Kasaysayan ng Simbahan
Pagsuporta ng Pamilya kay Joseph Smith


“Pagsuporta ng Pamilya kay Joseph Smith,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Pagsuporta ng Pamilya kay Joseph Smith,” Konteksto ng mga Paghahayag

Pagsuporta ng Pamilya kay Joseph Smith

D&T 4, 11, 23

Tahanan ni Joseph Smith Sr.

Nagsimula ang taong 1829 na puno ng kawalang-katiyakan para kay Joseph Smith ngunit ito rin ay isang kamanghang-manghang panahon ng personal na pag-unlad at paghahanda para sa mga mangyayari sa hinaharap. Matapos mawala ni Martin Harris ang unang 116 pahina ng manuskrito ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon noong Hunyo 1828, hindi gumawa ng pagsasalin si Joseph sa Aklat ni Mormon sa loob ng anim na buwan. Ginugol niya ang mga buwan ng taglamig sa Harmony, Pennsylvania, “sa pagtatrabaho sa isang maliit na bukid na binili ko sa ama ng aking asawa, upang matustusan ang aking pamilya.” Noong Pebrero 1829, siya at ang kanyang asawang si Emma ay dinalaw ng kanyang ama at kapatid na lalaki.

Ang pagsuporta ng pamilya ay mahalaga kay Joseph; sa loob ng maraming taon ay ibinahagi niya ang kanyang mga karanasan sa kanyang mga magulang at mga kapatid. Isang araw matapos dalawin si Joseph ng anghel na si Moroni noong 1823, ikinuwento niya ang pangyayari sa kanyang ama. Kalaunan ay isinulat ng kanyang ina na pagkatapos ng pagdalaw na iyon, “Patuloy na tumanggap si Joseph ng mga tagubilin paminsan-minsan at tuwing gabi ay tinitipon namin ang aming mga anak. Sa palagay ko naipakita namin ang pinakanatatanging aspeto ng sinumang pamilya na nabuhay sa Mundo, lahat ay nakaupo nang pabilog, ang ama, Ina, anak na lalaki at mga Babae ay nakikinig nang buong pananabik sa espirituwal na pagtuturo ng isang 19 na taong gulang na binata na hindi kailanman nabasa ang Biblia sa pamamagitan ng pagpasok sa paaralan sa kanyang buhay.”

Matapos matanggap ni Joseph ang mga laminang ginto, tinulungan siya ng mga miyembro ng pamilya na protektahan ang mga ito mula sa mga tao na may hangaring mag-uusisa hanggang sa mga taong masasama.

Paghahayag para kay Joseph Smith Sr.

Sa pagbisita niya sa kanyang anak na lalaki sa Harmony, humiling si Joseph Smith Sr. ng paghahayag hinggil sa kanyang tungkulin sa Pagpapanumbalik; kaya ang bata pang propeta ay tumanggap ng isa sa kanyang mga pinakaunang paghahayag para sa isa pang indibiduwal. Nang kopyahin kalaunan ang paghahayag bilang paghahanda para sa paglalathala, idinagdag ang sumusunod na heading: “Paghahayag para kay Joseph ang Ama ng Tagakita, hinangad niyang malaman ang nais ng Panginoon na gawin niya & Natanggap niya ang mga sumusunod.” Ang maikling paghahayag, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 4, ay puno ng mayamang wika ng mga banal na kasulatan mula sa Biblia at Aklat ni Mormon, inaasam ang isang “kagila-gilalas na gawain” at inihahayag ang mga katangian ng mga tao na pinipiling “humarap sa paglilingkod sa Diyos.”

Hindi nagtagal matapos bumalik sa Manchester, pumayag si Joseph Sr. na tumira sa kanyang tahanan bilang boarder ang isang guro na nagngangalang Oliver Cowdery. Nag-atubili si Joseph Sr. nang si Cowdery, na nakarinig ng mga sabi-sabi tungkol sa mga pangitain at mga lamina ni Joseph Jr., ay nagsimulang magtanong nang husto sa kanya. Marahil kaya nag-atubili si Amang Smith ay dahil sa panggugulo na naranasan ng kanyang pamilya mula sa mga kapitbahay at ministro sa kanilang lugar. Anuman ang dahilan ng kanyang unang pag-aatubili, sinunod niya ang utos sa paghahayag at naglingkod bilang tapat na saksi sa mga unang pangitain ni Joseph Smith.

Sa panahon ding ito, ipinagpatuloy ni Joseph Smith ang kanyang gawain sa pagsasalin, katuwang si Emma, ang kanyang kapatid na si Samuel, at si Martin Harris, bawat isa ay naging tagasulat niya sa maikling panahon. Noong unang bahagi ng Abril 1829, si Oliver Cowdery, na lalong naging interesado dahil sa pag-uusap nila ni Joseph Sr., ay naglakbay patungong Harmony. Sinamahan siya ni Samuel Smith sa paglalakbay at ipinakilala siya kay Joseph. Nadama ni Oliver sa “kaibuturan ng [kanyang] kaluluwa” na “kalooban ng Panginoon na dapat akong humayo at may gawaing ipagagawa sa akin sa bagay na ito.” Agad siyang naging full-time na tagasulat para kay Joseph. Sa pagdating ng kinakailangang tulong na ito, bumilis ang pagsasalin.

Ang Pagbabalik-loob ni Samuel Smith

Nang sumunod na buwan, noong Mayo 1829, natanggap nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang awtoridad na magbinyag mula sa isang sugong anghel na si Juan Bautista, at isinagawa ang ordenansa para sa isa’t isa. Hindi nagtagal matapos ang pangyayaring ito, ang unang dumalaw kay Joseph ay si Samuel at pagkatapos ay ang isa pang kapatid na si Hyrum. Sa pagdalaw ni Samuel, nagsikap si Joseph na mapabalik-loob ang kanyang kapatid. Isinulat niya sa kanyang kasaysayan:

“Sa panahong ito dinalaw kami ng kapatid kong si Samuel H Smith Ipinabatid namin sa kanya kung ano ang gagawin ng Panginoon para sa mga anak ng Tao at nagturo sa kanya, nagsikap na mahikayat siya sa katotohanan ng Ebanghelyo na ihahayag ngayon sa kabuuan nito na tumutugma sa Banal na Biblia para sa katotohanan ng mga doktrinang isinulong namin. Dahil siya ay isang taong hindi madaling makumbinsi ng tungkol sa mga bagay na ito nagtungo siya sa kakahuyan upang sa pamamagitan nang pagdarasal nang mag-isa at taimtim ay maaari siyang magtamo ng [karunungan] mula sa isang mapagpalang Diyos upang makapagpasiya siya para sa kanyang sarili Ang kinahantungan nito ay nakumbinsi siya, sa pamamagitan ng paghahayag, sa katotohanan ng mga doktrinang inilahad namin sa kanya Bilang pagsunod sa mga utos ng Ebanghelyo siya ay bininyagan ni O Cowdry at umuwi na lubos na pinagpala na nagpupuri sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo.”

Si Samuel Smith ay maglilingkod bilang isa sa mga pinakaunang proselytizing missionary sa Simbahan, kaya noong tag-init ng 1830 ay naglakbay siya nang maikli patungo sa kalapit na Mendon, New York, upang mangaral at magbenta ng mga kopya ng Aklat ni Mormon.

Paghahayag para kay Hyrum Smith

Binisita ni Hyrum si Joseph ilang sandali lamang matapos ang pagdalaw ni Samuel. Sinabi ni Joseph, “Sa kanyang taimtim na kahilingan, ako ay nagtanong sa Panginoon para sa kanya sa pamamagitan ng Urim at Tummin at natanggap para sa kanya ang sumusunod na Paghahayag.” Ang paghahayag na ito ay Doktrina at mga Tipan 11 ngayon. Bagama’t ang mga panimulang pangungusap ay kahalintulad ng mga pananalitang ginamit sa iba pang mga paghahayag na ibinigay noong 1829, nagpatuloy ang teksto sa personal na pagpapayo, mga pangako, at mga babala na nagpapahiwatig sa tungkulin ni Hyrum sa pagsisimula ng gawain ng Panginoon.

Bukod sa iba pang mga bagay, pinayuhan ng Panginoon si Hyrum, “Masdan, iniuutos ko sa iyo na hindi mo dapat akalain na ikaw ay tinawag upang mangaral hanggang sa ikaw ay tawagin: maghintay ka nang kaunti pang panahon, hanggang sa matanggap mo ang aking salita … huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila.”

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, noong Hunyo 1829, sina Joseph Smith Sr., Samuel Smith, at Hyrum Smith ay kabilang sa Walong Saksi sa Aklat ni Mormon, na nagpapatotoo sa mundo na nakita at nahawakan nila ang mga lamina at na alam nila nang “may katiyakan” na isinalin ni Joseph ang mga ito, “Diyos ang nagpapatunay rito.” Muli, ang katapatan at suporta ng mga miyembro ng kanyang pamilya ay naging mahalaga kay Joseph sa kanyang patuloy na mga pagsisikap.

“Sabik na Malaman … Ang Kani-kanilang mga Tungkulin”

Ang Aklat ni Mormon, na naisalin na at nakahanda nang ilimbag, ay nailathala noong Marso 1830. Noong ika-6 ng Abril 1830, sa Fayette, New York, pormal na itinatag ni Joseph Smith ang noon ay tinatawag na Simbahan ni Cristo. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nilapitan siya nina Oliver Cowdery, Hyrum Smith, Samuel H. Smith, Joseph Smith Sr., at Joseph Knight Sr., bawat isa ay “sabik na malaman sa Panginoon kung ano ang kani-kanilang mga tungkulin, kaugnay ng gawaing ito.” Binigyan ni Joseph ang bawat isa sa kanila ng maikli at personal na paghahayag. Magkatulad ng nilalaman, haba, at pananalita, ang mga paghahayag ay tila idinikta nang magkakasunod. Bilang tagasulat, itinala ni John Whitmer ang bawat isa bilang hiwalay na paghahayag, ngunit nang ilathala ang mga paghahayag sa 1835 edisyon ng Doktrina at mga Tipan, ang mga ito ay pinagsama sa isang bahagi, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 23.

Bagama’t magkakatulad, binabanggit sa bawat paghahayag ang pangalan ng tumanggap at naglalaman ng partikular na payo tungkol sa mga responsibilidad, tungkulin, at inaasahan. Ang isang kapansin-pansing pagkakaiba ay nakasaad sa bawat isa sa unang apat na paghahayag na ang tumanggap ay “wala sa ilalim ng kaparusahan,” dahil sina Oliver, Hyrum, Samuel, at Joseph Sr. ay nabinyagan na. Ang huling tumanggap, si Joseph Knight Sr., ay hindi pa nabinyagan at sa halip ay pinayuhan siya na “tungkulin mo na makiisa sa tunay na simbahan.”

Ang mga salita ng paghahayag kay Hyrum ay nagpapahiwatig na mula pa sa panahong natanggap ang naunang paghahayag, kanyang natamo ang salita ng Panginoon at ngayon ang kanyang “dila ay kinalagan” (tingnan sa D&T 23:3), at siya ay tinawag na manghikayat. Ipinangaral ni Hyrum ang ipinanumbalik na ebanghelyo at ang Aklat ni Mormon noon pang Oktubre 1830 sa tahanan ng kanyang ama sa Manchester, New York. Ang kanyang sermon sa araw ng Sabbath sa pagkakataong iyon ay tumimo sa puso ni Ezra Thayer, na humantong sa pagbabalik-loob nito. Sinabi kalaunan ni Thayer, “Naantig ng bawat salita ang kaibuturan ng aking kaluluwa. Parang ako ang pinapatungkulan ng bawat salita. … Tumulo ang mga luha sa aking pisngi.”

Sa sumunod na mga taon, patuloy na ipinakita ng pamilya ni Joseph ang kanilang suporta sa pamamagitan ng paglilingkod bilang mga misyonero, sa pamamagitan ng pagganap ng mga tungkulin sa pamumuno sa priesthood, at sa pamamagitan ng kanilang personal na sakripisyo. Ang kanilang mga tinahak at tagumpay—at maging ang mga paghihirap at kabiguan—ay makikita sa paglipas ng panahon, ngunit noong 1830, nang maorganisa ang bagong Simbahan, sila ay sabik na naglingkod, nasasandatahan ng kalooban ng Panginoon para sa kanila tulad ng ipinahayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.