“Ang Karanasan ng Tatlong Saksi,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ang Karanasan ng Tatlong Saksi,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ang Karanasan ng Tatlong Saksi
Mahigit limang dekada na matapos mailathala ang Aklat ni Mormon, ginunita ni David Whitmer kung paano niya unang narinig ang Aklat ni Mormon: “Nagbiyahe ako sa Palmyra, N. Y. para sa negosyo [noong 1828], at habang naroon nakilala ko ang isang lalaki na nagngangalang Oliver Cowdery. Napakaraming tao sa lugar ang nag-uusap tungkol sa natagpuang mga laminang ginto ng isang Joseph Smith, Jr., isang binatilyo sa lugar na iyon. Nag usap kami ni Cowdery, pati na rin ang iba pa, tungkol sa bagay na ito.” Ang eksaktong mga detalye kung paano nagkakilala ang 23 taong gulang na si Whitmer at 22 taong gulang na si Cowdery ay hindi nabatid, ngunit kaagad na naging magkaibigan ang dalawang lalaki.
“Sinabi ni Cowdery na kilala niya ang pamilya Smith,” patuloy ni Whitmer, “at naniniwala siya na tiyak na may katotohanan sa kuwento tungkol sa mga lamina, at balak niyang alamin ang bagay na ito.” Si Whitmer, na nagpahiwatig na hindi lang siya isang beses nagpunta sa Palmyra, ay nagsagawa rin ng sariling pag-iimbestiga at “nakipag-usap sa ilang kabataang lalaki na nagsabing talagang may mga laminang ginto si Joseph Smith. … Ang mga taong ito ay nakatitiyak sa kanilang mga sinabi kaya nagsimula akong maniwala na talagang may batayan ang mga kuwentong kumakalat.”
Si David Whitmer, isang magsasaka mula sa Fayette Township, New York (mga 30 milya sa timog silangan ng Palmyra), at si Oliver Cowdery, mula sa Vermont na kamakailan lamang ay tinanggap ni Hyrum Smith at ng iba pang mga opisyal ng paaralan upang magturo sa lugar ng Manchester, ay nagkasundo na ipapabatid sa isa’t isa ang natuklasan nila. Sa panahong ito, hindi pa nila nakikilala si Joseph Smith, na nakatira noon sa Harmony, Pennsylvania, kasama ang kanyang asawang si Emma.
Si Cowdery, na ang mga estudyante ay kinabibilangan ng mga anak nina Joseph Sr. at Lucy Mack Smith, ay nanirahan kalaunan sa bahay ng pamilya Smith. Isinulat ni Lucy na si Cowdery ay “nagsimulang palaging magtanong kay Mr. Smith tungkol sa paksa [ng mga lamina]; ngunit nabigong makakuha ng anumang impormasyon sa loob ng ilang panahon: ngunit sa wakas ay nakuha niya ang pagtitiwala ng aking asawa kaya’t nalaman niya ang mga katotohanan na may kaugnayan sa mga lamina.”
Ang pakikipag usap kay Joseph Sr. ay nagkaroon ng matinding impluwensya kay Cowdery. “Ang paksa … ay tila nanuot sa aking kalamnan,” sabi niya sa mga Smith. “Ipinagdasal ko ito, at matibay ang paniniwala ko na kalooban ng Panginoon na pumunta ako [sa Harmony upang tulungan si Joseph sa pagsasalin].
Ibinalita rin ito ni Cowdery, marahil sa isang liham, kay Whitmer. “Sinabi sa akin ni Cowdery na pupunta siya sa Harmony, Pa. … at kakausapin siya [si Joseph Smith] tungkol sa bagay na ito,” isinulat ni Whitmer. “Pumunta nga siya roon, at sa kanyang paglalakbay ay dumaan sa bahay ng aking ama at sinabi sa akin na sa sandaling malaman niya ang anumang bagay, ito man ay totoo o hindi ay ipapaalam niya sa akin.”
Sinimulan nina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang kanilang gawain sa pagsasalin noong ika-7 ng Abril 1829, at masigasig na gumawa sa sumunod na walong linggo. Noong panahong iyon, sumulat si Cowdery ng tatlong liham kay Whitmer na tumatalakay sa proseso ng pagsasalin at nagbibigay ng partikular na impormasyon tungkol sa nilalaman ng Aklat ni Mormon. “Nang isulat sa akin ni Cowdery ang mga bagay na ito at sabihin sa akin na inihayag niya ang kaalaman hinggil sa katotohanan ng mga ito, ipinakita ko ang mga liham na ito sa aking mga magulang, at kapatid na mga lalaki at mga babae,” paggunita ni Whitmer.
Sa huling liham, hiniling nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na pumunta si Whitmer sa Harmony at tulungan ang dalawang lalaki na lumipat sa tahanan ng mga Whitmer. “May mga 20 ektarya akong inaararo,” isinulat ni Whitmer, “kaya ipinasiya ko na tapusin ko muna ang pag-araro at pagkatapos ay aalis na ako.” Gayunman, nang bumangon siya kinaumagahan, nalaman niya na nasa lima hanggang pitong ektarya ng kanyang lupain ang naararo sa gabi. Nang tanungin kung sino ang nag-araro sa bukid, sumagot si Whitmer, “Hindi ko alam, hindi ko masasabi sa inyo, ang alam ko lang ay naararo na ito. … Ito ay isang patotoo sa akin na hindi ko dapat ipagpaliban ang pag-alis para tulungan si Joseph. Inihanda ko ang aking mga kabayo at bagon at … nagsimulang maglakbay patungo sa Pennsylvania.”
Ang paglipat sa New York ay naganap sa simula ng Hunyo, at sa loob ng isang buwan ay natapos ni Joseph at ng kanyang mga tagasulat ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Sa panahon ding ito, ang mga magulang ni Joseph at si Martin Harris, na nakabalita na malapit nang matapos ang pagsasalin, ay dumating mula sa Palmyra.
Isinulat ni Lucy Mack Smith na “labis na natuwa” si Harris nang marinig nito ang progreso ng pagsasalin. Bagama’t posibleng noon lang nakilala ni Harris sina Cowdery at Whitmer sa unang pagkakataon, naging magkaibigan ang tatlong lalaki dahil sa kanilang katapatan na tumulong sa paglabas ng Aklat ni Mormon.
Sila ay interesado lalo na sa ilang mga talata mula sa Aklat ni Mormon. “Habang nagsasalin,” nakasaad sa kasaysayan ni Joseph Smith, “nalaman namin na tatlong natatanging saksi ang ilalaan ng Panginoon, kung kanino ay ipagkakaloob niya, na kanilang makita ang mga lamina kung saan ang gawaing ito (ang Aklat ni Mormon) ay isinalin.”
Halos kaagad pagkatapos malaman ito, isinulat ni Joseph, “Ninais nina Oliver Cowdery, David Whitmer, at … Martin Harris … na magtanong ako sa Panginoon, upang malaman kung hindi niya ipagkakaloob na sila ang maging natatanging saksing ito; at sa huli ay labis ang paghahangad nila, at naging mapilit na magtanong ako, at sa huli ay pumayag ako, at sa pamamagitan ng Urim at Tummim, nakatanggap ako mula sa Panginoon [ng isang paghahayag] para sa kanila.”
Tinawag upang Magpatotoo
Ang paghahayag, na kilala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 17, ay ganito ang ipinangako kina Cowdery, Whitmer, at Harris: “Kailangan ninyong magtiwala sa aking salita, na kung inyong gagawin nang may buong layunin ng puso, makikita ninyo ang mga lamina, at gayon din ang baluti sa dibdib, ang espada ni Laban, ang Urim at Tummim, … at pagkatapos na inyong matamo ang pananampalataya at nakita ang mga ito ng inyong mga mata, kayo ay magpapatotoo sa mga ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.”
Pagkalipas ng ilang araw, ang propesiya ay kamangha-manghang natupad. “Ito ay noong huling bahagi ng Hunyo, 1829,” isinulat ni David Whitmer. “Si Joseph, si Oliver Cowdery at ako ay magkasama, at ipinakita ng anghel ang mga ito [ang mga lamina] sa amin. … [Kami ay] nakaupo sa isang troso nang kami ay maliliman ng isang liwanag na mas maluwalhati kaysa sa araw. Sa gitna ng liwanag na ito, ilang talampakan ang layo mula sa amin, ay lumitaw ang isang mesa at sa ibabaw nito naroon ang maraming laminang ginto, ang espada rin ni Laban at ang mga tagaturo. Nakita ko ang mga ito nang malinaw gaya ng pagkakita ko sa inyo ngayon, at malinaw na narinig ang tinig ng Panginoon na nagpapahayag na ang mga talaan sa mga lamina ng Aklat ni Mormon ay isinalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”
Ganito rin ang naranasan nina Joseph Smith at Martin Harris, at nang ihanda na ang manuskrito para sa paglilimbag, nilagdaan nina Cowdery, Whitmer, at Harris ang isang pinag-isang pahayag na isinama sa bawat isa sa mahigit 120 milyong kopya ng Aklat ni Mormon na inilimbag mula noon. Ang isang bahagi ay mababasa nang ganito: “At aming ipinahahayag sa mahinahong mga salita, na isang anghel ng Diyos ang bumaba mula sa langit, at kanyang dinala at inilahad sa harap ng aming mga paningin, na namasdan at nakita namin ang mga lamina, at ang mga nakaukit doon; at nalalaman namin na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo, kung kaya’t amin itong namasdan at napatototohanan na ang mga bagay na ito ay totoo.”