Kasaysayan ng Simbahan
Ang Katanggap-tanggap na Handog ng Kampo ng Sion


“Ang Katanggap-tanggap na Handog ng Kampo ng Sion,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ang Katanggap-tanggap na Handog ng Kampo ng Sion,” Konteksto ng mga Paghahayag

Ang Katanggap-tanggap na Handog ng Kampo ng Sion

D&T 103, 105

Dumating ang Kampo ng Sion sa Missouri

Ikinamangha ng dalawampu’t dalawang taong gulang na si Nathan Baldwin nang, habang nasa kalagitnaan ng pangangaral ng ebanghelyo sa Connecticut noong Pebrero 1834, nakadama siya ng pahiwatig na “magtungo sa kanluran.” Si Nathan, na ipinanganak noong 1812 sa Augusta Township sa Grenville County sa Upper Canada, ay nabinyagan noong ika-28 ng Abril 1833, at ginugol ang panahon mula noon sa pangangaral sa silangang Estados Unidos. Sinunod niya agad ang pahiwatig na magtungo sa kanluran. “Agad akong nagtungo sa kanluran,” isinulat niya, “at sinimulang muling tahakin ang daan, at kasabay nito ay itinatanong, ano ang gagawin ko sa kanluran?” Nang dumating siya sa Oswegatchie, New York, isang kabataan na nagngangalang Reuben Foote ang nagsabi sa kanya na pinalayas ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, noong taglagas ng 1833 at nagplano si Propetang Joseph Smith na pamunuan ang isang ekspedisyon para tulungan ang napaalis na mga miyembro ng Simbahan. Naunawaan na ni Nathan noong sandaling iyon kung bakit pinapunta siya ng Panginoon sa kanluran—upang makasama siya sa ekspedisyon.

Tama ang impormasyong natanggap niya kay Oswegatchie. Sa panahon ding iyon na nadama ni Nathan ang pahiwatig na magtungo sa kanluran, sina Parley P. Pratt at Lyman Wight ay dumating sa Kirtland, Ohio, mula sa Missouri upang ipaliwanag kay Joseph Smith at sa high council ng Kirtland ang kalagayan ng mga Banal na karamihan ay naninirahan na noon sa Clay County, Missouri. Inisip nina Pratt at Wight kung paano at kailan matutubos ang Sion, ibig sabihin ay paano at kailan muling mababawi ng mga Banal ang kanilang lupain sa Jackson County. Matapos pakinggan sina Pratt at Wight, inihayag ni Joseph Smith “na siya ay magtutungo sa Sion upang tumulong sa pagtubos nito” at humiling ng mga boluntaryong sasama sa kanya.

Nang araw ring iyon, nakatanggap si Joseph ng isang paghahayag, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 103, na nag-utos sa kanya na mangalap ng boluntaryo na hindi kukulangin sa 500 “sa lakas ng sambahayan [ng Panginoon]”—mga kabataang lalaki at mga nasa katanghaliang-gulang—na magsitungo sa Sion, kung saan tutubusin nila ang ubasan ng Panginoon. Ilan buwan na ang nakaraan, noong Disyembre 1833, ipinahiwatig ng Panginoon ang gawaing ito na tubusin ang Sion sa paghahayag na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 101. Ang paghahayag ay naglalaman ng isang talinghaga tungkol sa isang taong maharlika na may ubasan na sinira ng kanyang mga kaaway at nag-utos sa kanyang tagapaglingkod na dalhin ang lahat ng lakas ng kanyang sambahayan upang bawiin ang kanyang lupain. Sa paghahayag noong Pebrero 1834, tinukoy ng Panginoon si Joseph Smith bilang tagapaglingkod sa talinghaga at itinalaga siya na mamuno sa ekspedisyon patungo sa Sion.

Tumugon si Nathan Baldwin sa kahilingan para sa mga boluntaryo. Noong ika-3 ng Mayo 1834, dumating siya sa Kirtland, dalawang araw na lang bago lumisan si Joseph kasama ang isang grupo ng kalalakihan patungo sa Missouri. May mga 20 iba pang indibiduwal ang lumisan din sa Teritoryo ng Michigan noong ika-5 ng Mayo, sa ilalim ng pamumuno nina Lyman Wight at Hyrum Smith. Dahil sa mga boluntaryong nakalap habang naglalakbay, ang ekspedisyon—na kilala sa panahong iyon bilang Kampo ng Israel at kalaunan ay tinawag na Kampo ng Sion—ay umabot sa huli sa bilang na mga 205 kalalakihan at tinatayang 25 babae at mga bata.

Ipinaliwanag nina Sidney Rigdon at Oliver Cowdery ang mga mithiin ng ekspedisyon sa isang liham na ipinadala sa mga Banal sa iba’t ibang dako ng Estados Unidos, na humihingi ng suporta. Ipinaliwanag sa liham na ang grupo ay maglalakbay patungo sa County, Missouri, kung saan hihilingin ng mga lider ng Simbahan sa gobernador ng Missouri na si Daniel Dunklin na atasan ang militia ng estado, na pinaniwalan ni Joseph Smith at ng iba pa na handa nitong gawin. Sasamahan lang ng militia ang mga Banal pabalik sa kanilang mga lupain sa Jackson County at pagkatapos ay aalis na ang mga ito. Ang mga miyembro ng Kampo ng Sion ay mananatili, maglilingkod bilang pwersang poprotekta para matiyak na hindi na muling palalayasin ang mga miyembro ng Simbahan.

Gayunpaman, hindi batid ng sinuman kung ano ang magiging reaksyon ng mga tao sa Missouri nang pumasok ang kampo sa estado. Inasahan na ni Nathan Baldwin na makikipaglaban siya bilang miyembro ng kampo, at dahil isang taong mas hangad ang kapayapaan, iyon ay nagpangamba sa kanya. “Ang isa sa mga bagay na kasuklam-suklam sa akin ay ang makakita ng mga sandata ng kamatayan,” paggunita ni Baldwin, “ngunit kumuha ako ng isang riple, kagamitan at bala, at sinikap na matutuhan kung paano gamitin ang mga iyon.”

Ang mga kasali sa kampo ang halos nagbayad para sa sarili nilang mga gastusin. Nag-ambag ang mga miyembro ng Simbahan ng mga $300 sa ekspedisyon, ngunit hindi sapat iyon. Hindi pa natatagalan pagkatapos lisanin ang Kirtland, inilaan ng mga miyembro ng kampo ang kanilang pera at bumuo ng pangkalahatang pondo para sa mga gastusin. Ang ilang miyembro ay walang nailaan o naibigay; ang iba, tulad ni John Tanner, ay nag-ambag ng $170. Isang karangalan para kay Nathan Baldwin na ilaan ang kanyang $14. Ang kampo rin ay inorganisa sa mga pangkat na may 12 kalalakihan sa bawat isa, na ang bawat isang lalaki ay may partikular na responsibilidad sa kani-kanyang pangkat. Ang responsibilidad ni Nathan ay magsuplay ng tubig.

Sa sumunod na isang buwan at kalahati, si Nathan at ang iba pang mga kasama sa Kampo ng Sion ay dumaan sa Ohio, Indiana, at Illinois patungo sa Missouri. Mabilis ang paglalakbay, dahil 40 milya kada araw ang nalalakbay ng kampo. “Dahil ang mga bagon ay halos puno na ng mga bagahe, kailangan naming maglakad,” paggunita kalaunan ni Nathan. Humantong ito sa pagsakit ng mga paa, pagkapaltos, at pati “pagkasugat-sugat ng mga daliri kaya ang mga medyas namin ay basa ng dugo.” Bagama’t ang ilan sa kampo, tulad ni Sylvester Smith, ay nagreklamo sa buong paglalakbay, nasulasok sa pagkain sa kampo at sa kakulangan ng tubig, si Nathan (kasama ang karamihan sa kampo) ay matatag na nagpatuloy nang walang reklamo—kahit na ang kailangan lang niyang inumin ay ang hamog na natipon “sa pagsahod nito sa pamamagitan ng damo.”

Noong unang bahagi ng Hunyo 1834, tinawid ng kampo ang Ilog Mississippi patungo sa Missouri. Noong ika-7 ng Hunyo, nakarating sila sa Salt River, kung saan naroon ang isang branch ng Simbahan. Noong ika ng 8-Hunyo, sumama sa pangkat ng Kirtland ang pangkat ng Teritoryo ng Michigan, at matapos muling mag-organisa, nagpatuloy sa paglalakbay ang kampo noong ika-12 ng Hunyo patungo sa Clay County.

Noong ika-19 ng Hunyo, naalala ni Nathan, ang pangkat ay “nagkampo sa isang mataas na bahagi ng lupain sa pagitan ng dalawang sangang-daan ng Ilog Fishing, malapit sa isang bahay-pulungan ng Baptist, na yari sa pinutol na mga troso.” Habang naghahanda ang kampo para sa gabi, “ilang armadong lalaki” ang lumapit at sinabi sa pangkat na kanilang “makikita ang impiyerno bago mag-umaga.” Isang malaking pangkat ng kalalakihan—naalala ni Nathan na 1,600 katao, ngunit sinabi ng ilan na mga 500—ang nakaabang para sumalakay sa kampo kapag lumubog na ang araw. Hindi nagtagal, matapos ang pagbabantang ito, paggunita ni Nathan ,“isang maliit na itim na ulap ang nakita sa kanluran at lumaki hanggang sa ang bughaw na kalangitan ay natakpan ng maitim na kaulapan, nagbabadya ng paghihiganti, habang matindi ang pagbuhos ng ulan, ang hangin ay umihip nang malakas at nakita ang matitinding pagkidlat at dagundong ng kulog na bihirang makita at marinig.” Umulan din ng malalaking piraso ng yelo “na kasinglaki ng malalaking baso,” binabali ang mga sanga ng puno at sinisira ang mga bakod. Ang matinding bagyo ay “nagpaapaw [sa ilog], upang hindi [sila] makatawid, ni hindi [sila] masasalakay ng [kanilang] mga kaaway kung binabalak nila ito.”

Itinuring ni Nathan at ng iba pang mga miyembro ng kampo ang bagyo bilang katibayan ng pagprotekta ng Diyos, dahil napigilan ang pagsalakay ng pangkat ng kalalakihan sa kampo. “Sinabi na ng Panginoon noon na Siya ang makikipaglaban sa mga digmaan ng Kanyang mga banal,” pahayag ni Nathan, “at tila naglabas na Siya ng utos, na gamitin ang artilerya ng Langit bilang pagtatanggol sa Kanyang mga tagapaglingkod.”

Dalawang araw pagkalipas ng bagyo, isang pangkat ng kalalakihan na kumakatawan sa Ray County at Clay County ang pumasok sa kampo at sinabi kay Joseph Smith na ang pagdating ng kampo ay nagpagalit sa karamihan sa mga taga-Missouri. Katunayan, inulat sa ilang pahayagan na isang malaking pangkat ng kalalakihan ang nagtipon sa Jackson County, handang magpadanak ng dugo, kung sakaling tumawid ang kampo sa Ilog Missouri. Sinabi ng mga kinatawan mula sa Ray County at Clay County sa kampo kung “anong hakbang ang dapat gawin [ng kampo] para makamtan” ang “kabaitan at proteksyon ng mga taga-Missouri sa kanluran. Nalaman din ni Joseph Smith na ayaw atasan ng gobernador ng Missouri na si Daniel Dunklin ang militia ng estado noong panahong iyon, ibig sabihin ay walang sasamang militia sa mga Banal pabalik sa kanilang mga lupain sa Jackson County.

Noong ika-22 ng Hunyo, nagdaos si Joseph ng pulong “para pagpasiyahan ang mga hakbang” na dapat gawin ng kampo. Sa pulong, idinikta niya ang ngayon ay Doktrina at mga Tipan 105—isang paghahayag na, ayon sa isang kasama sa kampo na si Joseph Holbrook, ay “nagpakita ng isipan ng Diyos hinggil sa pagtubos ng Sion.” Iniutos ng paghahayag sa kampo na hindi na nila kailangang tubusin ang Sion sa panahong iyon, binigyang-diin na ang Diyos ang lalaban sa mga digmaan ng Sion at na ang mga elder ng Simbahan ay kailangang mapagkalooban ng kapangyarihan bago mangyari ang pagtubos sa Sion. Tiniyak din ng paghahayag sa mga sumali sa kampo na tinanggap ng Panginoon ang kanilang handog na oras at pera para sa layunin ng Sion. Para kay Nathan Baldwin, ang paghahayag na ito “ang pinakakasiya-siya sa [kanya] sa lahat ng anumang narinig [niya] noon, maliban pa sa ebanghelyo.” Ang ibang mga miyembro ng kampo ay hindi sumang-ayon sa kanya. Naalala ni Nathan na ang ilan ay nag-apostasiya sa Simbahan dahil nagalit sila na hindi sila pinahintulutang makipaglaban.

Dahil hindi na kailangang tubusin ng kampo ang Sion, ito ay sinimulang buwagin. Pinabilis ang pagbuwag nang kumalat ang kolera sa kampo sa pagtatapos ng Hunyo. Labing-tatlong miyembro ng kampo ang namatay, gayon din ang dalawang miyembro ng Simbahan na nakatira sa Missouri. “Ilan sa pinakamahuhusay na lalaki sa kampo” ang nasawi sa epidemya, paggunita ni Nathan. Si Nathan at ang iba pang kasama sa kampo na hindi nagkasakit ay gumawa ng paraan para maalagaan ang mga nagkasakit.

Noong ika-1 ng Hulyo 1834, natanggap ni Nathan ang pormal na pag-release sa kanya sa kampo, gayon din ang bahagi niya sa inilaang pera na hindi nagastos. Ang dapat na matanggap niya ay $1.16 ngunit isang dolyar lamang ang natanggap niya dahil wala silang eksaktong barya. Naglakbay siya pabalik sa Kirtland sa sumunod na ilang linggo na isang dolyar lamang ang dala para sa pagkain niya.

Bagama’t dumanas ng kasalatan at mga hirap sa paglalakbay, ang panahon ni Nathan Baldwin sa Kampo ng Sion ay naglatag ng pundasyon sa buong buhay niya. Hindi nagtagal ay nagkaroon siya ng pribilehiyo na dumalo sa Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland kasama si Joseph Smith at ang iba pang mga mag-aaral. Siya rin ay isa sa mga miyembro ng kampo na tinawag na maglingkod sa unang Korum ng Pitumpu. Palagi niyang aalalahanin ang ipinahayag ng Panginoon sa bahagi 105 tungkol sa mga sumali sa kampo: “Aking narinig ang kanilang mga panalangin, at tatanggapin ang kanilang mga handog.”

  1. Nathan B. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 6–7, Church History Library, Salt Lake City.

  2. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 7–8.

  3. “Minutes, 24 February 1834,” 41–42, josephsmithpapers.org.

  4. “Revelation, 24 February 1834 [D&C 103],” 7–18, josephsmithpapers.org.

  5. “Revelation, 16–17 December 1833 [D&C 101],” 73–83, josephsmithpapers.org.

  6. “Revelation, 24 February 1834 [D&C 103],” 12–13, josephsmithpapers.org.

  7. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 8.

  8. Journal of the Branch of the Church of Christ in Pontiac, 1, Church History Library, Salt Lake City.

  9. “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 477–78, josephsmithpapers.org; Heber C. Kimball, Autobiography, circa 1842–1858, 11, Church History Library, Salt Lake City; Andrea G. Radke, “We Also Marched: The Women and Children of Zion’s Camp, 1834,” BYU Studies, tomo 39, blg. 1 (2000), 149–59.

  10. Sidney Rigdon and Oliver Cowdery letter, Mayo 10, 1834, Church History Library, Salt Lake City.

  11. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 8.

  12. “Account with the Church of Christ, circa 11–29 August 1834,” 1, josephsmithpapers.org; Baldwin, Account of Zion’s Camp, 9, 15.

  13. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 9.

  14. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 11–12; “Minute Book 1,” 58–59, josephsmithpapers.org.

  15. Joseph Smith, “Letter to Emma Smith, 4 June 1834,” 56, josephsmithpapers.org.

  16. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 11.

  17. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 12; iniayon sa pamantayan ang paggamit ng malaking titik.

  18. Tingnan, halimbawa, sa, George A. Smith, Autobiography, 42–43, Church History Library, Salt Lake City.

  19. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 12.

  20. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 12; iniayon sa pamantayan ang paggamit ng malaking titik.

  21. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 13; Joseph Smith and others, “Declaration, 21 June 1834,” 1–2, josephsmithpapers.org.

  22. Joseph Smith and others, “Declaration, 21 June 1834,” 1–2, josephsmithpapers.org; “The Mormon Controversy,” Washington D.C. Daily National Intelligencer, Hulyo 23, 1834, 3.

  23. William F. Cahoon, Autobiography, 43, Church History Library, Salt Lake City.

  24. Joseph Holbrook, Autobiography and journal, 38, Church History Library, Salt Lake City.

  25. “Revelation, 22 June 1834 [D&C 105],” 97–100, josephsmithpapers.org.

  26. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 14.

  27. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 14; Max H. Parkin, “Zion’s Camp Cholera Victims Monument Dedication,” Missouri Mormon Frontier Foundation Newsletter, tomo 15 (Taglagas 1997), 4–5.

  28. Baldwin, Account of Zion’s Camp, 15.

  29. “Revelation, 22 June 1834 [D&C 105],” 98, josephsmithpapers.org.