Kasaysayan ng Simbahan
‘Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan’


“‘Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Lahat ng Bagay ay Kailangang Maisagawa nang May Kaayusan”

D&T 28, 43

Joseph Smith

Noong tag-init ng 1830, sumulat si Oliver Cowdery kay Joseph Smith mula sa tahanan ni Peter Whitmer, kung saan itinatag ang Simbahan sa unang bahagi ng taon na iyon: “Inuutusan kita sa pangalan ng Diyos na alisin ang mga salitang iyon, upang hindi magkaroon ng huwad na pagkasaserdote sa kalipunan natin.” Malinaw ang matinding nadarama niya, ngunit ano ang nagpabalisa sa Pangalawang Elder ng Simbahan para utusan niya nang gayon ang Propeta?

Sa banal na gawaing iniatas, si Oliver ay sumulat ng isang dokumento na tinawag na “Articles of the Church of Christ” na kalaunan ay pinalitan ng isang pangalawang dokumento na isinulat ni Joseph, na may pamagat na “Articles and Covenants of the Church of Christ.” Ginamit sa dokumento ni Joseph ang marami sa mga pananalitang iyon ngunit nagdagdag ng mahahalagang talata na naglilinaw at nagpapaliwanag sa orihinal na isinulat ni Oliver. Ang dokumento ni Joseph ay tinanggap ng Simbahan sa kumperensya nito noong Hunyo 1830 na dapat sundin ng mga miyembro. Bagama’t tinanggap ito ng Simbahan, hindi sinang-ayunan ni Oliver ang isang parirala sa listahan ng mga hinihingi para sa binyag: “At tunay na ipinakikita sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na natanggap nila ang Espiritu ni Cristo tungo sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.”

Marahil nadama ni Oliver na dahil kasama siya sa pagbuo ng dokumento ay may karapatan na siyang mag-utos hinggil sa teksto. Gayunpaman, hindi sumang-ayon si Joseph, iginiit niya na dumating ang hinihingi para sa binyag sa pamamagitan ng paghahayag. Sa kanyang tugon, tinanong ni Joseph “sa pamamagitan ng anong awtoridad inuutusan niya [si Oliver] na baguhin, o burahin, dagdagan o bawasan ang isang paghahayag o kautusan mula sa Makapangyarihang Diyos.”

Makalipas ang ilang araw, nagsimulang maglakbay si Joseph mula sa kanyang tahanan sa Harmony, Pennsylvania, upang puntahan si Oliver sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York. Nakatala sa kasaysayan ni Joseph, “Nalaman ko na lahat ng pamilya [Whitmer] ay [sang-ayon] sa opinyon niya [ni Oliver] … at nangailangan ng sigasig at pagtitiyaga upang mahikayat ko ang sinuman sa kanila at mahinahong ipaliwanag sa kanila ang tungkol sa paksa.” Sa huli, “Nagtagumpay akong matulungan hindi lamang ang pamilya Whitmer, kundi pati na rin si Oliver Cowdery na aminin na nagkamali sila.”

Sa tulong ng ilang taong karanasan, kalaunan ay pinagnilayan ni Joseph ang pangyayaring iyon, isinulat niya, “At sa gayon naalis ang kamaliang ito, na sanhi ng mga palagay at pabigla-biglang paghatol, na ang mas partikular na layunin (kapag malinaw na naunawaan) ay turuan ang bawat isa sa atin ng kahalagahan ng pagpapakumbaba, at kaamuan sa harapan ng Panginoon, upang maturuan niya tayo ng kanyang mga landas; upang tayo ay makalakad sa kanyang mga landas, at mamuhay sa pamamagitan ng bawat salita na namumutawi sa kanyang bibig.”

Gayunpaman, tila hindi napakadaling matutuhan ang aral. Sa loob ng ilang buwan, kailangang muling ipahayag ni Joseph ang kanyang awtoridad bilang tagapaghayag ng paghahayag. Dahil sa pag-uusig na nakapaligid sa kanyang tahanan sa Harmony, Pennsylvania, napilitang manirahan si Joseph at ang kanyang asawang si Emma kasama ng mga Whitmer noong Agosto 1830. Pagdating nila, nalaman ni Joseph na si Hiram Page, ang asawa ng isa sa mga anak na babae ng mga Whitmer, ay gumamit ng isang bato upang tumanggap ng dalawang paghahayag hinggil sa Simbahan.

Marahil ay naaalala ang kanyang tagumpay sa paghikayat kay Oliver Cowdery at sa mga Whitmer tungkol sa kanilang kamalian hinggil sa “Articles and Covenants,” ninais ni Joseph na kausapin sila sa kumperenysa na idadaos sa Setyembre. Gayunman, agad niyang natuklasan na mas marami na ang naniniwala sa inaakala ni Hiram Page na paghahayag, kaya humingi siya ng paghahayag tungkol sa bagay na ito.

Ang paghahayag ay para kay Oliver Cowdery. Tiniyak kay Oliver na maririnig ang kanyang tinig ngunit binalaan na “walang sinuman ang itatalagang Tatanggap ng mga kautusan & Paghahayag sa Simbahang ito maliban sa aking Tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sapagkat tinanggap niya ang mga yaon maging tulad ni Moises & ikaw ay maging masunurin sa mga bagay na ipagkakaloob ko sa kanya.”

Si Oliver ay dapat maging tagapagslita ni Joseph tulad ni Aaron kay Moises, na naglingkod bilang guro at tagapagsalita. Ang una niyang gawain sa tungkuling iyon ay kumbinsihin si Hiram Page sa kamalian nito hinggil sa mga paghahayag mula sa kanyang bato. Pangalawa, siya ay magmimisyon sa mga Amerikanong Indian.

Nang idaos ang kumperensya noong huling bahagi ng Setyembre, isinulat ni Joseph Smith, “Ang paksa tungkol sa bato na nabanggit, ay tinalakay, at matapos ang maraming pagsisiyasat, si Brother Page, gayon din ang lahat ng miyembro na naroon, ay iwinaksi ang nasabing bato, at lahat ng bagay na may kaugnayan dito, na nagdulot sa amin ng labis na katuwaan at kaligayahan.” Nakasulat sa maikling tala ni Oliver Cowdery tungkol sa pulong na si Joseph Smith “ay itinalaga sa pamamagitan ng tinig ng mga dumalo sa Kumperensya na tumanggap & sumulat ng Mga Paghahayag at mga Kautusan para sa Simbahang ito.”

Madalas tumanggap si Joseph ng mga paghahayag at mga kautusan, ngunit karamihan sa mga ito ay nanatiling hindi inilathala nang ilang taon, limitado lamang ang mga ito sa mga miyembro ng Simbahan. Sa panahon ding ito, ang pagsisikap ng mga misyonero ng Simbahan ay nagbunga ng maraming bagong miyembro. Maraming miyembro ang walang alam, mali ang pagkaunawa, o piniling balewalain ang mga paghahayag na naglilinaw sa tungkulin ni Joseph Smith, at ang mga mapanlinlang na nagsasabing nakatanggap sila ng paghahayag ay nagpatuloy paminsan-minsam.

Hindi nagtagal matapos ang paglipat ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, isang “babae na nagngangalang Hubble” ang dumating na nagsabing nakatanggap siya ng paghahayag. Muli, isang paghahayag (na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 43) ang nagpatibay na si Joseph lamang ang “itinalaga sa inyo na tumanggap ng mga kautusan & Paghahayag mula sa aking kamay” at idinagdag “na walang ibang itinalaga para sa kaloob na ito maliban sa ito ay sa pamamagitan niya.”

Ang doktrina ng mga Banal tungkol sa pinanibagong manipestasyon ng Espiritu Santo tulad ng nangyari sa Bagong Tipan ay nag-anyaya sa mga miyembro na hangarin ang kaloob na paghahayag para sa kanilang sarili. Gayunman, para sa buong Simbahan, ang pagbuo ng istruktura at gawain ay nagtalaga kay Joseph Smith bilang nag-iisang tinig na may awtoridad na magsabi ng paghahayag na susundin ng lahat ng miyembro ng Simbahan. “Sapagkat,” sa paghahayag noong Setyembre 1830, sinabi kay Oliver Cowdery, “lahat ng bagay ay kailangang maisagawa nang may kaayusan.”

  1. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 51, josephsmithpapers.org.

  2. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 51.

  3. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 51.

  4. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 51.

  5. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 51.

  6. Tingnan sa Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 53–54.

  7. Tingnan sa Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 54.

  8. “Revelation, September 1830–B [D&C 28],” sa Revelation Book 1, 40, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 28:2.

  9. Tingnan sa “Revelation, September 1830–B [D&C 28],” sa Revelation Book 1, 40–41.

  10. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 58.

  11. “Minutes, 26 September 1830,” sa Minute Book 2, 2, josephsmithpapers.org.

  12. “John Whitmer, History, 1831–circa 1847,” 18, josephsmithpapers.org. Maaaring si Louisa Hubbell ito, isang convert mula sa Disciples of Christ na muling umanib sa Disciples noong Mayo 1831. Ang isa pang alternatibong posibilidad ay si Laura Hubbell, isa pang convert sa Ohio.

  13. “Revelation, February 1831–A [D&C 43],” sa Revelation Book 1, 67, josephsmithpapers.org.

  14. “Revelation, September 1830–B [D&C 28],” sa Revelation Book 1, 41.