“Ang Kaloob kay Oliver Cowdery,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)
“Ang Kaloob kay Oliver Cowdery,” Konteksto ng mga Paghahayag
Ang Kaloob kay Oliver Cowdery
Nakahiga si Oliver Cowdery at pinag-iisipan kung totoo ang mga kuwentong narinig niya. Ang 22 taong gulang na si Oliver Cowdery ay isang guro sa paaralan na nakatira sa Palmyra, New York, sa tahanan ni Joseph Smith Sr. noong taglagas ng 1828. Hindi pa natatagalan pagkarating niya sa lugar, nagsimula siyang makarinig ng mga kuwento tungkol sa anak ng mga Smith na si Joseph Jr., ang pakikipag-usap nito sa mga anghel, at pagkatuklas sa mga laminang ginto.
Lalo siyang naging interesado, marami siyang itinanong sa may-ari ng inupahan niya, ninais na malaman pa ang tungkol dito. Noong una ay nag-atubiling magbahagi si Joseph Sr., ngunit kalaunan ay napahinuhod sa pakiusap ng umuupa sa kanya at ikinuwento rito ang tungkol sa mga karanasan ni Joseph Jr. Kinailangang malaman ni Oliver kung totoo ang mga kamangha-manghang bagay na iyon. Nanalangin siya. Nakadama siya ng kapayapaan, na kumukumbinsi sa kanya na nangusap ang Diyos at pinagtitibay ang mga kuwentong narinig niya.
Hindi niya sinabi sa sinuman ang tungkol sa karanasang ito, bagama’t madalas niyang banggitin ang mga laminang ginto at unti-unting naniwala na tinatawag siya ng Diyos na maging tagasulat ni Joseph Smith habang nagsasalin ito. Nang matapos ang termino sa paaralan noong tagsibol ng 1829, naglakbay si Oliver patungong Harmony, Pennsylvania, kung saan nakatira si Joseph kasama ang asawa nitong si Emma, sinasaka ang lupaing pag-aari ng ama ni Emma, na si Isaac Hale.
Ang pagsasalin ng mga lamina ay pansamantalang itinigil matapos maiwala ng tagasulat ni Joseph na si Martin Harris ang manuskrito noong nakaraang tag-init. Sa kabila ng hindi magandang pangyayaring ito, tiniyak ni Joseph sa kanyang ina, at sinabi rito na isang anghel ang nagsabi sa kanya na padadalhan siya ng Panginoon ng tagasulat. “At nagtitiwala ako na matutupad ang kanyang pangako,” sabi ni Joseph. Tunay ngang nagpadala ng tagasulat ang Panginoon, at sa pagkamangha ng ina at ama ni Joseph ay si Oliver Cowdery iyon, ang mismong lalaking tinulungan nilang maghanda. Dumating si Oliver sa tahanan nina Joseph at Emma Smith noong ika-5 ng Abril 1829.
Hindi muna nagsimula sina Joseph at Oliver. Matapos dumalo sa ilang gawain noong ika-6 ng Abril, sinimulan nila ang gawain ng pagsasalin kinabukasan.
Isang Paghahayag para kay Oliver
Nagpatuloy ang pagsasalin nang ilang araw, at pagkatapos ay nakatanggap si Joseph ng isang paghahayag para sa kanyang bagong tagasulat. Ang patuloy na pag-aalinlangan ni Oliver tungkol sa kaloob ni Joseph Smith bilang propeta ay tinugon nang ilahad sa mga salita ng paghahayag ang mga karanasang hindi ikinuwento ni Oliver sa sinuman. “Ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang iyong malaman ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito,” ang paalala sa kanya ng Panginoon. “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito?—Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos? … Huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”
Dumating si Oliver sa Harmony na naniniwala na siya ay tinawag na magsulat para kay Joseph; ngayon ay naroon siya at nais niyang malaman kung ano pa ang ipagagawa sa kanya ng Panginoon. “Masdan ikaw ay may kaloob,” ang sabi ng Panginoon sa paghahayag, “at pinagpala ka dahil sa iyong kaloob. Tandaan na ito ay banal at nagmula sa itaas.” Ang kaloob niya ay ang kaloob na paghahayag, at sa pamamagitan nito ay “malalaman [niya] ang mga dakila at kagila-gilalas na hiwaga; samakatwid gagamitin mo ang iyong kaloob, upang mapag-alaman mo ang mga hiwaga, upang makapagdala [siya] ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, imulat sila sa kamalian ng kanilang mga gawa.” At inalok rin ng Panginoon si Oliver ng isang pang kaloob: “Kung nanaisin mo na tanggapin ito mula sa akin, na makapagsalin, maging tulad ng aking tagapaglingkod na si Joseph.”
Samantala, patuloy na nasaksihan ni Oliver ang paggamit ni Joseph ng kaloob nito na magsalin. Noong buwan ding iyon, pinag-usapan ng dalawang lalaki ang nangyari kay Apostol Juan—isang paksang interesado na talakayin sa panahong iyon. Nakatala sa kasaysayan ni Joseph na magkaiba sila ng mga opinyon at “parehong sumang-ayon na alamin [ito] sa pamamagitan ng Urim at Tummim.” Ang sagot ay dumating sa isang pangitain tungkol sa isang parchment o tala na isinulat sa balat ng tupa na isinalin ni Joseph, ngayon ay Doktrina at mga Tipan 7.
Hinangad ni Oliver na Magsalin
Habang ipinagpapatuloy nina Joseph at Oliver ang kanilang gawain, lalong hinangad ni Oliver na magkaroon ng mas malaking bahagi sa pagsasalin. Ipinangako ng Panginoon kay Oliver ang pagkakataong makapagsalin, at nais niya itong makamtan. Nagdikta si Joseph ng isa pang paghahayag. Dito, tiniyak ng Panginoon kay Oliver na magkakaroon siya ng kaloob na nais niya. Ang mga hinihingi ay pananampalataya at tapat na puso.
Nagpatuloy ang paghahayag, ipinapabatid sa magiging tagapagsalin kung paano gumagana ang proseso. Ipinahayag ng Panginoon: “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan & sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo & mananahanan sa iyong puso.” Ang paghahayag ay palaging dumarating sa ganitong paraan. Nakasaad sa paghahayag na ito ang paraan o “ang diwa kung paano nadala ni Moises ang mga anak ni Israel patawid sa Dagat na pula patungo sa tuyong lupa.”
Lumaki si Oliver Cowdery sa isang kultura na naimpluwensyahan nang malaki ng mga ideya, terminolohiya, at kaugalian sa Biblia. Maaaring nakaugnay siya nang banggitin ng paghahayag si Moises. Ang mga kuwento sa Biblia tungkol kay Moises at sa kanyang kapatid na si Aaron ay nagsalaysay sa ilang pagkakataon ng tungkol sa paggamit ng mga tungkod upang ipakita ang kalooban ng Diyos (tingnan sa Exodo 7:9–12; Mga Bilang 17:8). Naniniwala rin ang maraming Kristiyano noong panahon ni Joseph Smith at Oliver Cowdery sa mga divining rod o tungkod bilang mga instrumento sa paghahayag. Kasama si Oliver sa mga naniniwala at gumagamit ng divining rod.
Kinilala ng Panginoon ang kakayahan ni Oliver na gumamit ng tungkod: “Ikaw ay may isa pang kaloob na kaloob na paggamit ng usbong [o tungkod].” Pinagtibay ang kasagraduhan ng kaloob na ito, isinaad ng paghahayag: “Masdan, wala nang iba pang kapangyarihan, maliban sa kapangyarihan ng Diyos na siyang magpapangyari sa bagay na ito ng Kalikasan na magkabisa sa iyong mga kamay dahil ito ay gawain ng Diyos.” Kung nais ni Oliver, sabi pa ng paghahayag, idaragdag ng Panginoon ang kaloob na pagsasalin sa mga kaloob ng paghahayag na taglay na ni Oliver.
Bagama’t iilang detalye lang ang alam natin tungkol sa pagtatangka ni Oliver Cowdery na magsalin, tila hindi nagtagumpay ito. Ang kanyang pagsisikap ay kaagad na nabigo. Dahil sa pagkabigo ni Oliver, tumanggap ng isa pang paghahayag si Joseph Smith, na nagpapayo kay Oliver, “Maging matiyaga, aking anak, sapagkat ito ay karunungan sa akin, at hindi kinakailangang ikaw ay magsalin sa ngayon.” Sinabi rin kay Oliver na hindi niya naunawaan ang proseso. Sinabi sa kanya: “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab.”
Ipinanumbalik ang Awtoridad
Bagama’t pinanghinaan ng loob dahil nabigo siya na magsalin, matiyagang ipinagpatuloy ni Oliver ang kanyang tungkulin bilang tagasulat habang idinidikta ni Joseph ang pagsasalin mula sa mga lamina. “Ang mga araw na ito ay hindi malilimutan,” isinulat ni Oliver. “Ang [maupo] sa ilalim ng tinig na dinidiktahan ng inspirasyon sa langit, pinukaw ang sukdulang pasasalamat ng pusong ito!”
Nang makarating sina Joseph at Oliver sa salaysay tungkol sa personal na ministeryo ni Jesus sa mga Nephita, nagsimula silang mag-isip kung may sinuman sa kanilang panahon ang may awtoridad na pangasiwaan ang totoong simbahan ni Cristo. Inalala nila lalo na ang tungkol sa binyag. Noong ika-15 ng Mayo 1829, nilisan nila ang tahanan ng mga Smith kung saan sila gumagawa ng pagsasalin upang maghanap ng tagong lugar para manalangin sa isang kalapit na kakahuyan.
Anumang pag-aalinlangan na mayroon pa rin si Oliver Cowdery ay tiyak na napawi nang ang nabuhay na mag-uli na si Juan Bautista ay “bumaba sa isang ulap ng liwanag, at nang nakapatong ang kanyang mga kamay sa amin ay [sinabing,] ‘Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan.’” Ang karanasang ito ay nagpatatag sa pananampalataya ni Oliver. “Mayroon pa bang puwang sa pag-aalinlangan?” Kalaunan ay isinulat ni Oliver tungkol sa pangyayari. “Wala na; naglaho na ang kawalang-katiyakan, napawi na ang pag-aalinlangan.”