“Maraming Kayamanang Higit Pa sa Isa,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Maraming Kayamanang Higit Pa sa Isa,” Konteksto ng mga Paghahayag
Maraming Kayamanang Higit Pa sa Isa
Noong mga huling araw ng Hulyo 1836, sina Joseph Smith Jr., Sidney Rigdon, Oliver Cowdery, at Hyrum Smith ay nagsimulang maglakbay mula Kirtland, Ohio, patungo sa silangang Estados Unidos. Sa mga linggo bago ang kanilang paglisan, labis ang pag-aalala ni Joseph tungkol sa mga temporal na gawain ng Simbahan. Sa Missouri, patuloy na pinanghawakan ng mga Banal ang mga titulo ng mga lupa kung saan sila pinalayas mula Jackson County bilang tanda ng kanilang pangakong itayo ang Sion, ngunit wala silang mahanap na paraan para makabalik doon. Sa panahon ding iyon, ang Simbahan ay baon sa pagkakautang pagkatapos maitayo ang Templo ng Kirtland. Ano pa ang maaaring gawin?
Marahil ang mga alalahaning ito ang patuloy na inisip ni Joseph Smith habang naglalakbay ang kanyang maliit na grupo patungo sa Lunsod ng New York at Boston. Ayon sa isang salaysay kalaunan, naikuwento kay Joseph at sa iba pang mga lider ang tungkol sa isang nakatagong kayamanan sa Salem, Massachusetts, at umasa sila na matatagpuan ito. Ang pag-asa para sa pinansiyal na kaginhawahan at pag-aalala sa Sion ay kapwa mahahalagang bahagi ng konteksto ng isang paghahayag na natanggap ng Propeta sa Salem noong ika-6 ng Agosto 1836.
“Huwag Balisahin ang Inyong Sarili”
Sa paghahayag, pinanatag ng Panginoon si Joseph at ang kanyang mga kasama: “Huwag balisahin ang inyong sarili tungkol sa inyong mga pagkakautang, sapagkat kayo ay aking bibigyan ng kakayahang mabayaran ang mga ito. Huwag balisahin ang inyong sarili tungkol sa Sion, sapagkat ako ay makikitungo sa kanya [nang] may awa.” Ipinahiwatig ng paghahayag na maraming kayamanan ang matatagpuan sa lunsod “para sa kapakanan ng Sion.” Kabilang sa mga ito ang mga mapagkukunan para sa pinansiyal at mga espirituwal na pagpapala ng mga nagbalik-loob na “aking titipunin sa tamang panahon.” Maaaring kabilang din sa mga kayamanan ang mahalagang kaalaman na nauugnay sa “mga naunang nanirahan at nagtatag ng lunsod na ito.”
Sinunod ni Joseph at ng kanyang tatlong kasama ang tagubilin sa paghahayag na “manatili sa lugar na ito” at gumugol nang ilang linggo sa Salem, nangangaral at bumibisita sa mga makasaysayang lugar habang umaasang makakakuha ng pera para makatulong sa pagbabayad ng mga utang ng Simbahan at sa pagtubos sa Sion. Ngunit walang mga dokumento na nagsasaad na nakita nilang natupad ang paghahayag na ito sa anumang paraan sa panahong bumalik sila sa Kirtland.
Ang naisakatuparan ng Panginoon sa pamamagitan ng kanilang paglalakbay patungong Salem ay nananatiling hindi alam. Ipinalagay ng ilang tao na hindi nagtagumpay ang paglalakbay. Ipinalagay naman ng iba na marahil ang tagubilin ng paghahayag na “masigasig na magtanong hinggil sa mga naunang nanirahan sa lunsod,” na kinabilangan ng ilan sa mga ninuno ni Joseph, ay maaaring nakatulong para maihanda siya sa pagtanggap ng mahahalagang paghahayag tungkol sa gawain para sa mga patay. Ngunit walang inihahayag ang talaan ng kasaysayan tungkol sa nadama nina Joseph, Oliver, Sidney, at Hyrum tungkol sa paghahayag nang umalis sila sa Salem.
“Ang Tamang Panahon ng Panginoon”
Subalit ang paghahayag ay hindi nalimutan. Pagkaraan ng limang taon, sa kumperensya ng Simbahan sa Philadelphia noong Hulyo 1841, sina Hyrum Smith at William Law ng Unang Panguluhan ay nag-iwan ng mga tagubilin para kina Elder Erastus Snow at Elder Benjamin Winchester tungkol sa Salem. Kabilang sa mga tagubiling ito ang kopya ng paghahayag noong Agosto 1836 at naglahad sa paniniwala ng Unang Panguluhan na “ang tamang panahon ng Panginoon ay dumating na” upang matupad ang paghahayag at ang mga tao ng Salem ay matipon sa Kanyang kaharian.
Sa una ay atubili si Erastus Snow. Siya ay naglingkod na mula pa noong Abril 1840 sa Pennsylvania, New Jersey, at sa iba pang mga lugar sa East Coast nang may malaking tagumpay at nagplanong bumalik sa Nauvoo sa taglagas ng 1841. Nanalangin siya upang malaman ang kalooban ng Panginoon, at ang Espiritu ay “patuloy na bumulong na magpunta sa Salem.” Ngunit may gawain din siyang gagawin sa Nauvoo, at umasa na makabalik doon. Maaaring mahirap para sa kanya na matukoy ang pagkakaiba ng sarili niyang mga praktikal na hangarin at ng mga pahiwatig ng Panginoon.
Sinunod ang nakaugalian sa Biblia, nagpasiya si Elder Snow na magpalabunutan kung saan siya dapat pumunta: Nauvoo o Salem. Ang nabunot niya ay Salem—nang dalawang beses—at nagpasiyang magpunta roon sa lalong madaling panahon. Ipinakiusap niya na tumuloy muna ang kanyang asawa at anak na babae, na kasama niyang naglalakbay, sa kanyang kapatid sa Woonsocket, Rhode Island, hanggang sa makahanap siya ng lugar sa Salem para sa kanila. Ang kanyang kapatid ay hindi miyembro ng Simbahan ngunit “tila naging interesado sa gawain” nang mangaral si Erastus sa lugar, at umasa siya na tatanggapin ng kanyang kapatid ang ebanghelyo.
“Mga Dayuhan at Nag-iisa”
Noong ika-31 ng Agosto 1841, nilisan ni Erastus Snow ang kanyang pamilya sa Rhode Island at naglakbay patungong Boston, kung saan naghintay siya hanggang ika-3 ng Setyembre sa pagdating ni Benjamin Winchester. Pagkatapos ay naglakbay ang dalawang lalaki patungong Salem. “Dumating kami roon, mga Dayuhan at nag-iisa,” isinulat niya, “ngunit nagtiwala sa Diyos na gagabayan Niya kami.” Nang gabing iyon taimtim na nanalangin ang dalawang misyonero “na buksan ng Diyos ang mga puso ng mga tao upang makinig sa kanila.” Kinabukasan, humayo sila nang may pananampalataya.
Araw at gabi ay nangaral sila sa Boston at Salem, ngunit walang natamong tagumpay. Pagkaraan ng isang linggo, umalis si Benjamin Winchester papuntang Philadelphia at si Erastus ay naiwang mag-isa sa Salem, nangangaral kung saan inanyayahan sa buong linggo at sa inupahang bulwagan ng mga Mason sa katapusan ng linggo. Sa kabila ng kanyang mga pagsisikap at ng maraming taong dumalo, iilan lamang ang tila tunay na interesado sa kanyang mensahe. Isinulat niya, “Bagama’t inanunsyo ko sa mga pahayagan at ibinigay nang libre ang marami sa ating mga mensahe sa buong lunsod, gayunman matagal-tagal din bago ako napansin ng mga tao nang higit pa sa pagdating at pakikinig at pag-alis muli.”
Ang puna na laging natatanggap ni Erastus ay hindi maganda. Si Reverend A. G. Comings, isang Baptist minister at patnugot ng isang lokal na pahayagan, ay naglathala ng mga arikulo na bumabatikos sa Simbahan at tumutol na ilathala ang mga tugon ni Elder Snow. Gayunman, kalaunan, sumang-ayon si Reverend Comings na makipagdebate kay Elder Snow sa buwang ng Nobyembre. Tumagal nang anim na gabi, humantong ang mga debate sa mga opinyon ng mga tao laban kay Comings, dahil ang kanyng argumento ay “pawang panlalait at pang-iinsulto.” Isinulat ni Elder Snow na “ang pinakamagandang idinulot ng talakayang iyon ay siniyasat ng maraming tao ang doktrina na maaaring inakala nila hindi nararapat pag-ukulan ng pansin. Ang mga pulong pagkatapos niyon ay dinaluhan ng mas maraming tao kaysa noon.”
“Ang mga Unang Bunga”
Noong ika-8 ng Nobyembre 1841—mga limang buwan matapos sumulat sina Hyrum Smith at William Law kay Erastus Snow tungkol sa Salem—kanyang “inani ang mga unang bunga ng [kanyang] mga paggawa” nang ang ilang indibiduwal ay gumawa ng mga tipan sa binyag doon. Mabilis na sumulong ang gawain sa panahon ng taglamig. Sa mga unang araw ng Pebrero, may 36 na miyembro na sa Salem. Sa isang ulat kina Hyrum Smith at William Law, isinulat ni Elder Snow, “Kung hindi ipinabatid sa akin na maraming tupa si Jesus sa lunsod na ito, sa palagay ko ay panghihinaan na ako ng loob at hindi mamalagi upang umani sa kung saan ako naghasik, sapagkat ito lamang ang lugar kung saan ako nangaral nang napakatagal nang walang nabinyagan.”
Inorganisa ni Erastus Snow ang Salem branch noong ika-5 ng Marso 1842, na may 53 miyembro. Pagsapit ng Hunyo 1842 nadagdagan ang branch ng mga 90 miyembro, ang ilan sa kanila ay lumipat sa Nauvoo at sa iba pang mga lugar. Malakas ang pananampalataya ng mga Banal na ito, at ang mga himala ng pagpapagaling ay kabilang sa mga espirituwal na kaloob na naranasan nila. Sa isang kumperensya sa Boston noong Pebrero 1843, ang Salem branch ay may 110 miyembro. Si Erastus Snow ay naging kasangkapan din sa pag-oorganisa ng mas maliliit na branch sa iba pang mga lugar ng Massachusetts, kabilang na ang Georgetown branch, na may 32 miyembro sa kumperensya ng 1843. Nang lisanin ni Elder Snow at ng kanyang pamilya ang New England noong taglagas ng 1843, 75 miyembro mula sa “Boston at sa mga simbahan sa silangan” ang naglakbay kasama nila patungong Nauvoo.
“Maraming Kayamanang Higit Pa sa Isa”
Sa paghahayag tungkol sa Salem na ibinigay noong ika-6 ng Agosto 1836, sinabi ng Panginoon na ang lunsod ay may “maraming kayamanang higit pa sa isa” upang tumulong sa pagtatayo ng kaharian. Bagama’t maaaring hindi pa naisasakatuparan ang buong pangakong iyon, ang mga taong sumapi sa Simbahan sa pamamagitan ng misyon ni Erastus Snow ay nagkaroon ng matinding impluwensya. Tumulong sila sa pagtatayo ng Simbahan sa Salem-Boston area, na naging isang masigla at mahalagang makasaysayang lugar ng Simbahan noong dekada ng 1840. Marami sa mga nabinyagang ito ang nagtipon sa Nauvoo, gumawa ng mahahalagang kontribusyon doon, at pagkatapos ay naglakbay patungo sa kanluran upang tumulong na ayusin ang Rocky Mountain at nagpalaki ng susunod na mga henerasyon ng Banal sa mga Huling Araw. Ang misyon ni Erastus Snow sa Salem—tulad ng maraming misyon—ay nagkaroon ng aktibong mga epekto sa paglilingkod at pananampalataya na patuloy na nagpapala sa mundo ngayon.
Tulad ng apat na lider ng Simbahan na naglakbay patungo sa Silangan noong 1836, hindi natin alam kung anong mga kayamanan ang nilayon ng Panginoon na magmumula sa Salem. Ngunit para kina Hyrum Smith at Erastus Snow, sapat na ang magtiwala sa mga salita ng Diyos at, sa Kanyang tamang panahon, maging mga kasangkapan sa pagtulong sa pagsasakatuparan ng Kanyang mga pangako.