“‘Isang Bahay para sa Ating Diyos’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Isang Bahay para sa Ating Diyos,” Konteksto ng mga Paghahayag
“Isang Bahay para sa Ating Diyos”
Noong ika-1 ng Hunyo 1833, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na naglalaman ng matinding pananalita. “Kayo ay nagkasala sa akin ng isang mabigat na kasalanan,” pahayag ng Panginoon, “na hindi ninyo isinaalang-alang ang dakilang kautusan sa lahat ng bagay na aking ibinigay sa inyo hinggil sa pagtatayo ng aking bahay.” Ang “dakilang kautusan” na iyon ay dumating limang buwan na ang nakaraan sa mahabang paghahayag na tinawag ni Joseph na “dahon ng olibo” (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 88). Ito ay nag-utos sa mga Banal na “isaayos ang [kanilang] sarili” at magtayo ng “isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos.”
Kasama ang mga tagubilin na “turuan ang bawat isa” at “maghangad na matuto maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya,” naunawaan ni Joseph Smith at ng mga elder sa Kirtland na ang paghahayag na ito ay kinapapalooban ng dalawang utos. Sila ay “magtatayo ng isang bahay ng Diyos, & magtatayo ng isang paaralan para sa mga Propeta.” Si Joseph Smith at ang mga Banal sa Kirtland ay nagsimulang kumilos agad ayon sa tagubiling ito, ngunit, tulad ng nakasaad sa paghahayag noong ika-1 ng Hunyo, bahagya lamang nilang naunawaan kung ano talaga ang kahulugan nito o ang napakalaking sakripisyong kakailanganin dito.
“Hindi Ninyo Isinaalang-alang”
Sa loob ng ilang linggo na naibigay ang paghahayag na tinawag na dahon ng olibo, ang Paaralan ng mga Propeta ay nagsimula na, at halos 25 kalalakihan ang nagpupulong sa isang maliit na silid sa itaas ng Tindahan ni Newel K. Whitney (tingnan sa Nathan Waite, “Isang Paaralan at ang Endowment: D&T 88, 90, 95, 109, 110,” sa pahina “00” [174] ng aklat na ito). Itinigil pansamatala ang pagdalo sa paaralan noong Abril 1833, at pinagtuunan ni Joseph at ng mga kapatid ang mga praktikal na aspeto ng pagsasakatuparan ng paghahayag. Hindi nagtagal ay natapos na ang pagbili ng lupa, at ang mga kalalakihan ay itinalaga upang pangasiwaan ang iba’t ibang industriya sa mga ari-ariang iyon. Noong ika-4 ng Mayo, isang kumperensya ng mga high priest ang ginanap upang isaalang-alang ang “kahalagahan ng pagtatayo ng isang gusali ng paaralan para sa layuning mapaunlakan ang mga Elder na darating upang tumanggap ng kanilang edukasyon para sa ministeryo.” Sina Hyrum Smith, Jared Carter, at Reynolds Cahoon ay itinalaga na “isang komite para mangalap ng suskrisyon [mga donasyon], para sa layuning Pagtatayo ng gusaling iyon.”
Bagama’t makikilala ang gusali bilang Templo ng Kirtland, hindi alam ng mga Banal noong 1833 na nagtatayo sila ng isang templo. Nabasa nila ang tungkol sa mga templo sa Biblia at Aklat ni Mormon, ngunit kakaunti pa rin ang alam nila tungkol sa mga ito. Pagkalipas ng dalawang taon, tinukoy sa isang paghahayag na isang templo ang itatayo sa Jackson County, Missouri. Si Joseph Smith ay tumulong mismo sa paglalagay ng batong panulok noong 1831, ngunit halos walang progreso ang pagtatayo ng templo, at ang mga karagdagang paghahayag ay nagbigay lamang ng kaunting kaalaman tungkol sa layunin ng mga templo.
Makikita sa mga talaan mula sa tagsibol ng 1833 na inakala ng mga Banal na ang “gusali” sa Kirtland ay isang “gusali ng paaralan,” at hindi talaga naunawaan na ang utos (na magtayo ng isang bahay ng Diyos) ay may kaugnayan sa templo sa Sion. Ngayon, ang paghahayag noong ika-1 ng Hunyo ay nagsasaad na hindi lubos na “isinaalang-alang” ni Joseph Smith at ng mga Banal na sundin agad o pahalagahan ang utos.
Ang paghahayag na iyon (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 95) ay nagbigay ng ilang mas malinaw na layunin. Inihayag nito na sa “bahay” ang Panginoon ay “mag[ka]kaloob sa aking mga pinili ng kapangyarihan mula sa itaas”—na iniugnay ang pagtatayo ng bahay sa ipinangakong pagkakaloob ng kapangyarihan. Tinukoy nito ang mga sukat ng loob ng gusali—55 talampakan ang lapad at 65 talampakan ang haba—at inilarawan ang mga paggagamitan ng mga palapag sa itaas at sa ibaba ng “loob ng patyo,” isang parirala na nagpaalala sa templo sa Jerusalem sa Biblia. Nangako rin ang paghahayag ng karagdagang tagubilin. Ang bahay ay itatayo “hindi alinsunod sa pamamaraan ng sanlibutan,” kundi “alinsunod sa pamamaraang aking ipakikita sa tatlo sa inyo, na iyong itatalaga at oordenan sa kapangyarihang ito.”
Si Joseph Smith at ang kanyang mga tagapayo, sina Sidney Rigdon at Frederick G. Williams, ay itinalaga “na tumanggap ng drowing o disenyo ng loob ng patyo ng bahay.” Inilarawan kalaunan ni Williams ang ibinigay na pangitain [sa kanila]. “Lumuhod kami,” paggunita niya, “at nanalangin sa Panginoon, at lumitaw ang Gusali sa layong abot-tanaw namin: at ako ang unang nakakita nito. Pagkatapos lahat kami ay magkakasamang tiningnan ito. Matapos naming makitang mabuti ang panlabas na hitsura nito, parang lumapit ang gusali sa mismong harapan namin.” Ang natapos na gusali, sabi niya, “ay tila katulad ng nakita ko roon sa lahat ng detalye.”
Ang isang napakahalagang tanong na nalinaw sa pangitaing ito ay kung anong mga materyales ang gagamitin sa pagtatayo ng bahay. Naalala ni Lucy Mack Smith ang isang council meeting kung saan napagpasiyahan na napakamahal ng isang gusali; kaya sa halip nito, bahay na lang na yari sa troso ang itayo. Ipinaalala sa kanila ni Joseph Smith “na hindi sila nagtatayo ng bahay para sa kanilang sarili o sa sinumang tao kundi ng isang bahay para sa Diyos.” Sabi niya, ‘At magtatayo ba tayo, mga kapatid, ng isang bahay na yari sa troso para sa Ating Diyos? Hindi, mga kapatid, may mas maganda akong plano kaysa riyan. May plano ako ng bahay ng Panginoon na Siya mismo ang nagbigay.” Naalala ni Lucy na sinabi ni Joseph na ipapakita sa kanila ng planong ito “ang pagkakaiba ng ating mga ideya at ng kanyang mga Ideya.” Ang mga kapatid ay “nalugod” nang ilarawan ni Joseph ang buong plano, kabilang ang isang istrukturang yari sa bato.
Isang Plano para sa “Lunsod ng Istaka ng Sion”
Ang mga pangyayaring ito ay nagpalawak sa pang-unawa ni Joseph Smith at ng mga Banal hinggil sa pisikal na anyo ng bahay ng Panginoon na itatayo sa Kirtland; ang iba pang mga paghahayag ay nakatulong na maunawaan ang tungkol sa Sion at sa heograpiya nito. Noong Hunyo, tatlong linggo matapos matanggap ng panguluhan ang atas na hingin ang kalooban ng Panginoon hinggil sa disenyo ng bahay ng Panginoon sa Kirtland, gumawa sila ng isang mapa ng lupain para sa panukalang lunsod ng Sion sa Missouri na ang templo ang sentro nito at kasama sa drowing ang laki, anyo, at mga sukat nito. Iniutos ng panguluhan sa mga lider ng Missouri na magtayo “kaagad sa Sion” ayon sa mga huwarang ito.
Samantala, sa paghahayag na ibinigay noong ika-4 ng Hunyo 1833 (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 96), tinagubilinan si Bishop Newel K. Whitney na pamahalaan ang lugar kung saan itatayo ang bahay ng Panginoon sa Kirtland. Ang Kirtland ang magiging “lunsod ng istaka ng Sion”—isang pangalawang lugar na pagtitipunan na ihahalintulad sa tampok na lugar sa Missouri. Tulad ng iniutos sa isang paghahayag na may petsang Agosto 2, 1833 (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 94), ito ay itatayo tulad ng plano para sa Missouri, na ang bahay ng Panginoon ang nasa sentro, na parehong ang templo ang pokus sa ipinlanong lunsod ng Sion. Iniutos din sa paghahayag na magtayo ng dalawang karagdagang gusali—isang “bahay” para sa panguluhan at ang isa pa ay para sa palimbagan—na itatayo sa tabi ng templo sa gitna ng lunsod. Gayundin noong ika-2 ng Agosto, inulit sa isang paghahayag (Doktrina at mga Tipan 97) ang utos na magtayo ng isang “bahay” sa Sion (Missouri), “katulad ng huwarang ibinigay ko sa inyo.” Ito ay kailangang “kaagad [na] itayo,” para sa isang lugar ng pasasalamat at tagubilin.
Sa patnubay ng mga paghahayag, ang panguluhan ay nagdrowing ng mapa ng lugar ng Kirtland at binago ang mapa para sa lunsod ng Sion sa Missouri. Ipinadala nila ang binagong mga plano at mga kopya ng mga paghahayag sa mga lider sa Missouri, ngunit noong panahong dumating ang liham, ang mga mandurumog ay nagsimulang maging marahas. Sa loob ng ilang buwan, napilitan ang mga miyembro ng Simbahan na lisanin ang Jackson County at itigil ang anumang plano na magtayo ng templo roon.
Ang mga ginawa ni Joseph Smith sa pagpaplano ng lunsod ay hindi kakaiba noong ika-19 na siglo sa Amerika. Ang tawag sa mga ito ay “isang maliit na halimbawa sa napakaraming plano para sa mga bayan” sa panahong iyon ng mabilis na pagdami ng tao sa kanluran at pag-unlad sa industriya ng lunsod. Ang mga plano para sa lunsod ng Sion ay tila katulad din ng maraming iba pang mga bayan—iginuhit sa isang grid pattern at maingat na pinlano na may mga pangunahing direksyon, may maluluwang na kalsada at malalaking lote. Ngunit may malaking kaibhan: ang Sion ay nakasentro sa mga templo, hindi sa mga palengke. Ito ay isang lugar ng pagtitipon, kung saan nagtungo ang mga nagbalik-loob para manirahan sa sagradong lugar at mula rito ang mga misyonero ay humahayo sa iba’t ibang lugar upang ipangaral ang ebanghelyo—na humahantong sa pagtitipon ng mas marami pang tao. Ang espirituwal at heograpikal na huwarang ito na itinatag noong tag-init ng 1833 ay makakaimpluwensya sa [kaayusan ng] mga komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa nalalabing bahagi ng siglo at sa darating pang mga taon.
“Iisa ang Naiisip Naming Lahat”
Pagkatapos ng karahasan sa Missouri, nagsimulang bumilis ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon sa Kirtland. Sa pagtugon sa mga nabanggit na paghahayag, ang dating hinirang na komite nina Hyrum Smith, Reynolds Cahoon, at Jared Carter ay tinawag na ngayong “komite para sa pamamahala ng gusali,” at ang responsibilidad nito ay pinalawak mula sa pagpopondo hanggang sa pagtatayo ng gusali. “Kaagad [nilang] sisimulan ang pagtatayo ng Bahay o pagbili ng mga materyales, Stone Brick Lumber &c.” Noong ika-7 ng Hunyo, isinulat ni Hyrum Smith sa kanyang diary, “Sa araw na ito ay sinimulan ang paghahanda para sa Pagtatayo ng Bahay ng Panginoon.”
Ang pagtatayo ng templo ay magiging isang napakahirap na gawain para sa mga Banal. Noong tag-init ng 1833, 150 pa lamang ang mga miyembro ng Simbahan na naninirahan sa lugar. Wala ni isa sa kanila ang may mga kasanayan para pangasiwaan ang gayong kalaking proyekto sa pagtatayo—wala ni isang arkitekto o inhinyero sa kanila, o kahit isang bihasang draftsman para magdrowing ng mga plano. Kapos na sa pera, at ang pagtatayo ng malaki at napakahalagang gusali, sa tinatayang halaga na $40,000, ay nangangailangan ng maraming pinansyal na resources ng Simbahan na hindi kayang matugunan sa susunod na tatlong taon.
Bagama’t ang mga sukat at paggagamitan at ilang aspeto ng hitsura nito ay tinukoy sa paghahayag, ang iba pang mga bahagi ay ipinaubaya sa mga lider at manggagawa na magtatayo ng gusali. Ipinapakita sa disenyo ng gusali na ginamit nila ang sarili nilang karanasan at ideya tungkol sa dapat na hitsura ng gusali ng simbahan. Ang hugis nito ay kahalintulad ng popular na estilong Greek Revival. Tulad ng maraming nagtatayo ng gusali noong panahong iyon, kumuha rin sila ng iba’t ibang ideya mula sa mga manwal para pagtatayo ng gusali. Ang mga Gothic na bintana ay karaniwang nauugnay sa mga gusaling panrelihiyon, at ang tore at taluktok ay naging kilalang katangian ng mga simbahan sa New England.
Pagsapit ng taglagas na iyon, ang mga pundasyong pader na bato ay nailagay na, ngunit kalaunan ay nahinto agad ang pagtatayo. Ang mga manggagawa sa pagawaan ng ladrilyo na pag-aari ng Simbahan ay hindi nakagawa ng sapat na bilang ng mga ladrilyo para magamit sa pagtatayo. Ipinasiya na “ihinto ang pagtatayo ng templo para sa taglamig dahil sa kakulangan ng mga materyales at para maihanda ang lahat ng kinakailangan upang masimulan ito nang maaga sa panahon ng tagsibol.”
Ang sumunod na malaking bahagi ng pagtatayo ay nagsimula sa pagdating ni Artemus Millet noong Abril 1834, isang convert at bihasang tagagawa ng masonerya mula sa Canada. Ang mahalagang kontribusyon ni Millet ay ang mungkahi niya na gumamit ng isang paraan ng pagtatayo ng gusali gamit ang magagaspang na bato at pagkatapos ay papahiran ang mga batong iyon ng estuko sa halip na ang mas mahal na konstruksyon gamit ang mga ladrilyo. Sinunod ang kanyang mungkahi, itinayo ng mga Banal ang mga pader gamit ang magaspang na bato, na kinuha mula sa kalapit na tibagan ng mga bato, at pagkatapos ay pinahiran ng estuko para kuminis.
Ang tagsibol at tag-init ng 1834 ay mahirap na panahon para sa pagtatayo ng templo dahil ang karamihan sa kalalakihan sa komunidad ay sumama kay Joseph Smith sa Missouri sa Kampo ng Israel, sa pag-asang matulungan ang mga Banal na pinalayas ng malulupit na mandurumog mula sa kanilang mga tahanan. Dahil wala ang kalalakihan, ipinagpatuloy ng kababaihan ang gawain. Ang ilan ay nagkantero, nagpastol ng mga baka, at naghakot ng mga bato, at ang iba naman ay nanahi, nag-ikit, at naghabi para makagawa ng mga damit para sa mga manggagawa.
Ang pagbalik ni Joseph Smith at ng karamihan sa mga kalalakihan mula sa Kampo ng Israel ay nangahulugang pagtatayo muli ng templo bilang pangunahing gawaing pagtutuunan sa Kirtland. Si Joseph mismo “ang nagsilbing tagapamahala sa pagtitibag ng mga bato para sa templo” at nagtrabaho sa gusali “kapag nagawa na niya ang iba pang mga tungkulin.” Pagsapit ng Pebrero 1835, naitayo na ang mga pader at nagsimula na ang paggawa sa bubong. Isang pulong ang ginanap noong ika-7 ng Marso 1835, kung saan nagpasalamat si Joseph Smith sa “mga inilaan ang kanilang sarili sa pagtatayo ng bahay na nabanggit gayon din sa pagtatrabaho [sa pagtatayo nito].” Pagkatapos ay binasbasan ni Sidney Rigdon ang 120 indibiduwal na tumulong sa pagtatayo ng bahay ng Panginoon sa pamamagitan ng kanilang paggawa at paglalaan.
Pagsapit ng taglagas na iyon, nagkaroon ng mas matinding hangaring tapusin ang templo. Ipinahayag ni Lucy Mack Smith ang determinasyon ng mga miyembro ng Simbahan sa gawain. “Iisa lamang ang iniisip naming lahat,” sabi niya, “at iyon ay ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon.” Si Truman Angell, isang baguhang karpintero mula sa Providence, Rhode Island, ang namuno sa paggawa sa itaas na bahagi ng gusali. Ginamit ni Brigham Young at ng kanyang kapatid na si Joseph ang mahusay nilang kasanayan sa paggawa at paglalagay ng mga bintana. Isa pang kapatid na Young, si Lorenzo, ang tumulong kay Artemus Millet sa paglalagay ng estuko o plaster sa panlabas, isang mahirap na trabaho sa maginaw na panahon ng taglamig. Ang paglalagay ng plaster sa loob ng gusali ay pinangasiwaan ni Jacob Bump, isang mahusay na karpintero na siya ring gumawa ng mga pulpito at ng kahoy na maganda ang pagkakayari sa mas mababang patyo. Ang mga kalan ay maingat na inilagay para magbigay init sa loob at tumulong sa pagpapatuyo ng plaster.
Ang mga kababaihan ay gumawa ng mga tabing na isasabit mula sa kisame para mahati sa mga bahagi ang mas mababang bulwagan at gumawa ng iba pang mga kagamitan para sa templo. Kalaunan ay “nagpahayag” si Joseph Smith “ng basbas sa Kababaihan dahil sa kusa at maraming paglilingkod nang napakasaya sa paggawa ng tabing para sa bahay ng Panginoon.” Ang mga bata ay tumulong din sa pagtitipon ng mga basag na pinggan at salamin, na idinagdag sa estuko para kuminang ito sa sikat ng araw.
“Lugar na Pagpapakitaan ng Kanyang Sarili”
Ang loob ng templo ay natapos nang paisa-isang bahagi, at nang matapos na ang mga silid, sinimulang gamitin ng mga lider at miyembro ng Simbahan ang mga ito para sa iba’t ibang layunin. Samantala, patuloy na nagsikap si Joseph Smith upang espirituwal na maihanda ang mga Banal para sa mga pagpapakitang ipinangako sa mga paghahayag. “Umuwi ako sa aming bahay na pagod sa patuloy na pag-aalala & [pagsasaayos] ng lahat ng May Awtoridad & sa pagsisikap na dalisayin sila para sa kapita-pitagang kapulungan alinsunod sa kautusan ng Panginoon,” isinulat niya sa kanyang journal noong ika-30 ng Enero 1836. Ilang araw pa lang ang nakararaan, sa gitna ng gayong mga paghahanda, nakatanggap si Joseph ng pangitain tungkol sa kahariang selestiyal (Doktrina at mga Tipan 137); ang iba pang mga espirituwal na manipestasyon sa panahong ito ay nagbigay ng bahagyang pagkaunawa sa mas dakilang mga karanasan na darating.
Ang paglalaan ng bahay ng Panginoon ay isang panahon ng pagdiriwang at kasiyahan para sa naunang mga Banal. Ang mga paghahayag sa nakalipas na tatlong taon ay naisakatuparan na sa pamamagitan ng hindi masukat na mga sakripisyo ng paggawa at pagbibigay ng mga ari-arian. Sa panalangin para sa paglalaan, na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 109, si Joseph Smith ay nagsumamo, “Aming hinihiling sa inyo, O Panginoon, na tanggapin ang bahay na ito, ang gawa ng aming mga kamay, na inyong mga tagapaglingkod, na inyong ipinag-utos na aming gawin; sapagkat inyong alam na aming ginawa ang gawaing ito sa pamamagitan ng labis na paghihirap; at mula sa aming kahirapan kami ay nagbigay ng aming ari-arian upang magtayo ng isang bahay sa inyong pangalan, nang ang Anak ng Tao ay magkaroon ng lugar na pagpapakitaan ng kanyang sarili sa kanyang mga tao.”
Natupad ang mga ipinangakong pagpapakita. Ang Tagapagligtas ay nagpakita at ipinahayag ang kanyang pagtanggap sa templo, at ipinagkaloob ng iba pang mga nilalang mula sa langit ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Ang mga pagpapakitang iyon ay nagbukas ng daan para sa mga paghahayag at mga ordenansa sa templo sa hinaharap. Matapos ipakita ang kanilang kahandaang magtayo ng bahay ng Panginoon, saka pa lamang nagsimulang matutuhan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga layunin ng mga templo.