“Isang Anghel at Isang Pangako,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
Isang Anghel at Isang Pangako
Ang mga gabi ng ika-22 at ika-23 ng Setyembre 1823, ay nagdulot ng malaking pagbabago sa buhay ni Lucy Mack Smith. Noong ika-22 ng Setyembre, umuwi ang kanyang anak na si Joseph mula sa pagtatrabaho sa bukid na kapwa masaya at pagod. Naalala ni Lucy na “nang magtipon ang pamilya,” sinabi ni Joseph sa kanila na isang anghel ang bumisita sa kanya sa nagdaang buong gabi. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakatanggap si Joseph ng banal na patnubay, ngunit matapos ang kanyang unang pangitain tatlong taon na ang nakararaan, sinabi lamang ni Joseph kay Lucy ang kanyang desisyon na hindi sumapi sa simbahan nito na Presbyterian o sa iba pang sekta. Sa panahong iyon, nagpatuloy siya [si Lucy] sa karaniwang gawain niya sa buhay.
Ang mga pagbisita ng anghel na si Moroni ang unang personal na mga espirituwal na karanasan ni Joseph na napag-usapan ng pamilya. Noong umaga ng ika-22 ng Setyembre, dahil sobrang napagod si Joseph sa naranasan sa buong magdamag, nahirapan siyang tapusin ang kanyang mga gawain kasama ang kanyang ama at kapatid na si Alvin, at nag-atubili pa rin siya na sabihin ang nangyari. Paniniwalaan kaya siya ng kanyang ama? Dahil walang ipinaliwanag si Joseph kung bakit siya pagod, inakala ni Joseph Smith Senior na maysakit ang kanyang anak at pinauwi niya ito para magpahinga. Ngunit bago nakarating si Joseph sa bahay, nagpakitang muli ang anghel, iniutos kay Joseph na sabihin sa kanyang ama at tiniyak nito sa kanya na maniniwala sa kanya ang kanyang ama. Noong gabi, nagpasiya si Joseph na ikuwento sa kanyang pamilya ang tungkol sa pagdalaw ng anghel.
Handa na silang makinig nang mabuti sa kanyang karanasan. Gayunpaman, nang ikukuwento na ni Joseph ang nangyari, nakita ng kanyang nakatatandang kapatid na si Alvin na pagod si Joseph at iminungkahi sa buong pamilya na “matulog, at bumangon nang maaga, upang tapusin ang gawain sa maghapon” at umuwi para sa “maganda at mahabang gabi” kung saan silang “lahat ay mauupo para makinig.” Maagang naghanda si Lucy ng pagkain para sa hapunan nang sumunod na araw, at ang buong pamilya ay nagtipon bago lumubog ang araw—ama, ina, anim na anak na lalaki, at tatlong anak na babae. Naalala ni Lucy na matapos silang balaan na hindi pa dumarating ang panahon upang ibahagi ang mensaheng natanggap niya sa mundo, “sinimulan ni Joseph na sabihin sa amin ang mga dakila at maluwalhating bagay na ipinakita sa kanya ng Diyos.”
Ang Doktrina at mga Tipan 2 ay naglalahad lamang ng ilan sa libu-libong salita na kalaunan ay ipahahayag at isusulat tungkol sa mga pagdalaw ng anghel na si Moroni kay Joseph Smith. Ang mga tagubilin ni Moroni ay nag-utos sa kanya na magtungo sa kalapit na burol kung saan niya natagpuan ang isang sagradong kasaysayan ng mga sinaunang nanirahan sa lupain ng Amerika na nakatala sa mga laminang ginto. Sa takdang panahon, isasalin niya ang talaan sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos at ilalathala ito bilang ang Aklat ni Mormon. Gayunman, para sa pamilya Smith, ang mga gabing iyon noong Setyembre 1823 ay isang pagkakataon kung saan ang kanilang puso ay nagsimulang bumaling sa mga sinaunang pangako at sa gawaing isasagawa bago bumalik si Jesucristo sa lupa.
Sa pamamagitan ng Kamay ni Elijah
Si Joseph ang sumulat o namahala sa pagsulat ng apat na salaysay ng tungkol sa pagdalaw ng anghel. Nilinaw sa mga salaysay na iyon na ang mensahe ni Moroni ay hindi lamang para kunin ang mga laminang ginto. Sa isa sa kanyang mga huling salaysay, sinabi ni Joseph na si anghel Moroni ay bumanggit ng mga sipi mula sa Malakias, Isaias, Mga Gawa, at Joel gayon din ng “marami[ng] iba pang sipi sa banal na kasulatan” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:36–41); sa isa pang salaysay, sinabi ni Joseph na “ipinaliwanag niya sa akin ang marami sa mga propesiya.” Tinukoy ni Oliver Cowdery ang iba pang talatang ito sa mga banal na kasulatan nang ikuwento niya ang sarili niyang karanasan sa pakikinig kay Joseph na inilalarawan ang mga pagbisita. Sa pagbibigay ng halos tatlong beses ang dami ng mga salita tulad ng pinakamahabang salaysay ni Joseph, si Oliver ay nagbanggit ng maraming talata mula sa Deuteronomio, Mga Awit, Isaias, at Jeremias bilang batayan para sa paglaganap ng mensahe tungkol sa pagbubukas ng kalangitan, pagpapanumbalik ng banal na awtoridad at mga tipan, pagtitipon ng Israel, at paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Kalaunan ay sinabi ni Oliver na “napakahirap ibuod nang isang minuto ang mahabang pakikipag-usap sa isang sugo ng langit maliban kung natulungan agad ang isang tao sa pamamagitan ng kaloob na inspirasyon.”
Sa paglipas ng panahon, ang talata mula sa Malakias tungkol sa pagbabalik ni Elijah ay naging mahalaga lalo na sa mga Banal sa mga Huling Araw. Si Elijah ay isang makapangyarihang propeta sa Lumang Tipan na nagpinid sa kalangitan upang hindi umulan, nagpababa ng apoy mula sa langit, nagparami sa pagkain ng isang balo, at binuhay ang isang batang lalaki mula sa mga patay (tingnan sa 1 Mga Hari 17–18). Ngunit ang pagkuha sa kanya [ng Diyos] patungo sa langit nang hindi nakaranas ng kamatayan (tingnan sa 2 Mga Hari 2) at ang kanyang ipinangakong pagbabalik ang makakaimpluwensya nang malaki sa mga tradisyon ng mga Judio at Kristiyano. Ang mga Judio ay nag-iiwan ng isang saro para kay Elijah sa mesa ng Paskua, kinikilala siya bilang mahalagang tagapagpauna sa pakikipagkasundo ng tao, ang pagpapanumbalik ng sambahayan ni Jacob, at ang panahon ng Mesiyas. Ang mga naunang Kristiyano ay naghintay rin kay Elijah bilang tagapagpauna ng Mesiyas at itinuring siya bilang huwaran sa pananalangin. Nakatala sa Bagong Tipan ang isang katuparan ng pangakong ito nang magpakita si Elijah kasama si Moises sa Bundok ng Pagbabagong-anyo.
Ang mga tagubilin ni Moroni ay hindi ang huling maririnig ni Joseph tungkol kay Elijah. Sa proseso ng patuloy na pagpapanumbalik na magiging natatanging katangian ng Pagpapanumbalik, si Joseph ay maraming natutuhan sa paglipas ng panahon, “nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30). Kabilang sa Aklat ni Mormon ang kuwento tungkol sa pagbabahagi ni Jesus ng propesiya ni Malakias tungkol kay Elijah sa ilan sa mga sinaunang naninirahan sa mga lupain ng Amerika (tingnan sa 3 Nephi 25), at muling pag-iisipan at susuriin ni Joseph ang talata bilang bahagi ng kanyang inspiradong rebisyon ng Biblia. Ipinaliwanag ng isang paghahayag noong Agosto 1830 na hawak ni Elijah “ang mga susi ng kapangyarihan ng pagbabaling ng mga puso ng mga ama sa mga anak” (D&T 27:9) samantalang ang isa pa ay ibinigay makalipas ang ilang buwan na tumukoy sa pagdating ni Elijah (tingnan sa D&T 35:4). Nakatala sa journal ni Joseph Smith na nagpakita si Elijah sa Templo ng Kirtland noong Abril 1836, na nagpapahayag na “ang panahon [ay] ganap nang dumating” para sa kanyang pagbabalik, kapwa “upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa mga anak” at ipagkaloob sa kanya “ang mga susi ng dispensasyong ito” (D&T 110:14–16). Sa Nauvoo, ang pagpapanumbalik ng binyag para sa mga patay ay nagpabaling sa isipan ng maraming Banal sa kanilang mga ninuno at lumikha ng ugnayan sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyang mga henerasyon. Simula noon, maraming Banal sa mga Huling Araw ang iniugnay ang diwa ni Elijah sa mga ordenansa sa templo at gawain sa family history.
Gayunman, ang pangakong pagbabalik ni Elijah ay kinapapalooban ng higit pa sa gawain sa templo at family history. Ang Pagpapanumbalik mismo, bilang pagbabalik ng sinaunang awtoridad sa mga makabagong henerasyon, ay katuparan ng propesiya ni Malakias, na muling binanggit ng anghel na si Moroni noong 1823. Sa huling taon ng kanyang buhay, itinuro ni Joseph Smith na “ang diwa, kapangyarihan, at tungkulin ni Elijah ay, upang magkaroon kayo ng kapangyarihang hawakan ang susi sa mga paghahayag, ordenansa, orakulo, kapangyarihan at mga pagkakaloob ng kabuuan ng Melchizedek Priesthood at sa kaharian ng Diyos sa lupa” upang “isagawa ang lahat ng ordenansa na nakapaloob sa kaharian ng Diyos.” O, tulad ng ibinuod ni Joseph sa isa pang pagkakataon, “ang tipan na ginawa ng Diyos sa sinaunang Israel ay matutupad na.”
Isa si Lucy Smith sa mga unang nakarinig ng tungkol sa mensahe ng anghel na si Moroni at nadama niya kung paano mas pinaglapit nito ang kanyang pamilya. Sa pagwawakas ng kanyang buhay, ginunita ni Lucy na ang mga pagbisitang iyon sa gabi ay “nagdulot sa amin ng malaking kagalakan” at napatunayan na ang Diyos ay “magbibigay sa atin ng higit na ganap na kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan at sa pagtubos ng sangkatauhan.” Ang mga pagbisita ni Moroni sa kanyang anak ay nagbigay ng napakalaking kahalagahan sa kasaysayan, naglunsad ng aktibong gawain ng Pagpapanumbalik, nagpabatid kay Joseph ng tungkol sa Aklat ni Mormon, at naglatag ng saligan para sa pagbabalik ni Elijah at sa mas malaking gawain ng pag-uugnay sa mga anak ng Diyos bilang pamilya sa panahong ito at sa kawalang-hanggan.