Kasaysayan ng Simbahan
Misyon sa Canada


“Misyon sa Canada,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Misyon sa Canada,” Konteksto ng mga Paghahayag

Misyon sa Canada

D&T 100

Noong taglagas ng 1833, isang 54-na-taong-gulang na miyembro ng Simbahan na nagngangalang Freeman Nickerson ang naglakbay patungong Kirtland, Ohio, sakay ng isang bagon at hinanap si Joseph Smith. Si Nickerson at ang kanyang asawa, si Huldah, ng Perrysburg, New York, ay nabinyagan ilang buwan na ang nakalipas. Hiniling ni Nickerson sa Propeta na maglakbay ito kasama niya patungo sa Mount Pleasant, Upper Canada, upang ipangaral ang ebanghelyo sa dalawa sa kanyang mga anak na lalaki, sina Moses at Eleazer Freeman. Ang Mount Pleasant ay isang maliit na nayon na mga 100 milya sa kanluran ng Buffalo, New York, sa pagitan ng Lake Erie at Lake Ontario.

Ginunita kalaunan ni Moses Nickerson na hinikayat niya ang kanyang ama para sa kahilingang ito: “Noong buwan ng Hunyo [1833], habang bumibisita sa tahanan ng aking mga magulang, narinig [ko] sa unang pagkakataon ang kilala noon bilang Mormonismo; maganda ang naramdaman ko sa doktrinang ipinangaral, at hiniling ko sa aking mga magulang na padalawin ang mga elder sa amin sa Canada. … Noong buwan ng Setyembre ng taong ito, 1833, binisita ng aking ama at ina ang Kirtland, Ohio, ang punong-tanggapan ng mga taong ito, at hinikayat sina Joseph Smith at Sidney Rigdon na samahan sila papunta sa Canada.”

Ang Mahalagang Alalahanin ni Joseph

Noong Setyembre 1833, si Joseph Smith ay nakatira sa Kirtland kasama ang kanyang asawang si Emma, at dalawang maliit na anak—sina Julia, edad 2; at Joseph III, na mahiyain sa kanyang unang kaarawan. May apat silang anak na pumanaw noon. Ang Propeta, na 27 taong gulang, ay nangaral ng mensahe ng ebanghelyo sa maraming naunang paglalakbay ngunit hindi pa naglingkod hanggang sa panahong ito sa mas pormal na proselytizing mission.

Dalawa ang lubos na inaalala ng Propeta sa panahong ito na maaaring dahilan upang maging mahirap para sa kanya na lisanin ang kanyang tahanan at pamilya sa loob ng mahabang panahon. Noong ika-9 ng Agosto 1833, nalaman niya na naantala nang husto ang mga gawain ng Simbahan sa pagtatayo ng lunsod ng Sion sa Independence, Jackson County, Missouri. Sapilitang napapayag ng mga mandurumog ang mga miyembro ng Simbahan na lisanin ang Jackson County noong tagsibol ng 1834. Si Joseph ay direktang sumulat sa nagdurusang mga Banal sa Missouri: “Mga kapatid kung nariyan ako kasama ninyo ako ay lubos na makikibahagi sa inyong mga pagdurusa & bagama’t ang likas na tao ay nagnanais nang sumuko gayunpaman hindi hahayaan ng aking espiritu na talikuran kayo kahit ako ay mamatay tulungan nawa ako ng Diyos O magalak dahil ang ating katubusan ay nalalapit na O Diyos iligtas po Ninyo ang aking mga Kapatid sa Sion.”

Samantala, nahaharap din si Joseph sa nagbabantang panganib na malapit sa kanyang tahanan. Isang dating miyembro ng Simbahan na nagngangalang Doctor Philastus Hurlbut, matapos matiwalag noong Hunyo 1833 dahil sa imoral na pag-uugali, ay nagpasimula ng isang agresibong kampanya na siraan si Joseph at ang Simbahan. Kabilang sa kanyang paraan ang pagpukaw sa pang-uusig sa kanilang lugar, naglalakbay sa iba’t ibang lugar upang mangalap ng mga pahayag na bumabatikos kay Joseph, at pinagbantaan ang buhay ni Joseph. Ang mga natitirang tala ng Propeta mula sa panahong ito ay nagpapakita ng matinding pagkabalisa tungkol sa mga ginagawa ni Hurlbut. Sa isang liham noong Agosto 1833 sa mga miyembro sa Missouri, ibinahagi niya na si Hurlbut ay “napakahusay magsinungaling at maraming tao ang sumusunod sa kanya at nagbibigay sa kanya ng pera para sirain ang mormonismo na lubhang mapanganib sa ating buhay.” Sa isang tala sa journal makalipas ang ilang buwan, isinaad ng Propeta na si Hurlbut ay “naghangad na wasakin ang mga banal sa lugar na ito at lalung-lalo na ako at ang aking pamilya.” Ang sitwasyon ay nakakatakot at ang kahihinatnan nito ay walang katiyakan.

Isang Panalangin para sa Kapanatagan

Sa kabila ng mga alalahaning ito, tinanggap ni Joseph ang paanyaya ni Nickerson na ipangaral ang ebanghelyo sa kanyang mga kamag-anak sa Canada, at pumayag si Sidney Rigdon na samahan sila. Simpleng isinulat ni Joseph sa journal noong ika-4 ng Oktubre: “Naghahandang magtungo sa Silangan kasama si Freeman Nickerson.” At noong ika-5 ng Oktubre: “Nagsimula kaming Maglakbay sa araw na ito patungo sa Silangan.” Ang isang-buwang misyon sa hilagang-kanlurang Pennsylvania at timog-kanlurang New York at papunta sa kilala ngayon bilang ibabang Ontario, Canada, ay lalakbayin ng mga 500 milya nang balikan at kabilang ang paghinto sa 10 bayan, na nangangaral sa marami sa kanila. Dinala ng Propeta ang kanyang maliit na journal na naibubulsa, at naghalinhinan sila ni Sidney sa pagsulat ng maiikling tala tungkol sa kronolohiya ng kanilang mga paglalakbay at kanilang pangangaral.

Noong ika-12 ng Oktubre, tumawid ang maliit na pangkat sa hilagang-kanlurang dako ng Pennsylvania sa New York at nakarating sa tahanan nina Freeman at Huldah Nickerson sa Perrysburg. Isinulat ni Joseph Smith na nakadama siya ng “katatagan” sa kanyang isipan ngunit siya ay “labis na nag-aalala” sa kanyang pamilya, marahil ang isang dahilan ay ang pang-uudyok ni Hurlbut na nagdulot ng kaguluhan sa Kirtland. Ang pag-aalalang iyon marahil ang dahilan kaya nanalangin sina Joseph at Sidney para mapanatag. Isang paghahayag sa araw na iyon (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 100) ang nagsabing, “Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo, aking mga kaibigang Sidney & Joseph, ang inyong mga mag-anak ay nasa mabuting kalagayan; sila ay nasa aking mga kamay, at aking gagawin sa kanila kung ano ang inaakala kong mabuti; sapagkat sa akin naroon ang lahat ng kapangyarihan.” Ang pag-aalala ng Propeta ay tila hindi lubos na napawi—kinabukasan ay hiniling niya sa Panginoon na “pagpalain ang [kanyang] pamilya at pangalagaan sila”—ngunit malinaw na nakadama siya ng kapanatagan sa mga salitang iyon, tulad ng makikita sa nakatala sa kanyang journal na isinulat niya nang makauwi siya sa Kirtland noong ika-4 ng Nobyembre pagkatapos ng misyon: “Nadatnan ko ang aking pamilya na nasa mabuting kalagayan alinsunod sa pangako ng Panginoon. sa mga pagpapalang iyon ay nais kong pasalamatan ang kanyang banal na pangalan; Amen.”

Tinalakay sa paghahayag noong ika-12 ng Oktubre ang dalawa pang bagay. Nalalaman na “Ako, ang Panginoon, ay pinayagan kayong magtungo sa lugar na ito; sapagkat sa gayon ito kapaki-pakinabang sa akin para sa kaligtasan ng mga kaluluwa,” ipinangako ng Panginoon kina Joseph at Sidney na “isang pintuan ang bubuksan sa mga lugar sa paligid dito sa silangang lupain.” Kung ang mga misyonero ay “ita[ta]as” ang kanilang mga tinig nang may “kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan” at ihahayag ang mga salita ng Diyos na ilalagay sa kanilang mga puso, ang “Espiritu Santo ay ibubuhos sa pagpapatotoo sa lahat ng bagay anuman” ang sabihin nila. Ang paghahayag ay nagbigay rin ng katiyakan kina Joseph at Sidney na ang Sion ay “tutubusin, bagaman siya ay parurusahan sa maikling panahon.”

Sa Pagdating sa Mount Pleasant

Noong ika-18 ng Oktubre, dumating ang grupo sa kanilang destinasyon sa maliit na nayon ng Mount Pleasant, Upper Canada. Nagbigay si Sidney Rigdon ng mga detalye sa journal ni Joseph Smith: “Nakarating kami sa tahanan ni [Eleazer] Freeman Nickerson sa upper Canada matapos kaming pumasok sa Canada at makita ang isang napakaganda at maunlad na bansa at nakadama ng maraming kakaibang damdamin na may kaugnayan sa bansa at mga tao na malugod kaming tinanggap.”

Ginugol nina Joseph at Sidney ang sumunod na isang linggo at kalahati sa pangangaral sa Mount Pleasant at ilang karatig na nayon hanggang sa malaki at masigasig na mga kongregasyon. Ang journal ng Propeta ay tila naglalarawan ng pangangailangan sa mabilis na pagkilos at kasigasigan na nauugnay sa kanilang abalang iskedyul. Noong ika-24 ng Oktubre, matapos magdaos ng pulong sina Joseph at Sidney sa Mount Pleasant, si Eleazer Freeman Nickerson ay “nagpahayag ng kanyang buong paniniwala sa katotohanan ng gawain.” Siya, nakasulat sa journal, “kasama ang kanyang asawa na nahikayat din na magpabinyag sa araw ng Linggo, nanaig ang matinding kagalakan sa lahat ng lugar kung saan kami naroon.” Noong Linggong iyon, ika-27 ng Oktubre, labindalawang indibiduwal ang nabinyagan. Dalawa pa ang nabinyagan sa sumunod na araw. Kabilang sa mga nabinyagan ay si Eleazer Freeman Nickerson, ang kanyang asawang si Eliza, at si Moses Nickerson.

Noong gabi ng ika-28 ng Oktubre, idinaos ng mga misyonero ang kanilang huling pulong kasama ang kanilang maliit na grupo sa Mount Pleasant. Sa journal ng Propeta kinabukasan, isinulat ni Sidney Rigdon: “Nagdaos ng pulong kagabi. Inordenan si kapatid na E[leazer] F[reeman] Nickerson sa katungkulang Elder at nagkaroon kami ng magandang pulong. Natanggap ng isa sa kababaihan ang kaloob na wika na nagpasaya sa mga banal. Nawa’y dagdagan ng Diyos ang mga kaloob sa kanila para sa kanyang mga anak na lalaki. Sa umagang ito, papauwi na kami sa aming tahanan. Nawa’y pagpalain ng Panginoon ang aming paglalakbay.Amen.” Bumalik sina Joseph at Sidney sa pamamagitan ng pagtawid sa Lake Erie at nakarating sa Kirtland noong ika-4 ng Nobyembre.

Pagkaraan ng dalawang linggo, nagpadala ng isang liham si Joseph Smith kay Moses Nickerson upang ipaalam sa kanya na nakauwi siya nang ligtas at iparating ang kanyang nadarama para sa bagong branch sa Mount Pleasant. “Aasahan ko na sasagutin mo ito pagkatanggap mo nito, at umaasang bibigyan mo ako ng impormasyon hinggil sa mga kapatid, sa kanilang kalusugan, pananampalataya, &bp.,” isinulat ni Joseph. Isinulat pa niya: “Talagang masasabi ko, nang may labis na kataimtiman na ako ay tinawag ng Panginoon para sa ating mga kapatid sa Canada. At kapag naiisip ko ang kahandaan nilang tanggapin ang salita ng katotohanan sa pamamagitan ng ministeryo namin ni bro. Sidney, talagang nakadarama ako ng malaking obligasyon na magpakumbaba ng aking sarili upang magpasalamat sa kanyang harapan.”

Pagkatapos ay nakiusap si Joseph kay Nickerson na manatiling tapat sa kanyang bagong mga paniniwala: “Alalahanin mo ang patotoong aking pinatotohanan sa pangalan ng Panginoong Jesus, hinggil sa dakilang gawaing kanyang inihayag sa mga huling araw. Alam mo ang paraan ng aking pakikipag-ugnayan, kung paanong sa kahinaan at kasimplehan ay ipinahayag ko sa iyo ang inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod ng kanyang mga banal na anghel sa akin, para sa salinlahing ito. Dalangin ko na tulungan ka ng Panginoon na pagyamanin ang mga bagay na ito sa iyong isipan; sapagkat nalalaman ko na ang kanyang Espiritu ay magpapatotoo sa lahat ng masigasig na naghahangad ng kaalaman mula sa kanya. Umaasa ako na sasaliksikin mo ang mga banal na kasulatan, upang makita kung ang mga bagay na ito ay hindi rin naaayon sa mga bagay na isinulat ng mga sinaunang propeta at apostol.”

Ang kongregasyon sa Mount Pleasant ay patuloy na lumago matapos umalis sina Joseph at Sidney. Noong Disyembre 1833, naiulat na mayroong nang 34 na miyembro doon. Ang kongregasyon ay maaaring umabot ng hanggang 50 sa susunod na ilang taon. Kalaunan, karamihan sa mga mananampalataya roon ay nandayuhan upang sumama sa mga Banal sa Estados Unidos o tumalikod sa Simbahan.

Si Freeman Nickerson, ang lalaking naglakbay patungong Kirtland upang hilingin sa Propeta na mangaral sa kanyang mga anak na lalaki, ay nakibahagi sa ekspedisyon ng Kampo ng Sion noong 1834 (dalawang anak na lalaki, sina Uriel at Levi, ang kasama niya), sumama sa mga Banal sa Nauvoo, at pumanaw noong unang bahagi ng 1847 sa Teritoryo ng Iowa sa pandarayuhan pakanluran.

Sina Moses Nickerson at Eleazer Freeman Nickerson ay sumama sa mga Banal sa kanlurang Estados Unidos sa huling bahagi ng dekada ng 1830, ngunit kapwa sila bumalik sa Canada noong unang bahagi ng dekada ng 1840. Si Eleazer, na namatay noong 1862, ay tila patuloy na itinuturing ang kanyang sarili na isang Banal sa mga Huling Araw. Si Moses ay naugnay sa dalawang iba pang sekta bago siya pumanaw noong 1871. Sa isang nakaaantig na alaala na isinulat sa huling bahagi ng kanyang buhay, nagpahayag siya ng paghanga kay Joseph Smith, na nakilala niya nang bumisita siya sa Nauvoo noong unang bahagi ng dekada ng 1840: “Dito ay nakita ko si Joseph Smith na nakatira sa isang tolda, matapos ibigay ang kanyang bahay bilang ospital para sa mga maysakit! Ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para maibsan ang kanilang mga pagdurusa.”

Ang misyon ni Joseph Smith sa Canada ay nagbukas ng “isang pintuan” para sa pangangaral ng ebanghelyo at pagliligtas ng mga kaluluwa nang mahigit sa isang paraan. Noong 1836, naglakbay si Apostol Parley P. Pratt patungo sa Upper Canada upang ipangaral ang ebanghelyo doon. Sa kanyang paglalakbay, sinamahan si Pratt ng kanyang kapatid na si Orson at ni Eleazer Freeman Nickerson. Sa Hamilton, Upper Canada, nakilala ni Parley P. Pratt si Moses Nickerson. Binigyan ni Moses si Pratt ng isang liham na nagpapakilala sa isang taong naghahanap ng relihiyon mula sa Toronto na nagngangalang John Taylor.

  1. Tingnan sa Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 5–18, josephsmithpapers.org; tingnan din sa “Nickerson, Freeman,” josephsmithpapers.org; Richard E. Bennett, “A Study of the Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in Upper Canada, 1830–1850” (master’s thesis, Brigham Young University, 1975), 42; “Mount Pleasant, Upper Canada,” josephsmithpapers.org. Ipinahahayag ng awtor ang kanyang pasasalamat kina Melissa Rehon Kotter at Shannon Kelly para sa tulong nila sa pagsasaliksik ng artikulong ito.

  2. Moses Nickerson, “Autobiography of Moses C. Nickerson,” True Latter Day Saints’ Herald, tomo 17, blg. 14 (Hulyo 15, 1870), 425; hindi malinaw mula sa mga naunang source kung si Huldah ay nagpunta sa Kirtland at pagkatapos ay sinamahan ang grupo sa misyon sa Canada.

  3. Tingnan sa “Joseph Smith Pedigree Chart,” josephsmithpapers.org.

  4. Tingnan sa Joseph Smith postscript, “Letter to Church Leaders in Jackson County, Missouri, 10 August 1833,” 2, josephsmithpapers.org.

  5. Tingnan sa Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 45.

  6. “Letter to Church Leaders in Jackson County, Missouri, 18 August 1833,” 3, josephsmithpapers.org.

  7. Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 50.

  8. Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 5.

  9. Tingnan sa Richard Lloyd Anderson, “Joseph Smith’s Journeys,” sa 2006 Church Almanac (Salt Lake City: Deseret News, 2005), 141–42.

  10. Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 7.

  11. “Revelation, 12 October 1833 [D&C 100],” 1, josephsmithpapers.org; ang pagbabantas ay iniayon sa pamantayan; tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:1.

  12. Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 8.

  13. Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 18.

  14. “Revelation, 12 October 1833 [D&C 100],” 1–2, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 100:3–5, 7–8, 13.

  15. Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 9; ang pagbabaybay ay iniayon sa pamatayan.

  16. Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 13–14, 16–17; tingnan din sa Craig James Ostler and William Goddard, “A Brief Descriptive History of the Mormons in Mount Pleasant,” sa Regional Studies in Latter-day Saint Church History: Ohio and Upper Canada, mga pat. Guy L. Dorius, Craig K. Manscill, at Craig James Ostler (Provo, Utah: Religious Studies Center, Brigham Young University, 2006), 125–57.

  17. Tingnan sa Susa Young Gates [Homespun, pseudonym], Lydia Knight’s History: The First Book of the Noble Women’s Lives Series (Salt Lake City: Juvenile Instructor Office, 1883), 22; tingnan din sa Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” 18.

  18. “Letter to Moses Nickerson, 19 November 1833,” sa Letterbook 1, 64–65, josephsmithpapers.org.

  19. M. C. Nickerson letter to the editor, Evening and the Morning Star, tomo 2, blg. 17 (Peb. 1834), 134.

  20. Tingnan sa Bennett, “Study of the Church,” 75.

  21. Tingnan sa Ostler and Goddard, “A Brief History.”

  22. “Nickerson, Freeman,” josephsmithpapers.org.

  23. “Nickerson, Eleazer Freeman,” josephsmithpapers.org.

  24. “Nickerson, Moses Chapman,” josephsmithpapers.org.

  25. Moses Nickerson, “Autobiography of Moses C. Nickerson,” 426; italics sa orihinal.

  26. Tingnan sa Parley P. Pratt, The Autobiography of Parley Parker Pratt; One of the Twelve Apostles of The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints (Chicago: Law, King, and Law, 1888), 142, 145–46; Tinukoy ni Pratt na isang “Brother Nickerson” ang kompanyon niya sa paglalakbay, na si Nickerson ay may tahanan sa Canada, at na isa pang tao ang nagbigay sa kanya ng kaunting pera at isang liham na nagpapakilala kay John Taylor. Tingnan din sa Parley P. Pratt letter to the editor, Latter Day Saints’ Messenger and Advocate, tomo 2, blg. 8 (Mayo 1836), 319, kung saan tinukoy ni Pratt ang kanyang kasama sa paglalakbay bilang sina “O. Pratt at F. Nickerson.” Habang nakatira si Eleazer Freeman Nickerson sa Canada sa panahong ito (at kung minsan ang gamit ay ang kanyang gitnang pangalan), at dahil nakatira si Freeman Nickerson (ang ama) sa Estados Unidos, marahil si Eleazer Freeman ang tinutukoy na “F. Nickerson” ni Pratt (tingnan sa “Nickerson, Freeman” at “Nickerson, Eleazer Freeman,” josephsmithpapers.org). Tinukoy ni John Taylor na ang lalaking nagbigay ng liham ng pagpapakilala ay si Moses Nickerson (tingnan sa “John Taylor, autobiography, 1858,” sa “Historian’s Office histories of the Twelve, 1856–1858, 1861,” Church History Library, Salt Lake City).