Kasaysayan ng Simbahan
Jesse Gause: Tagapayo sa Propeta


“Jesse Gause: Tagapayo sa Propeta,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Jesse Gause: Tagapayo sa Propeta,” Konteksto ng mga Paghahayag

Jesse Gause: Tagapayo sa Propeta

D&T 81

Ang bagong tatag na Simbahan ay sumailalim sa mahahalagang pagbabago sa organisasyon nito sa loob ng maikling panahon. Marami sa mga pagbabagong ito ang mapapansin sa pagbabasa ng naunang mga paghahayag na ibinigay sa mga indibiduwal sa Doktrina at mga Tipan. Para sa mga makabagong mambabasa, ang ilan sa mga pinakaunang paghahayag ay tumutukoy sa mga di-gaanong kilalang organisasyon o indibiduwal. Ang isa sa gayong paghahayag, na ibinigay noong ika-15 ng Marso 1832 (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 81), ay ibinigay sa isang hindi gaanong kilalang tao mula sa kasaysayan ng Simbahan: si Jesse Gause. Ipinanganak noong 1784, si Jesse Gause ay lumaki sa Pennsylvania at pansamantalang nanirahan sa Delaware. Sumapi siya sa Society of Friends (ang Quakers) noong 1806, pinakasalan si Martha Johnson noong 1815, at lumipat sa Ohio nang sumunod na taon. Pagkaraan ng limang taon, bumalik siya sa Delaware. Matapos pumanaw ang kanyang unang asawa noong 1828, lumipat siya malapit sa kanyang mga kamag-anak—na mga miyembro ng United Society of Believers in Second Appearing (ang Shakers)—para matulungan sa pagsuporta sa kanyang mga anak. Noong 1829, sumapi siya sa relihiyong Shaker. Muli siyang nag-asawa noong 1830 kay Minerva Eliza Byram at nanirahan sa isang komunidad ng mga Shaker sa North Union, Ohio, mga 15 milya lang ang layo mula sa Kirtland, Ohio.

Walang nakakaalam sa detalye kung paano nabinyagan si Jesse, ngunit agad siyang pinagkatiwalaan ni Joseph Smith at nakilala sa Simbahan. Noong ika-8 ng Marso 1832, sa Hiram, Ohio, sina Gause at Sidney Rigdon ay hinirang na mga tagapayo o counselor kay Joseph Smith sa bagong tatag na panguluhan ng high priesthood o mataas na pagkasaserdote. Ang pagtatalaga ni Joseph sa kanyang sarili bilang pangulo ng mataas na pagkasaserdote ay naganap noong Enero. Ang panguluhang ito ang naunang anyo ng Unang Panguluhan ng Simbahan.

Si Gause ay hindi lamang nagsilbing tagapayo kay Joseph Smith, kundi nagmisyon din siya, naglakbay patungong Missouri para sa gawain ng Simbahan, at naglingkod bilang tagasulat sa rebisyon ng Biblia, na kalaunan ay nakilala bilang Pagsasalin ni Joseph Smith. Tulad ng maraming iba pang mga naunang miyembro ng Simbahan, ipinakita niya ang kanyang katapatan sa kanyang bagong relihiyon sa pamamagitan ng kanyang mga pagsisikap sa pagtulong sa kapakanan ng Sion.

Si Sidney Rigdon, na nabinyagan sa Ohio noong huling bahagi ng 1830 at naglingkod bilang tagasulat para kay Joseph Smith, ang paksa at tumatanggap ng ilang paghahayag. Gayunpaman, ang paghahayag, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 81, ay ang unang paghahayag na direktang tumutukoy kay Jesse Gause. Bagama’t hindi malinaw kung partikular na humiling si Gause ng paghahayag mula kay Joseph Smith, ang teksto ay nagbibigay ng mahalagang paglilinaw sa mga tungkulin ni Gause, hindi lamang bilang miyembro ng Simbahan kundi bilang tagapayo kay Joseph Smith.

Ipinabatid ng paghahayag kay Gause (at sa mga mambabasa sa hinaharap) na ang “mga susi ng kaharian” ay hawak ng panguluhan ng mataas na pagkasaserdote—sa pagkakataong ito, kay Joseph Smith mismo. Nakasaad rin dito na pagpapalain si Gause kung siya ay “matapat sa payo, sa katungkulan” kung saan siya itinalaga.

Si Gause ay “[gagawa] ng higit na mabuti sa [kanyang] kapwa tao,” kabilang na ang pagdarasal sa publiko at pangangaral ng ebanghelyo sa mga miyembro at hindi miyembro. Ito, sabi sa kanya, ay “[magtataguyod ng] kaluwalhatian niya na iyong Panginoon.” At kung siya ay mananatiling “matapat hanggang wakas,” tatanggap siya ng “putong ng Kawalang-kamatayan.”

Nakakagulat marahil na si Gause ay itiniwalag mula sa Simbahan wala pang isang taon matapos siyang payuhan ng paghahayag na magtiis hanggang wakas. Dahil sa kawalan ng maraming impormasyon tungkol sa kanya mula sa mga talaan ng kasaysayan kasunod ng kanyang gawaing misyonero kasama si Zebedee Coltrin noong Agosto 1832, mahirap maunawaan kung bakit siya umalis [sa Simbahan]. Dahil nagmula siya sa relihiyong Quaker at Shaker, posibleng nagkaroon sila ng mga pagtatalo ni Joseph Smith o ng iba pang mga miyembro ng Simbahan tungkol sa teolohiya—lalo na noong patuloy na ina-update ni Joseph ang doktrina ng Simbahan sa pamamagitan ng mga paghahayag.

Ang mga mambabasa sa makabagong panahong ito ng Doktrina at mga Tipan 81 ay makikita lamang ang pangalan ni Jesse Gause sa section heading. Nang mailathala ang paghahayag sa 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan, ang pangalan ni Gause ay napalitan ng pangalan ng lalaking tinawag na humalili sa kanya: si Frederick G. Williams. Si Williams pa rin ang nakalagay sa paghahayag na ito sa sumunod na mga edisyon ng Doktrina at mga Tipan. Si Williams, na humalili kay Gause bilang tagapayo noong Enero 1833, ay isang naunang miyembro at tagasuporta ni Joseph Smith. Tulad nina Gause at Rigdon, si Williams ay nagsilbi ring tagasulat at klerk ni Joseph Smith.

Ang mga nakasulat na talaan ng mga naunang paghahayag ni Joseph Smith ay sumailalim sa mga pagbabago nang ihanda ng mga naunang lider ng Simbahan ang mga teksto ng paghahayag para sa paglalathala ng Doktrina at mga Tipan noong 1835. Ang mga pagbabago ay lohikal dahil ang ilan sa mga paghahayag ay hindi na naaayon sa kasalukuyang kalagayan ng organisasyon ng Simbahan o pag-unawa sa doktrina. Habang inihahanda ng mga editor ang mga paghahayag para sa paglilimbag, maaaring hindi lamang nila itinuring ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 81 bilang payo sa isang indibiduwal, kundi bilang mas pangkalahatang paghahayag sa isang tagapayo o counselor na susuporta kay Joseph Smith. At dahil nilisan ni Jesse Gause ang Simbahan, maliwanag na inihalili ng mga patnugot ang pangalan ni Williams.

Sa ilang paraan, ang mga naunang paghahayag ay mga tala ng isang partikular na panahon, na nagbibigay sa mga makabagong mambabasa ng ilang kaalaman tungkol sa paraan kung paano hinubog ang Simbahan ng patuloy na paghahayag noong panahong iyon. Sa iba pang mga paraan, mas maraming aplikasyon ang mga paghahayag. Ang Doktrina at mga Tipan 81 ay maaaring basahin ngayon hindi lamang bilang isang paghahayag sa isang naunang miyembro ng Simbahan, kundi bilang payo rin sa sinumang handang sumuporta sa propeta.

  1. Ang pangalan ng pinatutungkulan sa paghahayag na ito ay binago kalaunan. Tingnan ang talakayan sa ibaba.

  2. Tingnan sa Erin B. Jennings, “The Consequential Counselor: Restoring the Root(s) of Jesse Gause,” Journal of Mormon History, tomo 34, blg. 2 (Tagsibol 2008), 182–227.

  3. Joseph Smith, “Note, 8 March 1832,” josephsmithpapers.org; Matthew C. Godfrey, Mark Ashurst-McGee, Grant Underwood, Robert J. Woodford, at William G. Hartley, mga pat., Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, tomo 2 ng serye na Documents ng The Joseph Smith Papers, mga pat. Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, Richard Lyman Bushman, at Matthew J. Grow (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2013), 201–4.

  4. Ang mga tala para sa kumperensyang ito noong Enero 1832 ay hindi naisalba. Tingnan sa “Minutes, 26–27 April 1832,” josephsmithpapers.org.

  5. Revelation, 15 March 1832 [D&C 81],” josephsmithpapers.org; Documents, Volume 2: July 1831–January 1833, 207–8.

  6. Joseph Smith, “Journal, 1832–1834,” Dis. 3, 1832, josephsmithpapers.org; Dean C. Jessee, Mark Ashurst-McGee, at Richard L. Jensen, mga pat., Journals, Volume 1: 1832–1839, tomo 1 ng serye na Journals ng The Joseph Smith Papers, mga pat. Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2008), 10.

  7. Zebedee Coltrin journal, folder 0002, image 41, Church History Library, Salt Lake City.

  8. Tingnan ang makasaysayang pambungad sa “Doctrine and Covenants, 1835,” josephsmithpapers.org; tingnan din sa Robin Scott Jensen, Richard E. Turley Jr., at Riley M. Lorimer, mga pat., Revelations and Translations, Volume 2: Published Revelations, tomo 2 ng serye na Revelations and Translations ng The Joseph Smith Papers, mga pat. Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2011), 301–10.