“‘Ikapu ng Aking mga Tao’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ikapu ng Aking mga Tao,” Konteksto ng mga Paghahayag
“Ikapu ng Aking mga Tao”
Matapos ang isang mahirap na taon sa Kirtland, Ohio, dumating si Joseph Smith sa Far West, Missouri, noong unang bahagi ng 1838, na handang magsimulang muli. Hindi nagtagal pagkadating niya, nakatanggap siya ng isang paghahayag na nag-uutos na itatag ang Far Wast bilang isang banal na lunsod na ang templo ang sentro nito. Sa paghahayag ding iyon, pinagbawalan ng Panginoon ang Unang Panguluhan na mangutang ng pera para maisakatuparan ang mga mithiing ito. Nangutang na sila noon para gamitin sa bahay ng Panginoon sa Kirtland, Ohio, at bagama’t sulit ang mga pagpapala sa bawat sentimong nagastos, nahirapan pa rin sila na bayaran ang mga utang na iyon. Paano makakalikom ang mga Banal ng kinakailangang pera para makapagtatag ng isang lunsod na may templo?
Hindi na ito bagong tanong sa bagong katatatag na Simbahan. Ang Panginoon ay nagbigay ng batas ng paglalaan noong 1831 sa Kirtland para tugunan ang ilan sa gayon ding mga alalahanin. Dito iniutos ng Panginoon sa mga Banal na saganang magbigay ng anumang ipinagkaloob Niya sa kanila sa bishop, na siya namang magtatalaga ng pangangasiwa sa kanila sa ngalan ng Panginoon. Bilang mga katiwala, ang mga Banal ay “sapat na ma[tu]tustusan” ng kung anong pangangailangan nila at inasahang ibabalik sa bishop ng Simbahan ang anumang labis para sa “pagtulong sa mga maralita at nangangailangan,” pagbili ng lupa para sa mga Banal, at pagtatatag ng Sion.
Binigyang-diin ng mga paghahayag ng Panginoon tungkol sa paglalaan ang mga doktrina ng kalayaan ng indibiduwal, pangangasiwa, at pananagutan. Itinuro ni Joseph ang mga alituntuning ito sa mga bishop, at binigyang-diin naman nila na kusa ang pagbibigay ng mga handog at ang mga pagpapalang may kundisyon na kaugnay ng mga ito.
Sa halos buong dekada ng 1830, may dalawang bishop: si Edward Partridge ay naglingkod sa mga Banal sa Missouri—o Sion, ang sentro ng Simbahan—habang si Newel K. Whitney ay naglingkod sa mga Banal sa nag-iisang stake ng Simbahan noong panahong iyon, sa Kirtland, Ohio. Sinikap ni Joseph at ng mga bishop na tulungan ang mga Banal na sundin ang batas, ngunit nahadlangan ang mga pagsisikap na ito ng mga nag-atubiling Banal at mapang-usig na mga kapitbahay. Naging doble ang hirap sa paglilingkod noong 1837 dahil malaki ang utang ng Simbahan, at ang Estados Unidos ay nasadlak sa mahabang panahon ng pagbagsak ng ekonomiya.
Naunawaan ng mga Banal noon na ang ikapu ay tumutukoy sa anumang laki ng kalakal o pera na inilaan nang kusa. Noong Setyembre 1837, ipinahayag ni Bishop Whitney at ng kanyang mga tagapayo ng Kirtland bishopric na “ito ang itinakdang layunin ng ating Diyos … na ang dakilang gawain ng mga huling araw ay isasagawa sa pamamagitan ng ikapu ng kanyang mga banal.” Sa pagtukoy sa pangako sa Malakias 3:10, hinikayat nila ang mga Banal na “dalhin nila ang kanilang ikapu sa kamalig, at pagkatapos niyon, hindi bago gawin iyon, sila ay makatatanggap ng isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.”
Makalipas ang ilang buwan, ang bishopric sa Missouri ay nagmungkahi ng katulad niyon ngunit nang may mas partikular na tuntunin: ang bawat tahanan ay dapat magbigay ng ikapu na 2 porsiyento ng taunang kita nito pagkatapos bayaran ang mga pagkakautang ng pamilya. Ito, isinulat ng bishopric sa Sion, “ay nagsasakatuparan sa ilang antas ng batas ng paglalaan.”
Noong unang bahagi ng 1838, habang naghahanda si Joseph Smith na ilipat ang kanyang pamilya mula Kirtland patungong Far West, lumiham sa kanya si Thomas Marsh mula sa Missouri, na ipinararating ang kanyang saloobin na “Ang simbahan ay magagalak na sundin ang batas ng paglalaan, sa sandaling iutos ito ng mga kanilang mga lider o ipakita sa kanila kung paano ito gawin.”
Nang dumating si Joseph Smith sa Far West, dumagsa ang mga Banal sa bagong punong-tanggapang ito mula sa mga branch ng Simbahan sa Estados Unidos at Canada. Nanirahan sila sa buong rehiyon, at kinailangan nilang bumuo ng bagong stake. Pagsapit ng Hulyo 1838, tila posible ang inaasam na makapagtatag ng nagtatagal na pamayanan sa hilagang Missouri. Ngunit dama pa rin ang mahirap na gawain ng pagtatayo ng templo. Kailangang makalikom ang Simbahan ng pera para maitayo ang bahay ng Panginoon sa kabila ng iba pang mga pangangailangan na kailangang matugunan agad.
Nasa isipan ang hamong ito, tinipon ni Joseph ang ilang lider noong Linggo ng umaga, ika-8 ng Hulyo 1838. Malinaw na sa pulong na ito natanggap niya ang dalawang paghahayag, ang isang paghahayag ay tungkol sa ikapu (na ngayon ay kilala at tinanggap bilang Doktrina at mga Tipan 119) at ang isa pang paghahayag ay tungkol sa disposisyon ng mga ikapu (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 120).
Nanalangin si Joseph, “O! Panginoon, ipakita ninyo sa inyong tagapaglingkod kung gaano ang inyong kakailanganin sa mga ari-arian ng inyong mga tao para sa ikapu?” Ang panalangin ay nakasulat sa journal ng Propeta, na sinundan ng salitang “Sagot” at pagkatapos ng paghahayag na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 119. “Kinakailangan ko ang lahat ng kanilang labis na ari-arian upang ilagay sa mga kamay ng Obispo ng aking Simbahan,” ang sabi ng Panginoon. Pagkatapos, sa ngayon ay Doktrina at mga Tipan 119:2, ipinahayag ng Panginoon ang mga dahilan kung bakit kailangang magbigay ng ikapu ang mga Banal. Ang mga ito ay kapareho din ng mga dahilan na binanggit noon para sa pagsunod ng batas ng paglalaan na ngayon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42: para maibsan ang kahirapan, makabili ng lupa para sa mga Banal, at makapagtayo ng templo at maitatag ang Sion upang ang mga gumagawa at tumutupad ng mga tipan ay matipon sa templo at maligtas.
“Ito,” ayon sa paghahayag, “ang magiging pasimula ng pagbibigay ng ikapu ng aking mga tao.” Ang paggamit na iyon ng salitang ikapu ay ang una sa tatlo (ikapu o hiningan ng ikapu) sa bahagi 119. Lahat ng ito ay tumutukoy sa boluntaryong pag-aalay ng mga Banal ng kanilang labis na ari-arian. “At pagkatapos nito,” ayon sa paghahayag, “yaong mga hiningan ng ikapu ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo taun-taon.” Hindi ito tinukoy sa paghahayag na isang mas mababang batas na papalitan balang-araw, kundi ito ay “mananatiling batas sa kanila magpakailaman” at naaangkop sa lahat ng Banal sa lahat ng dako.
Ang paghahayag ay nagtapos sa nakababahalang babala: “Kung ang aking mga tao ay hindi susunod sa Batas na ito, na pananatilihin itong banal, at sa pamamagitan ng batas na ito gawing banal ang Lupain ng Sion sa akin, nang ang aking mga Batas at ang aking mga Paghuhukom ay mapanatili roon, nang ito ay maging lubos na banal, masdan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ito ay hindi magiging lupain ng Sion sa inyo.”
Narinig ng mga Banal sa Far West ang paghahayag na binasa sa pulong ng Linggo na ginanap sa araw na iyon. Narinig ito ng mga nasa malalayong lugar sa mga sumunod na linggo. Si Bishop Partridge, na naroon sa pulong kung saan tila natanggap ang paghahayag, ay sumulat kay Bishop Whitney sa Ohio mula sa Missouri at ipinaliwanag kung paano ito susundin: “Kinakailangang ibigay ng mga banal ang lahat ng kanilang labis na ari-arian sa mga kamay ng bishop ng Sion, at pagkatapos ng unang ikapu na ito ay dapat silang magbayad taun-taon ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo.” Naunawaan ni Bishop Partridge na ang “ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinubo” taun-taon ay nangangahulugang 10 porsiyento ng kikitain ng mga Banal kung ipamumuhunan nila ang kanilang net worth sa loob ng isang taon.
Hindi nagtagal matapos matanggap ni Joseph ang paghahayag sa bahagi 119, inatasan niya si Brigham Young na magtungo sa mga Banal “at alamin kung anong labis na ari-arian ang mayroon ang mga tao, na gagamitin para maipagpatuloy ang pagtatayo ng Templo na sinisimulan natin sa Far West.” Bago maglakbay, tinanong ni Brigham si Joseph, “‘Sino ang magsasabi kung sino ang magpapasiya kung ano ang labis na ari-arian?’ Sabi niya, ‘Sila mismo ang magpapasiya.’”
Nang ituro sa kanila ang kalooban ng Panginoon, ang mga Banal ay naging mga responsableng katiwala na maaaring pumili kung magbabayad sila ng kanilang ikapu nang kusa o hindi. “Ang mga banal ay dumating araw-araw upang maglaan,” nakasaad sa journal ng Propeta, “at dala ang kanilang mga handog sa kamalig ng panginoon.” Ngunit hindi lahat ng Banal ay gumamit ng kanilang kalayaan upang maging matatalinong katiwala. Nalungkot kalaunan si Brigham Young na may ilang Banal na maramot sa kanilang mga handog.
Sa panahong ito, ibinigay din ng Panginoon kay Joseph ang paghahayag na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 120, na “ipinaaalam ang pamamahagi ng mga ari-ariang ibinigay bilang ikapu, gaya ng binanggit sa naunang paghahayag.” Inatasan nito ang Unang Panguluhan, ang bishopric sa Sion, at ang high council sa Sion na magpasiya kung paano gagamitin ang mga ikapu, gumagawa ng kanilang mga desisyon, sabi ng Panginoon, “ng sarili kong tinig sa kanila.”
Nakasaad sa journal ni Joseph Smith na ang bagong inihayag na council ay nagpulong kalaunan sa Far West upang “pag-usapan, ang paggamit ng mga ari-arian ng mga tao sa mga kamay ng Bishop, sa Sion, dahil ang mga tao ng Sion ay nagsimulang kusang maglaan ayon sa mga paghahayag, at mga kautusan.” Sumang-ayon ang council na dapat gamitin ng mga miyembro ng Unang Panguluhan ang pondo na kailangan nila “at ang natitira ay ilagay sa mga kamay ng Bishop o mga Bishop, sang-ayon sa mga kautusan, at paghahayag.”
Nang ang nakasaad ngayon sa Doktrina at mga Tipan 120 ay inihayag noong 1838, ang Far West ay nagsilbing punong-tanggapan ng Simbahan, at ang bishop at high council doon ay naglingkod sa council kasama ang Unang Panguluhan. Kalaunan, ang naglalakbay na high council ng Simbahan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, ay naging pangkalahatang high council ng Simbahan at isang Presiding Bishopric ang itinalaga; kaya nga, sa kasalukuyang panahon ang council ay binubuo ng Unang Panguluhan, ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ng Presiding Bishopric.
Nakalulungkot na noong taglagas ng 1838, ang mga Banal ay pinalayas mula sa Missouri, ang kanilang gawain sa pagtatayo ng Sion ay tila pansamantalang pinatigil at ilang bato lamang ang naitayo para sa templo. Pinalayas mula sa Missouri, muling nagsama-sama ang mga Banal sa Illinois, na sinamahan ng libu-libong nabinyagan mula sa British Isles, mga silangang estado, at Canada. Doon ay pinamunuan sila ni Joseph tulad ng dati—na inihayag ang gagawin nang taludtod sa taludtod—hanggang sa maunawaan at mabayaran nila, bilang ikapu, ang ikasampung bahagi ng kanilang kabuuang tinubo, kasama ang iba pang mga handog na oras, talento, at labis na ari-arian na kusang ibinigay. Nang anyayahan ng mga Apostol ang mga Banal na ibigay ang lahat ng kanilang makakaya para sa pagtatayo ng templo sa Nauvoo, marami ang tumugon, at nagbigay ng mga kagamitan, lupa, kasangkapan sa bahay, at pera. Inilaan nina John at Sally Canfield ang lahat ng mayroon sila, pati na ang kanilang sarili at ang kanilang dalawang anak, “sa Diyos ng Langit at para sa Kabutihan ng kanyang Layunin.” Sa isang liham kay Brigham Young, isinulat ni Brother Canfield, “Lahat ng aking pag-aari ay kusa kong ibinibigay sa Panginoon at sa iyong mga kamay.”
Doon sa Nauvoo, pagkatapos ay sa Utah, at pagkatapos ay sa iba’t ibang panig ng mundo, nalaman ng mga Banal sa mga Huling Araw na kung susundin nila kahit ang tagubilin na magbigay ng ikasampung bahagi ng kanilang taunang tinubo, mababayaran ng Simbahan ang mga utang nito at masisimulan ang mga tagubilin ng Panginoon na magtayo ng mga templo, maibsan ang kahirapan, at maitatag ang Sion. Ang perang ibinigay ay mabibilang. Ang mga pagpapala ay hindi mabibilang.