“‘Nahikayat’ na Maghangad ng Paghahayag,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“‘Nahikayat’ na Maghangad ng Paghahayag,” Konteksto ng mga Paghahayag
“Nahikayat” na Maghangad ng Paghahayag
“Ako ay nasa bahay buong araw at masaya na makasama ang aking pamilya, sapagka’t ito ay araw ng Pasko, ang tanging pagkakataon na nagkaroon ako ng ganitong pribilehiyo na kasiya-siya sa loob ng mahabang panahon,” nakatala sa journal ni Joseph Smith para sa petsang Disyembre 25, 1835. Kinabukasan, Sabado, naupo si Joseph kasama ang ilan sa kanyang mga kasama at “nagsimulang mag-aral ng Wikang Hebreo” nang may kumatok sa kanyang pintuan. Nakatayo roon ang kanyang kaibigan na si Lyman Sherman. “Nahikayat ako na ipaalam sa iyo ang aking mga nadarama at hinahangad,” wika ni Sherman kay Joseph, “at pinangakuan ako na magkakaroon ako ng paghahayag na magpapabatid ng aking tungkulin.” Ang resulta ng kahilingang ito ay ang paghahayag na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 108—isang maikli ngunit makapangyarihang pahayag tungkol sa personal na espirituwal na katiyakan na naglagay rin kay Lyman Sherman sa sentro ng mas mahahalagang kaganapan.
“Matahimik ang Iyong Kaluluwa”
Sa araw ng taglamig na iyon noong 1835, si Lyman Sherman ay 31 taong gulang, at ang ikaapat na anibersaryo ng kanyang binyag ay nalalapit na. Noong unang bahagi ng taglagas ng 1831, dalawang kapatid na lalaki ng kanyang asawang si Delcena, na umalis sa bahay upang magtrabaho, ang sumulat sa pamilya na nabinyagan sila sa bagong simbahang “Mormonite.” Ang balitang ito ay dumating sa amin nang halos isang malaking sindak at kahihiyan,” naalala ng kapatid ni Delcena na si Benjamin. Hindi nagtagal matapos dumating ang unang liham, ang magkapatid na Johnson ay nagpadala ng isang pakete na naglalaman ng Aklat ni Mormon at ng “isang mahabang paliwanag” ng kanilang mga bagong paniniwala. Matapos matanggap ang mga materyal na ito, isinulat ni Benjamin, “Ang aking ina, kapatid na si Seth, kapatid na si Nancy, at si Lyman R. Sherman, kasama ang ilan sa mga kapitbahay, na pawang tapat sa relihiyon, ay lihim na nagtipon upang basahin ang Aklat ni Mormon at ang kalakip na liham, o marahil ay upang kutyain ang kahibangan na pinasok ng aking mga kapatid.”
Ang paunang pag-aalinlangan na ito ay napawi nang “ang kanilang pagbabasa ay humantong sa pagkamangha sa pagiging simple at dalisay ng kanilang nabasa, at sa espiritu na kasama nito, na nagpapatotoo sa katotohanan nito.” Sina Lyman at Delcena Sherman at ang ilang miyembro ng pamilyang Johnson ay nabinyagan noong Enero 1832. Nagbalik-loob din ang mga miyembro ng pamilyang Sherman. Ang mga Sherman ay lumipat sa Kirtland noong kalagitnaan ng 1833, kung saan nakilala nila si Joseph Smith at ang marami sa mga Banal. Ang kanilang anak na si Albey ay halos kasing-edad ni Joseph Smith III, at ang mga bata ay naging magkaibigan.
Bagama’t mahal ni Sherman ang mga Banal at may matibay na pananampalataya siya sa ipanunumbalik na ebanghelyo, tila may pag-aalinlangan siya tungkol sa kalidad ng kanyang sariling pagkadisipulo. Ang paghahayag ay nagbigay sa atin ng isang sulyap sa prosesong tinawag ni Sherman na “nahikayat” na hangarin ang Propeta. Sinabi ng Panginoon na si Sherman ay “sinunod ang aking tinig na pumarito,” na nagpapatunay na nakatanggap siya ng mga pahiwatig mula sa Espiritu na hangarin ang pagkakataong ito. Ang payo ng Panginoon na “huwag nang labanan pa ang aking tinig” ay nagpapahiwatig na si Sherman ay nakatanggap ng mga impresyong iyon sa maraming pagkakataon ngunit nag-atubiling gawin ang mga iyon habang nakararanas siya ng isang malalim at matinding espirituwal na paghahanap upang malaman ang kanyang katayuan sa harap ng Diyos. Bilang tugon sa paghahanap na iyon, tiniyak sa kanya ng paghahayag na ang kanyang mga kasalanan ay pinatatawad na at magiliw na sinabi sa kanya, “Matahimik ang iyong kaluluwa hinggil sa iyong espirituwal na katayuan.”
“Ikaw ay Aalalahanin”
Sinagot din ng paghahayag ang kahilingan ni Sherman na ang Panginoon ay “ipapaalam ang [kanyang] tungkulin.” Siya ay isa na sa mga lider sa lumalagong organisasyon ng priesthood ng Simbahan. Sa unang bahagi ng 1835, nakilahok siya sa isang pulong “ng mga naglakbay patungong Sion” kasama ang Kampo ng Sion noong nakaraang tag-init. Sa pulong na ito, inihayag ni Joseph Smith na “ito ang Kalooban ng Diyos” na ang mga yaong nagtungo sa Sion “ay dapat naordenan sa ministeryo at humayo upang pungusan ang ubasan sa huling pagkakataon,” at ang unang labindalawang Apostol ng dispensasyong ito ay tinawag. Pagkaraan ng dalawang linggo, ang unang korum ng Pitumpu ay inorganisa upang “magsiyaon sa buong sanlibutan, saanman sila tatawagin ng labindalawang Apostol.” Si Lyman Sherman ay inorden bilang isa sa mga pitong pangulo ng Pitumpu. Sa basbas sa kanya sa ordinasyon, ipinangako kay Sherman, “Ang iyong pananampalataya ay hindi matitinag at ikaw ay ililigtas mula sa matinding paghihirap. … Ikaw ay isang kasangkapang pinili ng Panginoon.”
Ngunit bago sila humayo “sa buong sanlibutan,” ang mga Pitumpu, kabilang si Lyman Sherman, ay dapat pangunahing makibahagi sa mga kaganapan na nauugnay sa paglalaan ng templo noong tagsibol ng 1836. Ang paghahayag kay Lyman Sherman ay nagpayo sa kanya na, “Matiyagang maghintay hanggang sa ang kapita-pitagang kapulungan ay tatawagin ng aking mga tagapaglingkod, pagkatapos ikaw ay aalalahanin kasama ng una kong mga elder, at makatatanggap ng karapatan sa pamamagitan ng ordinasyon kasama ng aking ibang mga elder na aking pinili.” Ang mga pangakong ito ay natupad nang makibahagi si Sherman sa iba’t ibang mga pagpupulong at mga ordenansa hanggang sa kapita-pitagang kapulungan sa paglalaan ng Kirtland Temple at sa espirituwal na pagbuhos at “pagkakaloob ng kapangyarihan” na iginawad sa mga Banal noong panahong iyon.
“Patatagin ang Iyong mga Kapatid”
Ang paglilingkod ni Lyman Sherman sa mga Banal sa Kirtland ay nagpakita na sinunod niya nang taos-puso ang payo ng paghahayag na “patatagin ang [kanyang] mga kapatid.” Napansin ni Wilford Woodruff, na noon ay isang bata pang miyembro ng Pitumpu na hindi naabutan ang paglalaan ng Kirtland Temple at ang kasamang espirituwal na pagbuhos, ang espirituwal na pamumuno ni Sherman. Sa isang napakagandang sacrament meeting sa templo, isinulat ni Woodruff, “Si Elder Sherman ay umawit gamit ang “kaloob na mga wika” & nagpahayag ng mga dakila & kamangha-manghang bagay habang napupuspos ng kapangyarihan & espiritu ng Diyos.” Noong taglamig ng 1836–37, ang mga Pitumpu ay nagpupulong tuwing Martes ng gabi sa silid sa kanluran ng attic ng templo; sa isa sa mga pagkakataong ito, nag-orden si Sherman ng isang dosenang lalaki para sa ikatlong korum ng Pitumpu. Ang pinakatampok sa panahong ito ay ang pangalawang kapita-pitagang kapulungan na ginanap noong unang linggo ng Abril upang gunitain ang paglalaan ng templo at ipagkaloob ang mga ordenansa sa mga hindi nakadalo noong nakaraang taon.
Nang ang pagtatalo sa loob at ang oposisyon sa labas ay nagsanib pwersa laban sa Simbahan, si Lyman Sherman at ang kanyang pamilya ay nanatiling tapat kay Joseph Smith, tumutulong na palakasin ang mga Banal sa mahirap na panahong ito. Si Sherman ay hinirang sa high council ng Kirtland noong Oktubre 1837. Lumipat siya sa Far West, Missouri, kung saan siya ay hinirang noong taglagas ng 1838 sa High Council ng Far West. Sa panahong ito, si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nakabilanggo, at ang mga Banal ay nasa gitna ng agarang pagtakas mula sa mga mandurumog sa Missouri. Ayon kay Benjamin Johnson, naglakbay si Sherman upang dalawin ang Propeta sa piitan, at dahil sa paglalakbay na ito, siya ay “sinipon at inubo” at nagkasakit nang malubha. Samantala, noong ika-16 ng Enero 1839, sumulat ang Unang Panguluhan kina Brigham Young at Heber C. Kimball, ang mga senior na Apostol, na italaga si Lyman Sherman upang punan ang isa sa mga bakante sa Korum ng Labindalawa. Isinulat ni Kimball na binisita nila ni Young si Joseph Smith sa Piitan ng Liberty noong ika-8 ng Pebrero 1839. Sinabi niya na noong umalis sila sa Far West, “Medyo masama na ang pakiramdam ni Lyman Sherman. Pagkaraan ng ilang araw pagkabalik namin, siya ay pumanaw. Hindi na namin naipabatid sa kanya ang pagtawag sana sa kanya [bilang isa sa Labindalawa].”
Ito ay isang tahimik at biglaang pagwawakas ng mortal na ministeryo ng isang tapat na tao. Ang pagkamatay ni Sherman ay nangahulugan ng paghihirap para sa kanyang asawang si Delcena at sa kanilang anim na maliliit na anak, na nakarating nang hikahos sa Illinois at kalaunan sa Utah. Tulad ng napakaraming naunang Banal, inialay ni Lyman Sherman ang kanyang buhay sa layunin ng pagtatatag ng Sion at kusang-loob na sumunod kay Propetang Joseph Smith sa kabila ng kahirapan, oposisyon, at kawalang-katiyakan. “Siya ay isang taong may matinding integridad, isang napakahusay na mangangaral,” pag-alaala ng kanyang bayaw na si Benjamin Johnson. Siya ay nabuhay at namatay na ganap na nakikibahagi sa pagsunod sa utos ng Panginoon na “patatagin ang iyong mga kapatid sa lahat ng iyong pakikipag-usap, sa lahat ng iyong panalangin, sa lahat ng iyong panghihikayat, at sa lahat ng iyong ginagawa.”