Kasaysayan ng Simbahan
Pagpapanumbalik ng Sinaunang Orden


“Pagpapanumbalik ng Sinaunang Orden,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Pagpapanumbalik ng Sinaunang Orden,” Konteksto ng mga Paghahayag

Pagpapanumbalik ng Sinaunang Orden

D&T 102, 107

ipinintang larawan, si Joseph Smith at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol

Noong Mayo ng 1829, sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay lumuhod malapit sa Ilog Susquehanna. Kababasa pa lang nila ng tungkol sa binyag sa 3 Nephi at gusto nilang malaman kung saan nila matatagpuan ang awtoridad na ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga sinaunang disipulo. Bilang sagot sa kanilang mga panalangin, nagpakita si Juan Bautista at nagpatong ng mga kamay sa kanilang ulo upang ipagkaloob ang awtoridad na kailangan nila para binyagan ang isa’t isa. “Isipin mo sandali,” paghikayat kalaunan ni Cowdery sa kanyang kaibigang si W. W. Phelps, “ang malaking kagalakan na pumuspos sa aming puso at sa matinding pagkamangha namin ay napayukod kami … nang matanggap namin sa kanyang kamay ang banal na pagkasaserdote.”

Ngunit ang pagpapanumbalik ng awtoridad ng priesthood ay hindi kaagad sinamahan ng pagpapanumbalik ng organisasyon ng priesthood. Ang bawat maytaglay na priesthood ay maaaring magsagawa ng mga ordenansa, ngunit paano sila magtutulungan upang magawa ang gawain ng Panginoon?

Pamamahala sa Kumperensya

Marami sa mga simbahan na aktibo sa upstate New York noong dekada ng 1830 ang pinamahalaan ang gawain sa pamamagitan ng mga kumperensya ng mga elder na idinaraos kada ikatlong buwan, at sa unang taon nito, sinunod ng ipinanumbalik na Simbahan ang pamilyar na huwarang iyon. Matapos mag-organisa noong Abril, nagdaos ang mga lider ng Simbahan ng mga kumperensya noong Hunyo at Setyembre upang mag-ulat tungkol sa progreso ng Simbahan at mapangasiwaan ang gawain. Ang sistemang ito ng pagdaraos ng mga kumperensya kada ikatlong buwan ay kabilang sa Articles and Covenants ng Simbahan (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 20) nang itala ang mga ito sa sulat-kamay na aklat ng mga paghahayag ng Simbahan.

Ngunit noong 1831, lalo pang naging malinaw na ang mga kumperensya ng Simbahan ay higit pa sa mga regular na pulong. Sa unang kumperensya ng taon, isang paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 38) ang natanggap na naglatag ng mga partikular na proyekto at mithiin na isasagawa ng Simbahan. Kalaunan ang bilang ng mga kumperensyang idinaos upang maisagawa ang gawain ng Panginoon ay lubhang nadagdagan: mula Agosto hanggang Disyembre ng 1831, naitala sa katitikan ang 26 na kumperensya—na ang average ay mahigit sa isang kumperensya kada linggo.

Sa isa sa mga kumperensyang ito, binigyang-diin ng Propeta ang pangangailangang sumulong nang higit pa sa pamilyar na mga huwaran at “unawain ang sinaunang paraan ng pangangasiwa ng mga pagpupulong kapag ginabayan sila ng Espiritu Santo.” Ang iba’t ibang pagpaplano at mga usapin sa pagdidisiplina na kinaharap ng bagong tatag na Simbahan ay nangailangan ng pagtutulungan at inspirasyon. Ngunit kung napakaraming gawain ang dapat pangasiwaan sa pamamagitan ng mga kumperensya ng lahat ng elder, sino ang dapat na maging responsable sa anumang usapin?

Ang Sistema ng Kapulungan o Council System

Ang paghahayag na natanggap noong ika-11 ng Nobyembre 1831 (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 107:60–100), ay tumulong sa mga Banal na maunawaan kung paano gagamitin ang kapangyarihan ng ibinahaging inspirasyon habang hinahati-hati ang mahirap na mga gawain ng pamamahala sa Simbahan. May ilang uri ng gawain na nakatalaga sa bishop, na maaaring tumawag ng mga tagapayo o counselor upang tulungan siya sa kanyang mga tungkulin. Ang pangulo ng mataas na pagkasaserdote o high priesthood ang magapapsiya sa mas mahihirap na usapin, sa tulong ng 12 mataas na saserdote o high priest bilang mga tagapayo. Ang mga pangulo ng mga elder, priest, teacher, at deacon ay tatawagin ding maupo sa kapulungan [council] kasama ang kanilang mga grupo.

Ngunit ang pagdaragdag sa pamilyar na sistema ng kumperensya ng isang hindi pamilyar na council system ay naging paunti-unting proseso. Ang mga pangulo para sa bawat grupo ay hindi agad pinili, at pabagu-bago ang mga clerk sa pagtukoy kung ito ba ay isang kumperensya o isang council. Noong Hulyo ng 1832, ang mga miyembro sa Missouri ay “nagpasiya na ang proseso at paraan ng pangangasiwa sa Simbahan ni Cristo,” tulad ng makikita sa paghahayag noong Nobyembre, “ay susundin mula sa oras na ito,” ngunit hindi sila pumili ng pangulo ng mga elder hanggang noong Setyembre. At bagama’t sinang-ayunan siya bilang pangulo ng mataas na pagkasaserdote [high priesthood] at pumili ng dalawang tagapayo, kinailangang tawagin ni Joseph ang mga high priest para magsilbing buong council ng pangulo sa tuwing kailangan.

May mga problema rin sa pag-uugali ng mga dumadalo sa mga pulong. Ang ilan sa mga dumadalong ito ay nagbubulungan, naiinip, o kaya’y aalis sa kalagitnaan ng sesyon ng kapulungan. Ang mga pansariling opinyon at kahinaan ay nagpahirap din sa paghahangad ng kalooban ng Panginoon.

Inako ni Joseph Smith ang responsibilidad sa mga pagkakamaling ito. “Hindi ko ginawa ang lahat ng nararapat noong ako ang lider ng kapulungan,” sabi niya sa pulong ng kapulungan noong Pebrero 1834, “na, marahil, ay nagkait sa Pagpapanumbalik ng Sinaunang Orden ng ilan o maraming pagpapala.” Pagkatapos ay sinikap niyang “ipakita ang kaayusan ng mga kapulungan [council] noong sinaunang panahon ayon sa ipinakita sa kanya sa pangitain.” Ang pangitain ng Propeta tungkol sa isang kapulungan sa Jerusalem na pinamunuan ni Apostol Pedro at ng dalawang tagapayo ay naging huwaran para sa pagtatatag ng unang regular na mataas na kapulungan [high council], na siyang magsisilbing huwaran para sa iba pang mga kapulungan sa Simbahan. Ang mga tala sa pulong ay nagpapakita ng ilan sa mahahalagang katangian ng council—tulad ng karapatan ng isang taong pinaratangan na maipagtanggol ng kalahati sa mga miyembro ng kapulungan—ay kinilala at tinanggap bilang banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan 102.

Bago pangasiwaan ng mataas na kapulungan o high council ang unang usapin nito, binasbasan ni Joseph Smith ang kanyang dalawang tagapayo. Pagkatapos, binasbasan ng dalawang ama—sina Joseph Smith Sr. at John Johnson—ang kanilang mga anak. Tulad ng mga kumperensya na umiral kasama ng pagbuo ng sistema ng mga council, ang administratibong organisasyon ng priesthood sa Simbahan ay iiral kasama ng priesthood na nakasentro sa pamilya.

Mga Korum

Isang linggo matapos iorganisa ang mataas na kapulungan o high council sa Kirtland, dumating sina Parley P. Pratt at Lyman Wight mula sa Missouri upang humingi ng payo para sa mga Banal na pinaalis sa kanilang mga tahanan. Bilang tugon sa kanilang pagbisita, nagplano si Joseph Smith at ang high council ng isang ekspedisyon para tulungan sila.

Habang tinitipon ang kalalakihan at nangangalap ng pondo sa mga branch ng Simbahan sa silangan para sa nakilalang Kampo ng Sion at habang naglalakbay mula Ohio patungong Missouri, si Joseph Smith ay gumugol ng malaking oras sa mas maliliit na branch ng Simbahan. Ang council system ay tumulong sa paghati-hati ng mga gawain ng Simbahan sa mga maytaglay ng priesthood sa mga sentro ng Simbahan, ngunit mas kaunti ang nagawa para maorganisa ang priesthood sa ibang lugar, maglaan ng pagkapare-pareho ng mga dapat gawin sa dalawang pangunahing sentro ng Simbahan, o tugunan ang mga pangangailangan ng mas malalayong branch. Kailangan pa ng karagdagang paghahayag.

Sa Missouri, kung saan maraming miyembro ng Simbahan ang natipon malapit sa nakaplanong lugar ng Sion, isa pang high council ang inorganisa na iniayon sa unang naorganisa. Muli, binasbasan ni Joseph Smith ang pangulo ng kapulungan at ang kanyang dalawang tagapayo, at muli, binasbasan ng dalawang ama—sa pagkakataong ito sina Peter Whitmer Sr. at Joseph Knight Sr.—ang kanilang mga anak na lalaki. Ngunit ano ang dapat gawin para sa mas maliliit na branch ng Simbahan? Matapos bumalik mula sa Missouri sa pagtatapos ng Kampo ng Sion, dalawang bagong grupo ng priesthood ang binuo: ang Korum ng Labindalawang Apostol, na kabilang sa tungkulin ay maglingkod bilang isang “naglalakbay na namumunong mataas na kapulungan” para sa mga branch ng Simbahan, at ang mga Pitumpu, na tutulong sa Labindalawang Apostol. Bukod pa sa paglilingkod sa mga kasalukuyang branch ng Simbahan, ang Labindalawa at ang mga Pitumpu ay mangangaral ng ebanghelyo sa buong mundo at mag-oorganisa ng mga bagong branch.

Noong tagsibol ng 1835, ang bagong tawag na Labindalawang Apostol ay ipinadala sa isang misyon upang “isaayos” ang mga branch ng Simbahan sa silangan. Bago sila umalis, binigyan sila ni Joseph Smith ng detalyadong tagublin sa pag-oorganisa ng priesthood, na nakapaloob ngayon sa Doktrina at mga Tipan 107. Ang mga tagubiling ito sa Labindalawa ay naglinaw sa mga pagkakaugnay sa loob ng priesthood. Nilinaw ng mga ito ang kasaysayan at mga tungkulin ng mga orden ng Melchizedek at Aaronic priesthood. Itinuro ng mga ito ang konsepto ng isang “korum” upang ipaliwanag ang mga natatanging tungkulin at sakop ng mga awtoridad ng Unang Panguluhan, Labindalawang Apostol, mga Pitumpu, at mga high council. Binanggit din ng mga ito ang paghirang sa mga patriyarka upang patuloy na mapanatili ang orden ng priesthood kasama ang kaayusan sa pangangasiwa.

Pagsang-ayon sa Bagong Organisasyon

Noong tagsibol at tag-init ng 1835, apat na bahagi tungkol sa organisasyon ng priesthood ang tinipon sa simula ng bagong Doktrina at mga Tipan, na kasunod lamang ng inihayag na paunang salita. Ang una ay ang Articles and Covenants ng Simbahan (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 20). Kasunod na dumating ang bagong materyal mula sa tagubilin sa Labindalawa, na isinama sa na-update na bersiyon ng paghahayag noong Nobyembre 1831 tungkol sa mga priesthood council sa iisang bahagi (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 107). Isang paghahayag na naglalaman ng sumpa at tipan ng priesthood (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 84) ang pangatlo. Pagkatapos ay sinundan ng mga katitikan ng unang organisasyon ng high council, na-update kasama ang isang paglilinaw sa tungkulin ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pinagsama-sama, ang mga bahaging ito ay nagsilbing parang hanbuk para sa pangangasiwa sa Simbahan.

Noong ika-17 ng Agosto 1835, pormal na sinang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ang Doktrina at mga Tipan, tinanggap ang inihayag na organisasyong ito ng priesthood. Sa sumunod na pitong buwan, ang mga lider ng Simbahan ay gumawa ng mga hakbang na mapunan ang mga katungkulan upang lubos na maorganisa ang mga korum ng priesthood para sa pagsang-ayon sa paglalaan ng Templo ng Kirtland.