Kasaysayan ng Simbahan
Paunang Salita


“Paunang Salita,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“Paunang Salita,” Konteksto ng mga Paghahayag

Paunang Salita

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala sa isang mapagmahal na Diyos na nangungusap sa Kanyang mga anak “sa panahong ito at sa sinaunang panahon, at kapwa sa sinaunang panahon at sa panahong darating” (1 Nephi 10:19). Ang pangunahing alituntuning ito ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay makikita sa banal na kasulatan ng mga Banal sa mga Huling Araw, na naglalaman ng mga talaan ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak noon pa mang unang panahon, gayundin ng Kanyang mga salita kay Joseph Smith at sa iba pang mga propeta sa mga huling araw.

Ang aklat ng Doktrina at mga Tipan ay katibayan sa pagbuhos na ito ng patuloy na paghahayag. Bawat bahagi ay sumasagot sa mahahalagang tanong, naghahayag ng mahahalagang katotohanan, o nagbibigay ng praktikal na tagubilin. Ang mga paghahayag na ito ay bunga ng patuloy na pag-uusap ng Panginoon at ng Kanyang mga tao. Ngunit sa maraming pagkakataon, ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman lamang ng isang bahagi ng pag-uusap—ang inihayag na mga tugon ng Panginoon. Sa ganitong paraan, ito ay natatangi sa mga aklat ng mga banal na kasulatan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa Biblia, Aklat ni Mormon, at Mahalagang Perlas, ang pagtuturo ng ebanghelyo ay kadalasang nakapahayag nang pasalaysay. Ang salaysay ay nagbibigay sa atin ng mga clue na tumutulong sa atin na maipaliwanag ang mga turo at makita kung paano nito naimpluwensyahan ang buhay ng kalalakihan at kababaihan ng mga banal na kasulatan. Ngunit ang Doktrina at mga Tipan ay hindi naglalaman ng mga kuwento kung bakit ibinigay ang mga paghahayag.

Bagama’t ang mga section heading, na na-update noong 2013, ay nagbibigay ng kaunting konteksto para sa mga paghahayag, tagubilin, at pahayag sa Doktrina at mga Tipan, hindi naglalahad ang mga ito ng buong kuwento. Anong mga tanong ang humantong sa pagtanggap ng mga paghahayag? Ano ang kahulugan ng mga tugon ng Panginoon sa mga yaong pinatutungkulan ng mga ito? Paano tumugon sa mga bagong turo ang mga nakarinig sa mga paghahayag? Ang Konteksto ng mga Paghahayag ay koleksyon ng mga kuwento na naglalayong sagutin ang mga tanong na ito. Isinalaysay ayon sa pananaw ng mga tao na naranasan ang mga ito sa mismong nakasaad na konteksto ng mga ito, ang mga salaysay na ito ay nagbibigay sa atin ng kaalaman sa kahulugan ng mga paghahayag at tinutulungan tayong maunawaan ang mga ito nang may bagong pananaw.

Ang mga kuwento sa koleksyong ito, na tumutukoy sa halos lahat ng bahagi sa Doktrina at mga Tipan, ay isinulat ng mga mananalaysay sa Church History Department. Sa pagsasalaysay ng mga kuwentong ito, kapwa ginamit ng mga awtor ang kanilang paniniwala sa ipinanumbalik na ebanghelyo at ang kanilang training at kahusayan sa kasaysayan ng mga Amerikano at ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang lalong mahalaga sa serye na ito ay ang Joseph Smith Papers Project [Proyektong Joseph Smith Papers], na naglaan ng pundasyon ng metikulosong kaalaman kung saan dapat ibatay ang lahat ng makasaysayang interpretasyon ng buhay at gawain ni Joseph Smith. Ang mga pagbanggit sa Joseph Smith Papers sa Konteksto ng mga Paghahayag ay karaniwang nagtuturo sa mambabasa sa mga dokumento at materyal na saganang makukuha sa josephsmithpapers.org.

Umaasa kami na ang mga salaysay na ito ay hindi lamang magbibigay sa mga miyembro ng Simbahan ng mas malinaw na pang-unawa sa mga paghahayag, kundi ng mas malalim na pagpapahalaga rin sa paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa Kanyang mga anak “sa kanilang kahinaan, alinsunod sa pamamaraan ng kanilang wika, upang sila ay mangyaring makaunawa” (D&T 1:24).