“Warren Cowdery,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Warren Cowdery,” Konteksto ng mga Paghahayag
Warren Cowdery
Nang ang kanyang nakababatang kapatid na si Oliver, na noon ay mahigit dalawampung taong gulang, ay naging “pangalawang elder” ng ipinanumbalik na Simbahan noong 1830, si Warren Cowdery (na kung minsan ay kilala bilang Dr. Cowdery) ay nagmay-ari ng isang botika, nagsilbi bilang punong kartero, at nagtayo ng kauna-unahang bahay na yari sa ladrilyo sa Freedom, New York. Sa panahong iyon, siya at ang kanyang asawa ay may walong anak. Bagama’t tila alam niya ang tungkol sa Aklat ni Mormon noong panahong inilathala ito noong 1830, hindi sumapi si Warren sa Simbahan hanggang makalipas ang apat na taon. Sinubaybayan niya ang mga nangyayari sa relihiyon ng kanyang kapatid mula sa malayo. Sa isang liham kay Oliver noong Enero 1834, nagpahayag si Warren ng simpatiya sa mahirap na kalagayan ng mga Banal sa Missouri pagkatapos mapalayas ang mga ito sa Jackson County, ngunit tinukoy pa rin niya sa kanyang liham ang mga miyembro ng Simbahan bilang “iyong mga tao” at “iyong mga kaibigan.”
Marahil ang nagpabago kay Warren Cowdery ay ang pagbisita nina Joseph Smith at Parley P. Pratt noong Marso 1834. Sa pagsunod sa utos na mangalap ng mga kalahok at mangolekta ng mga donasyon mula sa mga miyembro ng Simbahan sa “mga bansa sa silangan” para sa Kampo ng Sion, sina Joseph at Parley ay dumaan sa Freedom at nagpalipas ng magdamag sa tahanan nina Warren at Patience Cowdery, kung saan sila ay inasikaso nang mabuti at “lubos naming Natanggap ang lahat ng Pagpapala Kapwa temporal at espirituwal na kinakailangan namin o karapat-dapat na matanggap namin.” Sa kanilang pagbisita, nangaral sila nang higit sa isang beses “sa isang bahay na punung-puno hanggang sa labas,” at ilang tao ang nabinyagan, kabilang ang kapitbahay ng mga Cowdery na si Heman Hyde Kalaunan ay naalala ni Pratt na “tatlumpu o apatnapung” tao ang nabinyagan at inorganisa bilang isang branch, na naging sentro ng paglago ng Simbahan sa rehiyong iyon.
Bagama’t walang natirang mga talaan tungkol sa mga unang miyembrong ito sa Freedom Branch, maaaring ang isa kanila ay si Warren Cowdery. Noong taglagas ng 1834, anim na buwan pagkaraan ng pagbisita ni Joseph Smith, sumulat si Warren ng isa pang liham kay Oliver, kung saan binanggit niya ang tungkol sa relihiyon na “pareho nating tinanggap” at tinukoy ang mga Banal bilang “ating mga kapatid na lalaki at babae.” Ang liham ni Warren ay nagpapahiwatig na hindi naging madali na mapaniwala at mabinyagan siya. Tila batid niyang lubos ang mga pambabatikos at hindi pagsang-ayon ng “napakaramaing respetadong tao [na] nagsasabing … tayo ay nalinlang at naloko,” at nasaktan pang lalo sa oposisyong iyon dahil sa kanyang respetadong katayuan sa kanilang pamayanan. At bagama’t naramdaman niya ang “ilang manipestasyon ng banal na pagsang-ayon” sa kanyang pagsamba sa Freedom Branch, inasam pa rin ni Warren na maranasan ang tulad ng naranasan ng kanyang kapatid. “Mayroon akong isang libong kahilingan na sana ay magkaroon din ako ng katibayan na mayroon ka,” isinulat niya. Nagpahayag din ng pagnanais si Warren na isang “mangangaral ng ating simbahan” ang makapunta sa lugar ng Freedom, isang taong “gagawa sa atin ng kabutihan, sa pamamagitan ng pagpapalakas at pagpapatibay sa atin sa napakabanal na pananalig.”
Marahil ay hindi inaasahan na, makalipas ang dalawang buwan, si Joseph Smith ay nakatanggap ng paghahayag na nagtatalaga kay Warren bilang “namumunong mataas sa saserdote sa aking simbahan, sa lupain ng Freedom at mga pook sa paligid.” Tulad ng kadalasang nangyayari, si Warren ang naging kasagutan sa kanyang sariling kahilingan. At tulad ng karamihan sa mga tinawag na maglingkod simula noon, ang mga salita ng pagpapala at payo na ibinigay sa kanya ay nagpakita na kilala siya ng Panginoon at tutulungan siyang magtagumpay sa kanyang tungkulin.
Sa pagpapatibay sa pagpili ni Warren na sumapi sa Simbahan, tahasan ding kinilala ng paghahayag ang pakikibaka na kanyang naranasan. “May kagalakan sa langit nang ang aking tagapaglingkod na si Warren ay yumukod sa aking setro, at inihiwalay ang kanyang sarili sa mga katusuhan ng tao,” wika nito. Ang paghihiwalay na iyon ay lalong naging mahalaga, dahil ang paghahayag ay nag-utos kay Cowdery na “ipangaral ang aking walang hanggang ebanghelyo, at itaas ang kanyang tinig at balaan ang mga tao, hindi lamang sa kanyang sariling lugar, gayon din sa mga kalapit na county,” at “ilaan [niya] ang kanyang buong panahon sa mataas at banal na tungkuling ito.” Kapag ginawa niya ito, “bibigyan [siya ng Panginoon] ng biyaya at katiyakan kung saan siya maaaring tumayo.” Sa huli, sinabi ng paghahayag, ang tagumpay ni Warren ay hindi nakadepende nang lubos sa kanyang kakayahan kundi sa kanyang pagpapakumbaba; “Pinagpala ang aking tagapaglingkod na si Warren, dahil sa ako ay magkakaroon ng awa sa kanya; at, sa kabila ng kapalaluan ng kanyang puso, dadakilain ko siya yayamang siya ay magpapakumbaba sa aking harapan.”
Bagama’t kakaunti ang mga tala tungkol sa kanya, alam natin na ginampanan ni Warren Cowdery ang tungkulin ng namumunong elder sa rehiyon ng Freedom sa kasunod na taon—isang makabuluhang taon sa lugar na iyon. Noong unang bahagi ng Abril, isang kumperensya ang idinaos kung saan nangasiwa si Sidney Rigdon ng Unang Panguluhan. Sa pagkomento sa kumperensyang ito sa ulat ng pahayagan, napansin ni Oliver Cowdery na ang “karamihan” sa rehiyon ng Freedom ay “sabik na makatanggap ng tagubilin hinggil sa pananampalataya at paniniwala ng simbahang ito, nasasabik sa pagtatanong ng ilang mga elder na mapalad na nangangaral sa bayan na iyon.” Makalipas ang ilang linggo, ang Labindalawa—sa kanilang unang misyon bilang korum—ay dumating sa lugar. Nagdaos sila ng kumperensya noong ika-22–23 ng Mayo, kung saan tinukoy nila ang mga heograpikal na hangganan ng Kumperensya ng Freedom, na kinabibilangan ng 12 branch at sumakop sa malaking bahagi ng kanlurang New York. Ang Freedom Branch ang pinakamalaki, na may 65 naiulat na miyembro.
Kabilang sa mga paksa na tinalakay sa kumperensya ay “ang ‘Word of Wisdom’, ang kaloob na mga wika, propesiya, atbp.,” at “ang pagtubos ng Sion.” Limang miyembro ng Labindalawa ang nagsalita, pagkatapos nito ay “ipinahayag ng simbahan ang kanilang determinasyong ipamuhay ang mga turo” na ibinigay. Sa huling bahagi ng taon, binisita ni Orson Pratt ang lugar na iyon habang nasa misyon. Iniulat niya na nakapagbinyag siya ng ilang tao, nakapagbenta ng mga kopya ng Aklat ni Mormon at ng Doktrina at mga Tipan, at nakapangalap ng ilang suskrisyon sa pahayagan ng Simbahan, ang Messenger and Advocate. “May posibilidad na maraming tumanggap ng ebanghelyo sa lugar na ito,” isinulat niya.
Ang mga ito at ang iba pang mga ulat ay nagpapakita na si Warren Cowdery ay bahagi ng isang dinamikong pakikipag-ugnayan sa sentrong lugar at sa mga karatig na branch ng Simbahan noon. Bilang lokal na lider ng Simbahan, ninais niya na makatulong sa paglilingkod sa maraming nagbalik-loob habang pumapasok sila sa Simbahan, habang tumutulong din sa paghahanda at pagsasaayos ng mga pulong para sa mga misyonero at mga lider mula sa Kirtland.
Ang mga tagumpay ng mga misyonero ay maaaring mangahulugan ng mabilis na paglago ng mga bagong branch; ang ilan, tulad ng Freedom Branch, ay nagkaroon ng maraming miyembro. Ngunit ang panawagang magtipon kasama ang mga Banal ay nangahulugan ng madalas na pagtulong ng mga lokal lider sa pamamahala sa mabilis na pagbaba ng bilang ng mga miyembro sa kanilang rehiyon. Muli, ang karanasan ni Warren Cowdery ay tipikal. Ang kanyang ulat na inilathala noong Pebrero 1835 sa Messenger and Advocate ay nagbigay ng isang maliwanag na ideya kung gaano kabilis nangyayari ang mga pagbabago sa naunang mga branch. Ang simbahan sa Westfield ay nag-ulat ng 72 miyembro, isang malaking bilang, habang ang mga branch sa Mendon at Lima ay nag-ulat ng kabuuang bilang na walo. “Mula sa huling nabanggit na branch na ito, ang malaking bilang ng mga miyembro ay lumipat, ang ilan ay sa Kirtland, at ang ilan ay sa Missouri, at ang walong nabanggit dito, ay bilang ng mga miyembro na natira,” ipinaliwanag ni Cowdery. “Dati ay malaki ang simbahan.”
Gayundin, ang 18 miyembro sa Java at Weathersfield ay kumakatawan sa “natitirang bahagi ng isang simbahan,” kung saan “marami ang lumipat sa mga lugar ng pagtitipon.” Si Cowdery mismo kalaunan ay sumama sa pagtitipong iyon. Matapos ang matapat na paglilingkod sa Freedom, ibinenta niya at ng kanyang pamilya ang kanilang mga ari-arian noong taglagas ng 1835 at naghandang lumipat sa Kirtland. Dumating sila nang maaga noong 1836, tamang-tama upang makibahagi sa mga kaganapan na gagawin sa paglalaan ng bahay ng Panginoon.
Tulad ng napakaraming iba pang naunang mga Banal noon na hindi gaanong kilala sa kasalukuyang panahon, si Warren Cowdery ay gumawa ng mahahalagang kontribusyon sa gawain ng Panginoon. Siya ay nagtrabaho sa palimbagan sa Kirtland at nag-edit ng pahayagan ng Simbahan. Bilang clerk ni Joseph Smith, tumulong siya na isulat ang panalangin ng paglalaan para sa Kirtland Temple at nag-ingat ng mga talaan ng mga pangyayari sa araw-araw. Ang kanyang kontribusyon na nananatili hanggang ngayon ay matatagpuan sa ilang pahina lamang mula sa paghahayag na patungkol sa kanya—noong 1836, isinulat at inilarawan niya sa journal ni Joseph Smith ang tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas at ng iba pang mga sugo ng langit kina Joseph at Oliver sa Kirtland Temple noong ika-3 ng Abril 1836.