“‘Ang Aming mga Puso ay Nagalak Nang Marinig Siyang Magsalita’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ang Aming mga Puso ay Nagalak Nang Marinig Siyang Magsalita,” Konteksto ng mga Paghahayag
“Ang Aming mga Puso ay Nagalak Nang Marinig Siyang Magsalita”
Nilakad ni William Clayton ang huling siyam na milya papunta sa Nauvoo. Ang bangkang sinakyan niya at ng kanyang pangkat sa Mississippi patungo sa kanilang bagong tahanan ay tumigil sa gabi bago dumating sa Nauvoo. Ngunit pagkaraan ng 11-linggo, 5,000 milyang paglalakbay mula sa kanyang tahanan sa Penwortham, England, hindi na makapaghintay pa si William sa pananabik. Siya at ang ilang kaibigan ay naglakbay sa malamig na umaga at dumating bago magtanghali noong ika-24 ng Nobyembre 1840. Tatlong taon nang miyembro ng Simbahan, pinatotohanan ni William sa kanyang bayan ang tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta. Ngayon ay gustung-gusto niyang personal na makilala ang Propeta.
Hindi nagtagal ay nakilala niya si Joseph Smith at ibinahagi niya sa kanyang mga kaibigan sa England sa pamamagitan ng mga liham ang tungkol sa ilang impresyon niya. “Noong nakaraang gabi marami sa amin ang kasama ni Brother Joseph, [at] nagalak ang aming puso nang marinig siyang magsalita tungkol sa mga bagay ng Kaharian,” isinulat niya. “Kung dumating ako mula sa England upang sadyang makausap siya nang ilang araw dapat isipin ko na natugunan na ang aking problema,” isinulat niya sa isa pang pagkakataon.
Sinimulan na ni William ang mamuhay at magtayo ng tahanan para sa kanyang sarili at sa kanyang asawang si Ruth, na nagdadalang-tao sa kanilang pangalawang anak noong panahong dumating sila. Gayunpaman, ang unang taon ng mga Clayton sa kanilang bagong tahanan ay naging mahirap. Bumili sila ng lupain sa kanlurang bahagi ng Mississippi River, sa kabila ng Nauvoo, kung saan sinikap nilang mamuhay bilang mga magsasaka. Si William ay isang bookkeeper sa isang pabrika sa industriyal na bayan ng England at walang kasanayan ni pisikal na katangian ng isang magsasaka. Ang kanyang mga pagsisikap ay nawalan ng saysay dahil sa pagkasira ng pananim at matagal na pagkakasakit ng malaria.
Pinanghinaan ng loob dahil sa mga pangyayaring ito, sinunod ni William ang payo ng misyonero na nagturo sa kanya, si Heber C. Kimball, at inilipat ang kanyang pamilya patawid ng ilog patungo sa Nauvoo noong Disyembre 1841. Ang dating nakasama ni William na kapwa niya tagapayo sa panguluhan ng British Mission, si Willard Richards, ay naglilingkod bilang kalihim ni Joseph Smith at nangailangan ng katuwang na mapagkakatiwalaan niya. Hindi nagtagal ay pinuntahan ni Heber si William at sinabi rito na mag-report sa opisina ni Joseph Smith. Doon, noong ika-9 ng Pebrero 1842, pumayag si William na maging kalihim at tagasulat ng Propeta.
Secretary Kalihim at Tagasulat
Nang sumunod na dalawa’t kalahating taon, nakita nang mas mabuti ni William Clayton ang personal at pampublikong buhay ni Joseph Smith nang higit sa halos sinuman. Kasama niya si Joseph sa halos araw-araw at malaki ang bahagi sa mga gawain ni Joseph sa negosyo, pulitika, at relihiyon. Ang kanilang pagkakaibigan ay nagbigay kay William ng natatanging pagkakataon na masuri ang pagkatao ni Joseph nang malapitan, kabilang na ang kanyang mga pagkakamali. Alam niya nang higit kaninuman na si Joseph ay isang tao lamang, ngunit para kay William, ang mga pagkukulang ni Joseph ay hindi mahalaga kung ikukumpara sa mga turong nagpapaunlad ng kaluluwa na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Sa kanilang pagsasama sa Nauvoo, si William ay naging matinding tagapagtanggol habambuhay ni Joseph Smith.
Sa kanyang gawain bilang kalihim, itinala ni William Clayton ang pinakamahahalagang paghahayag, turo, at sermon na ibinigay ni Joseph Smith sa napakahalagang huling dalawang taon ng buhay ng Propeta. Itinala niya ang mga tagubilin ni Joseph tungkol sa pagbibinyag para sa mga patay at ang paghahayag tungkol sa walang hanggan at maramihang pag-aasawa, na kalaunan ay kapwa naging bahagi ng mga banal na kasulatan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Isa rin siya sa mga tagasulat na nag-ingat ng tala tungkol sa pinakakilalang sermon ni Joseph, ang King Follett discourse. Pinahalagahan niya ang mga turong ito nang higit pa sa anumang bagay at tila nadama niya ang kahalagahan ng pag-iingat ng mga ito.
Nadama ni Joseph Smith na kinakailangang ipabatid niya ang espirituwal na kaalaman sa mga Banal. Noong panahong siya ay nasa Nauvoo, nagbigay siya ng isang makapangyarihang sermon sa publiko kasunod ng isa pa at nagbahagi ng gayon ding mga makapangyarihang turo at ordenansa sa kanyang mapagkakatiwalaang mga kaibigan sa mga pribadong kapulungan. Hindi ipinahayag ni Joseph Smith ang mga turong ito bilang mga pormal na paghahayag na madalas niyang gawin noong mga unang araw sa kanyang ministeryo, ngunit pinakinggang mabuti ni William Clayton ang bawat salita. Itinala niya ang mga sinabi ng Propeta sa kanyang sariling diary o sa journal na iningatan niya para kay Joseph, at ang mga tala na ito ay ginamit kalaunan bilang batayan para sa ilang bahagi ng Doktrina at mga Tipan.
Mahahalagang Turo
Naroon si William nang makipagkita si Joseph Smith kay Parley P. Pratt noong ika-9 ng Pebrero 1843, at nagbahagi sa kanya ng kaalaman kung paano makikilala ang mga sugo ng langit mula kay Satanas at sa mga anghel nito. Ang mga tagubilin na ito na may kaugnayan sa mga turo sa templo ay ibinahagi ni Joseph sa mga miyembro ng kanyang pinagkakatiwalaang grupo ng mga kaibigan habang si Parley ay nasa England. Itinala ni William ang mga tagubilin sa journal ni Joseph, at mga ito ay kinilala at tinanggap kalunan bilang Doktrina at mga Tipan 129.
Noong ika-2 ng Abril 1843, binisita ni Joseph ang isang kumperensya ng stake sa Ramus, Illinois, 20 milya sa silangan ng Nauvoo. Isang Amerikanong lider ng relihiyon na nagngangalang William Miller ang nagpropesiya na ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay mangyayari sa susunod na araw. Ginamit ni Joseph ang pagkakataong ito upang tiyakin sa mga Banal sa Ramus na hindi inihayag ng Panginoon ang panahon ng Kanyang pagparito. Itinuro rin ni Joseph na ang Diyos ay isang personaheng may anyo; na ang lahat ng bagay sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ay nakikita Niya; at na ang lahat ng ugnayan natin ay mananatili sa mga kawalang-hanggan. Ang tala ni William tungkol sa mahahalagang karanasang ito sa kanyang personal na journal ay naging batayan para sa teksto ng Doktrina at mga Tipan 130.
Ang Doktrina at mga Tipan 131 ay halos binubuo ng ilang maiikling journal entry na itinala ni William noong Mayo 1843. Kabilang sa mga ito ang mga turo tungkol sa walang hanggang kasal na ibinigay sa Ramus sa tahanan nina Benjamin at Melissa Johnson noong ika-16 ng Mayo. Ang mga Johnson ay kasal na mula pa noong Araw ng Pasko ng 1841, ngunit sinabi sa kanila ni Joseph na gusto niyang ikasal niya sila alinsunod sa batas ng Panginoon. Pabirong sinabi ni Benjamin na hindi na niya muling pakakasalan si Melissa maliban kung ito ang manligaw sa kanya. Ngunit seryoso si Joseph. Itinuro niya na ang kalalakihan at kababaihan ay kailanganng pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal upang matamo ang pinakamataas na mga pagpapala ng Diyos. Pagkatapos ay ibinuklod niya sina Benjamin at Melissa para sa kawalang-hanggan.
Para kay William, ang pagtatala ng mga pananalitang ito ng propeta ay higit pa sa isang tungkulin; isa ito sa malalaking pribilehiyo ng kanyang buhay. Siya ay labis na natuwa sa paraan kung paano inalis ni Joseph Smith ang distansya sa pagitan ng daigdig na ito at ng daigdig sa kabilang buhay at ginawang tunay at totoo ang mga bagay ng kawalang-hanggan. Kapag nakinig ang mga Banal sa Nauvoo sa pagsasalita ni Joseph, ang maraming paghihirap na dinanas nila—kamatayan, karamdaman, kahirapan, at gutom—ay napapawi ng pag-asam sa milenyo sa hinaharap at sa pangako na ang mga ugnayan ng pamilya at pagkakaibigan ay hindi lamang sa buhay na ito. Ang kasiyahan ni William Clayton sa pagtala ng mga salita ni Joseph Smith ay nagkaroon ng walang-hanggang impluwensya sa mga turo ng Simbahan at patuloy na nagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw ngayon.