Kasaysayan ng Simbahan
Kasiglahan sa Relihiyon sa mga Naunang Miyembro ng Ohio


“Kasiglahan sa Relihiyon ng mga Naunang Miyembro sa Ohio” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Kasiglahan sa Relihiyon ng mga Naunang Miyembro sa Ohio,” Konteksto ng mga Paghahayag

Kasiglahan sa Relihiyon sa mga Naunang Miyembro ng Ohio

D&T 46, 50

paglalarawan ng revival o camp meeting

Si Levi Hancock ay 27 taong gulang noong 1830 at nakatira sa New Lyme, Ohio, mga 30 milya sa silangan ng Kirtland. Noong siya ay bata pa, tinuruan siya ng kanyang ina na magkaroon ng malalim na interes sa mga bagay na espirituwal. Naniwala si Hancock na ang Diyos ay madalas mamagitan sa pang-araw-araw na buhay at nakikipag-usap sa kalalakihan at kababaihan sa pamamagitan ng mga panaginip.

Pagdating ng Unang mga Misyonero

Noong unang bahagi ng Nobyembre 1830, ang kapatid ni Hancock na si Alvah ay nagkuwento sa kanya ng tungkol sa Aklat ni Mormon: “Dumating ang apat na lalaki at may dalang isang aklat na tinawag nila na [isang] kasaysayan at talaan ng mga tao na minsang nanirahan sa lupaing ito.” Dahil naging interesado siya, nagpahayag si Hancock ng hangaring marinig ang mga mangangaral na ito. “Bukas ay magdaraos sila ng pulong sa bahay ni Mr. Jackson sa Mayfield,” sabi ng kanyang kapatid, idinagdag pa na, “Nagpatong sila ng mga kamay sa mga yaong nabinyagan nila at ipinagkakaloob sa mga ito ang Espiritu Santo.”

Inilarawan ni Hancock ang kanyang reaksyon: “Nang marinig ko ang mga huling salitang ito … tila may nadama akong isang bagay na kaaya-aya at kalugod-lugod[.] Tila nabuhusan ang aking mukha ng mainit na tubig at dumaloy sa buong katawan ko na nagpadama sa akin ng damdaming iyon na hindi ko mailarawan. Ang unang nasabi ko ay, ‘Ito ang katotohanan, nadarama ko ito. Pupunta ako at makikinig ako bukas.’”

Ang apat na lalaki na pakikinggan ni Hancock na magturo ay sina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Peter Whitmer Jr., at Ziba Peterson. Dumaan sila sa hilagang-silangan ng Ohio bilang mga misyonero noong taglagas ng 1830 patungong Missouri. Sa panandaliang pananatili nila, napukaw nila ang puso ng maraming tao. Ipinangangaral ang pagpapanumbalik ng Simbahan ni Cristo bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesus, ipinahayag nila na, bukod sa iba pang mga bagay, ipinanumbalik ng Panginoon ang mga kaloob ng espiritu na binanggit sa Bagong Tipan.

Si Levi Hancock ay isa sa mahigit isandaang nabinyagan dahil sa kanilang pagbisita. Ngunit sandali lamang nanatili roon ang mga misyonero; hindi nagtagal ay lumisan sila patungong Missouri, at iniwan ang maliit na pangkat ng mga bagong miyembro malapit sa Kirtland nang walang karanasan sa pamumuno. Ilang mahalagang tao sa mga bagong miyembro ang umalis sa panahon ding ito (kabilang sina Sidney Rigdon at Edward Partridge, na nagpunta sa New York upang makilala si Joseph Smith).

Ang Ikalawang Great Awakening [Matinding Pagkapukaw]

Noong mga unang taon ng dekada ng 1800, ang New York at Ohio ay puno ng kasiglahan sa relihiyon. Nagsimula ito noon pang mga unang taon ng dekada ng 1790, nang maraming Kristiyano ang nag-alala dahil sa pagdami ng rasyonalismo at kawalang-paniniwala na nakaimpluwensya sa kanilang relihiyon. Naghangad sila ng higit pa mula sa kanilang relihiyon kaysa sa naibigay sa kanila noon ng kanilang simbahan, ang ilan ay nagnais na bumalik sa sinaunang Kristiyanismo tulad ng inilarawan sa Bagong Tipan. Ang kaguluhang ito na dulot ng pagiging masigasig sa relihiyon ay tinawag kalaunan na Ikalawang Great Awakening [Matinding Pagkapukaw], na humantong sa maraming pagpapanibago, pagdagsa ng mga nagbalik-loob, at pagtatatag ng mga bagong sekta ng mga Kristiyano.

Ang isang katangian ng kulturang ito ng revivalist ay ang pagiging mas interesado sa mga espirituwal na manipestasyon at mga kaloob. Ang masigasig na pangangaral nina Charles Finney, Lorenzo Dow, George Lane, at iba pa ay naghikayat ng masiglang tugon mula sa mga nakikinig, kabilang na ang pagpopropesiya, pag-iyak, pagsigaw, pagsayaw, panginginig, at paggulong sa lupa. Ang ilang grupo, tulad ng United Society of Believers in the Second Coming of Jesus Christ (Shakers), ay ginawa pang pormal na bahagi ng kanilang pagsamba ang ilan sa mga ito.

Ang ganitong istilo ng pagsamba ay binatikos. Sa katunayan, maraming Kristiyano ang hindi sang-ayon sa tinatawag na kasiglahang ito. Pagsapit ng 1830, nagsimulang mabawasan ang kasiglahan sa relihiyon. Gayunman, marami pa rin ang naniwala na ang mga manipestasyong ito ay totoong pagpapahayag ng espiritu. Ang mensahe ng mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw na ibinalik ang espirituwal na kaloob sa Simbahan ay tila nakaakit sa maraming tinuruan nila sa Ohio.

Mga Kakatwang Espirituwal na Manipestasyon

Matapos lumisan ang mga misyonero, ang mga bagong miyembro ay may kaunting kaalaman, may ilang kopya ng Aklat ni Mormon, at walang kopya ng iba pang mga paghahayag kay Joseph Smith para gamitin sa kanilang bagong relihiyon. Dahil sa pagiging masigasig, ang ilan sa kanila ay nagsimulang magpakilala ng iba’t ibang aspeto ng masiglang pagsamba—o “mga espirituwal na gawa” na tawag nila kung minsan sa mga ito—sa kanilang mga pulong. Gayunpaman, hindi palaging malinaw kung aling mga manipestasyon ang inspirado at kung alin ang hindi totoo.

Noong unang bahagi ng Enero 1831, nakilala ni Levi Hancock ang tatlong binatang nagngangalang Edson Fuller, Heamon Bassett, at Burr Riggs, na ipinakilala ang kanilang sarili bilang mga elder ng Simbahan ni Cristo. Ayon kay Hancock, ang mga batang elder na ito ay nakibahagi sa “lahat ng uri ng gawain” sa oras ng pagsamba. Si Burr Riggs ay “lulundag mula sa sahig, ihahampas ang kanyang ulo sa haligi … painda-indayog nang ilang minuto, pagkatapos ay babagsak na parang patay.” Pagkatapos ay babangon siya at ikukuwento ang mga pangitain na nakita niya habang wala siyang malay. “Si Edson Fuller ay matutumba at mangingitim ang mukha. Si He[a]mon Bassett ay kikilos na parang baboon o matsing.”

Nagulumihanan si Hancock sa mga kakatwang kilos na ito. Gayunpaman, siya rin mismo ay nagkaroon ng mga damdamin, impresyon, at panaginip na pinaniniwalaan niyang mga espirituwal na pakikipag-ugnayan. Ang mga kabataang lalaki ay “tila tapat at totoo kaya naniwala ako sa lahat ng sinabi [nila].” Nag-alala pa nga siya na “marahil ay hindi ako kasingdalisay ng mga kabataan iyon.” Gayunpaman, ang kanilang mga ginagawa ay ibang-iba sa mga espirituwal na damdamain na naranasan niya.

Ang tatlong bata pang practitioner na ito ng masiglang pagsamba ay hindi nag-iisa. Maraming nabinyagan mula sa iba’t ibang relihiyon ang nakatulong sa kasiglahan ng simbahan sa Ohio noong unang bahagi ng 1831. Isang lalaking kilala bilang Black Pete, dating alipin at bagong binyag, ang dinala ang kanyang tradisyon ng sigaw ng alipin, kabilang na marahil ang pagsasalita sa iba’t ibang wika. Ang iba ay nagpasimula ng inobasyon na natatangi lamang sa kanilang mga grupo: “Ang ilan ay nagkukunwaring nasa kanila ang espada ni Laban, at iwinawasiwas ito na tulad ng isang kawal … ang ilan ay magpapadalusdos o magpapadulas [sa] sahig, na kasimbilis ng ahas, na tinatawag nilang paglalayag sa bangka patungo sa mga Lamanita.”

Ang sabi-sabi na madalas na ginagawa sa mga serbisyo ng pagsamba ng lokal na mga Banal sa mga Huling Araw ang mga kakatwang manipestasyong ito ay naging dahilan para kutyain ito ng mga taong nakakita nito. Isang pahayagan sa kalapit na Painesville ang mapanglait na nag-ulat na pagkatapos umalis ng mga misyonero, “isang tagpo ng pinakamaingay na debosyon ang ipinakita, lalo na ng mga kabataan.” Isinulat kalaunan ni John Corrill, isang convert noong Enero 1831, “Iilang simbahan lamang ang gumagawa nang gayon,” at napakarami, dagdag pa niya, ang “naghinala na ito ay nagmula sa masama.”

Ang Pagdating ni Joseph Smith

Nasa New York pa rin, nag-alala si Joseph Smith tungkol sa kawalan ng namumuno sa mga bagong miyembro sa Ohio at isinugo si John Whitmer sa Kirtland na may dalang mga kopya ng mga paghahayag upang “palakasin ang aking mga kapatid sa lupaing iyon.” Nang dumating si Whitmer noong kalagitnaan ng Enero 1831, nagulat siya sa iba’t ibang espirituwal na gawain na nakita niya.

Hindi nagtagal pagkadating ni Joseph Smith sa Kirtland noong Pebrero, kumilos siya upang alisin ang sobrang pagpapakita na ito ng kasiglahan. Sumulat siya sa kanyang kapatid na si Hyrum (na noon ay nasa Colesville, New York) noong ika-3 ng Marso, sinasabing, “Isinaayos ko ang mga Simbahan dito dahil maraming disipulo at ang diyablo ay gumawa ng maraming pagtatangka na pabagsakin sila.”

Gayunman may mahahalagang tanong na kailangang masagot. Kung ipinangako ng Aklat ni Mormon na magkakaroon ng mga espirituwal na kaloob sa Simbahan, ano ang mali sa mga gawaing ito? Hind ba’t napagkalooban si Joseph ng mga mahimalang manipestasyong ito ng espiritu? At ano ang paliwanag sa mga kuwento sa Aklat ni Mormon tungkol kina Alma at Lamoni, na bumagsak, na tila nawalan ng malay, habang nangungusap sa kanila ang espiritu? Paano matutukoy ng isang tao ang mga kaloob ng Diyos mula sa gawa-gawa ng tao o ng impluwensya ng kasamaan?

Ang isang paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 46) na ibinigay noong ika-8 ng Marso bilang tugon sa mga tanong ni Joseph tungkol sa kung paano pangasiwaan ang mga sacrament meeting ay nagbigay ng ilang paliwanag sa mga tanong na ito. Dito ay ipinaalala ng Panginoon sa mga elder na dapat silang “pinapatnubayan ng Banal na Espiritu” sa pangangasiwa sa kanilang mga pulong. Pinagtibay ng paghahayag ang presensya ng mga espirituwal na kaloob sa Simbahan, at hinikayat maging ang mga miyembro na “hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob, alalahanin sa tuwina kung para saan ibinigay ang mga ito.” Gayunpaman, nagbabala ito na, “Ang ilan ay sa mga tao, & ang iba ay sa mga Diyablo[.] Samakatwid mag-ingat at baka kayo ay malinlang.”

Nakalista sa paghahayag ang maraming kaloob na maaaring asahang matagpuan ng matatapat sa Simbahan, kabilang ang pananampalataya, mga himala, kaalaman, pagpapagaling, at pagsasalita ng mga wika. Ang listahang ito ay kapareho ng mga yaong matatagpuan sa Bagong Tipan at sa Aklat ni Mormon (tingnan sa 1 Corinto 12:4–11; Moroni 10:8–18). Nangako rin ang Panginoon na ang mga bishop, elder, at iba pa na hinirang upang “pangalagaan ang simbahan” ay magkakaroon ng kaloob na “makilala ang lahat ng kaloob na yaon at baka mayroon sa inyong nagpapanggap & hindi naman mula sa Diyos.”

Isang Paghahayag tungkol sa Pagkilala sa mga Espiritu

Nang bumalik si Parley P. Pratt mula sa Missouri noong Marso, napansin din niya ang patuloy na pagpapakita ng mga kakatwang kasiglahan nang bisitahin niya ang mga kongregasyon sa iba’t ibang lugar sa Kirtland. Isinulat niya kalaunan, “Dama ang aming kahinaan at kawalan ng karanasan, at baka magkamali kami sa paghatol hinggil sa espirituwal na penomena na ito, ako, si John Murdock, at ang ilan pang mga Elder, ay nagtungo kay Joseph Smith, at hiniling sa kanya na magtanong sa Panginoon hinggil sa mga espiritu o mga manipestasyong ito.”

Nagkita sila noong ika-9 ng Mayo at matapos manalangin nang magkasama, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na matatagpuan ngayon sa Doktrina at mga Tipan 50. Inilarawan ni Pratt ang nasaksihan niya: “Bawat pangungusap ay sinambit nang dahan-dahan at napakalinaw, at pahintu-hinto sa pagitan ng mga salita, sapat ang haba para maisulat ito, ng isang karaniwang tagasulat. … Hindi kailanman nagkaroon ng anumang pag-aalinlangan, pagrepaso, o pagbasang muli, para tuluy-tuloy ang daloy ng paksa.” Sa paghahayag na ito, nangusap ang Panginoon ng “nauukol sa simbahan, & sa mga espiritung lumalaganap sa Mundo.” Ipinaliwanag Niya na marami sa mga ito ay “mga mapanlinlang na espiritu” at na “si Satanas ay nagnais na malinlang kayo upang kanya kayong ibagsak.” Nagbabala Siya na ang ilan sa mga gawaing ipinakita ng mga entusyastiko ay “mga karumal-dumal” at na “may mga mapagkunwari sa inyo & nanlinlang ang ilan, na siyang nagbigay sa kaaway ng kapangyarihan.”

Ipinaliwanag ng Panginoon nang may pagkahabag sa masisigasig ngunit wala pang alam na bata pang grupo ng mga disipulong ito, pinaalalahanan sila na ang Espiritu Santo ay “espiritu ng katotohanan” at anumang bagay na “hindi nakapagpapatibay ay hindi sa Diyos, & ito ay kadiliman.” Nagturo din ito sa kanila ng kaugnay na mensahe “Yaong sa Diyos ay liwanag.” Ang paghahayag ay nagpatuloy sa pagbibigay ng mga tagubilin kung paano makikilala ang mga pagpapakita na binigyang-inspirasyon ng Diyos kumpara sa yaong galing sa ibang source: “Kung iyong mamamasdan ang espiritu na nagpapahayag na hindi mo nauunawaan, & hindi mo tinanggap ang espiritung yaon, ikaw ay magtatanong sa Ama sa pangalan ni Jesus & kung hindi niya ipinagkaloob sa iyo ang espiritung yaon, sa gayon ay malalaman mo na ito ay hindi sa Diyos.” Palalayasin ng mga elder ang mga mapanlinlang na espiritu sa malakas na tinig, at ipinangako ng Panginoon na bibigyan sila ng lakas na labanan ang masasamang impluwensya kung mananatili silang mapagpakumbaba.

Pagsasaayos ng mga Bagay-bagay

Sa pamamagitan ng mga paghahayag na ito, mas handa na si Joseph at ang mga elder sa Kirtland na maunawaan at makilala ang maraming espirituwal na pagpapakita na nakaharap nila. Ngunit ang pagsasaayos sa maraming kongregasyon ay mangangailangan ng ilang linggo, dahil kailangan ni Joseph at ng iba pa ng panahon upang maisagawa ang mga tagubilin ng paghahayag.

Noong ika-4 ng Hunyo, pinulong ni Joseph Smith ang ilang elder ng Simbahan sa paaralang yari sa troso na nasa bukid ni Isaac Morley malapit sa Kirtland. Dumalo si Levi Hancock sa pulong na ito at nasaksihan kung paano sinunod ni Joseph Smith ang tagubilin ng Panginoon. Nang simulang ipakita ng ilang elder ang impluwensya ng mga hindi kilalang espiritu, sinabi ni Hyrum Smith, “Joseph, hindi iyan sa Diyos.” Nanalangin si Joseph ayon sa iniutos sa paghahayag, at makalipas ang ilang sandali ay tumayo at pinalayas ang mga espiritu.

Sina Parley P. Pratt at Joseph Wakefield ay nagtungo “sa mga simbahan” gaya ng iniutos sa paghahayag, “sinasaway ang mga mapanlinlang na espiritu na nakapasok sa kanila, isinasaayos ang mga bagay-bagay na hindi tama.” Kasama rin si Jared Carter sa lumalaking bilang na nakadama ng bagong lakas sa pamamagitan ng paghahayag, at sinaway niya ang isang maling manipestasyon sa isang pulong sa Amherst, Ohio.

Pinagnilayan ang kanyang karanasan bilang saksi sa mga kakatwang pagpapakita ng espirituwal na kasiglahang ito noong mga unang araw ng kasaysayan ng Simbahan, sinabi ni Levi Hancock na nahihiya siya dahil naniwala siya rito na “parang isang hangal.” Malugod niyang tinanggap ang bagong paghahayag at siya ay isang matapat na miyembro ng Simbahan sa buong buhay niya.

Ibinuod sa kasaysayan ni Joseph Smith ang mga pangyayari tungkol sa napakagulong mga linggong ito: “May ilang kakatwang paniniwala at mga mapanlinlang na espiritu ang pumasok sa kanila. Nang may kaunting pag-iingat, at ilang katalinuhan, di nagtagal ay tinulungan ko ang mga kapatid na madaig ang mga ito. … Ang mga mapanlinlang na espiritu ay madaling nakilala at itinaboy ng liwanag ng paghahayag.”

  1. Maliban kung iba ang nakasaad, ang mga sipi sa artikulong ito ay hango sa Levi Hancock autobiography (1803–1836), di-nailathalang typescript, L. Tom Perry Special Collections, Harold B. Lee Library, Brigham Young University, Provo, Utah.

  2. Tingnan sa Mark Lyman Staker, Hearken, O Ye People: The Historical Setting of Joseph Smith’s Ohio Revelations (Salt Lake City: Greg Kofford Books, 2009), 71–86.

  3. “John Whitmer, History, 1831–circa 1847,” 26, josephsmithpapers.org.

  4. “Mormonism,” Telegraph [Painesville, Ohio], Peb. 15, 1831.

  5. John Corrill, “Brief History,” Manuscript, circa 1838–1839, 23, josephsmithpapers.org.

  6. “John Whitmer, History, 1831–circa 1847,” 10.

  7. “Letter to Hyrum Smith, 3–4 March 1831,” 1, josephsmithpapers.org. Ang awtor ay lubos na nagpapasalamat kina Michael Hubbard Mackay at Gerrit J. Dirkmaat para sa interpretasyon ng liham na ito ni Joseph Smith.

  8. “Revelation, circa 8 March 1831–A [D&C 46],” sa Revelation Book 1, 76–78, josephsmithpapers.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 46:2, 7–8, 27.

  9. The Autobiography of Parley Parker Pratt; One of the Twelve Apostles of The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints, pat. Parley P. Pratt Jr. (Chicago: Law, King, and Law, 1888), 65.

  10. The Autobiography of Parley Parker Pratt, 65–66.

  11. “Revelation, 9 May 1831 [D&C 50],” sa Revelation Book 1, 82, josephsmithpapers.org.

  12. “Revelation, 9 May 1831 [D&C 50],” sa Revelation Book 1, 84.

  13. The Autobiography of Parley Parker Pratt, 70.

  14. Joseph Smith, “History, 1838–1856, volume A-1 [23 December 1805–30 August 1834],” 93, josephsmithpapers.org.