Kasaysayan ng Simbahan
‘Ang Pangitain’


“‘Ang Pangitain’” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Ang Pangitain,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Ang Pangitain”

D&T 76

Tahanan ni John Johnson sa Hiram, Ohio

Habang naglalakbay pasilangan sa isang misyon noong unang bahagi ng tagsibol ng 1832, tumigil sina Samuel H. Smith at Orson Hyde para maghapunan sa tahanan ng bagong miyembro na si Lincoln Haskins. Si Haskins, na nakatira sa malayong kanlurang bahagi ng New York, ay kakabalik lang mula sa paglalakbay sa Ohio, kung saan nakilala niya si Joseph Smith. Ang panahon ng pagbisita ni Haskins sa Kirtland at Hiram noong huling bahagi ng Pebrero ay itinadhana: Ilang araw pa lamang ang nakaraan, nakatanggap ng isang napakahalagang pangitain ang Propeta at si Sidney Rigdon.

“Dakila at Kagila-gilalas na mga Bagay”

Maaaring narinig ni Haskins ang tungkol sa pangitaing ito mula kay Joseph o isa sa ilang iba pang mga kalalakihan na naroon nang mangyari ito noong ika-16 ng Pebrero sa tahanan ni John Johnson sa Hiram. Sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ay naroon upang gawin ang inspiradong rebisyon ng Bagong Tipan. “Nilinaw” sa naunang mga paghahayag na “maraming mahalagang paksa hinggil sa Kaligtasan ng tao, ang inalis mula sa Biblia.” Ayon sa kasaysayan ni Joseph, pinagninilayan ng dalawang lalaki ang kahalagahan ng isang talata tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli na matatagpuan sa Juan 5:29 nang “hinipo ng Panginoon ang mga mata ng aming mga pang-unawa” at nakakita sila ng pangitain.

“Ang mga taong naroon [ay] hindi nag-ingay ni kumilos maliban kina Joseph at Sidney,” paggunita ni Philo Dibble, isa sa mga naroon. “Nakita ko ang kaluwalhatian at nadama ang kapangyarihan, ngunit hindi ko nakita ang pangitain.” Si Dibble at ang 12 iba pa ay nakinig habang inilalarawan nang malakas nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang kanilang nakita.

“Ang Pangitain,” tulad ng tawag rito, ay naglalaman ng detalyadong paglalarawan ng mangyayari sa sangkatauhan pagkatapos ng kamatayan. Inilahad nito ang iba’t ibang antas ng kaluwalhatian na nahahati sa tatlong kaharian bilang mga pamana para sa karamihan ng mga anak ng Diyos; inihayag na ang walang-hanggang kaparusahan ay matatanggap ng iilan lamang; at ipinaliwanag na tatanggapin ng mabubuti ang kaganapan ng Ama: “Dahil dito ayon sa nakasulat, sila ay mga Diyos, maging ang mga anak na lalaki ng Diyos, dahil dito, lahat ng bagay ay kanila.”

Ibinahagi ni Haskins ang kanyang kagalakan sa napakalawak na pangitaing ito sa kanyang mga bisita sa pagdalaw ng mga ito sa kanyang tahanan. “Sinabi niya sa amin na nakita niya sina Joseph & Sidney & na nagkaroon ng pangitain & nakakita ang mga ito ng dakila & kagila-gilalas na mga bagay,” isinulat ni Samuel Smith sa kanyang journal.

Ilang araw matapos ang pagdalaw nila sa mga Haskins, ang mga misyonero “ay nagkaroon ng pribilehiyong mabasa” ang isang isinulat na tala tungkol sa “ang Pangitain” nang makita nila sina Seth at Joel Johnson, dalawang miyembro ng Simbahan na dala ang isang mahalagang kopya na sulat-kamay nila habang sila ay nasa Kirtland. Ang mga pag-uusap na ito ay nagpapakita ng nadaramang kasiglahan ng ilang naunang mga miyembro tungkol sa “ang Pangitain.” Ngunit hindi lahat ay gayon ang nadama.

Universalism

Ang pananaw tungkol sa kabilang-buhay na idinetalye sa “ang Pangitain” ay malaki ang kaibhan sa mga paniniwala ng karamihan sa mga Kristiyano noong panahong iyon. Naniniwala ang karamihan na mayroon lamang langit at impiyerno sa daigdig na darating: ang mga masunurin sa ebanghelyo ni Jesucristo ay maliligtas, ngunit ang masasama ay itatalaga sa walang hanggang kaparusahan. Gayunpaman, may malaking bilang ng mga tao na nakadama na ang pananaw na ito ay hindi naaayon sa iba pang mga turo ng Biblia tungkol sa awa, katarungan, at kapangyarihan ng Diyos na magligtas.

Halimbawa, ang isang batang Congregationalist na nagngangalang Caleb Rich ay nabalisa nang ituro ng kanyang ministro na si Cristo ay magkakaroon lamang ng ilang “tropeo ng kanyang Misyon sa mundo, habang ang kanyang kaaway ay magkakaroon ng hindi mabilang na milyon.” Natakot si Rich na sa kanyang sariling espirituwal na “kalagayan, mas may tsansa pa siyang manalo sa sugal kaysa makapunta sa langit.” Sa huli ay tinanggihan niya ang doktrina ng kanyang ministro at tinanggap ang kilala bilang Universalism. Sa madaling salita, ang mga Universalist ay naniniwala na hindi parurusahan nang walang hanggan ng Diyos ang mga makasalanan ngunit lahat ay maliligtas sa huli sa kaharian ng Diyos. Ang ama ni Joseph Smith at ang kanyang lolo na si Asael Smith ay naniniwala sa mga pananaw ng Universalist.

Ipinalagay ng karamihan sa mga Kristiyano na wala na sa katwiran ang Universalism, na ang turo nito tungkol sa kaligtasan ng buong sangkatauhan ay nag-alis sa lahat ng insentibo para sundin ang mga kautusan ng Diyos at hahantong sa isang imoral at mapagnasang pamumuhay. Maraming nagbalik-loob sa Simbahan noon ang sumang-ayon at maaaring napagtibay ang kanilang pananaw ng ilang talata sa Aklat ni Mormon. Gayunpaman, ang pangitain ni Joseph Smith tungkol sa kabilang-buhay ay tila nagpadama sa mga nagbalik-loob na ito na itaguyod ang mga turo ng Universalist. Dahil dito, nang magsimula ang mga taong tulad nina Lincoln Haskins at Joel at Seth Johnson sa pagbabalita ng tungkol sa nilalaman ng “ang Pangitain” sa iba’t ibang branch ng Simbahan, lumikha ito ng matinding interes at kasiyahan.

Hindi Ito Tinanggap ng Maraming Tao

Kinutya ng ilang mapagmasid na tagalabas ang bagong inihayag na doktrina. Tinugon ng isang pahayagang Kristiyano “ang Pangitain” sa mapanuyang pagsasabi na hangad ni Joseph Smith na “siraan ang Universalism sa pamamagitan ng pagpapahayag … ng kaligtasan ng lahat ng tao.” Ngunit ang mas nakabalisa sa Propeta ay ang mga reaksyon ng ilang miyembro ng Simbahan.

“Malaking pagsubok ito sa nakakarami,” paggunita ni Brigham Young. “Ang ilan ay nag-apostasiya dahil ang Diyos … ay may lugar ng kaligtasan, sa tamang panahon, para sa lahat.” Si Young mismo ay nahirapang tanggapin ang ideya: “Ang mga tradisyon ko, noong una kong marinig ang tungkol sa Pangitain, ay lubos na kabaligtaran at salungat sa natutuhan ko noon. Sabi ko, Sandali lang. Hindi ko ito tinanggihan; ngunit hindi ko ito maunawaan.” Inamin din ng kanyang kapatid na si Joseph Young, “Hindi ko ito mapaniwalaan noong una. Bakit ililigtas ng Panginoon ang lahat ng tao.”

Marahil dahil sa pabigla-biglang reaksyon sa tila mga bagay na nagpapahiwatig ng Universalism, nabalewala ng ilang mga unang miyembro ang hindi madaling mapansing kagandahan ng “ang Pangitain.” Hindi kinakitaan ng mga kalabisan ng Universalism at ng nakaugaliang paniniwala tungkol sa langit at impiyerno, isinaad nito na ang mga pagdurusa ng mga suwail ay talagang magwawakas sa huli ngunit nangako rin ang Panginoon ng hindi mailarawang mga pagpapala para sa mga yaong “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.”

Marami sa mga yaong nahirapang tanggapin ang pangitain ay nangailangan lamang ng kaunting panahon na pagnilayan ito o ng matiyagang pagpapaliwanag ng isang misyonero o espirituwal na lider. Naalala ni Joseph Young, “Matapos kong ipagdasal ito at ipaliwanag ito ni Joseph, nakita ko na ito ay isang mabuting kaisipan na nalalakipan ng kapangyarihan ng Diyos at wala nang iba pa.” Kinailangan ni Brigham Young na “mag-isip at manalangin, magbasa at mag-isip,” paggunita niya, “hanggang sa malaman [niya] at lubos na maunawaan ito para sa [kanyang sarili].”

Noong Mayo o Hunyo ng 1832, ang misyonerong si John Murdock ay nakaranasan ng pagtutol sa mga ideya sa “ang Pangitain” habang siya nasa Orange, Ohio (malapit sa Cleveland): “Katatanggap lamang ng mga kapatid sa Paghahayag na tinatawag na pangitain & hindi nila matanggap ito.” Si Murdock ay nagsilbing espirituwal na tagapagturo: “Tinipon ko sila & pinagtibay sa kanila ang katotohanan.”

Kalaunan, nakilala ni Murdock at ng kapwa niya misyonero na si Orson Pratt ang isang Brother Landon sa Geneseo, New York, na “nagsabing ang pangitain ay mula sa Diyablo.” Naimpluwensyahan ni Landon ang kanyang branch na hindi rin tanggapin ang bagong paghahayag. Ang mga misyonero ay gumugol ng ilang araw sa branch. “Nanguna si Brother Orson sa pagpapaliwanag ng tungkol sa pangitain & iba pang paghahayag na sinundan ko & ni Brother Lyman,” isinulat Murdock. Hindi nagtagal ay “kinilala ni Landon na totoo ang itinuro namin.”

Nagpadala si Joseph Smith ng liham sa branch sa Geneseo na nagpapayo sa kanila na manampalataya sa paghahayag. Nagbabala siya, “Kung saan may mga alitan, at kawalan ng paniniwala sa mga sagradong bagay na ipinabatid sa mga banal sa pamamagitan ng paghahayag, ang hindi pagkakasundo, katigasan, paninibugho, at hindi mabilang na kasamaan ay tiyak na mangyayari.”

“Manatiling Tahimik”

Natutuhan ng propeta mula sa karanasang ito kung gaano kadelikado ang mga patotoo ng maraming bagong binyag at pinayuhan ang mga misyonero na gamitin ang paraan na gatas muna ang ibigay bago karne sa pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa 1 Corinto 3:2). Bago umalis ang Labindalawang Apostol patungong England, hinikayat sila ni Joseph Smith na “manatiling tahimik hinggil sa pagtitipon, pangitain, at Aklat ng Doktrina at mga Tipan hanggang sa ganap na maitatag ang gawain.” Gayunpaman, napatunayang mahirap para sa ilang miyembro na sarilinin ang kanilang katuwaan para sa bagong paghahayag.

Si Heber C. Kimball, na inulit ang payo ni Joseph Smith, ay hinikayat ang kanyang mga kapwa misyonero na ituro ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Si Kimball ay tumulong sa pagtuturo sa isang ministro, si Timothy Matthews, sa Bedford, England, at nagkaroon na ng iskedyul para sa kanyang binyag. Ngunit isang elder, si John Goodson, “salungat sa payo at mabubuting tagubilin [ni Kimball], at hindi nagsabi sa sinuman, ay binasa kay Ginoong Matthews, ang pangitain … na humantong sa hindi niya pagtanggap nito.” Hindi nagpabinyag si Matthews at hindi kailanman sumapi sa Simbahan.

“Ito ay Nagmula sa Diyos”

Bagama’t nahirapan ang ilang miyembro ng Simbahan noon na tanggapin “ang Pangitain,” marami ang tumanggap nito nang walang pag-aalinlangan. Si William W. Phelps, manlilimbag sa Simbahan sa Missouri, ay inilathala ito sa pahayagan na pag-aari ng Simbahan, ang The Evening and the Morning Star noong Hulyo 1832, tinawag itong “ang pinakadakilang balita na nailathala sa tao.”

Naalala ni Wilford Woodruff, na sumapi sa Simbahan noong 1833, “Nang mabasa ko ang pangitain … naliwanagan nito ang aking isipan at nagbigay sa akin ng malaking kagalakan. “Para sa akin ang Diyos na nagpahayag ng alituntuning ito sa tao ay matalino, makatarungan at totoo—taglay ang pinakamagagandang katangian, at mabuting isipan, at kaalaman. Nadama ko na Siya ay hindi pabagu-bago sa Kanyang pagmamahal, awa, katarungan at paghatol, at minahal ko nang higit ang Panginoon kaysa rati sa aking buhay.”

Marahil ang ilan sa mga yaong tumanggap sa “ang Pangitain” ay naimpluwensyahan ng kanilang mga paniniwala noon. Ang ilan, tulad ng ama ni Joseph Smith, ay maaaring bahagyang sang-ayon sa Universalist. Gayunpaman bagama’t ang bagong pangitaing ito ay nagbahagi ng ilang pagkakatulad sa ideya at mga isinulat ng mga Universalist, ito ay naiiba at pinalawak nito ang mga ideyang ito sa bago at inspiradong mga paraan. Nakasaad sa kasaysayan ni Joseph Smith, “Walang maaaring maging mas kasiya-siya sa mga Banal … kaysa sa liwanag na biglang sumilay sa daigdig, sa pamamagitan ng nasabing pangitain. … Ang kadakilaan ng mga ideya; ang kadalisayan ng wika; ang saklaw para sa pagkilos; ang patuloy na panahon para sa pagsasakatuparan, upang ang bawat tuhod ay lumuhod at papurihan ang Panginoon; Ang mga gantimpala para sa katapatan & mga kaparusahan para sa mga kasalanan, ay napakadakila na hindi kayang maarok ng kakitiran ng pag-iisip ng mga tao, kaya nga ang bawat tapat na tao ay nahikayat na magpahayag; Ito ay nagmula sa Diyos.”

  1. Orson Hyde diary, Mar. 21, 1832, Church History Library, Salt Lake City.

  2. Habang nasa Ohio, si Haskins ay nabinyagan at isang paghahayag ang nag-utos sa kanya na “humayo at mangaral ng aking ebanghelyo” (tingnan sa “Revelation, 27 February 1832,” sa Revelation Book 2, 10, josephsmithpapers.org).

  3. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 183, 185, josephsmithpapers.org.

  4. Philo Dibble, “Recollections of the Prophet Joseph Smith,” Juvenile Instructor, tomo 27, blg. 10 (Mayo 15, 1892), 303–4. Ang salaysay na ito ang huli sa tatlo na ibinigay ni Dibble tungkol sa “ang Pangitain,” at medyo naiiba ito mula sa kanyang mga naunang bersiyon. Sa isang naunang salaysay, sinabi niya na dumating siya na tapos na ang pangitain (tingnan sa “Record of Sunday Meetings,” Ene. 7, 1877, sa Payson [UT] Ward general minutes, 137, Church History Library, Salt Lake City).

  5. “Vision, 16 February 1832 [D&C 76],” sa Revelation Book 2, 6, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:58.

  6. Samuel H. Smith diary, Mar. 21, 1832, Church History Library, Salt Lake City.

  7. Samuel H. Smith diary, Mar. 27, 1832.

  8. Ang Westminster Confession of Faith, na nagsilbing batayan ng paniniwala ng karamihan para sa mga Amerikano noon, ay nagpahayag na kasunod ng paghuhukom “ang mabubuti ay papasok sa buhay na walang hanggan, at tatanggapin ang kabuuan ng kagalakan at pagpapanibago, na magmumula sa kinaroroonan ng Panginoon; ngunit ang masasama, na hindi nakakakilala sa Diyos, at hindi sumusunod sa ebanghelyo ni Jesucristo, ay itatapon sa walang hanggang pagdurusa, at parurusahan ng walang hanggang pagkalipol.”

  9. Nathan O. Hatch, The Democratization of American Christianity (New Haven, CT: Yale University Press, 1989), 172. Para malaman pa ang tungkol sa Universalism, tingnan sa Milton V. Backman, American Religions and the Rise of Mormonism (Salt Lake City: Deseret Book Company, 1970), 216–23.

  10. Tingnan sa Casey Paul Griffiths, “Universalism and the Revelations of Joseph Smith,” sa Andrew H. Hedges, J. Spencer Fluhman, at Alonzo L. Gaskell, mga pat., The Doctrine and Covenants, Revelations in Context (Salt Lake City: Deseret Book, 2008), 168–87.

  11. Halimbawa, sa Aklat ni Mormon, isang lalaking nagngangalang Nehor ang pinarusahan dahil sa pagtuturo “na ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw” (Alma 1:4).

  12. “Changes of Mormonism,” Evangelical Magazine and Gospel Advocate, tomo 3, blg. 11 (Mar. 17, 1832); binigyang-diin sa orihinal.

  13. Brigham Young, sa Journal of Discourses, 26 tomo. (London: Latter-Day Saints’ Book Depot, 1854–86), 16:42.

  14. Brigham Young, sa Journal of Discourses, 6:281.

  15. Joseph Young, “Discourse,” Deseret News (Mar. 18, 1857), 11.

  16. “Vision, 16 February 1832 [D&C 76],” sa Revelation Book 2, 7.

  17. Joseph Young, “Discourse,” 11.

  18. Brigham Young, sa Journal of Discourses, 6:281.

  19. “John Murdock journal and autobiography, circa 1830–1867,” 18, Church History Library, Salt Lake City.

  20. “John Murdock journal and autobiography, circa 1830–1867,” 27–28.

  21. Joseph Smith, “Letter to Church Leaders in Geneseo, New York, 23 November 1833,” 1–2, josephsmithpapers.org.

  22. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume B-1 [1 September 1834–2 November 1838],” 762, josephsmithpapers.org.

  23. Orson F. Whitney, “Life of Heber C. Kimball,” Juvenile Instructor, 1888, 162. Isinulat ni Kimball kay Willard Richards, “Sarado ang mga puso ng mga tao sa Bedford, sa pangangaral ni Elder Goodson sa mga bagay na iyon na inutos sa kanya na huwag munang ituro” (72).

  24. “Items for the Public,” The Evening and the Morning Star, tomo 1, blg. 2 (Hulyo 1832), 25; ang “the Vision” ay nakalathala mismo sa pahina 27–30.

  25. Wilford Woodruff, sa Journal of Discourses, 5:84.

  26. Si Alexander Campbell, isang lider ng Disciples of Christ (isang samahan kung saan kasapi ang maraming naunang miyembro sa Ohio), ay nagpaliwanag ng isang teoriya tungkol sa “Three Kingdoms” ilang taon na ang nakararaan sa Christian Baptist, tomo 6, blg. 1 (Ago. 4, 1828), 97–99. Ang mga ideya ni Campbell ay naghayag lamang ng isang malabong pagkakatulad sa mga yaong nilalaman ng “ang Pangitain” ngunit maaaring nagpagunita sa ilan sa mga dating tagasunod ni Campbell (tingnan sa Mark Lyman Staker, Hearken, O Ye People: The Historical Settings of Joseph Smith’s Ohio Revelations [Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2009], 322–28). Maaaring naimpluwensyahan si Campbell ng mga isinulat ng Swedish mystic na si Emanuel Swedenborg (tingnan sa J. B. Haws, “Joseph Smith, Emanuel Swedenborg, and Section 76: Importance of the Bible in Latter-day Revelation,” sa Hedges, Fluhman, at Gaskill, The Doctrine and Covenants, Revelations in Context, 142–67).

  27. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 192.