“Naghihintay sa Salita ng Panginoon,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Naghihintay sa Salita ng Panginoon,” Konteksto ng mga Paghahayag
Naghihintay sa Salita ng Panginoon
Noong ika-20 ng Hulyo 1833, ang mga lider ng mga mandurumog sa Jackson County, Missouri, ay nagpatawag ng isang pagpupulong kasama si William W. Phelps at iba pang mga lider ng Simbahan. Ang mga lider ng mandurumog ay may ilang reklamo tungkol sa mga Banal. Nadama nila na banta sa kanila ang paniniwala ng mga Banal na ang Jackson County ay isang lupang pangako na tinatawag nilang Sion. Tinutulan nila ang malaking bilang ng mga tao, marami sa mga ito ang maralita, na pumunta sa kanilang bayan sa nakalipas na dalawang taon upang itatag ang Sion. At dahil sa isang artikulo na inilathala kamakailan ni Phelps sa Evening and the Morning Star—na tumatalakay sa mga legal na kailangan upang hadlangan ang imigrasyon ng mga malayang itim sa Missouri—nangamba ang mga mandurumog na ang mga malayang itim na miyembro ng Simbahan ay mangagtipon sa Sion, na sisira sa mga dinamika ng lahi sa kanilang estado kung saan legal ang pang-aalipn.
Sa kasunod na editoryal, sinikap ni Phelps na pahupain ang tensyon sa pagitan ng mga Banal at ng mga lider ng Jackson County, ngunit wala ni isa man sa kanyang mga isinulat ang nagpabago sa kanilang isipan tungkol sa mga intensyon ng mga Banal. Para sa mga mandurumog, wala nang dapat na ipaliwanag pa. Binigyan nila ng 15 minuto si Phelps at ang mga kapwa niya lider ng Simbahan na sumang-ayon na ilipat ang buong komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa susunod na tagsibol—o magdusa sila.
Nag-atubili si Phelps at ang iba pang mga lider ng Simbahan. Sinabi ng paghahayag kay Joseph Smith na ang Jackson County ang magiging “lugar para sa Lunsod ng Sion.” Ang paghahayag ay nag-utos kay Phelps na ilipat ang kanyang pamilya doon, magtayo ng palimbagan, at “maging Manlilimbag para sa Simbahan.” Napakalaki na ng isinakripisyo ng mga Banal upang itatag ang Sion. Basta na lamang ba nila iiwanan ito?
Nang walang pangakong aalis ang mga Banal, nagsimula ang mga mandurumog sa marahas na pananakot. Winasak nila ang pinto ng bahay ni Phelps, itinapon ang pang-imprenta sa labas, mula sa ikalawang palapag papunta sa kalye sa ibaba, at pagkatapos ay sinira ang gusali. Ang pamilya ni Phelps ay nakahanap ng masisilungan ng gabing iyon sa isang abandonadong kuwadra. Ang ibang mga Banal ay nagdusa din noong araw na iyon: Sina Bishop Edward Partridge at Charles Allen ay binuhusan ng alkitran at balahibo, at sinira ang tindahan ni Sidney Gilbert. Pagkaraan ng tatlong araw, sina Partridge, Phelps, at iba pang mga lider ng Simbahan, nakikitang wala nang alternatibo, ay pormal na sumang-ayon na lilisanin ng lahat ng Banal ang county pagsapit ng Abril 1834.
“Sa aming kasalukuyang sitwasyon wala na akong maisulat pa,” ang isinulat ng karaniwang mahilig magsulat na si Phelps kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, makalipas ang ilang araw. Nais ni Phelps na tuparin ang kanyang tungkulin na itatag ang Sion ngunit hindi niya makita kung paano niya ito magagawa sa mga kasalukuyang sitwasyon. “Naghihintay ako sa salita ng Panginoon,” sabi ni Phelps, umaasang hihingi ng mga paghahayag si Joseph bilang sagot kung bakit pinahintulutan ng Panginoon na mangyari ang mga bagay na ito sa Sion. “Kung mangungusap pa ang Panginoon sa kanyang mga anak, makabubuting itanong ang bawat bagay tungkol sa pagkawasak ng palimbagan,” mungkahi niya. Samantala, sinikap ni Phelps na makita ang kanyang mga pagsubok nang may positibong pananaw. “Alam ko mula sa aking mga karanasan,” tiniyak niya sa mga Banal sa Kirtland sa isang liham, “na makabubuti para sa atin na subukin nang husto ang ating pananampalataya.”
Pagtanggap ng Banal na Patnubay
Hindi nakatanggap si Joseph Smith ng detalyadong mga balita tungkol sa mga pangyayaring ito hanggang noong ika-9 ng Agosto 1833, nang si Oliver Cowdery—ang emisaryo ng mga Banal sa Missouri—ay dumating sa Kirtland pagkatapos ng dalawa’t kalahating linggong paglalakbay. Dahil sa 900 milyang distansya ng Independence mula sa Kirtland, ang mga isinulat na pangyayari na ipinadala sa pamamagitan ng koreo o nailathala sa mga pahayagan ay talagang hindi nakarating sa Ohio hanggang noong kalagitnaan ng Agosto. Samantala, nakatanggap si Joseph Smith ng dalawang paghahayag (Doktrina at mga Tipan 97 at 98) noong unang bahagi ng Agosto na, bagama’t hindi tinalakay sa mga ito ang mga partikular na paghihirap na naranasan ng mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County noong ika-20 ng Hulyo, gayunpaman ay nagbigay ng mga salita ng kapanatagan at payo na magagamit kalaunan ni Phelps at ng iba pang mga Banal sa Missouri upang matulungan sila na maunawaan ang kanilang mga karanasan at mga pagdurusa.
Noong ika-2 ng Agosto 1833, idinikta ni Joseph Smith ang unang paghahayag, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 97. Dito, pinuri ng Panginoon ang paaralan ng Simbahan sa Jackson County at inulit ang utos na “magtayo ng isang bahay para sa akin sa lupain ng Sion.” Nakasaad sa paghahayag na “kung gagawin ng Sion ang mga bagay na ito siya ay uunlad at kakalat siya at magiging napakamaluwalhati. … Ang Sion ay magdiwang (dahil ito ang Sion ang may dalisay na puso).” Gayunpaman, nagbabala ang Panginoon na “ang paghihiganti ay mabilis na darating sa hindi makadiyos.” Ang Sion ay makatatakas lamang sa mga kalamidad na ito “kung kanyang tutuparin ang lahat ng bagay anuman ang iniutos ko sa kanya.” Kung hindi, “akin siyang parurusahan alinsunod sa kanyang mga gawa, nang may matinding pagpapahirap.”
Natanggap ni Joseph Smith ang pangalawang paghahayag, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 98, noong ika-6 ng Agosto 1833. Bagama’t hinikayat ng Panginoon ang mga Banal na suportahan ang Konstitusyon ng Estados Unidos at ang tuntunin ng batas, nagbabala ang paghahayag na “kapag ang masama ang namamahala ang mga tao ay nagdadalamhati.” Inaasahan ang pagdating ng mga pang-uusig, iniutos ng paghahayag sa mga miyembro ng Simbahan na “talikuran ang digmaan at ipahayag ang kapayapaan.” Nang dumanas sila ng pang-aabuso mula sa mga kaaway ng Simbahan, ang mga Banal ay inutusan na “matiyaga itong [batahin],” patawarin ang mga nang-aapi sa kanila, at hayaan ang Panginoon na siyang maghiganti sa mga may sala. Ang mga paghahayag na ito ay ipinadala sa isang liham sa mga Banal sa Missouri noong ika-6 ng Agosto, tatlong araw bago dumating si Cowdery sa Kirtland. Nang matanggap ito sa Jackson County sa pagsisimula ng Setyembre, ang mga paghahayag ay walang alinlangang pinagmulan ng kapanatagan at tagubilin para sa mga Banal na tulad ni Phelps, na naghihintay na makatanggap ng banal na patnubay.
“Pagkatapos ng Maraming Kapighatian Darating ang mga Pagpapala”
Sa pagtanggap ng payo mula sa mga paghahayag ni Joseph, ang mga lider ng Simbahan sa Missouri ay nagsikap na makahanap ng mga legal na proteksyon laban sa mga mandurumog at sa utos ng mga ito na umalis sila pagsapit ng tagsibol. Noong Setyembre at Oktubre 1833, humingi sila ng bayad-pinsala mula sa mga opisyal ng estado at kumuha ng mga abogado upang kumatawan para sa ipinaglalaban ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga korte. Ang mga legal na aksyon ng mga Banal ang nagkumbinsi sa mga mandurumog na hindi aalis ang mga miyembro ng Simbahan maliban lamang kung pwersahang palalayasin ang mga ito. Bago pa man dininig ang kanilang kaso sa korte, muling sumalakay ang mga mandurumog.
Noong huling bahagi ng Oktubre at sa unang bahagi ng Nobyembre, binantaan ng mga vigilante ng Jackson County ang mga Banal at pagkatapos ay pinalayas sila mula sa kanilang mga tahanan. Bagama’t nagsikap ang mga miyembro ng Simbahan na ipagtanggol ang kanilang mga sarili, malinaw na sinunod nila ang payo ng Panginoon sa paghahayag noong ika-6 ng Agosto (Doktrina at mga Tipan 98) na matiyagang batahin ang pang-uusig sa kanila. Noong ika-6 at ika-7 ng Nobyembre, habang naninirahan bilang refugee sa Clay County, sa bandang hilaga ng Jackson County, isinulat ni Phelps ang unang detalyadong kuwento kay Joseph Smith tungkol sa karahasan, na naglalarawan ng mga pambubugbog sa mga miyembro ng Simbahan, pagwasak sa kanilang mga bahay, at maging pagdanak ng dugo sa magkabilang panig. Nilagdaan niya ito ng, “Matiisin sa kapighatian.” Nang sumunod na linggo, habang patuloy na iniisip ni Phelps ang nangyari, isang talata mula sa Bagong Tipan ang pumasok sa kanyang isipan. “Sinabi ng Tagapagligtas, Mapalad kayo kapag kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan,” isinulat niya noong ika-14 ng Nobyembre, “at sa palagay ko ay nangyari na sa atin iyan.”
Habang ang liham na ito at ang iba pang mga ulat ng pagpapalayas ay lumaganap sa Kirtland noong huling bahagi ng Nobyembre at unang bahagi ng Disyembre, mapanalanging humingi ng paghahayag si Joseph upang mabigyan ng tagubilin na siyang lubhang ninanais ni Phelps at ng iba pang mga Banal. Sa isang liham noong ika-10 ng Disyembre, pinaalalahanan ni Joseph ang mga lider ng Simbahan sa Missouri na noong 1831 ay nagpahayag ang Panginoon sa mga miyembro ng Simbahan na “pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala.” Bagama’t hindi pa inihahayag ng Panginoon kung bakit ang “malaking kapahamakan” ay “dumating sa Sion” o “kung paano niya [ang Panginoon] ibabalik [ito] sa mana nito,” patuloy na nagtiwala si Joseph na ang Sion ay matutubos sa “sariling takdang panahon” ng Diyos. Pinayuhan ng Propeta ang mga Banal na huwag ibenta ang kanilang mga lupain sa Sion at hinikayat silang humingi ng bayad-pinsala ayon sa batas mula sa mga opisyal ng estado at pederal. Kung hindi pakikinggan ng pamahalaan ang mga Banal, magsusumamo sila sa Panginoon “araw at gabi” para sa banal na katarungan. Nagtapos si Joseph sa isang panalangin na maalala ng Diyos ang Kanyang mga pangako hinggil sa Sion at iligtas ang mga Banal
Noong ika-16 at ika-17 ng Disyembre, idinikta ni Joseph ang isang pinalawig na paghahayag, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 101, na nagbigay ng mga sagot sa mga tanong niya, ni Phelps, at ng iba pang mga Banal. Hinayaan ng Panginoon na mangyari ang kapahamakan “bilang bunga ng mga paglabag [ng mga Banal].” Gayunpaman, ipinahayag ng Panginoon, “Sa kabila ng kanilang mga kasalanan ang aking kalooban ay napupuspos ng pagkahabag sa kanila.” Bagama’t nakalat ang mga Banal, ang Sion ay “hindi matitinag sa kanyang kinaroroonan.” Hinggil sa pagtubos ng Sion, nagsalaysay ang paghahayag ng isang talinghaga tungkol sa “isang [taong] maharlika” na inatasan ang kanyang mga tagapaglingkod na protektahan ang kanyang ubasan. Habang ang mga tagapaglingkod ay nagtatalo sa isa’t isa, “ang kaaway ay dumating ng gabi” at “winasak ang kanilang mga ginawa, at sinira ang mga puno ng Olibo.” Inutusan ng Panginoon ang kanyang tagapaglingkod na “dalhin ang lahat ng lakas ng aking sambahayan” at “tubusin ang aking ubasan.” Sa muling pagbanggit ng pagpapatibay ng Konstitusyon ng Estados Unidos mula sa Doktrina at mga Tipan 98, inulit ng paghahayag ang naunang payo ni Joseph Smith na humingi ng bayad-pinsala ang mga Banal sa Missouri mula sa mga awtoridad ng pamahalaan, na may pangako na kung tatanggihan ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga pagsamo ng mga miyembro ng Simbahan, ang Panginoon ay “lalabas mula sa kanyang pinagtataguang lugar & sa kanyang matinding galit ay gagambalain ang bansa.” Ang Doktrina at mga Tipan 101 ay nagbigay sa Propeta ng isang banal at inspiradong plano para sa pagtubos ng Sion—isang gawaing pagtutuunan niya sa natitirang panahon ng kanyang buhay.
Sa unang bahagi ng 1834, isang kopya ng paghahayag na magiging Doktrina at mga Tipan 101 ang dumating sa Missouri, nagbibigay kay William W. Phelps ng “salita ng Panginoon” na pinakahihintay niya. Noong ika-27 ng Pebrero, sumulat siya kay Joseph Smith, ipinababatid sa kanya ang tungkol sa mga pagsisikap na ginagawa ng mga Banal upang makatanggap ng hustisya sa korte ng Missouri. Habang tinatapos ni Phelps ang kanyang liham, binanggit niya ang paghahayag. Napaisip si Phelps kung “ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ng ubasan, na tinawag at pinili upang pungusan ito sa huling pagkakataon” ay “matatakot na gawin ang lahat para kay Jesus tulad ng ginawa niya para sa atin”? “Hindi,” sagot niya, “susunod tayo sa tinig ng Espiritu, upang madaig ng kabutihan ang mundo.”