“Ezra Booth at Isaac Morley,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ezra Booth at Isaac Morley,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ezra Booth at Isaac Morley
Para sa mga naunang miyembro ng Simbahan, ang tag-init ng 1831 ay nagsimula sa mataas na mga inaasahan. Isang mahalagang kumperensya ang idinaos sa unang linggo ng Hunyo sa paaralan sa bukid ni Isaac Morley malapit sa Kirtland. Puno ng tao ang silid, at marami ang nakaupo lang sa labas ng bukas na mga bintana, na sinisikap na mapakinggan [ang kaganapan]. Ang hangin sa tag-init ay nagdala ng mabangong samyo ng bagong aning mint, na itinanim nang ekta-ektarya sa kalapit na mga bukid. Sinimulan ni Joseph Smith ang kumperensya sa panalangin.
Sa pagtitipong ito, isinagawa ang mga unang ordinasyon sa “mataas na pagkasaserdote.” Ilan sa mga elder ay nakaranas ng mga espirituwal na manipestasyon, kabilang na ang pagpapalayas sa masasamang espiritu. Pagkatapos, nang halos patapos na ang apat-na-araw na kumperensya, si Joseph Smith ay tumanggap ng paghahayag na tumukoy sa pinakamagagandang inaasahan ng matatapat.
Mula noong una nilang mabasa ang Aklat ni Mormon, inisip ng mga mananampalataya kung paano, saan, at kailan matutupad ang mga propesiya ng aklat. Kailan magbabalik-loob at makikiisa ang mga Lamanita—na pinaniniwalaan noon na mga Indian sa Hilagang Amerika—sa mga miyembro ng Simbahan sa pagtatayo ng Bagong Jerusalem sa mga lupain ng Amerika? Alam ng mga naunang miyembrong ito na ang lugar na pagtatayuan ng lunsod ay “sa mga Lamanita.” Pinapunta nila noon si Oliver Cowdery at tatlong iba pang misyonero patungo sa malayong kanlurang dako ng Estados Unidos upang mangaral sa mga Amerikanong Indian malapit sa Missouri.
Ngayon, sa bagong paghahayag na ito, inihayag ng Panginoon na ang Missouri ang mismong “lupain na aking ilalaan sa aking mga Tao.” Patungkol sa Bagong Jerusalem, nangako Siya na Kanyang “mamadaliin ang Lunsod sa kanyang panahon.” Ang paghahayag na ito ay nag-atas din kina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at 13 pang pares ng mga misyonero na maglakbay nang dala-dalawa papunta sa Missouri, kung saan idaraos ang susunod na kumperensya. Sinabi rin nito sa kanila na kung sila ay tapat, ihahayag ng Panginoon ang “lupain na [kanilang] mana.”
Ang mga magkompanyon na mga misyonero ay umalis patungong Missouri na may mataas na mga inaasahan. Naniwala sila na ang araw ng pagbabalik ni Jesus sa lupa ay napakalapit na at naglalakbay sila upang hanapin ang lugar na pagtatayuan at magtayo ng isang lunsod ng templo kung saan magtitipon sila upang tanggapin ang Panginoon sa Kanyang pagdating. Lumaganap ang balita na mapapabalik-loob na ni Oliver Cowdery at ng kanyang kapwa mga misyonero ang maraming Amerikanong Indian. Inasahan ng mga misyonero na sa Missouri “ang mga layunin ng pananampalataya at pag-asa, ay magiging mga layunin ng kaalaman at tagumpay.”
Ang Paglalakbay Patungong Missouri
Sina Isaac Morley at Ezra Booth ay kabilang sa mga misyonero na tinawag. Kapwa sila dumalo sa kumperensya at naordenan, at sila ngayon ay itinalagang maglakbay bilang magkompanyon.
Si Isaac Morley ay kabilang sa mga unang nabinyagan sa Simbahan sa Ohio. Sa panahon ng kanyang pagbabalik-loob, si Morley; ang kanyang asawang si Lucy; ang ilan sa mga kaibigan ay nakatira sa kanyang bukid, ipinamumuhay ang komunal na uri ng pamumuhay [lahat ng pag-aari nila ay para sa lahat o maaaring gamitin ng lahat]. Sinikap nilang mamuhay tulad ng mga naunang Kristiyano noon na binanggit sa aklat ng Mga Gawa, na “lahat nilang pag-aari ay para sa lahat” (Mga Gawa 4:32).
Si Ezra Booth ay isang respetadong mangangaral na Methodist sa hilagang-silangang Ohio. Ang kanyang kombersyon o pagbabalik-loob ay lumikha ng bahagyang kontrobersiya sa kanyang mga kaibigan at kakilala, na nalungkot sa kanyang pagsapi sa “mga Mormonita.” Nakadama ng matinding pahiwatig si Booth na sumapi sa bagong relihiyon. “Ang mga impresyon sa aking isipan ay malalim at makapangyarihan,” paggunita niya, “at napakasaya ko na ngayon ko lang nadama.”
Ngunit sa panahon ng kanyang pag-alis noong Hunyo 1831, nagsimulang mag-alinlangan si Booth. Ang mga espirituwal na manipestasyon sa kumperensya ay hindi nakatugon sa kanyang mga inaasahan, at masama ang loob niya na sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay umalis patungong Missouri sakay ng isang bagon, habang siya at si Isaac ay inatasang maglakad sa buong paglalakbay sa mainit na panahon ng tag-init, nangangaral habang nasa daan.
Ang paglalakbay ay mahirap din para sa iba. Lumisan si Joseph Smith ilang linggo pa lamang matapos pumanaw ang kambal na anak nila ni Emma ilang sandali pagkaraang maisilang ang mga ito. Iniwan niya ang kanyang nagdadalamhating asawa, na kailangang alagaan ang kanyang sarili at ang bagong ampon na kambal ng mga Murdock (na ang inang si Julia ay namatay sa huling bahagi ng Abril at ang amang si John, ay maglalakbay rin patungong Missouri).
Nang sa wakas ay dumating si Ezra Booth sa Missouri, nakadama siya ng pagkadismaya. Siya at ang iba pa ay “umaasang makatagpo ng isang lugar na nananagana sa mga kinakailangan at kaginhawahan ng buhay.” Sa halip, tumingin siya sa paligid at sinabing “tila hindi maganda ang sitwasyon.” Naalala ni Booth na tiniyak ni Joseph Smith bago ang paglalakbay na ang Simbahan sa Missouri ay magiging malaki at lalago, ngunit pagdating nila roon ay pitong bagong miyembro lang ang natagpuan nila.
Si Joseph Smith mismo ay maaaring nalungkot noong una nang dumating siya sa Missouri. Ang lugar sa paligid ng Independence ay halos malawak na parang na may iilang magkakalayong mga puno. Malayo sa nagbibigay-inspirasyong mga pangitain tungkol sa isang kabisera ng milenyo, ang hangganang bayan mismo ay “isang siglo nang pinaglumaan ng panahon.” Para sa karamihan ng mga elder, pagkadismaya ang nadama nila matapos aktuwal na makita ang Missouri. Ngunit hinarap nila sa magkakaibang paraan ang pagkadismayang iyon.
Isang Panalangin para Mapatnubayan
Ito ba talaga ang lugar at panahon para pagsikapang itatag ang Sion? Noong ika-20 ng Hulyo, sa pagnanais na maunawaan ang itinakdang panahon at mga hangarin ng Diyos, nanalangin si Joseph sa Panginoon. “Kailan mamumukadkad ang ilang gaya ng rosas?” dalangin niya. “Kailan itatatag ang Sion sa kanyang kaluwalhatian, at saan itatayo ang Iyong templo?” Ang mga tanong na ito ay nagbunsod ng isang paghahayag—ngayon ay Doktrina at mga Tipan 57—na sa wakas ay nagtalaga ng lugar para sa lunsod at templo.
Isang karagdagang paghahayag noong ika-1 ng Agosto (Doktrina at mga Tipan 58) ang nag-atas sa mga misyonero na ilaan ang lupain ngunit ipinahiwatig na ang Sion ay maitatayo lamang “matapos ang maraming kapighatian.” Kinastigo sa paghahayag ang mga yaong, tulad ni Ezra Booth, ay bumulung-bulong ng mga reklamo. “Kanilang sasabihin sa kanilang mga puso hindi ito ang gawain ng Panginoon dahil ang kanyang mga pangako ay hindi natupad.” Nagbabala ito na “ang kanilang gantimpala ay nakatago sa kailaliman & hindi sa kaitaasan.”
Sa kabila ng pagkadismaya at sa kalakhan ng proyekto ng pagtatayo ng lunsod, determinado si Joseph na magsimula. Kasama si Sidney Rigdon at ang iba pa, sinimulan niya ang gawain. Inilaan nila ang lupain malapit sa Independence para sa isang lugar ng pagtitipon, inilatag ang unang troso para sa isang bahay sa Sion, at inilagay ang batong panulok sa hilagang-silangan para sa templo.
Ang ilang elder, tulad ni Reynolds Cahoon, ay nakita ang masasayang posibilidad sa mga masimbolikong pagsisimula na ito. “Nakita ng aking mortal na mga mata ang dakila at kamangha-manghang mga bagay,” isinulat niya, “tulad ng mga bagay na hindi ko inakalang makikita ko sa daigdig na ito.” Subalit hindi napahanga si Ezra Booth sa maliit na pagsisimula. Ito ay dahil sa “kuryusidad,” sabi niya, “ngunit hindi sulit magtungo sa Missouri para tingnan ito.”
Ang Pagbabalik sa Ohio
Bagama’t ilan sa mga misyonero ang napiling manatili sa Missouri, iniutos ng paghahayag noong ika-1 ng Agosto na umuwi ang iba pang mga misyonero sa kanilang mga tahanan, sinasabing “ang panahon ay hindi pa sumasapit, sa maraming taon upang matanggap nila ang kanilang mana sa lupaing ito.”
Isa pang paghahayag, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 60, ang nag-utos sa mga pauwing misyonero na maglakbay sa Missouri River sa silangan patungo sa St. Louis. Doon mabilis na maglalakbay sina Joseph at Sidney Rigdon patungo sa Cincinnati, Ohio, upang mangaral, samantalang ang iba naman ay maglalakbay nang “dala-dalawa & ipangaral ang salita, hindi nagmamadali, sa mga kongregasyon ng masasama.”
Naglakbay sila sakay ng mga bapor papunta sa St. Louis noong ika-8 ng Agosto. Napakahirap maglayag sa Ilog Missouri. Pinangangambahan ng mga kapitan ng mga bapor ang mga troso, o nabuwal na mga puno sa ilog, na kadalasang sumisira sa kanilang mga sasakyang-dagat. Sasabihin kalaunan ng mga elder kay Elizabeth Marsh na ang rumaragasang alon ng ilog ay “tila nababaliw na para bang ito ay isinumpa.”
Ang paglalakbay ay napakahirap para sa mga elder. Ang pagod, init, at ang maalong Ilog Missouri ay mabilis na nagpainit ng kanilang ulo. Sa kanilang pangatlong araw sa tubig, ang ilan sa mga bapor ay halos masalabid sa mga troso, na maaaring magpataob sa mga ito, at manganib ang buhay ng mga yaong hindi marunong lumangoy.
Matapos silang makarating nang ligtas sa pampang, patuloy ang pagtatalo nila. Bagama’t kung minsan ay siya mismo ang dahilan ng pagtatalo, hindi ito gaanong hinahayaan ni Ezra Booth sa iba. Mapanuyang sinabi niya kalaunan, “Ang mga ito ang mga pinuno ng simbahan, at ang tanging simbahan sa lupa na sinang-ayunan ng Panginoon.”
Si Joseph Smith ay tumanggap ng isa pang paghahayag sa sumunod na umaga sa pampang ng ilog (Doktrina at mga Tipan 61), kung saan binalaan sila ng Panginoon tungkol sa panganib sa tubig ngunit sinabing, “hindi mahalaga sa akin … kahit na naglakbay sila sa pamamagitan ng tubig o sa pamamagitan ng lupa.”
Naglakbay si Joseph sa lupa sa sumunod na araw kasama ang isang bahagi ng grupo. Nakita nila ang kanyang kapatid na si Hyrum at ang iba pa na naantala at patungo pa lang sa lugar na pagtatayuan ng Sion. Isang paghahayag (Doktrina at mga Tipan 62) ang nagpayo sa kanila na, “Ipagpatuloy ang inyong Paglalakbay, tipunin ninyo ang inyong sarili sa lupain ng Sion, & magpulong & sama-samang magalak & mag-alay ng sakramento sa Kataas-taasan.”
Si Ezra Booth, sa kabilang banda, ay nagpasiyang bumalik agad hangga’t maaari sa halip na mangaral sa daan ayon sa naunang paghahayag. Siya at ang ilang kompanyon ay naglakbay sa nalalabing bahagi ng paglalakbay patungong Ohio sakay ng bangka at bagon.
“Lituhin ang Inyong mga Kaaway”
Hindi nagtagal pagkatapos niyang makabalik sa Ohio, hayagang umalis si Ezra Booth sa Simbahan. Dahil hindi tumugma ang kanyang karanasan sa kanyang mga inaasahang katangian ng Sion o kung paano dapat kumilos si Joseph Smith, siya ay nag-alinlangan at pagkatapos ay iniwan ang kanyang relihiyon. Simula ng Oktubre na iyon, ang Ohio Star, isang pahayagan na matatagpuan sa Ravenna, Ohio, ay nagsimulang maglathala ng isang serye ng mga liham na isinulat ni Booth, na matinding bumabatikos kay Joseph Smith at sa Simbahan.
Pagsapit ng Disyembre, ang kanyang mga liham ay nagsimulang humadlang sa gawaing misyonero, at nakatanggap si Joseph Smith ng dalawang paghahayag noong Disyembre 1831 at Enero 1832, na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 71 at 73. Hinamon ng mga ito si Booth at iba pang mga tumiwalag tulad ni Symonds Ryder na “magdala ng kanilang matitibay na dahilan laban sa Panginoon.” Hinikayat din ng mga ito sina Joseph at Sidney Rigdon na masigasig na mangaral: “Lituhin ang inyong mga kaaway; Tawagin sila upang harapin kayo maging sa madla at nang sarilinan.”
Bagama’t hinamon ni Sidney Rigdon sina Booth at Ryder na magdebate sa harap ng publiko, tumanggi sila, marahil ay dahil batid nila na kilala si Rigdon na mahusay sa debate. Si Rigdon ay nangaral sa Ravenna, Ohio, at sa iba pang mga lugar, na pinabubulaanan ang mga pahayag ni Booth. Bagama’t ang mga liham ni Booth ay may kaunting epekto sa gawaing misyonero, ang epektong iyon ay panandalian lamang.
Nakalulungkot na ang pagiging mapangutya ni Booth ay hindi lamang nagpahiwalay sa kanya sa ipinanumbalik na simbahan kundi sa kanya ring mga esprituwal na karanasan noon. Sa huli ay “tinalikdan niya ang Kristiyanismo at naging agnostiko.”
Ang Pagsubok kay Isaac Morley
Bagama’t ang mga karanasan ni Ezra Booth sa paglalakbay patungong Missouri ay nagpalayo sa kanya sa Simbahan, ang mga karanasan ni Isaac Morley ay nagpalapit sa kanya sa Simbahan. Habang naglalakbay, malinaw na nakibahagi si Morley, nang bahagya, sa pangungutya ni Ezra Booth. Sa isang paghahayag na natanggap noong ika-11 ng Setyembre (Doktrina at mga Tipan 64), sina Booth at Morley ay kinastigo: “Kanilang sinumpang masama ang bagay na hindi masama.” Anumang pag-aalinlangan ni Morley tungkol sa kanyang misyon ay pansamatala lamang. Hindi tulad ni Ezra Booth, itinigil ni Isaac Morley ang kanyang mga pambabatikos at binago ang kanyang pananaw. Ang paghahayag ay nagpatuloy sa sariling tinig ng Panginoon: “Aking pinatawad ang aking Tagapaglingkod na si Isaac Morley.”
Ngunit ang Panginoon ay may planong karagdagang mga sakripisyo para kay Isaac Morley. Iniutos sa kanya na iwan ang marami niyang ari-arian sa Kirtland at bumalik sa Missouri kasama ang kanyang pamilya. Sa isang paghahayag na ibinigay pagkatapos makabalik si Joseph Smith sa Kirtland (Doktrina at mga Tipan 63), iniutos ng Panginoon sa bayaw ni Morley na si Titus Billings na “ipagbili” ang bukid ni Morley. Sa paghahayag na ibinigay noong ika-11 ng Setyembre, ipinaliwanag ng Panginoon na iniutos niya na ipagbili ang bukid upang “ang aking tagapaglingkod na si Isaac Morley ay hindi matutukso nang higit pa sa kanyang makakayanan.”
Taos-pusong ginawa nina Isaac at Lucy Morley ang sakripisyo. Noong Oktubre 1831, naipagbili ni Titus Billings ang halos lahat ng bukid ni Morley. Dinala ni Morley ang kanyang pamilya pabalik sa Independence, tulad ng iniutos sa kanya, at muling nagtrabaho upang magtatag ng pundasyon para sa lunsod ng templo. Dahil nadaig niya ang kanyang mga pagdududa, siya ay nagpatuloy at naglingkod bilang bishop at patriarch. Pumanaw siya sa Utah noong 1865.