“Pagtatatag ng Simbahan sa Nauvoo,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Pagtatatag ng Simbahan sa Nauvoo,” Konteksto ng mga Paghahayag
Pagtatatag ng Simbahan sa Nauvoo
Isang Lugar na Pagtitipunan
Matapos sapilitang paalisin mula sa kanilang mga tahanan sa hilagang Missouri, ang mga Banal ay nagsitakas patungo sa silangan ng Mississippi, nanirahan noong taglamig ng 1838–39 sa iba’t ibang pamayanan sa tabi ng ilog sa Iowa Territory at Illinois, kasama ang napakalaking bilang ng mga Banal na nagtipon sa loob at sa paligid ng Quincy, Illinois. Dahil sa sitwasyon na nagtulak sa kanila na hindi na umasa na maibabalik agad sa kanila ang kanilang lupain sa Sion sa Jackson County, Missouri, ang mga lider ng Simbahan ay naghanap ng bagong sentro ng pagtitipon para sa mga Banal. Pagsapit ng tag-init noong 1839, binili nila ang lugar ng Commerce sa Hancock County, Illinois, at ang malalawak na lupain sa kabilang ibayo ng ilog sa Teritoryo ng Iowa. Ang Commerce ay pinili bilang bagong lugar ng pagtitipon, at kaagad na binago ng mga Banal ang pangalan ng kanilang bagong lunsod at pinangalanang Nauvoo.
Dahil natuto na mula sa naranasang pagpapalayas sa kanilang mga tahanan unang-una sa Jackson County, Missouri, at sa huli sa Caldwell, Daviess, at Ray Counties sa hilagang Missouri, determinado ang mga Banal na gamitin ang mga kapangyarihan ng pamahalaan. Sinimulan nila ang pagtatayo ng isang lunsod sa kanilang bagong tahanan sa Illinois kung saan malaya nilang magagamit ang mga karapatan nila sa relihiyon nang may proteksyon ng batas.
Noong ika-16 ng Disyembre 1840, si Gobernador Thomas Carlin ng Illinois at ang lehislatura ng Illinois, na naghangad sa una na makuha ang mga boto ng malaking bilang ng mga refugee na Banal sa mga Huling Araw mula sa Missouri at napoot sa kalupitang dinanas ng mga Banal sa kamay ng kanilang kapwa mga taga-Missouri, ay pinagtibay bilang isang batas ang “An Act to Incorporate the City of Nauvoo.” Ang charter na ito ay nagbigay ng malawak na legal na kapangyarihan sa mga mamamayan ng Nauvoo, kabilang, sa iba pang mga kapangyarihang iyon, ang pag-organisa ng sariling lehislatibong lupon upang gumawa ng mga batas sa loob ng lunsod, ang kapangyarihang bumuo ng Nauvoo Legion bilang isang grupo sa loob ng militia ng estado, at awtoridad na magtayo ng isang unibersidad sa loob ng lunsod. Sa panahong sinisikap ng mga Banal na makamtan ang charter ng kanilang lunsod, hinangad din nila na isama ang Simbahan sa estado ng Illinois, na si Joseph Smith ang tagapangasiwa. Sa konteksto ng mga pagsisikap na ito na magtayo ng isang bagong lunsod para sa mga Banal sa tabi ng pampang ng Mississipi, tumanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag noong ika-19 ng Enero 1841, na tinutukoy ang Nauvoo bilang lunsod ng templo at bagong lugar ng pagtitipon, nagbibigay ng mga tagublin sa mga lider ng Simbahan, at sa pagtatatag ng organisasyon ng Simbahan sa Nauvoo. Ang paghahayag na ito ay matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 124.
Ang mga Bahagi ng Doktrina at mga Tipan tungkol sa Nauvoo
Bagama’t ang karamihan sa mga salaysay ng mga sermon ni Joseph Smith sa publiko ay mula sa panahon ng kasaysayan ng Simbahan sa Illinois, hindi talaga ganito sa mga talaan ng kanyang mga paghahayag. Sa kasalukuyang edisyon ng Doktrina at mga Tipan, ang 135 na bahagi ay isinulat noong panahong buhay si Joseph Smith, at siyam lamang sa mga bahaging iyon ang naisulat mula sa limang taon na nakatira ang Propeta sa Nauvoo. Sa 110 bahagi na kinilala at tinanggap bilang banal na kasulatan noong panahong buhay si Joseph Smith (yaong mga kasama sa 1844 edisyon ng Doktrina at mga Tipan), tatlong bahagi lamang ang mula sa panahon ng Illinois.
Kumpara sa siyam na kinilala at tinanggap sa kasalukuyang bilang bahagi ng Doktrina at mga Tipan na isinulat sa mga taon na nasa Illinois si Joseph Smith ay nagtatampok sa kahalagahan ng paghahayag na natanggap noong ika-19 ng Enero 1841. Ang Doktrina at mga Tipan 125, isang maikling paghahayag na natanggap noong Marso 1841, ay tungkol sa pagtatatag ng Zarahemla stake sa kabila ng Ilog Mississippi River, sa Teritoryo ng Iowa. Ang sumunod na nakatalang paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 126) ay natanggap noong Hulyo 1841 at naglalaman ng personal na tagubilin kay Brigham Young hinggil sa kanyang paglilingkod bilang misyonero. Ang Doktrina at mga Tipan 127 at 128 ay mga liham ng tagublin noong Setyembre 1842 sa mga Banal sa Nauvoo mula kay Joseph Smith, na naglalarawan, bukod sa iba pang mga bagay, ng alituntunin ng pagbibinyag para sa mga patay. Ang dalawang liham na ito, na isinulat habang nagtatago si Joseph Smith at pinahalagahan ng mga Banal bilang inspiradong pakikipag-ugnayan mula sa kanilang propeta na malayo sa kanila ay, kasama ang Doktrina at mga Tipan 124, ang tanging mga paghahayag o tagubilin mula sa panahon ng Illinois na kinilala at tinanggap bilang mga banal na kasulatan sa panahon ng buhay ng Propeta.
Ang susunod na tatlong bahagi ng kasalukuyang Doktrina at mga Tipan—mga bahagi 129, 130, at 131—ay naglalaman ng mga sipi mula sa mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong 1843 sa Nauvoo (bahagi 129) at sa maliit na bayan ng Ramus, Illinois (mga bahagi 130 at 131). Ang bahagi 132 ay may kinalaman sa maramihang pag-aasawa at selestiyal na kasal, at, bagama’t isinulat noong 1843, ang ilang bahagi nito ay batid ni Joseph Smith bago siya dumating sa Nauvoo. Bukod pa rito, ang pagbabahagi nito ay limitado sa kanyang pinakamalapit at pinakamatatapat na kaibigan lamang sa panahon ng buhay ng Propeta. Kaya, bagama’t iilan lamang ang nakatalang paghahayag tungkol sa organisasyon o mga tagubilin sa mga huling taon ng buhay ni Joseph Smith, ang mahaba at mahirap maunawaang paghahayag na natanggap noong ika-19 ng Enero 1841, ay isang eksepsiyon. Para sa mga miyembro ng Simbahan noon, ito ay, sa maraming paraan, ang paghahayag sa Nauvoo.
Ito ay naipabatid kaagad sa mga miyembro ng Simbahan pagkatapos itong matanggap. Ito ang unang teksto na isinulat ng klerk ng Simbahan na si Robert Thompson sa Aklat ng Kautusan ng Panginoon, isang talaan para sa mga paghahayag kay Joseph Smith at naging unang aklat din ng ikapu ng Simbahan. Ito ay binasa sa harapan ng mga Banal sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Abril 1841 sa Nauvoo—ang unang kumperensya matapos matanggap ang paghahayag. Madalas banggitin nina Joseph Smith, Brigham Young, at ng iba pang mga lider ng Simbahan ang mga utos sa paghahayag na magtayo ng templo at ng Nauvoo House. Bukod sa pag-oorganisa ng pamunuan ng Simbahan sa Nauvoo sa pamamagitan ng banal na utos, ang paghahayag ay kaagad naging pinagmulan ng patnubay at layunin para sa mga Banal na nakatira roon.
Mga Nilalaman ng Doktrina at mga Tipan 124
Ang Doktrina at mga Tipan 124 ay halos maisasaalang-alang na eklesiyastikal charter ng Simbahan sa Nauvoo, sa halos parehong paraan na ang pagkilos para maisama ang lunsod ay pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa komunidad. Iniutos sa panimulang mga linya ng paghahayag na ang stake ng Nauvoo ay magiging bagong sentro ng pagtitipon para sa mga Banal, isang “batong panulok ng Sion.” Ang utos na magtayo ng templo sa Nauvoo ay nagpakita na hindi lamang pansamantalang kanlungan ang bagong lunsod kundi isang mas permanenteng tahanan.
Ang pagpapalayas sa mga Banal mula sa Missouri at ang pagtatatag ng mga bagong stake sa kanlurang hangganan ng Illinois at kabila ng ilog sa Teritoryo ng Iowa, kasama ang paglikha ng isang bagong lunsod at tahanan para sa mga Banal, ay epektibong nagbigay ng bagong simula para sa Simbahan. Ang panahong ito ng paglipat at kung gayon ang pangangailangan para sa isang bagong organisasyon ay ipinakita sa halos lahat ng nilalaman ng paghahayag. Sa simula ng paghahayag, ilang personal na tungkulin ang ibinigay sa mga miyembro ng Simbahan, at ang paghahayag ay nagtapos sa isang listahan ng pagkakatalaga ng mga namamahalang opisyal ng Simbahan, kabilang ang Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol (tinukoy sa paghahayag bilang “Labindalawang naglalakbay na kapulungan”), at isang bagong stake high council para sa Nauvoo, kasama ang iba pang mga korum.
Isang pagpapahayag sa “lahat ng hari ng daigdig” ang gagawin sa pamamagitan ng paghahayag, na naglarawan pa sa malawak na pananaw sa dapat na kahinatnan ng Nauvoo. Matapos maranasan nang paulit-ulit ang pagpapalayas sa kanilang mga tahanan, ang mga salita ng paghahayag na naglalarawan sa layunin ng pagpapahayag ay nagbigay ng bagong pag-asa: “Sapagkat, masdan, ako ay malapit nang tawagin sila [ang ‘mga hari at maykapangyarihan’ ng daigdig] na tumalima sa liwanag at kaluwalhatian ng Sion, sapagkat ang takdang panahon ay dumating na upang sang-ayunan siya.”
Isasama sa pagpapahayag ang isang paanyaya na “lumapit kayo, kasama ng inyong ginto at inyong pilak, sa pagtulong sa aking mga tao, sa bahay ng mga anak na babae ng Sion.” Ang konseptong ito ng pag-anyaya sa mga bisita na pumunta sa Nauvoo at matuto tungkol sa ebanghelyo at tumulong sa mga Banal ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa isa pang kilalang paksa ng paghahayag—ang pagtatayo at layunin ng Nauvoo House.
Iniutos sa paghahayag na magtayo ng dalawang gusali: isang templo at isang hotel, o “bahay paupahan,” na tinawag na Nauvoo House. Ang mga ito ay kapwa tinukoy bilang “bahay sa aking pangalan,” ang dalawag ito ay dapat maging mga banal na lugar, karapat-dapat sa pagtanggap ng Panginoon, at ang dalawang ito ang magiging pinakamahalagang proyekto ng mga Banal sa pagtatayo sa susunod na anim na taon. Ang mga plano para sa templo ay kaugnay ng mahahalagang bagong kaliwanagan sa pang-unawa at mga turo ni Joseph Smith tungkol sa mga templo, kapansin-pansin ang pagsasama ng isang bautismuhan kung saan ang mga Banal ay maaaring magsagawa ng mga binyag para sa kanilang mga yumaong kapamilya at kaibigan. Ang bautismuhang ito ay unang iniutos sa paghahayag noong ika-19 ng Enero 1841.
Bagama’t ang templo ay may pinakamalaking kahalagahan sa espirituwal at kasaysayan, marami sa paghahayag ang nakatuon sa Nauvoo House kaysa sa iba pang paksa. Ito ay magiging tirahan ni Joseph Smith, ng kanyang pamilya, at ng kanilang angkan. Ito ay magiging isang “bahay para paupahan, isang bahay na ang mga dayuhan ay maaaring tumuloy galing sa malayo upang mangupahan doon,” kung saan ang isang manlalakbay ay “maaaring magkaroon ng kalusugan at kaligtasan habang kanyang pinagninilay-nilayan ang salita ng Panginoon; at ang batong-panulok na aking itinakda para sa Sion.” Ang mga namamahala rito ay “hindi pahihintulutan ang anumang karumihan na maparito—Ito ay magiging banal, o ang Panginoon ninyong Diyos ay hindi mananahanan dito.”
Paulit-ulit na binigyang-diin ni Joseph Smith ang kahalagahan ng Nauvoo House. Sa isang pulong sa kinatatayuan ng hindi pa kumpletong templo noong ika-21 ng Pebrero 1843, sinabi ng Propeta, “Ang pagtatayo ng N[auvoo] House ay sagrado rin sa pananaw ko tulad ng Templo. Gusto kong maitayo ang Nauvo[o] House. Dapat itong itayo, ang ating kaligtasan ay nakasalalay rito. Kapag ginawa ng kalalakihan ang makakaya nila o magagawa nila para sa templo, hayaan sila na gawin ang makakaya nila para sa Nauvoo House.” Makalipas ang isa’t kalahating buwan sa isang kumperensya ng Simbahan sa Nauvoo, sinabi niya, “Mahalagang pahalagahan ng mga tao sa kumperensyang ito ang N[auvoo] House, dahil may tumututol sa pagtatayo ng Nauvoo. House at mas pabor sa Bahay ng Panginoon.”
Sa panahon ng mga Banal sa Nauvoo, ang pagtupad sa iba’t ibang kautusan at responsibilidad na nakasaad sa paghahayag na ito ay nanatiling pinakamataas na prayoridad. Gayunpaman, ang pananatili nila sa Illinois ay hindi nagtagal tulad ng inaasahan, at ang ilan sa inaasan nilang magawa ay hindi kailanman natapos.
Pamana ng Paghahayag
Ang karanasan sa Nauvoo ay mas tumpak na mauunawaan sa konteksto ng paghahayag na ito at sa mga pagsisikap ng mga Banal na sundin ang mga kautusan nito. Si William Clayton, temple recorder at kadalasang tagasulat ni Joseph Smith, ay nagpahayag ng mga hangarin niya at ng mga kapwa niya miyembro ng Simbahan sa kanyang journal noong ika-31 ng Mayo 1845: “Ang matinding hangarin namin ay tapusin ang Templo at ang Nauvoo House … upang mapahintulutan kami na magawa ang mga utos ng Makapangyarihang Diyos na may kaugnayan sa lugar na ito.” Sa kasamaang-palad, bawat isa sa kanilang mga tungkulin, ipinangakong mga pagpapala, at mithiin ay naharap sa mga hamon at kabiguan.
Si John C. Bennett, ang unang alkalde ng Nauvoo at kalaunan ay naging miyembro ng Unang Panguluhan, ay pinangakuan na ang kanyang “gantimpala ay hindi mawawala kung siya ay tatanggap ng payo.” Ngunit nag-apostasiya siya makalipas lamang ang isa’t kalahating taon at naging matinding kaaway ng Simbahan.
Ang pangkalahatang klerk ng Simbahan na si Robert B. Thompson, na itinalaga sa pamamagitan ng paghahayag bilang isa sa mga taong dapat magsulat ng pagpapahayag, ay pumanaw makalipas lamang ang pitong buwan. Makaraan ang ilang taon, pagkatapos ng kamatayan ng Propeta, ay saka pa lamang naisulat ang pagpapahayag. Ito sa wakas ay isinulat ni Parley P. Pratt noong 1845, at inilathala bilang Proclamation of the Twelve Apostles of the Church of Jesus Christ, of Latter-Day Saints.
Dahil sa mahirap na kalagayan ng mga Banal at sa utos na magtayo ng isang bagong lunsod, bumagal ang pagtatayo ng templo at Nauvoo House. Parehong nangailangan ang dalawang gusali ng manggagawa at materyales, at kapwa natigil ang pagtatayo ng mga ito. Sa huli, noong taglagas ng 1845, nang matiyak na limitado ang panahon ng mga Banal sa Nauvoo, kinailangang unahing tapusin ang templo, at sa isang pulong noong Linggo ng gabi, ika-14 ng Setyembre, atubiling “napagkasunduan na mas maraming gumawa sa Templo kahit makahadlang ito sa pagtapos ng Nauvoo House.” Bumilis ang pagtatayo ng templo kaya nagamit ito noong taglamig ng 1845–46 para sa mga pulong at pagsasagawa ng mga ordenansa.
Ang paghahayag noong ika-19 ng Enero 1841, ay halos maituturing na isang pangitain tungkol sa maaaring mangyari. Ang Propeta at ang patriyarka ng Simbahan ay pinatay, ang Nauvoo House ay hindi kailanman natapos ayon sa ipinlano, iniwan ng karamihan sa mga Banal ang kanilang mga tahanan sa tabi ng pampang ng Mississippi upang magtungo sa kanluran sa Great Basin, at ang kanilang pinakamamahal na templo, na katatapos lamang makalipas ang maraming taon ng masigasig na paggawa, ay kailangang ipagbili upang matugunan ang mga pangangailangang pinansyal.
Ngunit ang kasaysayan ng Nauvoo ay isa ring patotoo sa pananampalataya ng mga Banal, ang pagkaunawa nila sa kahalagahan ng mga banal na tagubilin na nakapaloob sa paghahayag na ito, at ang patuloy nilang pagsisikap na tuparin ang mga ito. Sa katunayan, hindi mabuti na isiping nabigo sila sa kanilang mga pagsisikap na sundin ang paghahayag na ito o isipin lamang na ang mga taon na iyon ay malungkot na pagtatapos ng paninirahan nila sa Illinois.
Sa loob ng maraming taon ang Nauvoo ay naging isang kanlungan, isang lugar na may maunlad na industriya, at tahanan ng mga Banal. Ito ay isang lugar kung saan ang “liwanag at kaluwalhatian ng Sion” ay nakikita ng maraming bisitang dumating at, sa ilang pagkakataon, “[pinag]nilayan ang salita ng Panginoon.” Ang “mga pagpapala,” na nakita sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan na nanirahan doon, ay hindi nabigo na matawag ang pansin ng mundo.