang maibsan ang kahirapan at maitayo ang Sion.
Ang pananampalataya ng mga nagbalik-loob sa Ohio sa mga paghahayag ni Joseph ay naghikayat sa kanila na iayon ang kanilang mga gawi sa inihayag na plano ng Panginoon. Nakasaad sa kasaysayan ni Joseph, “Ang planong ‘pagbabahagi ng mga suplay at iba pa,’ na isinagawa sa tinatawag na ‘ang pamilya,’ na ang kabilang ay mga miyembrong tumanggap ng walang hanggang ebanghelyo, ay agad na iwinaksi ang [gawaing] ito para sa mas perpektong batas ng Panginoon.”
Nang maglaon, ipinatupad ni Bishop Edward Partridge ang batas sa abot ng kanyang makakaya, at ang mga handang Banal ay pumirma sa mga kasulatan na naglalaan ng kanilang mga ari-arian sa Simbahan. Gayunpaman, boluntaryo ang pagsunod sa batas na ito, at tumanggi ang ilang Banal. Ang iba ay hindi makaunawa, at marami ang humiwalay. Dinala pa nga ng ilang mapanghimagsik na Banal ang batas sa korte, na humantong sa paglilinaw ng pananalita nito at pagbabago sa pagsasagawa.
Naunawaan naman ng ibang mga Banal noon na ang mga walang-hanggang alituntunin ng batas—kalayaan, pangangasiwa, at pananagutan sa Diyos—ay maaaring gamitin sa pagbabago ng mga sitwasyon, tulad noong ipasiya ni Leman Copley na huwag ilaan ang kanyang bukid sa Thompson, Ohio, na nagtulak sa mga Banal na nagtipon doon na magtungo sa Missouri upang ipamuhay ang batas, o noong palayasin muli ng mga mandurumog ang mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County noong 1833, na tumapos sa pagtanggap at pagbibigay ng bishop ng mga kasulatan sa paglalaan ngunit hindi ng batas mismo. Tulad ng batas ng paglalaan, bagama’t inihayag noong Pebrero 1831, ay hindi nagsimula pagkatapos niyon, ito ay hindi nagwakas nang tumanggi ang ilan na sundin ito at napigilan ang iba na gawin ito. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na “ang batas ng sakripisyo at ang batas ng paglalaan ay hindi pa rin nawala at patuloy pa rin.”
Mga Sagot sa mga Iba’t Ibang Tanong
Bilang karagdagan sa pagpapaliwanag sa batas ng paglalaan, sinagot ng paghahayag ang maraming tanong tungkol sa kahalagahan nito sa Simbahan sa panahong iyon. Si Joseph at ang mga elder na nagtipon noong Pebrero 1831 sa paghahangad ng paghahayag ay unang nagtanong kung ang Simbahan ay dapat “magtipon sa iisang lugar o magpatuloy sa magkakahiwalay na lugar.” Sumagot ang Panginoon at ito ay matatagpuan ngayon sa unang 10 talata ng Doktrina at mga Tipan 42, na nag-uutos sa mga elder na ipangaral ang ebanghelyo nang dala-dalawa, ipahayag ang salita na parang mga anghel, anyayahan ang lahat na magsisi, at binyagan ang lahat ng tatanggap nito. Sa pagtitipon ng mga Banal sa Simbahan mula sa bawat rehiyon, maghahanda ang mga elder para sa araw na ihahayag ng Panginoon ang Bagong Jerusalem. Pagkatapos, “kayo ay matipon bilang isa,” wika ng Panginoon.
Pagkatapos ay tinugon ng Panginoon ang isang tanong na bumabagabag sa Kristiyanismo sa loob ng maraming siglo: ang Simbahan ba ni Cristo ay isang maayos at awtorisadong institusyon o isang patuloy na pagkakaloob ng Espiritu at ng mga kaloob nito? Kumbinsido ang ilan sa mga esprituwal na kaloob, at ang iba ay may salungat na reaksyon, inaalis ang paggabay ng Espiritu, at lubos na pinapaboran ang mahigpit na mga patakaran. Ang problemang ito ay naranasan noon sa Simbahan sa Ohio, at tumugon ang Panginoon dito sa pamamagitan ng ilang paghahayag, kabilang na ang Kanyang batas. Hindi nilayon ng batas na ang Simbahan ay maging napakaayos o malayang makasunod sa Espiritu; sa halip, iniutos nito na ang mga mangangaral ay ordenan ng mga tao na kilalang may awtoridad, na ituturo nila ang mga banal na kasulatan, at gagawin nila ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Muling isinaad at tinalakay sa iba pang bahagi ng batas ang tungkol sa mga kautusang inihayag kay Moises at naglakip ng mga pangako ng karagdagang paghahayag depende sa katapatan ng mga Banal sa natanggap na nila, kabilang ang pagbabahagi ng ebanghelyo.
“Paano,” napaisip ang mga elder, dapat nila mapapangalagaan ang “kanilang mga pamilya habang nagpapahayag sila ng pagsisisi o kaya’y nakikibahagi sa Paglilingkod sa Simbahan?” Sumagot ang Panginoon na makikita ngayon sa mga talata 70–73, pagkatapos ay ipinaliwanag pa sa mga paghahayag kalaunan na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 72:11–14 at 75:24–28. Ang konseptong ito ay nilinaw pa sa edisyong 1835 ng Doktrina at mga Tipan.
Kasama rin sa mga unang bersiyon ng batas ang maiikling sagot sa dalawang karagdagang tanong: Dapat bang may mga pakikipag-ugnayan sa negosyo ang Simbahan—lalo na sa pag-utang—sa mga tao sa labas ng Simbahan, at ano ang dapat gawin ng mga Banal para matulungan ang mga nagtitipon mula sa Silangan? Ang mga sagot ay hindi isinama sa huling mga bersiyon ng teksto, marahil dahil nasagot na ng Doktrina at mga Tipan 64:27–30 ang unang tanong, samantalang ang sagot sa pangalawa ay partikular sa isang nakaraang lugar at panahon na maaaring itinuring na hindi na mahalaga para sa mga susunod na henerasyon.
“Paano Kumilos sa mga Bahagi ng Aking Batas”
Sa buwan ding iyon (Pebrero 1831), natanggap ni Joseph ang paghahayag na naging Doktrina at mga Tipan 43, na nag-utos sa kanya na magdaos ng isang kapulungan upang “magturuan at patibayin ang bawat isa, upang malaman ninyo kung paano kumilos at pamahalaan ang aking simbahan, kung paano kumilos sa mga bahagi ng aking batas at mga kautusan, na aking ibinigay.” Isinaisip ang utos na iyon, pinulong ni Joseph ang pitong elder ng Simbahan upang mapag-usapan kung paano kikilos sa pagdidisiplina tungkol sa batas ng kalinisang-puri na inihayag sa batas at kung paano dapat ipatupad ng Simbahan ang batas sa mga sitwasyong mula sa pagpatay hanggang sa iba pang mga kasamaan. Ang mga karagdagang regulasyong ito ay idinagdag sa mga inilathalang bersiyon ng batas at ngayon ay binubuo ng talata 74–93 ng Doktrina at mga Tipan 42.
Ang batas, kasama ang binuong “Articles and Covenants” ng Simbahan (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 20), ay inorganisa ang mabilis na lumalagong Simbahan sa ilalim ng isang hanay ng mga regulasyon at pinagkaisa ang iba’t ibang kongregasyon sa kanilang pagtuturo at gawain. Ipinapakita nito kung paano inihayag, inihahayag, at ihahayag pa ng Panginoon ang Kanyang kalooban sa mga Banal. Mula sa paglilinaw sa mga bahagi ng batas na ibinigay kay Moises at pagtukoy kung paano ito dapat ipamuhay ng mga Banal noong 1831 sa kanilang kalagayan, hanggang sa pangako ng karagdagang paghahayag kung ninanais at kinakailangan sa hinaharap, ang buhay na dokumentong ito ay patuloy na nagsisilbing batas ng Simbahan ni Jesucristo.