“Nasaksihan ang Katapatan,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Nasaksihan ang Katapatan,” Konteksto ng mga Paghahayag
Nasaksihan ang Katapatan
Ang Biblia ay nagsasalaysay ng tungkol sa mga taong nakaranas ng kaguluhan at kapighatian. Sa Lumang Tipan, ang mga anak ni Israel ay kinaladkad palayo sa kanilang mga tahanan bilang mga bihag at inalipin sa malalayong lupain. Nang lumaon, ang tinubuang-bayan ng mga Israelita ay sinakop ng mga dayuhang makapangyarihan na namahala nang may kalupitan. Ang mga tao ay naghintay ng kaligtasan dahil isa sa mga dahilan ay alam nila kung ano ang pakiramdam ng isang alipin.
Ang karanasan ng hindi mabilang na mga itim na Aprikano sa nakalipas na limang siglo ay nagpakita ng kahalintulad na mga karanasan ng sinaunang mga Israelita. Mula sa unang bahagi ng siglong 1500 hanggang 1888, ang mga henerasyon ng mga itim na Aprikano ay kinuha mula sa kanilang mga tinubuang-bayan at inalipin sa Amerika. Sa unang bahagi ng siglong 1900, halos buong Africa ay sinakop na ng mga dayuhang makapangyarihan.
Sa magkabilang panig ng Atlantiko, ang pang-aalipin at imperyalismo ay humantong sa isang matinding pagkakahati ng populasyon sa pagitan ng mga puti at ng mga itim. Karaniwang itinuturing ng mga batas ang mga puting tao bilang higit na nakatataas. Matapos itatag ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 1830, tinanggap ng ilang itim na mga tao ang ipinanumbalik na ebanghelyo at ilan sa mga itim na kalalakihan ang inorden sa priesthood. Gayunpaman, ang umiiral na kultura na naghahati sa lahi noong panahong iyon at ang mga bantang pang-uusig sa labas ay nagdulot ng mga hamon sa integrasyon ng mga lahi sa Simbahan.
Simula noong dekada ng 1850, ang mga itim na mga miyembro ay pinaghigpitan sa lahat ng pakikilahok sa Simbahan at idineklara na hindi karapat-dapat na ordenan sa priesthood o tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Sa loob ng ilang henerasyon, maraming itim na Banal sa mga Huling Araw, tulad ng maraming itim na tao sa buong mundo, ang nagsisikap na magkaroon ng magandang buhay sa gitna ng mahihirap na kalagayan habang umaasa para sa magandang hinaharap.
Habang lumalawak ang Simbahan sa buong mundo sa loob ng ilang dekada pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dumami ang bilang ng mga itim na tao na nagbalik-loob sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa Africa at sa Amerika, isang bagong henerasyon ng mga pioneer na itim ang nagtiwala sa Panginoon na balang araw ay mabubukas ang daan para sa kanila upang sila ay lubos na makabahagi sa Simbahan. Bagama’t may mga palatandaan na nanghihikayat ng pagbabago sa saloobin ukol sa lahi sa loob at labas ng Simbahan, patuloy na lumaganap ang diskriminasyon sa lahi, at ang priesthood at ang limitasyon sa templo ay nanatili sa mga itim na mga Banal. Ang mga karanasan ng tatlong mag-asawa—Charlotte Andoh-Kesson at William Acquah sa Ghana, Helvécio at Rudá Tourinho Assis Martins sa Brazil, at Joseph at Toe Leituala Freeman sa Estados Unidos—ay makatutulong sa mga tao na maunawaan kung ano ang pakiramdam ng isang itim na Banal sa mga Huling Araw sa mga taon bago ang paghahayag noong 1978 na nagbigay ng mga pagpapala ng priesthood at ng templo sa mga miyembro ng Simbahan anuman ang kanilang lahi.
Charlotte Andoh-Kesson Acquah at William Acquah, Ghana
Noong bata pa si Charlotte Andoh-Kesson, siya ay dumalo sa isang simbahang Anglikano kasama ang kanyang mga magulang at 12 kapatid. Likas na relihiyosong tao, kabisado na ni Charlotte ang lahat ng mga himno at maging ang mga salita ng misa.
Noong mga 11 taong gulang si Charlotte, nakilala ng kanyang ina ang isang lokal na pastor na nagngangalang Joseph William “Billy” Johnson. Si Johnson ay naiiba sa ibang mga pastor—bukod sa Biblia, nangaral siya mula sa isa pang aklat ng banal na kasulatan na tinatawag na Aklat ni Mormon. Kinalakihan na ni Charlotte na marinig ang mga pangalan tulad ng Moroni, Nephi, at Ammon pati na rin ang mga pangalan tulad ng Moises at Mark. Kasabay ng mas lumang himno, inawit niya ang mga himno ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa Sion at sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Kung minsan, siya at ang iba pa mula sa kanyang simbahan ay naglalakbay papuntang dalampasigan upang makipagbuno sa Panginoon sa panalangin tulad ng ginawa ni Enos sa Aklat ni Mormon.
Ang kongregasyon na dinaluhan ni Charlotte ay nagtitipon sa isang sira-sirang gusali na may malaking siwang sa bubong, ngunit pinalamutian nila ang gusali ng isang estatwa ni anghel Moroni upang ipaalala sa kanila ang malalayong templo. Ilang miyembro ng kongregasyon ang nangarap at nagpropesiya tungkol sa isang araw na sila ay nakasuot ng puting damit, na nakatayo sa isang napakagandang templo sa Ghana. Gayunman, bago dumating ang araw na iyon, alam nila na ang mga kinatawan mula sa punong-tanggapan ng Simbahan ay kailangang pumunta at opisyal na gawin silang bahagi ng pandaigdigang Simbahan.
Noong 1978, ang taon na nagtapos sa kolehiyo si Charlotte, nadama niya na tila nasa pagitan siya ng iba’t ibang naghihilahang pwersa. Sa kabilang banda, lalong naging kumbinsido si Brother Johnson na darating ang araw na kikilalanin ng Simbahan na ang mga miyembro ay halos puti, na ang punong-tanggapan ay nasa Estados Unidos, ang mga kongregasyon ng mga itim na mga Banal sa mga Huling Araw sa Ghana, at pinangunahan niya ang maraming araw na pag-aayuno upang mapabilis ang pagdating nito. Kasabay nito, nagsimulang magdeyt sina Charlotte at William Acquah. Masayang tinanggap ni William ang mga kamag-anak at mga kaibigan ni Charlotte na mga Banal sa mga Huling Araw ngunit siya ay may pag-aalinlangan sa mga turo ng Simbahan, mapamintas sa hindi maayos na pisikal na pasilidad nito, at mapagduda sa mga puti, kabilang ang mga taong ipinagdarasal ng mga Banal sa mga Huling Araw ng Ghana na dumating sa kanilang bansa.
Helvécio Martins at Rudá Tourinho Assis Martins, Brazil
Noong unang bahagi ng dekada ng 1970, sina Helvécio at Rudá Martins ay naghahanap ng espirituwal na katotohanan sa Brazil. Sa paghihikayat ng pamilya ni Rudá, ang mag-asawa ay gumugol ng ilang taon sa pagsali sa isang relihiyon na pinaghalong mga tradisyon ng mga Aprikano, mga turo ng Katoliko, at espiritismo. Gayunpaman, unti-unti nilang nadama na hindi ito nakatutugon sa kanilang mga espirituwal na pangangailangan o nakapaglalapit sa kanila sa mga yumaong miyembro ng pamilya at mga ninuno
Noong 1972, dalawang misyonero na Banal sa mga Huling Araw ang kumatok sa kanilang pintuan. Interesado si Helvécio ngunit may mabigat na alalahanin. “Dahil ang inyong simbahan ay nakabase sa Estados Unidos, isang bansang may kasaysayan sa tunggalian ng lahi,” tanong niya, “paano tinatrato ng inyong relihiyon ang mga itim? Pinapayagan ba silang pumasok sa simbahan?”
Naalala ni Helvécio ang mas nakatatandang misyonero na “alumpihit sa kanyang upuan” habang sumasagot. Bago sumagot, hiniling ng mga misyonero na manalangin kasama sina Helvécio, Rudá, at ang mga bata. Pagkatapos ay isinalaysay nila ang tungkol sa Pagpapanumbalik at ipinaliwanag ang mga restriksyon sa priesthood at templo sa abot ng kanilang pang-unawa. Sapat na nasiyahan si Helvécio sa kanilang mga sagot para makatuon sa iba pa nilang mga bagong turo. Sa loob ng ilang buwan, na nahikayat ng “diwa ng mga mensahe … at ng pagmamahal ng mga miyembro” ng simbahan, nabinyagan sina Helvécio at Rudá. Sa panahong iyon, masaya nilang hinayaan ang ebanghelyo na mapabuti ang kanilang buhay at naghintay sila—marahil hanggang Milenyo—para sa ilang mga pagpapalang nauugnay sa priesthood.
Gayunman, makalipas ang halos isang taon pagkatapos ng kanilang binyag, nasorpresa ang pamilya Martins nang nakasaad sa kanilang patriarchal blessing na sila ay mabubuklod bilang isang pamilya at ang kanilang anak na si Marcus ay magmimisyon. Upang hindi sila mabigo, pinanghawakan nila ang kanilang pang-unawa na maghihintay sila sa gayong pagpapala hanggang sa pagbabalik ni Cristo. Kasabay nito, sa pagnanais na maging handa para sa anumang ipinlano ng Panginoon, nagbukas sila ng isang savings account para sa pagmimisyon ni Marcus.
Sa paglipas ng ilang taon, habang lumalago ang pamilya Martins sa Simbahan, ang mga miyembro ay nagbigay ng kanilang suporta—at kung minsan ay naasiwa na sa pagpapahayag ng simpatiya. Sa isang okasyon, sinabi ng isang bishop na nadama niya na ang pinakamalaking hamon ni Helvécio ay ang manatiling tapat sa Simbahan nang hindi inordenan sa priesthood. “Bishop,” tugon ni Helvécio, “nagpapasalamat ako kung ito ang aking pinakamalaking pagsubok.”
Noong 1975, inanyayahan sina Helvécio at Rudá na libutin ang lugar na pagtatayuan ng São Paulo Brazil Temple dahil sa tungkulin ni Helvécio bilang regional public relations director ng Simbahan. Sa kanilang paglilibot, kapwa napahinto sina Helvécio at Rudá sa isang dako na kalaunan ay napag-alaman nila na iyon ang lokasyon ng silid selestiyal. “Isang makapangyarihang diwa ang umantig sa aming mga puso,” paggunita ni Helvécio. “Niyakap namin ang isa’t isa at umiyak, na hindi ko talaga maintindihan kung bakit.”
Makalipas ang dalawang taon, sa seremonya ng paglalagay ng batong panulok ng templo, tinawag ni Pangulong Spencer W. Kimball si Hervécio sa kanyang tabi. “Brother Martins,” ipinayo niya, “ang kailangan mo ay katapatan. Manatiling tapat at matatamasa mo ang lahat ng mga pagpapala ng ebanghelyo.”
Ngunit paano matatanggap ng pamilya Martins ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo kung sila ay walang taglay na priesthood o hindi nakatanggap ng mga ordenansa ng templo? Nang sumunod na taon, si Marcus ay may kasintahan na miyembro ng Simbahan na malapit na niyang pakasalan na walang ninunong itim na Aprikano. Bagama’t sapat ang pagtitiwala niya sa mga pangako na ang lahat ng mga pagpapala ay makakamtan balang araw ng lahat ng miyembro, napakasakit isipin na ang inaasam-asam na makasal sa templo ay hindi mangyayari.
Joseph Freeman at Toe Leituala Freeman, Estados Unidos
Bago pa niya narinig ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sumumpa si Joseph Freeman na ilalaan niya ang kanyang buhay kay Cristo. Ang kanyang pamilya ay aktibo sa Holiness movement, at siya ay naging ministro na hindi sinuswelduhan. Noong 1972, nagpalista rin si Joseph sa hukbo ng militar at nadestino sa isang base sa Hawaii. Ang kanyang mga araw ay puno ng paglilingkod sa militar, habang ang kanyang libreng oras ay puno ng pangangaral at panalangin.
Ngunit nadama ni Joseph na para bang may kulang pa. Sa paghahanap ng patnubay, siya ay humiling ng isang linggong bakasyon, nagmaneho papunta sa isang liblib na bahagi ng isang dalampasigan, at nag-ayuno ng limang araw. “Literal akong nagsumamo sa Panginoon,” naalala ni Joseph, na malaman ko kung ano ang dapat na gawin upang magkaroon ng lakas at espirituwal na kapangyarihan na ituro ang ebanghelyo ayon sa nararapat na ituro.” Inihayag din niya ang kanyang pangalawang hiling: ang makahanap ng mapapangasawa na mamahalin ang Diyos gaya ng pagmamahal nito sa kanya.
Hindi nagtagal ay nasagot ang panalangin ni Joseph. Habang naglilibot sa Polynesian Cultural Center sa Laie, nakilala niya ang ilang Banal sa mga Huling Araw at napahanga siya sa kanilang mga kaalaman sa ebanghelyo. Lalo na, sa isang returned sister missionary na nagngangalang Toe Isapela Leituala na kanyang napagtanto na uri ng babae na matagal na niyang hinahanap. Sa pakikipag-usap sa kanyang mga bagong kaibigan, mga misyonero, at kay Toe, nakumbinsi si Joseph na natagpuan na niya ang ipinanumbalik na Simbahan ni Cristo. Siya ay nabinyagan noong ika-30 ng Setyembre 1973.
Bilang bagong miyembro, magkahalo ang damdamin ni Joseph tungkol sa lahi at sa Simbahan. Kinakabahan siya sa pagiging nag-iisang itim na miyembro sa kanyang ward. Bukod pa rito, ang restriksyon sa priesthood at sa templo ay nagsilbing balakid sa pagitan ng kanyang dalawang pinakaminimithing hangarin: hindi siya maaaring maging ministro sa Simbahan, at hindi rin siya maaaring magkaroon ng kasal na hinahangad niya. Si Toe, na nais na makasal sa templo, ay huminto sa pakikipagkita kay Joseph nang maramdaman niya na nagugustuhan na niya ito.
Nabagabag si Joseph na hindi siya makahanap ng basehan mula sa banal na kasulatan na tumutukoy sa dahilan ng restriksyon, na karamihan dito ay galing lamang sa mga haka-haka na may kinalaman sa premortal na buhay. Kasabay nito, nakatagpo siya ng kapanatagan sa pangako na balang araw, kahit sa Milenyo man lang, ang mga itim na kalalakihan ay magkakaroon ng priesthood. Ang aking konsepto ng Milenyo ay hindi tungkol sa isang malayong bagay na hindi kayang unawain,” paggunita ni Joseph. “Talagang nadama ko na hindi aabot ng maraming taon bago dumating ang ‘dakila at kakilakilabot na araw.’”
Kahit na may mga problemang naranasan bilang isang itim na tao sa Simbahan, nanatiling mapagpasalamat si Joseph sa ebanghelyo. “Sa bawat araw ang kaloob ng Banal na Espiritu Santo ay naging isang malaking mapagkukunan ng patnubay at kapayapaan at naging permanenteng bahagi ng aking buhay,” ang naalala niya. Hindi nagtagal matapos ang kanyang pagbabalik loob, mahirap para sa kanya na isipin kung paano siya namuhay nang wala ito.
Naging mahirap din para kay Toe na isiping mamuhay nang wala si Joseph. Bagama’t ang pagpapakasal kay Joseph ang hahadlang sa kanyang inaasam-asam na pagbubuklod sa templo, naramdaman niya na ipagpatuloy ang kanilang relasyon. Nagsimulang magdeyt ang dalawa at di-nagtagal ay kinausap nila ang kanilang bishop tungkol sa pagpapakasal. Unang ipinahayag ng bishop ang karaniwang alalahanin noon tungkol sa pagpapakasal ng magkakaibang lahi at kultura ngunit nangako na kung sila ay mag-aayuno at mananalangin, sasabihin sa kanila ng Espiritu Santo kung ano ang nararapat nilang gawin. Sina Joseph at Toe ay nag-ayuno, nanalangin, at nakadama ng pagpapatibay ng Espiritu sa kanilang pinili. Marami ang naghikayat sa kanila na wakasan ang kanilang relasyon, ngunit nanatili silang tapat sa sagot na kanilang natanggap. Sila ay ikinasal noong ika-15 ng Hunyo 1974.
Hindi nagtagal ay nabiyayaan ng anak ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa, at nagpasiya sina Joseph at Toe na iwanan ang militar. Lumipat sila sa Lunsod ng Salt Lake, kung saan nagkaroon sila ng maraming anak. Isa sa dahilan ng kanilang desisyon na manirahan sa Lunsod ng Salt Lake ay ang Genesis Group, isang panlipunan at espirituwal na grupo na itinataguyod ng Simbahan para sa mga itim na Banal. Sa kabuuan, natagpuan niya ang kanyang sarili na kuntento sa kanyang buhay sa Simbahan. Gayunman, nag-alala siya kung paano niya palalakihin ang kanyang mga anak na lalaki nang may sapat na pagpapahalaga sa sarili upang makayanan ang pagiging nag-iisang tao sa kanilang kabataan na hindi pinahintulutang tumanggap ng priesthood kasabay ng kanilang mga kaedad.
Ang Araw na Matagal nang Ipinangako
Habang dumarami ang mga kongregasyon ng mga mananampalataya sa Ghana at Nigeria at ang mga tao na tulad ng pamilya Martins at Joseph Freeman na sumapi sa Simbahan sa Amerika, nasaksihan ni Pangulong Spencer W. Kimball ang kanilang katapatan at lalong naging abala sa kung paano sila matutulungan na lumago sa kanilang pananampalataya. Sa isang okasyon, napaiyak siya sa isang liham mula kay Emmanuel Bondah, isang estudyante na nasa ika-anim na baitang sa Ghana, na humihingi ng sarili niyang kopya ng Aklat ni Mormon at ng tulong upang maging “isang dalisay na Mormon.”
Pagsapit ng unang bahagi ng 1978, si Pangulong Kimball ay regular na nananalangin sa templo para sa paghahayag tungkol sa pagbibigay ng ordinasyon sa priesthood at mga pagpapala ng templo sa mga itim na miyembro ng Simbahan. Tinalakay niya nang mahaba sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at sa mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa paksa at inanyayahan sila na pag-aralan at ipanalangin ito.
Noong ika-1 ng Hunyo 1978, nakipagpulong si Pangulong Kimball sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol sa templo. Muli niyang hiningi ang kanilang kaisipan at payo tungkol sa restriksyon at pagkatapos ay nanalangin para sa paghahayag. “Nagkaroon na ako noon ng ilang kahanga-hangang espirituwal na karanasan,” paggunita ni Elder Bruce R. McConkie, “… ngunit hindi kasinlaki ng kahalagahan nito. Agad na nalaman at nadama ng lahat ng Kapatid sa kanilang mga kaluluwa ang sagot sa pagsusumamo ni Pangulong Kimball.” Makalipas ang isang linggo, nagpadala ang Unang Panguluhan ng mensahe sa mga lider ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo na nagpapahayag na inalis na ang restriksyon. Ang pahayag na ito ay kinilala at tinanggap kalaunan na banal na kasulatan bilang Opisyal na Pahayag 2 sa Doktrina at mga Tipan.
Kinabukasan pagkatapos ng anunsyo, nakatanggap si Joseph Freeman ng tawag sa telepono mula sa kanyang bishop. Tamang-tama, ang kanilang stake conference ay gaganapin sa katapusan ng linggong iyon: si Joseph ay ininterbyu, sinang-ayunan, at noong ika-11 ng Hunyo 1978, ay naging kauna-unahang lalaking itim na inorden sa Melchizedek Priesthood pagkatapos ng paghahayag. Sa wakas, magagawa na niyang maglingkod nang may awtoridad na kanyang ipinagdasal na mahanap. Makalipas ang dalawang linggo, dinala nina Joseph at Toe ang kanilang mga anak sa templo. Habang nakaluhod ang pamilya nina Joseph at Toe sa altar, binigkas ni Elder Thomas S. Monson ang mga salita ng ordenansa at pagkatapos ay ibinuklod sila sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan.
Para sa pamilya Martins sa Brazil, ang balita ang nagbunsod sa kanilang anak na si Marcus na ipagpaliban muna ang kanyang kasal upang makapaglingkod sa misyon na binanggit sa kanyang patriarchal blessing at magamit ang naipon ng kanyang mga magulang para rito. Pagkatapos maorden bilang elder, kasama si Helvécio na tumayo pabilog upang ordenan si Marcus sa parehong katungkulan. “Pakiramdam ko ay sasabog ako sa tuwa,” paggunita ni Helvécio. Makalipas lamang ang ilang linggo, binigyan niya ng basbas ng priesthood ang anak ng kanyang kasambahay at nasaksihan ang mahimalang paggaling ng bata. Noong Nobyembreng iyon, nagbukas ang São Paulo Brazil Temple at ang pamilya Martins—kabilang si Marcus, na nagmimisyon sa São Paulo, Brazil—ay nabuklod.
Sa Ghana, ang paghahayag tungkol sa priesthood ay nagbukas sa wakas ng daan para sa mga misyonero na makapunta roon at opisyal na mag-organisa ng kongregasyon doon. Para sa mga miyembrong tulad ni Charlotte, ito ay isang malinaw na sagot sa pinalawig na pag-aayuno at maraming panalangin ng lokal na mga Banal. Ang kanyang asawang si William ay hindi gaanong napahanga. Sa kanyang mga napag-aralan, nawalan siya ng tiwala sa mga puti at sa kanilang mga sanaysay tungkol sa kasaysayan at pananampalataya. Ang kanyang personal na pakikipag-ugnayan sa mga puti ay nakaragdag lamang sa kawalan niya ng pagtitiwala, at nag-alinlangan sa maaaring idulot na anumang kabutihan ng mga puting misyonero sa kanyang bansa.
Gayunpaman, nagulat siya sa tunay na naranasan niya. Isang mag-asawang senior missionary, sina Reed at Naomi Clegg, ang nagdala sa kanya ng ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang mga gawa at salita. Sila ay mabait at tapat. Hindi lamang nila itinuro na ang lahat ng tao ay mga anak ng Diyos kundi ipinakita rin nila ang paggalang sa lahat ng kanilang nakilala. “Tinanggap nila ako sa paraang hindi ako tinanggap ng sinumang puti,” paggunita ni William. Nang mapawi ang hindi niya pagtitiwala tungkol sa mga sugong puti, hindi nagtagal ay nadama ni William na ang mensahe ng ebanghelyo ay malalim na tumimo sa kanyang puso. Siya ay nabinyagan, inorden sa priesthood, at tumulong sa pagtatayo ng Simbahan sa Ghana mula sa maliliit na simula nito hanggang sa araw noong 2004 nang matupad ang mga pangitain ng mga unang miyembro at nagkaroon ng sariling templo ang Ghana.
Pagsulong nang may Pananampalataya
Tulad ng sinabi ni Helvécio Martins sa kanyang bishop noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, ang restriksyon sa priesthood at templo ay isa sa maraming pagsubok sa buhay ng mga itim na miyembro. Bilang karagdagan sa kanilang sariling mga personal na pagsubok, marami ang dumanas at patuloy na dumaranas ng mga hindi pagkakaunawaan at pagkiling sa kultura, maging sa kanilang sariling mga ward o branch. At ang mga miyembro ng lahat ng lahi ay nahihirapang maunawaan ang restriksyon.
Dahil nawakasan ng paghahayag ang restriksyon, ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo ay nakaranas ng tunay at makabuluhang pakikisalamuha sa kanilang kapwa mga Banal. Sa pamamagitan ng home at visiting teaching, mga tungkulin sa Simbahan, paglilingkod, at pakikipagkapatiran, ang mga miyembro na may iba’t ibang lahi ay kadalasang labis na napalapit sa buhay ng isa’t isa. Ang mga miyembro ay natututo mula sa bawat isa, pinapayuhan ang isa’t isa, at nagkakaroon ng mga oportunidad na mas mapalawak pa ang kanilang pag-unawa sa mga pananaw at karanasan ng bawat isa.
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nakikipagbuno pa rin sa mga problema na nalikha ng pang-aalipin, kolonisasyon, paghihinala, at pagkakahati-hati sa loob ng maraming siglo. Ngunit ang pakikipagkapatiran sa Simbahan ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na maging mga tao na may isang puso at isang isipan habang sila ay naglilingkod sa isa’t isa nang may pagmamahal. Habang sumusulong sila nang may pagpapakumbaba at pananampalataya, nakatagpo ng paggaling at lakas ang mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ni Jesucristo, ang Tagapagligtas nating lahat.